Hindi Siya Mapahinto sa Pangangaral Kahit ng Isang “Iron Lung”
Hindi Siya Mapahinto sa Pangangaral Kahit ng Isang “Iron Lung”
Kung minsan nangangailangan ng tibay-loob upang patuloy na mabuhay. Ito ay kuwento ng isa na nagtaglay ng gayong tibay-loob. Ang kaniyang pangalan ay Laurel Nisbet.
ISINILANG noong 1912 sa Los Angeles, si Laurel ay naging isang masiglang babae na mahal ang buhay at ang kaniyang pamilya. Ang pagkakaroon ng isang asawa at dalawang anak na pangangalagaan ay isang madaling atas para sa kaniya sa ilalim ng normal na mga kalagayan, subalit noong 1948 ang kaniyang pag-ibig sa buhay ay nasubok ng halos hindi sukat akalain. Siya ay dinapuan ng nakamamatay na virus ng polio.
Pagkatapos dumanas ng tulad-trangkasong mga sintoma sa loob ng ilang araw, siya ay unti-unting hindi makakilos. Siya’y dinala ng kaniyang asawa sa ospital sa bayan. Doon siya ay kabilang sa marami na nagkaroon ng polio. Takot ang sumakmal sa kaniya habang ang siksikang mga kalagayan ay nangailangan na siya ay mahiga sa sahig sa pasilyo at maghintay para sa isang iron lung (isang aparato para sa artipisyal na paghinga). Bawat paghinga ay isang pagkalaki-laking pagsisikap. Nang sa wakas ay magkaroon ng isang iron lung, siya ay naginhawahan na mailagay sa loob nito. Ngayon maaari niyang mahabol ang mahalagang hiningang iyon ng buhay na halos ay kunin sa kaniya!
Ang mga iron lung ay inimbento upang tulungan ang mga tao na ang mga kalamnan sa dibdib ay naparalisa dahil sa polio. Orihinal na inaakalang ito ay magiging isang pansamantalang hakbang hanggang sa gumaling ang mga kalamnan ng
pasyente, hinahayaan siyang huminga sa ganang sarili. Subalit sa pagtataka ni Laurel at sa malaking takot ng daigdig, ang bakal na mga makinang ito sa paghinga ay naging permanenteng tahanan ng maraming biktima. Si Laurel ay nabuhay nang nakahiga sa loob ng 37 taon sa loob ng isang iron lung. Hawak niya ang rekord ng pinakamatagal na nabubuhay na pasyenteng may polio sa loob ng isang iron lung.Ito ba lamang ang tanging dahilan ng kaniyang kabantugan? Tiyak na hindi. Si Laurel ay isang babaing nasa kaniyang mga edad 30 nang siya ay mailagay sa loob ng iron lung. Siya ay may dalawang anak na palalakihin at isang asawang pangangalagaan. Sa umpisa siya ay lungkot na lungkot. Pagkatapos, pagkaraan ng halos isang araw ng pagkaawa-sa-sarili, naipasiya niyang gawin ang pinakamainam sa kaniyang kalagayan. Sa wakas, siya ay inuwi sa bahay ng kaniyang asawa, at sinimulan niyang muling itayo ang kaniyang buhay. Natutuhan niyang pamahalaan ang kaniyang tahanan, mula sa iron lung.
