Pag-iingat ng Katapatan sa Alemanyang Nazi
Pag-iingat ng Katapatan sa Alemanyang Nazi
ISANG malamig na araw ng Abril noong 1939, ako’y ipinadala sa piitang kampo ng Sachsenhausen sa Alemanya. Kasama ng iba pang bagong bilanggo, ako’y humarap sa komandante ng kampo, isang mabagsik na lalaking binansagang Foursquare dahil sa kaniyang matipunong pangangatawan. Sa kaniyang “pagtanggap na talumpati,” kinagalitan niya kami, inilalarawan ang malupit na pagpapahirap na maaasahan namin.
“Makukuha ninyo ang anumang gusto ninyo buhat sa akin,” sigaw niya, “isang baril sa ulo, isang baril sa dibdib, isang baril sa tiyan!” At siya’y nagbabala: “Ang mga tauhan ko ay asintado. Ipadadala nila kayo na diretso sa langit! Ang tanging paraan na kayo ay makaaalis dito ay bilang isang bangkay.”
Pagkatapos ako ay ipinadala sa Isolation (ganap na hiwalay), isang nababakurang bahagi sa loob ng kampo. Dito ikinukulong ang mga Saksi ni Jehova, kasama ng iba pang bilanggo na itinuturing na mapanganib. Nang ako’y dalhin doon, isang binatang SS (Blackshirts/Piling Bantay ni Hitler) ang paulit-ulit na sumampal sa akin sapagkat ako’y tumangging pumirma sa kasulatang nagtatakwil ng aking pananampalataya.
Kinaibigan ako ni Otto Kamien mula sa Herne, tinulungan akong tahiin sa aking uniporme ang aking numero bilang preso at ang tatsulok na lila, na nagsisilbing pagkakakilanlan ng mga Saksi ni Jehova sa kampo. Ipinakita rin niya sa akin kung paano aayusin ang higaan—ang mga bilanggo ay hinahampas o pinapatay pa nga dahil sa hindi pag-ayos ng kanilang kama nang wasto.
Si Otto ay nagbabala: “Sa pana-panahon, tatanungin ka nila kung ikaw ay isa pa ring Saksi ni Jehova. Maging matatag ka, tapat, at sabihin mong malakas at malinaw: ‘Ako’y isa pa rin sa mga Saksi ni Jehova.’” Sabi pa niya: “Kung ikaw ay matatag at tapat, lalayuan ka ng Diyablo.” (Santiago 4:7) Ang pampatibay-loob ni Otto ay tumulong sa akin na manatiling tapat sa Diyos sa susunod na anim na taon na ginugol ko sa tatlong piitang kampo.
Kapag ginugunita ko ang mahihirap na mga taóng iyon, batid ko, ngayon higit kailanman, na tanging sa tulong lamang ng Diyos na ako’y nakapanatiling tapat. Paano nangyari na noong Enero 20, 1938, ako ay unang inaresto?
Ang Aking Unang mga Taon
Mga ilang taon bago ako isilang noong 1911, ang aking mga magulang, na nakatira sa Königsberg, Silangang Prussia, ay naging Bibelforscher (mga Estudyante ng Bibliya), gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Ako’y may tatlong kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae, at kami ay madalas na isama ni Nanay sa mga pulong. Nakalulungkot nga lang, pagkatapos ng ilang panahon si Tatay ay hindi na nakisama sa pamilya sa tunay na pagsamba. Bagaman ang aking mga kapatid na lalaki at isa sa aking mga kapatid na babae ay naging masigasig na mga tagapaghayag ng Kaharian, nang maglaon kami ng aking ate na si Lisbeth ay hindi na nagbibigay ng pansin sa mga katotohanan ng Bibliya na natutuhan namin.
Nang ako ay nasa aking maagang 20’s, si Hitler ay naging makapangyarihan sa Alemanya, at ang mga tao ay inilagay sa ilalim ng matinding panggigipit. Ako’y nagtrabaho bilang isang mekaniko ng kotse sa isang malaking plantang nagkukumpuni sa Königsberg. Kapag ang Führer ay nagtatalumpati kung pantanging mga okasyon, lahat sa planta ay kailangang magtipon. Naging karaniwang bati
na ang “Heil Hitler!” Sa wakas ako ay inutusang makibahagi sa patiunang pagsasanay militar, kaya kailangang harapin ko ang tanong na, Kaninong panig ako?Mula sa Gawa 4:12, batid ko na ang heil, o kaligtasan, ay hindi galing kay Hitler kundi tangi lamang sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kaya hindi ko masabi ang “Heil Hitler,” at hindi ko kailanman sinabi ito. Gayundin, hindi ko pinansin ang utos na makibahagi sa patiunang pagsasanay militar.
