Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Kamatayan Dahil sa Alkohol sa Hapón
Ang mga kaso ng malubhang pagkalason sa alkohol ay biglang tumaas sa Hapón kamakailan, ulat ng The Daily Yomiuri. Isang salik: ang pagbabalik-muli ng ikkinomi, o pagtungga—pag-inom ng alak nang tuluy-tuloy. Kalimitang nangyayari ito dahil sa panggigipit o sa ilalim ng pamimilit ng mga miron na nag-uudyok at nangangantiyaw sa manginginom. Ang kausuhang ito ay halos nawala na, ngunit nakita ang paglitaw muli noong nakaraang taon. Inihahalintulad ni Miyako Omoto, pangalawang propesor sa paaralan ng panggagamot sa Toho University, ang pamimilit sa isang tao na tumungga ng alak sa tangkang pagpatay. Aniya: “Ang ikkinomi ay mapanganib sapagkat umiinom ang isang tao ng higit sa kaya ng kaniyang katawan bago humudyat ng babala ang kaniyang katawan.” Sinasabi ng Tokyo Fire Department na 9,122 katao ang dinala sa ospital na may malubhang pagkalason sa alkohol noong 1991—isang 8-porsiyentong paglago sa nakaraang taon. Anim sa kanila ang namatay.
Di-mapagparayang mga Kapitbahay
Sino ang pinakaayaw mo na maging kapitbahay? Iniharap ng European Value Systems Study Group ang katanungang iyan sa 20,000 katao sa 14 na bansa sa pagsisikap na mabatid ang karaniwang mga kinatatakutan at mga pagkiling. “Ang di-palak na pinakamapagparayang bansa ay ang Denmark,” sabi ng The European, samantalang iniulat na ang Portugal ang pinakamahigpit. Hinggil sa mga kapitbahay na may AIDS, ang mga tao sa Katolikong mga lupaing gaya ng Italya, Espanya, at Ireland ang nagpamalas ng labis na pagkamuhi samantalang ang mga taga-Belgium ang higit na di-mapagparaya sa lahi at relihiyon. Ang mga Aleman ay tutol sa mga taong may kinikilingan sa pulitika bilang mga kapitbahay. Ang mga lalaki at babae ay nagpamalas ng bahagyang pagkakaiba pagdating sa di-pagpaparaya. Subalit isang salik ang waring may kaugnayan sa di-pagpaparaya sa lahat ng bansa—edad. Ang mga taong may-edad na sa pangkalahatan ay mas mapili kung sino ang kanilang nais na maging mga kapitbahay.
Umuunti ang Bilang ng mga Tigre
Naiwawala ng isa sa pangunahing mga reserba ng kalikasan ng India ang pambihira nitong mga tigreng Bengal, ulat ng magasing New Scientist. Nasumpungan ng kamakailang sensus sa Ranthambhor reserve ang 15 tigre lamang—na umunti mula 44 sa nakalipas na tatlong taon lamang. Hindi kataka-taka, ang suliranin ay ang ilegal na pangangaso. Subalit higit pa sa magagandang balat ang habol ng ilegal na mga mangangaso sa ngayon. Ang mga buto ng tigre ay ginagawang “alak ng buto ng tigre,” na kilala bilang gamot na pampalakas sa ilang bansa sa Asia. Karaniwan nang pinapatay ng ilegal na mga mangangaso ang mga tigre ng may lasong pain, pinapatay kung minsan ang mga batang tigre kasama ng mga ina nito. Balintuna, ang Ranthambhor reserve ay dating tanghalan ng Project Tiger—isang pagsisikap na pangangalaga na nilayon upang iligtas ang tigreng Bengal mula sa pagkalipol. Lahat-lahat, mayroon lamang tinatayang 6,000 hanggang 9,000 ng kahanga-hangang mga hayop na ito ang nalalabi sa mundo.
Paninigarilyo at Baling mga Buto
“Sumapit na ang panahon pagka hihilingan maging ng mga orthopedist (dalubhasa sa mga kapinsalaan sa buto) ang kanilang mga pasyente na huminto sa paninigarilyo,” ulat ng pahayagang Folha de S. Paulo ng Brazil. Isiniwalat ng isang pagsusuri sa 29 katao na may baling mga buto na ang nikotina mula sa paninigarilyo ang nagpangyari sa mga daluyan ng dugo ng talamak na maninigarilyo na higit na tumigas. Pero, ang mga di-naninigarilyo at mga nanigarilyo nang wala pang dalawang taon ay may mga daluyan ng dugo na mas mahusay lumiit at lumaki, na tumutulong sa mga balì na mas mabilis gumaling. Sa katamtaman, ang mga balì ng mga di-naninigarilyo ay 28 porsiyentong mas madaling gumagaling kaysa mga matagal nang naninigarilyo. At, ang pagsinghot ng carbon monoxide ay bumabawas sa daloy ng oksiheno, kung kaya ang baling buto ay tumatanggap ng mas kaunting nutrisyon.