Ngayon, isip-isipin mo kung ano ang katulad nito. Tanging ang ulo niya ang nakalabas mula sa makina sa paghinga (respirator). Isang plastik na kuwelyo at isang baras na metal, na humahawak na mahigpit sa kuwelyo sa kaniyang balagat, ay ginamit upang panatilihing hindi pinapasok ng hangin ang silindro. Isang bulusan sa ilalim ng tangke ang nagbabago sa presyon ng hangin sa loob ng tangke. Halos 15 ulit sa isang minuto, ang bulusan, na kumikilos bilang isang bomba, ay naglalabas ng hangin mula sa tangke. Ito ang nagpapangyari sa dibdib ng pasyente na tumaas habang pumapasok ang hangin sa ilong o sa bibig. Kapag lumiit ang bulusan at ang hangin ay napupuwersang pabalik sa tangke, nagkakaroon ng presyon sa dibdib, at ang pasyente ay humihinga nang palabas. Kaya mauunawaan mo kung bakit ang kuwelyo ay kailangang hindi pinapasok ng hangin yamang ang mga pagbabago sa presyon ng hangin ang nagpapangyari sa iron lung na umandar nang epektibo. Naikikilos ni Laurel ang kaniyang ulo, subalit iyon lang. Siya ay ganap na paralisado mula sa leeg pababa. Minamasdan niya ang kaniyang daigdig mula sa isang salamin na inilagay sa ibabaw ng kaniyang makina sa paghinga na nagpapabanaag sa isa pang salamin na inilagay sa kabila ng silid sa katapat na dingding. Ginagawa nitong posible para sa kaniya na makita ang kaniyang pinto sa harap at sinuman na lumalapit dito.
Pasok ang mga Saksi ni Jehova
Isang araw siya ay nagkaroon ng isang bisita, si Del Kuring, isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya ay pumasok doon mismo sa sala ni Laurel at nagsimulang turuan siya ng kahanga-hangang mga katotohanan ng Bibliya. Si Laurel ay may paggalang sa Salita ng Diyos at nakinig siya taglay ang isang bukas na isip at isang bukas na puso. Isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan, na humantong sa kaniyang pag-aalay sa Diyos noong 1965 bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon siya ay may higit pang dahilan upang mabuhay. Isang araw siya ay muling lalakad sa lupa at tatamasahin ang Paraisong nilayon ng Diyos para sa sangkatauhan! Anong laking kagalakan ang nadama rin niya, nang tanggapin ng kaniyang anak na babaing si Kay ang kaniyang bagong pananampalataya.
Maaaring itanong mo, ‘Kumusta naman ang kaniyang bautismo?’ Buweno, walang bautismo. Yamang wala siyang kakayahang huminga sa ganang sarili, imposible ang paglulubog sa tubig. Siya ay hindi kailanman nakapunta sa isang Kingdom Hall. Hindi siya kailanman nakadalo sa isang asamblea. Kailanman ay hindi niya nakita ang kaniyang anak na babae na nabautismuhan. Subalit higit ang nagawa niya sa paglilingkod kay Jehova kaysa maraming Kristiyano na wala namang kapansanan.
Alam mo, si Laurel ay isang mangangaral ng mabuting balita. Noong 37 taon ng kaniyang pagkaratay sa loob ng iron lung, natulungan niya ang 17 katao na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Bibliya. Paano niya ginawa ito? Mangyari pa, hindi siya maaaring magtungo sa bahay-bahay gaya ng pribilehiyong ginagawa ng karamihan ng mga Saksi. Subalit maaari siyang magpatotoo sa marami niyang mga atendant. Ako ay nagkapribilehiyo na maging isa sa mga ito.
Ako ay isang estudyanteng nag-aaral ng narsing noong 1972 at nagsimula akong magtrabaho sa kaniya bilang isang atendant. Kami ni Laurel ay may panahon sa pagtatapos ng aking turno na magkausap at makilala ang isa’t isa. Isang araw ay sinabi niya sa akin: “Ngayon, nais kong basahin mo ito sa akin.” Yamang ako ay sumang-ayon, tinagubilinan niya ako na kunin ang isang maliit na aklat na asul na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Tinanong ko siya kung saan magsisimula, at basta sinabi niya, “Simulan mo sa kabanata 1.” Sa gayon nagsimula ang isang pag-aaral
sa Bibliya, at ako man ay naging isang nag-alay na Saksi ni Jehova.Ang makina sa paghinga ni Laurel ay nakikita sa malaking bintana sa harap ng kaniyang bahay. Siya ay nakatira sa isang abalang kalye, kaya ang lahat sa bayan ng La Crescenta na nagdaraan ay makikita ang makina sa paghinga. Ito ay lumikha ng maraming pagkahabag at pag-uusyoso sa mga nagdaraan, at ang mga estranghero ay madalas na pumapasok upang makilala siya. Sa tuwina’y natutuwa siyang makipagkilala sa mga tao at nagkaroon ng maraming pagkakaibigan sa ganitong paraan, at siya ay nagpapatotoo sa mga taong ito. Ang kaniyang walang takot na pagpapatotoo para kay Jehova at sa kaniyang pag-asa sa hinaharap ay nagpahanga sa mga tao at nagbigay ng isang mabuting patotoo sa pangalan ni Jehova.
