Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
“Sa halip na maging isang kanlungan mula sa kaigtingan, hirap, at kawalan ng katuwiran sa lipunan sa labas ng tahanan, ang pamilya kadalasan na ay waring nagdadala o pinalulubha pa nga ang mga paghihirap na ito.”—The Intimate Environment—Exploring Marriage and the Family.
ANG pananaliksik sa paksang karahasan sa pamilya ay isang bagong pagsisikap. Malawakang mga surbey ang isinagawa nito lamang nakalipas na mga dekada. Ang mga resulta ng mga imbestigasyong iyon ay maaaring pabagu-bago, subalit ang ilang pangunahing salik sa karahasan sa pamilya ay natuklasan. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
Anong Papel ang Ginagampanan ng Pinagmulan ng Pamilya?
Maraming mananaliksik ang nagsabi tungkol sa kanilang mga tuklas: “Mientras mas marahas ang mag-asawang aming kinapanayam, mas marahas ang kanilang mga anak sa isa’t isa, at sa kanilang mga magulang.”
Ang basta pagiging saksi sa karahasan sa pamilya ay may malaking epekto sa isang kabataan. “Ang isang bata na nakasasaksi sa kaniyang ina na binubugbog ay katumbas ng pagbugbog sa bata,” sabi ng terapist na si John Bradshaw. Isang kabataang nagngangalang Ed ay namumuhing makitang binubugbog ng kaniyang ama ang kaniyang ina. Gayumpaman, bagaman maaaring hindi niya natatalos ito, siya ay nakondisyong maniwala na dapat supilin ng mga lalaki ang mga babae at na upang gawin iyon, dapat takutin, saktan, at hamakin sila ng mga lalaki. Nang siya ay maging isang adulto, ginamit ni Ed ang mapagmalabis, marahas na mga taktikang ito sa kaniyang asawa.
Maingat na pinagbabawalan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na manood ng karahasan sa telebisyon, at iyan ay isang mabuting bagay. Subalit ang mga magulang ay dapat higit na pakaingat pagdating sa pagsubaybay sa kanilang paggawi bilang mga huwaran para sa kanilang madaling maimpluwensiyahang mga anak.
Anong Papel ang Ginagampanan ng Kaigtingan?
Ang pagbubuntis, kawalan ng trabaho, kamatayan ng isang magulang, paglipat, sakit, at mga problema sa pananalapi ay nagdadala ng kaigtingan, gaya ng ibang bagay. Sinusupil ng karamihan ang kaigtingan nang hindi bumabaling sa karahasan. Sa ilan, gayunman, ang kaigtingan ay maaaring maging isang pambungad sa karahasan, lalo na kapag sinamahan ng iba pang salik. Halimbawa, ang pangangalaga sa may edad nang magulang—lalo na kung ang magulang ay maysakit—ay kadalasang humahantong sa pag-abuso kapag ang nag-aalaga ay labis na nabibigatan ng iba pang mga pananagutan sa pamilya.
Ang pagpapalaki ng mga anak ay nagbubunga ng kaigtingan. Bunga nito, ang probabilidad ng pag-abuso sa bata ay maaaring dumami sa laki ng pamilya. Ang mga anak ay maaari ring magdala ng higit na pag-abuso sa asawa, sapagkat “ang alitan tungkol sa mga bata ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng mga away ng mag-asawa,” ulat ng Behind Closed Doors.
Di-wastong Pangmalas ng mga Sekso
Si Dan Bajorek, na nagpapatakbo ng isang pangkat ng mga tagapayo sa Canada, ay nagsasabi na ang abusadong mga lalaki ay may maling pangmalas sa mga babae: “Anumang kultura ang kanilang pinagmulan, sila’y pinalaki na maniwalang ang mga lalaki ang Numero 1.” Si Hamish Sinclair, na nangunguna sa isang programa sa paggamot sa
abusadong mga lalaki, ay nagsasabi na ang mga lalaki’y nasanay na maniwala na sila ay nakahihigit sa mga babae at na karapatan nilang “parusahan, disiplinahin o takutin sila.”Sa maraming bansa ang lalaki ay itinuturing na may karapatang tratuhin ang kaniyang asawa na parang isang bagay lamang, isang bahagi ng kaniyang ari-arian. Ang kaniyang pagsupil at pangingibabaw sa kaniyang asawa ay itinuturing na isang sukatan ng kaniyang pagkalalaki at karangalan. Kadalasan ang mga asawang babae ay binubugbog nang katakut-takot at inaabuso, at ang legal na mga sistema ay walang gaanong ginagawa tungkol dito sapagkat iyan ang kodigo sa mga bansang iyon. Ang lalaki ang nakahihigit, at ang babae ay nakabababa; ang babae ay dapat na lubusang sumunod sa lalaki gaano man kawalang dangal, karahas, kalisya, o kasakim ang lalaki.