Lumalaganap ang Chagas’ Disease
Nag-uulat ang World Health Organization na mga 18 milyon katao sa Latin Amerika ay nahawahan ng parasito na sanhi ng Chagas’ disease, na maaaring maging dahilan ng malubhang sakit sa puso at kamatayan pa nga. Mga 90 milyon katao—25 porsiyento ng populasyon—sa 17 bansa sa Latin Amerika ay nanganganib na magkakaroon ng sakit, ayon sa pahayagang El Diario sa Bolivia. Isang insekto na karaniwang tinatawag na nanghahalik na insekto ang nagdadala ng sakit. Iminumungkahi ng Notícias Bolivianas na pintahan ng karburo ang lahat ng dingding, ikulong sa labas ang lahat ng hayop sa halip na sa loob ng bahay, at linising mabuti ang tahanan upang maiwasan ang nagdadala-ng-sakit na mga insekto. Hinggil sa pagsasalin ng dugo, ang pahayagan ding iyon ay nagsasabi na 47.6 porsiyento ng mga ito ay nagdadala ng panganib ng paglilipat ng Chagas’ disease. Ito’y naghinuha: “Ang pag-iwas sa dugo ay iminumungkahi kasuwato ng kautusan sa Bibliya.”
Nanganganib na mga Ibon
Sa 273 uri ng mga ibon na nagparami sa Alemanya, 166 ang nanganganib, sabi ng German Conservation Society. Ang mga dahilan ay ang panghihimasok ng mga daanan, industriya, masidhing pagsasaka, at turismo sa bukas na lupain. Ulat ng pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung na bagaman maraming lawa, landas ng ilog, at mga tubigan sa Alemanya ay ipinahayag na protektadong mga lugar, hindi sapat ang mga hakbang na ito upang saklolohan ang mga uring gaya ng black tern, ang little bittern, at ang white-tailed sea eagle. Ang pangangalaga
sa mga pinamumugarang lugar ay may bahagyang nagagawa maliban ang kanlungan ng mga ibon kung taglamig, gaya niyaong sa Aprika, ay maingatan din. Ang pahayagan ay nagsabi: “Sa maraming kaso, ang pangangalaga ay maaaring mangyari lamang kasunod ng internasyonal na pagtutulungan.”Mga Pakinabang ng Masahe sa Sanggol
“Ang intuwisyon at personal na mga karanasan ay nagsasabi sa atin na mabuti ang tao-sa-tao na paghipo,” komento ng Stress & Health Report. Ikinapit ang simulaing ito sa pangangalaga sa isang pangkat ng mga sanggol na kulang sa buwan, at ang pahayagan, na lathala ng Enloe Hospital sa California, ay sumipi ng isang siyentipikong pagsusuri sa gayong 40 sanggol. Dalawampu sa kanila ang binigyan ng tatlong banayad, 15-minutong masahe bawat araw. Ang dalawampung iba pa ay tumanggap ng normal na pangangalaga. Ang 20 minasahe ay mas bumuti kaysa 20 sa ilang kalagayan. Ang kanilang araw-araw na pagbigat sa timbang ay katamtamang 47 porsiyentong mas mataas, ang kanilang mga iskor sa mga pagsubok sa paggawi ay mas mataas, at sila’y waring mas aktibo at alisto. Ganito ang hinuha ng Stress & Health Report: “Kung ano ang mabuti para sa napakaliliit na sanggol ay marahil mabuti para sa ating lahat.”
Isang Lawang Di Na Makahinga
Ang kagila-gilalas na Lawa ng Victoria sa Aprika, ang ikalawang pinakamalaking tabang na lawa sa daigdig, ay nakaharap sa nakatatakot na kamatayan ng di paghinga, gaya ng paniwala ng ilang siyentipiko. Ang lumot ay waring dumarami sa pinakailalim ng lawa at sinasaid nito ang oksiheno ng tubig. Ang dahilan? Sa isang salita, ang tao, sa pamamagitan ng pagkalbo sa kagubatan, pagsasaka, at nagpuputok na populasyon. Ang matataas na antas ng mga nutriyente mula sa inaanod na lupa, alkantarilya, at usok sa kahuyan ang nagpapakain sa lumot. At, ipinasiya ng mga pinuno sa pangingisda mga 30 taon na ang nakalipas na paunlarin ang industriya ng pangingisda sa pamamagitan ng paglalagay ng Nile perch (isang uri ng malaking isda) sa lawa. Ang mga bagong dating na ito ay dumami, at lumago ang negosyo ng isda gaya ng isinaplano. Pero, kinain ng Nile perch ang maliliit na isda na siyang nagpanatili ng pagkakatimbang sa pamamagitan ng pagkain sa lumot. Higit sa kalahati ng gayong uri ng isda ang naglaho na. Dahil sa labis na pangingisda at pagkaubos ng oksiheno, maaaring manganib pati ang perch. Mga 30 milyon katao ang umaasa sa negosyo ng isda sa Lawa ng Victoria.