Kaunti lamang ang tulog ni Laurel. Mahirap siyang mapagod na gaya ng iba sa atin, yamang hindi siya makakilos. Ang ingay at patuloy na kilos ng bulusan sa ilalim ng makina sa paghinga ay nagpapanatili sa kaniya na gising. Ano ang ginagawa niya sa mga oras na ito? Siya ay nakikipag-usap sa kaniyang makalangit na Ama, lubusang nakikipag-usap sa taos-pusong panalangin. Tiyak ko na siya ay nanalangin para sa lakas at pagtitiis, subalit kadalasan nang hindi para sa kaniyang sarili, mananalangin siya para sa kaniyang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae. Malaki ang kaniyang habag sa iba at nagpapasalamat siya kay Jehova araw-araw para sa kaniyang mga pagpapala.
Kapag isang naglalakbay na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang dumarating sa kaniyang lugar, lagi nitong dadalawin si Laurel. Marami sa mga lalaking ito ang magsasabi na pagkatapos nilang makasama si Laurel, sila ang napapalakas! Iyan ang paraan niya. Siya ay laging positibo at masayahin at humahanap siya ng bawat pagkakataon na magpatotoo sa katotohanan.
Marami siyang napakasakit na mga karanasan, napakarami upang saysayin. Minsan siya ay kinailangang operahan sa apendiks, at isang sasakyan ang dumating mula sa ospital sa bayan upang kaunin siya. Sapagkat pumutok na ang kaniyang apendiks, siya ay mabilis na pinagulong sa loob ng sasakyan at isinugod sa ospital, kung saan siya ay tinistis ng doktor nang walang anestisya. Alam mo noong mga taon ng 1950, hindi nila alam kung paano bibigyan ng anestisya ang isang pasyenteng nasa loob ng iron lung.
Maraming Operasyon Subalit Walang Dugo
Tiniis niya ang kanser, malalaking operasyon, at talamak na mga sakit sa balat. Nakasisiphayo para sa kaniya kapag kailangan niyang magkamot subalit hindi niya makamot at kailangang ipagawa niya iyon sa kaniyang atendant. Bagaman ang kaniyang mga kalamnan ay paralisado, siya ay may pakiramdam sa buong katawan niya. Nakabuti naman ito sa kaniya, yamang nag-ingat ito sa kaniya na magkaroon ng mga sugat sa katawan dahil sa kahihiga. Palaisip siya tungkol sa pangangalaga sa kaniyang balat. Apat katao ang kailangan upang ibaling siya at paliguan siya minsan sa isang linggo. Ang mahirap na bagay na ito ay napakahirap para kay Laurel, subalit napangasiwaan niya ito gaya ng lahat ng iba pang bagay sa kaniyang buhay.
Ang mga panahong ito na kasama siya ay nakatutuwa at kaiga-igaya sa kabila ng mahirap na atas. Habang pinipihit namin ang kuwelyo sa palibot ng leeg niya upang tumagal ng isa pang linggo, hinihigpitan ito hangga’t maaari, pagngangalitin niya ang kaniyang mga ngipin at sasabihin: “Oh, ang imbensiyon mismo ng Diyablo!” Oo, alam ni Laurel kung saan ilalagay ang sisi sa gayong teribleng kalagayan. Nagsimula ito kay Satanas, na humikayat sa unang mga tao na talikdan si Jehova, na nagdala ng kasalanan, sakit, at kamatayan sa sangkatauhan.