Ang reporter ng CBS telebisyon na si Morley Safer ay nag-ulat tungkol sa isang bansa sa Timog Amerika: “Wala saanman sa Latin Amerika na halatang-halata ang kulto ng machismo . . . Ito ay palasak sa lahat ng lipunan, pati na sa mga hukuman kung saan sa pagtatanggol sa kaniyang dangal ay maaaring malusutan ng isang lalaki ang pagpatay, lalo na kung ang biktima ay ang kaniyang babae.” Sinabi niya na “walang dako sa lupa na humahamak sa mga babae” gaya ng ginagawa ng bansang iyon. Subalit ang pangingibabaw ng lalaki at ang paghamak sa mga babae ay malaganap. Hindi ito masusumpungan sa isang bansa lamang, gaano man kagrabe ito roon.
Binanggit ni Minna Schulman, patnugot ng isang ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng batas may kaugnayan sa karahasan sa pamilya sa New York, na ang karahasan ay isang kasangkapan na ginagamit ng mga lalaki upang panatilihin ang pagsupil at ipakita ang kapangyarihan at awtoridad sa isang babae. Susog pa niya: “Nakikita natin ang karahasan sa pamilya bilang isang maling paggamit ng kapangyarihan at pagsupil.”
Ang ilang nambubugbog ng asawang babae ay dumaranas ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili, ang mismong katangian na hinihikayat nila sa kanilang mga biktima. Kung magagawa nila iyan, kung gayon ang kanilang pagpahalaga-sa-sarili ay nasisiyahan, at sila ay nakadarama ng isang sukat ng kahigitan at pagsupil sa ibang tao. Inaakala nila na napatutunayan nila ang kanilang pagkalalaki sa ganitong paraan. Gayunman, napatutunayan nga ba nila? Yamang isinasagawa nila ang kanilang karahasan sa mas mahinang katawan na mga babae, pinatutunayan ba nito na sila nga ay tunay na malalakas na lalaki, o sa halip, pinatutunayan ba nito na sila ay di-makatuwiran? Mas nakakalalaki ba para sa isang mas malakas na lalaki na bugbugin ang isang mas mahina, hindi gaanong makapagtanggol na babae? Ang isang lalaki na may malakas na moral na karakter ay magpapakita ng konsiderasyon at pagkahabag sa mas mahihina at sa mga hindi gaanong makapagtanggol, hindi sila pinagsasamantalahan.
Ang isa pang pagpapakita ng kawalang-katuwiran ng pag-iisip ng mang-aabuso ay ang bagay na kadalasang sinisisi niya ang kaniyang asawa sa pagpukaw ng mga pambubugbog. Maaaring ipahiwatig
niya, o sabihin pa nga sa kaniya, ang mga bagay na gaya ng: ‘Hindi mo ito ginawa nang tama. Kaya kita ginugulpe.’ O: ‘Napakatagal ng hapunan, kaya nakukuha mo ang nararapat sa iyo.’ Sa isipan ng mang-aabuso, ito ay kasalanan ng babae. Gayunman, walang pagkukulang ng kabiyak ang nagbibigay-matuwid sa pambubugbog.Binabago ba ng Alkohol ang Kalagayan?
Yamang binabawasan ng alkohol ang pagsupil at dinaragdagan nito ang potensiyal para kumilos nang padalus-dalos, hindi kataka-taka na inaakala ng ilan na maaari nitong simulan ang pag-abuso. Kadalasang makakaya ng isang tao na masupil ang mararahas na emosyon kapag siya ay matino, subalit pagkatapos ng ilang pag-inom, siya ay nagiging mapang-abuso. Sinisira ng alkohol ang kaniyang mental na mga kakayahan at binabawasan ang kaniyang kakayahang supilin ang kaniyang galit.