Ehersisyo ng Utak
“Mahuhusay na Utak.” Iyan ang taguri ng isang kampanya na nagdiriin sa paggamit ng utak. Ang saligan ay simple. Mientras ginagamit natin ang ating utak—sa pagbubulay-bulay, pagdidisenyo, pagkatuto ng bagong mga bagay—mas mahusay ang pagkilos nito. “Tinataglay ng ating utak ang walang-katapusang potensiyal na lumutas ng mga suliranin, subalit nakalulungkot naman na ikasampung bahagi lamang ng kapasidad ng utak ang ginagamit ng tao sa katamtaman,” ang pagdiriin ni Juhani Juntunen, isang mananaliksik sa utak at tagapangasiwa ng ospital na gumaganap bilang isang project manager sa kampanya. “Hasain ang inyong mga utak, matuto ng bagong mga bagay, at tataglayin mo ang higit na kakayahan na iyong magagamit,” himok niya. Siya’y nayayamot na napakarami ang humahanga sa kabataan at minamaliit ang kakayahan ng utak ng mga may-edad na, sapagkat siya’y naniniwala na ang utak ng mga may-edad na ay mas mahusay kaysa mga kabataan sa ilang bagay. “Hindi lamang nagkataon na ang nasa matataas na posisyon ay pinanunungkulan ng mga may-edad,” wika ni Juntunen. “Ang utak ay maaaring maging isang humihinang kagamitan, subalit nagagamit ito ng mga may-edad na nang mas may kabihasaan kaysa mga kabataan.”
Umuunting Pagkakasarisari
Ayon sa magasing Superinteressante ng Brazil, ang ilang uri ng melon sa Espanya at iba’t ibang uri ng sibuyas sa Central Asia ay naglalaho, at sa Brazil ay may mga uri ng tubó at mais na nalipol na. “Ang pagkukulang ay nasa industriya at mga mamimili, na laging naiibigan ang katulad na mga produkto,” ang siniping sabi ni Edouard Saouma, panlahatang patnugot ng UN Food and Agriculture Organization. Isinusog pa ng magasin: “Yamang nais ng mga magsasaka na sapatan ang pamilihan, ang pag-unti ng mga uri ay tumitindi bawat araw.” Dahil sa gayong pagsasapamantayan, maaaring maiwala ng sangkatauhan ang 40,000 uri ng mga gulay sa darating na mga dekada, babala ni Saouma. Natatakot ang mga siyentipiko na kung walang biyolohikal na pagkakasarisari, ang mga ani ay mas madaling tablan ng mga salot.
Ang Pinakanakamamatay na Nakasusugapang Substansiya
Hindi lamang isa sa pinakanakasusugapang droga sa pag-abuso ang sigarilyo kundi “di-palak ang pinakanakamamatay,” sabi ng dating patnugot ng Institute for the Study of Smoking Behavior and Policy, si Thomas C. Schelling. Ang paghinto ay mahirap, sabi niya sa Enero 24, 1992, labas ng magasing Science. Ang bilang ng tagumpay sa paghinto sa loob ng dalawang taon o higit pa ay 1 sa 5 sa bawat pagtatangka. Bakit napakahirap huminto? Itinala ni Schelling ang mga dahilang ito: Ang mga sigarilyo ay mura, madaling makuha, nabibitbit, at naitatago; wala itong nilikhang kapinsalaan sa anumang pakultad; at hindi kailangan ang anumang kagamitan sa paninigarilyo. “Mabagal na lumitaw ang kapinsalaan,” aniya. “Ang mga tao na nagdaranas ng kanser at sakit sa baga at puso dahil sa paninigarilyo ay karaniwan nang naninigarilyo sa loob ng tatlumpung taon o higit pa bago lumitaw ang mga sintoma.” Bagaman ang nikotina ang pangunahing nakasusugapang sangkap sa sigarilyo, inaakala rin ni Schelling na ang lasa ng usok ng sigarilyo at ang saloobin sa pagpipigil na likha ng paninigarilyo ay maaaring makaragdag sa pagkasugapa. Bakit karaniwan ang pagbabalik sa dati? “Karamihan sa naninigarilyo na huminto na ay bibihirang higit sa 5 minuto ang layo sa pinakamalapit na sigarilyo, at sandali lamang mawalan ng pagpipigil upang lubusin ang simbuyo na manigarilyo,” aniya.