Noong 1936 at 1937, ang aking ina, ang aking nakababatang kapatid na babaing si Helene, at ang aking mga kapatid na lalaki, sina Hans at Ernst, ay pawang inaresto. Mula noon nais ko ring manindigan sa panig ng tunay na Diyos. Sinimulan kong basahin ang Bibliya kung gabi, at ako’y nanalangin kay Jehova na tulungan ako. Si Lisbeth ay nagsimula ring magkaroon ng higit na interes.
Ang Aking Paninindigan
Nang dumating ang panahon, ako’y nanindigan sa panig ni Jehova at tumangging maglingkod sa hukbo ni Hitler, kahit na ako ay hindi pa bautismado. Ako’y dinakip at ibinigay sa militar. Pagkalipas ng limang linggo ako’y hinatulan ng hukumang militar sa Rastenburg ng isang taon na pagkabilanggo.
Ako’y inilagay sa bartolina sa Central Prison sa Stuhm, Kanlurang Prussia. Kapag panahon ng aking ehersisyo sa bakuran ng bilangguan, ako’y nakasumpong ng kaaliwan sa pagpapalitan ng sulyap sa tapat na mga Saksi mula sa Königsberg na nakilala ko mula sa pagkabata. Pagkatapos ang mga kapatid ko—sina Paul, Hans, at Ernst—ay pawang inilagay sa kulungan ding iyon dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Samantalang ako’y nasa bartolina, kung minsan ay nagagawa ni Hans na magpuslit ng isang pirasong tinapay sa akin.
Nang matapos ko ang aking takdang pagkabilanggo, ako ay paulit-ulit na tinanong ng Gestapo sa Königsberg. Yamang ayaw kong baguhin ang aking isip, ako’y dinala sa piitang kampo sa Sachsenhausen. Doon ako ay inatasang magtrabaho sa gawaing pagtatayo sa isang garahe, nagtatrabaho mula alas sais ng umaga hanggang alas sais ng gabi. Dahil sa grabeng pagmaltrato, sinikap ng ilang bilanggo na tumakas, nalalaman na, kung sila’y mahuli, sila ay babarilin. Minsa’y nakita kong nagpakamatay ang isang bilanggo sa pamamagitan ng pagtalon sa bakod na may kuryente.
Ang Panggigipit ay Tumindi
Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at ang panggigipit sa amin sa Sachsenhausen ay tumindi. Dumami ang aming trabaho, at kami ay pinagkaitan ng aming mainit na lanang pananamit. Noong Setyembre 15 ang mga Nazi ay gumawa ng isang halimbawa sa aming Kristiyanong kapatid na si August Dickmann, na tumangging maglingkod sa militar. Kaya isang pantanging asamblea ang isinaayos para sa pagpatay sa kaniya.
Ilang daan sa amin na mga kapuwa Saksi ang nakasaksi sa pagbaril ng firing squad at si August ay bumagsak na patay. Pagkatapos ang lahat ng bilanggo ay pinaalis maliban sa mga Saksi ni Jehova. Saka nagtanong si Foursquare kung sino ang handang pumirma sa kasulatan na nagtatakwil sa pananampalataya at nagpapahiwatig ng pagkukusang maging isang sundalo. Walang pumirma isa man, at si Foursquare ay galit na galit.
Ang taglamig ng 1939 ay matindi. Kaunti lamang ang aming kasuutan at kulang ng pagkain, kaya marami ang namatay. Marami sa aming mas matandang mga kapatid ay namatay, subalit sa pangkalahatan ang persentahe ng mga kamatayan
sa gitna naming mga Saksi ay maliit kung ihahambing sa ibang pangkat ng mga bilanggo. Kahit na ang matipunong si Foursquare ay nagkasakit at namatay noong Pebrero 1940.Sa Isa Pang Kampo
Mga ilang araw pagkamatay ni Foursquare, 70 sa amin ang inilipat sa isang maliit na kampo ng Wewelsburg malapit sa Paderborn. Inaasahan namin na ang mga kalagayan doon ay magiging mas mabuti, subalit ang kabaligtaran ang totoo. Mas kaunti ang aming pagkain at mas mabigat ang trabaho sa isang tibagan ng bato. Kung minsan kami ay basang-basa dahil sa niyebe at ulan. Noong totoong mahirap na panahong ito, hihilahin ko ang kumot sa ulo ko sa gabi at ibinubuhos ko ang nilalaman ng puso ko na may kasamang pagtangis kay Jehova. Tuwing ginagawa ko iyon, nakadarama ako ng panloob na kahinahunan at kapayapaan ng isip, sa gayo’y tinatanggap ko mula sa Diyos ang “tulong sa tamang panahon.”—Hebreo 4:16.