Si Laurel ay maaaring lumpo sa pisikal subalit maliwanag na hindi sa espirituwal. Ginagamit niya ang bawat pagkakataon upang turuan ang mga tao tungkol sa kaniyang pag-asa na Paraiso. Kahit na malapit sa wakas ng kaniyang buhay, nang makaharap niya ang emergency na operasyon, nagawa niyang manindigan sa katuwiran. Noon ay 1985, at si Laurel ay 72 taóng gulang. Habang papalapit ang kaniyang operasyon, ang kaniyang doktor ay dumating upang sabihin sa kaniya na hindi nila magagawa ang operasyon nang walang dugo. Ipinaliwanag ng anak niyang babae na si Kay ang mga kahilingan ng kaniyang ina na umiwas sa dugo sapagkat sa pagkakataong ito napakahina ni Laurel anupat hindi siya halos makapagsalita. May mga tubo siya sa kaniyang lalamunan at hindi siya halos makabulong. Ang buong katawan niya ay nalason dahil sa isang pagbara ng dumi, at siya’y halos parang patay na.
Subalit sinabi ng doktor na kailangan niyang marinig ang paninindigang ito tungkol sa dugo mula kay Laurel. Ibinulong namin sa kaniyang tainga: “Laurel, kailangang sabihin mo mismo sa doktor ang tungkol sa dugo.” Walang anu-ano, sa pagtataka ko, dumilat ang kaniyang mga mata,
lumakas ang kaniyang boses, at sinabi niya sa doktor ang tungkol sa paninindigan niya tungkol sa dugo. Sumipi siya sa mga kasulatan, ipinaliliwanag na inaakala ng mga Saksi ni Jehova na ang pagtanggap ng isang pagsasalin ng dugo ay magiging isang kasalanan laban sa Diyos. Hinding-hindi ko malilimutan kung ano ang sumunod niyang sinabi: “Doktor, kung ililigtas mo ang buhay ko at magising ako at masumpungan ko na nilabag mo ang aking katawan, mamatamisin ko pa ang mamatay, at masasayang lamang ang ginawa mo.” Sa puntong ito, ang doktor ay hindi lamang kumbinsido sa kaniyang paninindigan kundi namangha sa kaniyang lakas at sumang-ayon na sundin ang kaniyang mga kahilingan.Si Laurel ay sumailalim ng apat-na-oras-ang-tagal na operasyon na may ilang tagumpay. Pagkatapos ng operasyon, inalis siya ng mga doktor sa iron lung sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 37 taon at inilagay siya sa isang higaan sa ospital. Ikinabit nila siya sa isang modernong makina sa paghinga sa pamamagitan ng pagbutas sa kaniyang lalagukan. Ito ang labis niyang ikinatakot. Ngayon, dahil sa modernong makina sa paghinga na nakakabit sa isang tubo sa kaniyang lalamunan, hindi siya makapagsalita. Nataranta siya dahil inaakala niyang hindi siya nakakukuha ng sapat na hangin. Siya ay namatay pagkalipas ng tatlong araw, noong Agosto 17, 1985, mula sa mga komplikasyon na nauugnay sa operasyon.
Natatandaan ko ang mga huling salita niya sa akin, marahil ang huling mga salitang binigkas niya, bago siya bigyan ng anestisya. Sabi niya: “Chris, huwag mo akong iwan.” Ngayon habang inaasam ko ang wakas ng matandang sistemang ito ng mga bagay at ang dumarating na pagkabuhay na muli, pinapangarap ko ang araw kapag mayayapos ko ang aking kaibigang si Laurel Nisbet at sabihin: “Narito ako. Hindi kita kailanman iniwan.”—Gaya ng inilahad ni Christine Tabery.