Paano Nagbago ang Ating Daigdig?
Paano Nagbago ang Ating Daigdig?
NAGBAGO ba ang iyong daigdig? Ang sinaunang pilosopong Griego na si Heracleitus ay nagsabi: “Walang nananatili kundi ang lahat ay nagbabago.” Laging may pagbabago sa buhay nating lahat.
Habang ginugunita mo ang nakalipas na 10, 20, 30, o higit pang mga taon, anu-anong pagbabago ang nakita mo? Maaaring nakita mo ang pagbabago sa anyo ng pagiging makabago at sa anyo ng pagwawaksi ng tradisyunal na mga pamantayan. Walang alinlangan, nakikita mo ang ilang positibo at ang iba naman ay negatibong mga pagbabago.
Kung ikaw ay mahigit nang 70, anu-anong pagbabago ang nakita mo mula sa iyong kabataan? Natatandaan mo ang panahon nang wala pang TV, nang ang mga eruplano ay marahang tumatakbo ng sandaan at limampung kilometro sa isang oras, nang ang karamihan ng internasyonal na paglalakbay ay sa pamamagitan ng malalaking pampasaherong bapor, nang ang mga pagkasugapa sa droga ay natatakdaan sa mga kublihan na pinupuntahan ng mga humihitit ng opyo, nang ang mga kotse ay iilan at kakaunti. Oo, ang iyong daigdig ay nagbago nga.
Ang Nagbagong Lipunan ng Mamimili
Ngunit ang daigdig ay nagbago kahit na para sa nakababatang mga tao. Mga 45 taon lamang ang nakalipas, ang mga pamilihang pandaigdig ay dominado ng Kanluraning mga produkto at kaalaman. Ngayon, ang mga bansa sa Silangan na nasa gilid ng Karagatang Pasipiko ay nangunguna sa paggawa ng mga kotse, computer, kamera, TV, at marami pang klase ng kagamitang elektronik.
Inilalarawan ito ng kung ano ang sinabi ng isang may karanasang manlalakbay na Intsik sa Gumising!: “Mga 30 o 40 taon lamang ang nakalipas, ang pangarap ng karaniwang Intsik ay magkaroon ng isang bisikleta at isang makinang panahi. Iyan ang mga ari-ariang nagpapahiwatig ng prestihiyo. Ngayon ang pangarap ay magkaroon ng isang color TV, VCR, repridyeretor, at isang motorsiklo.” Ang lipunan ng mamimili, ito man ay sa Tsina o saanmang dako, ay nagbago sa panlasa at mga kailangan.
Ang uring ito ng pagbabago sa pangmalas ay nangyari sa maraming bansa habang bumubuti ang ekonomiya ng bansa. Si Pedro, isang Catalan na nasa kaniyang maagang 40’s, ay nagsabi: “Sa Espanya mga 30 taon na ang nakalipas, ang ambisyon ay magkaroon ng kahit man lamang isang maliit na 600 cc kotseng Seat [Fiat]. Ngayon ang mga Kastila ay naghahangad ng isang kotseng Aleman na BMW!” Si Jagdish Patel, isang residente sa Estados Unidos, ay nagkomento tungkol sa isang paglalakbay niya kamakailan sa kaniyang lupang tinubuan na India: “Nagulat ako sa dami ng kotseng nasa mga lansangan ngayon sa India. Makikita pa rin sa mga haywey ang mga kotseng Hindustan, ngunit ngayon ang mga ito ay may kasamang makabagong uri ng mga kotse, motor na mga iskuter, at mga motorsiklo na gawa sa India sa ilalim ng pantanging pahintulot ng banyagang mga kompanya.”
Mga Pagbabago sa Siyensiya
Mga 25 taon lamang ang nakalipas, ipinalalagay pa rin ng marami ang buwan bilang isang nakaiintrigang hiwaga. Mula noon, ang tao ay nag-iwan na ng kaniyang bakas at siyentipikong mga kagamitan sa banyagang lugar na iyon ng buwan at nag-uwi ng mga sampol na bato para sa pagsusuri. Ang mga paglipad ng sasakyang pangkalawakan ng Amerika ay isang karaniwang pangyayari ngayon, at ang mga siyentipiko sa E.U. ay nag-uusap tungkol sa pagtatayo ng isang permanenteng istasyon sa kalawakan at tungkol sa pagpunta sa Mars.
Sino ang nakarinig tungkol sa AIDS 15 taon na ang nakalipas? Ngayon ito ay isang pambuong-daigdig na salot, at angaw-angaw ang namumuhay sa takot dahil dito.
Mga Pagbabago sa Pulitika
Mga apat na taon lamang ang nakalipas, isang waring di-mabubutas na pader ang naghihiwalay sa lunsod ng Berlin; may dating Komunistang Unyong
Sobyet at isang Cold War. Ngayon ang Berlin ang napiling kabisera ng isang nagkakaisang Alemanya, at 11 sa 15 republika ng dating Unyong Sobyet ang bumubuo ng Commonwealth of Independent States.Mga ilang taon lamang ang nakalipas, ang United Nations ay pangunahing isang arena ng labanan sa pagitan ng kapitalista at Komunistang mga kapangyarihan, kung saan ang mga bansang hindi kakampi ay umiiwas sa isang tiyak na pangako at kumikilos bilang mga miron. Ngayon ang mga bansa sa Silangan at Kanluran ay nag-uusap tungkol sa kapayapaan at katiwasayan, at ang United Nations ay nagtataglay ng higit na kapangyarihan at bisa. Maaari itong magpadala ng mga hukbong militar sa mga dakong may problema sa buong daigdig. Tatlong taon lamang ang nakalipas, may mga bansang kilala bilang Yugoslavia at Czechoslovakia. Ngayon ito ay kapuwa nabahagi sa maliliit na nagsasariling mga Estado.
Dahil sa lahat ng mga pagbabagong ito, ang daigdig ba ay lubhang sumulong tungo sa tunay na kapayapaan, katarungan, at patas na pamamahagi ng pagkain at yaman? Ang daigdig ba ay naging higit na sibilisado? Ikaw ba ay makalalakad sa mga lansangan nang hindi natatakot sa mga kriminal? Tayo ba ay naturuan anupat hindi na tayo napopoot sa iba dahil sa kanilang lahi, relihiyon, pulitika, istilo-ng-buhay, o wika? Ang pagbabago ba ay umaakay tungo sa tunay na pagsulong para sa sambahayan ng tao sa pangkalahatan at para sa ating tahanan, ang lupa? Saan tayo patungo? Susuriin ng sumusunod na mga artikulo ang mga ito at ang iba pang mga katanungan.