Gayunman, ang iba ay nagsasabi na ang problema ay higit na nag-uugat sa kaigtingan kaysa alkohol mismo. Sinasabi nila na ang isang tao na gumagamit ng alkohol upang mabata ang kaigtingan ay katulad din ng taong maaaring gumamit ng karahasan sa layuning iyan. Ito’y nangangahulugan na ang umiinom ay maaaring mapang-abuso rin kung matino ang isip na gaya ng kung siya ay lasing. Gayumpaman, anuman ang pangangatuwiran sa bagay na ito, ang alkohol ay tiyak na hindi nakatutulong upang supilin ang mga damdamin ng isa kundi karaniwang ginagawa ang kabaligtaran.
Kung Paano Hinuhubog ng Media ang mga Kilos
Ang telebisyon, gayundin ang pelikula, sabi ng iba, ay humihimok ng isang machong larawan para sa mga lalaki at nagtuturo na ang karahasan ang lehitimong paraan upang pakitunguhan ang alitan at galit. “Nabighani ako sa aking matinding pagtugon sa pelikulang Rambo,” amin ng isang tagapayo sa pamilya. “Bagaman ang aking masunurin-sa-batas na [panloob] na kaisipan at damdaming adulto ay nahihintakutan sa lansakang pagpatay ni Rambo, ang aking [panloob] na damdaming bata ay humihimok sa kaniya na patuloy na pumatay.”
Yamang maraming bata ay nalalantad sa libu-libong oras ng panonood ng telebisyon na may di-mabilang na mga gawa ng karahasan, panghahalay, at paghamak sa ibang tao, lalo na sa mga babae, hindi kataka-taka na marami ang maaaring lumaki na ginagawa ang mismong antisosyal na mga ugaling iyon sa iba. At hindi lamang ang mga bata ang apektado kundi ang mga adulto rin naman.
At, lalo na nitong nakalipas na mga taon, ang antas ng detalyadong karahasan, imoralidad, at paghamak sa mga babae na inilalarawan sa telebisyon at sa mga pelikula ay lubhang dumami. Tiyak na pinalulubha lamang nito ang marahas na tagpo sa pamilya. Gaya ng natuklasan ng isang pangkat na nagsisiyasat, may “isang maliwanag . . . na kaugnayan sa pagitan ng panonood ng karahasan sa telebisyon o sa pelikula sa agresibong paggawi.”
Ang Epekto ng Pagbubukod
Ang buhay ay panlahat at malungkot para sa marami sa ngayon. Ang mga tao ay namimili sa malalaking panlahat na mga tindahan para sa kanilang mga kailangan sa halip na mamili sa lokal na mga pamilihan kung saan nakikilala ng mga may-ari ang lahat ng mga suki sa pangalan at nakikipag-usap sa kanila. Dahil sa mga pagbabago sa mga lunsod, mga problemang pangkabuhayan, at kawalan ng trabaho ang mga pamilya ay napipilitang maging hindi pirmihan. Isang mataas na bilang ng karahasan sa pamilya ay nasumpungan sa gitna niyaong walang matibay na kaugnayang panlipunan.
Si James C. Coleman, sa kaniyang aklat na Intimate Relationships, Marriage, and the Family, ay nagpapaliwanag kung bakit inaakala niyang ito ang kalagayan. Inaakala niyang ang pagiging mapag-isa ay pumuputol ng makahulugang pag-uusap at ginagawang mahirap para sa isang mang-aabuso na makita ang kaniyang kalagayan nang makatuwiran at humingi ng tulong mula sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. Dahil sa walang mga kaibigan at malapit na mga kamag-anak na maaaring kumilos bilang isang puwersang pipigil ay nagpapangyari sa isang tao na mas madaling isagawa ang kaniyang kasakiman, yamang ang kaniyang maling pag-iisip ay hindi nasasawata ng iba na malapit sa kaniya. Gaya ng sinasabi sa Kawikaan 18:1: “Ang isa na humihiwalay ay humahanap ng sariili niyang nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”
Tulong Para sa Marahas na Pamilya
Natalakay natin ang isa lamang bahagi ng mga paliwanag na ibinigay para sa karahasan sa pamilya. May mga iba pa. Dahil sa nakilala natin ang ilan sa mga dahilan, kailangang suriin natin ngayon ang mga solusyon. Kung ang isa ay nasa isang marahas na pamilya, paano maihihinto ang pag-abuso? Ano ang pangmalas ng Bibliya? Magwawakas pa kaya ang karahasan sa pamilya? Tatalakayin ng artikulo sa pahina 10 ang mga tanong na ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Emosyonal na Karahasan—Nakasasakit na mga Salita
SA PISIKAL na pag-abuso ang pagsalakay ay sa pamamagitan ng mga kamao; sa emosyonal na pag-abuso ang pagsalakay ay sa pamamagitan ng mga salita. Ang tanging pagkakaiba ay ang pagpili ng mga sandata. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 12:18: “Mayroong isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng mga pantas ay nagpapagaling.”
Gaano kapanganib ang emosyonal na karahasan, pati na ang “mga saksak ng isang tabak”? Si Dr. Susan Forward ay sumusulat: “Ang resulta ay katulad din [ng sa pisikal na pag-abuso]. Nakadarama ka rin ng takot, kawalang kaya, at nakadarama ka rin ng labis na kirot,” ng damdamin.
Ang emosyonal na karahasan sa isang asawa: “Ang karahasan sa pagitan ng mag-asawa ay hindi lamang pisikal. Sa kalakhang bahagi, marahil ang pinakamalaking bahagi pa nga nito, ay ang berbal at emosyonal na karahasan,” sabi ng isang malaon nang biktima. Maaaring kabilang sa pag-abuso ang pagbansag, pagsigaw, madalas na pagpuna, humahamak na mga insulto, at mga banta ng pisikal na karahasan.
Ang malisyosong mga komento na humahamak, humihiya, o nananakot ay maaaring gumawa ng malubhang pinsala. Tulad ng tubig na tumutulo sa isang bato, ang humahamak na mga pasaring ay maaaring tila hindi nakapipinsala sa simula. Subalit di-nagtatagal ang pagpapahalaga-sa-sarili ay naaagnas. “Kung papipiliin ako sa pagitan ng pisikal at berbal na pag-abuso, pipiliin ko pa ang pagbugbog anumang panahon,” sabi ng isang babae. “Makikita mo ang mga marka,” sabi niya, “kaya sa paano man nahahabag sa iyo ang mga tao. Sa berbal na pag-abuso, nililigalig ka nito. Ang mga sugat ay hindi nakikita. Walang nagmamalasakit.”
Emosyonal na karahasan sa isang bata: Maaaring kabilang dito ang palaging pagpuna at paghamak sa hitsura, talino, kakayahan, o halaga ng bata bilang isang tao. Ang pagtuyâ ay lalo nang nakapipinsala. Kadalasan nang tinatanggap ng mga bata ang mga pagtuyâ ayon sa kahulugan nito, hindi nakikita ang kaibhan sa pagitan ng kung ano ang sinabi nang tapat at kung ano ang sinabi nang “pabiro.” Ang terapist ng pamilya na si Sean Hogan-Downey ay nagsabi: “Ang bata ay nasasaktan, subalit ang lahat ay tumatawa, kaya natututuhan niyang huwag magtiwala sa kaniyang mga damdamin.”
Sa gayon, sa karamihan ng mga kaso, may katotohanan sa minsa’y sinabi ng mananalaysay at manunulat ng sanaysay na taga-Scotland na si Thomas Carlyle: “Sa pangkalahatan, ang pagtuyâ ay itinuturing ko ngayon na wika ng Diyablo; dahil dito, malaon ko nang itinakwil ito.”
Si Joy Byers, isang dalubhasa tungkol sa pag-abuso-sa-bata, ay nagsasabi: “Ang pisikal na pag-abuso ay maaaring pumatay sa isang bata, ngunit maaari mo ring patayin ang pagkatao at disposisyon ng bata, at iyan nga ang maaaring gawin ng paulit-ulit na negatibong mga komento ng magulang.” Ang magasing FLEducator ay nagkokomento: “Di-gaya ng pasâ na maaaring kilalanin at naglalaho, ang emosyonal na pag-abuso ay lumilikha ng di-nakikitang mga pagbabago sa isipan at personalidad ng bata na permanenteng bumabago sa kaniyang pagkatao at sa kaniyang kaugnayan sa iba.”
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagkalantad sa karahasan ay may malakas na impluwensiya sa paggawi ng bata sa dakong huli