Pinangalagaan ni Jehova ang aming espirituwal na kalusugan. Ang mga Saksi mula sa kampong piitan ng Buchenwald ay ipinadala sa Wewelsburg, dala-dala nila ang espirituwal na pagkain sa anyo ng mga literatura sa Bibliya. Sa maliliit na grupo kami’y nagtutungo sa dormitoryo, kung saan kami ay sumasama sa kanila sa isang lihim na Pag-aaral ng Bantayan. Kahit na ang pisikal na pagkain sa kampo ay medyo bumuti nang kaunti.
Pinasasalamatan ko si Jehova sa kabaitan niya nang isaayos ng isang kapuwa Saksi na ako’y magtrabahong kasama niya sa isang pandayan. Sa mga lugar ng trabaho, kung saan mga Saksi lamang ang nagtatrabaho, ang mga bilanggo ay tumatanggap ng mas mabuting mga rasyon ng pagkain. Isa pa, ito ay mainit, at walang mapaniil na pagpapatrabaho. Sa pisikal na paraan ako ay nakinabang nang husto anupat sa loob ng anim na buwan ako ay muling naging matipuno, bagaman noong una ako ay buto’t balat.
Balita Tungkol sa Aking mga Kapatid na Lalaki
Samantalang nasa Wewelsburg, nakabalita ako mula sa aking kapatid na si Lisbeth na ang aming kapatid na si Ernst ay nanatiling tapat kay Jehova hanggang sa kamatayan. Siya ay pinugutan ng ulo sa Berlin noong Hunyo 6, 1941, pagkaraan ng apat na taon na pagkabilanggo. Nang marinig ng iba pang Saksi ang balita, nilapitan nila ako at kinamayan. Ang kanilang positibong saloobin ay labis na nakabagbag ng aking damdamin. Ang pananatiling tapat ay mas mahalaga sa amin kaysa pagkaligtas ng buhay.
Pagkalipas ng dalawang taon, noong Pebrero 1, 1943, ang aking kuyang si Hans ay binaril sa Quednau malapit sa Königsberg. Si Hans ay 34 at siya’y nabilanggo ng limang taon. Nang maglaon, isang nakasaksi mismo sa pagpatay sa kaniya ang nagsabi sa akin na tinanong ng opisyal si Hans kung ano ang kaniyang huling hiling. Hiniling ni Hans na siya’y pahintulutang manalangin, na ipinagkaloob naman. Ang panalangin ay nakagawa ng gayon na lamang impresyon sa mga sundalo anupat nang sa wakas ay ipag-utos ng opisyal ang pagbaril, isa man sa kanila ay hindi sumunod. Inulit niya ang utos, kung saan isang baril ang pumutok, tinamaan si Hans sa katawan. Pagkatapos ay binunot ng opisyal ang kaniya mismong baril at personal na pinatay si Hans.
Iba Pang Halimbawa ng Katapatan
Sa mga Saksing inilipat mula sa Buchenwald tungo sa Wewelsburg, 27 ang pinili para sa paglilingkod militar at ipinadala upang maglingkod sa iba’t ibang yunit. Lahat ay tumangging italaga sa tungkulin; isa lamang ang tumanggap ng paglilingkod na walang kaugnayan sa pakikipagbaka. Ang 26 ay binantaang bibitayin, pawang wala ring nagawa. Pagbalik nila sa kampo sa Wewelsburg, ang komandante ay nagbanta: “Kayo ay mamamatay at ililibing sa loob ng apat na linggo.”
Ang tapat na mga kapatid na ito ay saka binigyan ng lalong malupit na pagtrato. Inisip ng SS ang lahat ng paraan upang apihin, pagurin, at pahirapan sila hanggang sa kamatayan. Gayunman, lahat ng 26 ay nakaligtas! Nang maglaon, gayunding pagtrato ang ginawa sa ilang di-Saksi, at sa gitna nila ang dami ng namatay ay mataas kahit na pagkaraan lamang ng maikling panahon.
Ang Aking mga Kapatid na Babaing Nag-iingat ng Katapatan
Noong Abril 1943, ako’y inilipat sa kampo sa Ravensbrück. Ito ay pangunahin nang kampo para sa kababaihan subalit may isang maliit na bahagi para sa mga lalaki. Ako’y pinagtrabaho sa pagawaan ng kotse, sa harap mismo ng kampo ng mga babae. Di-nagtagal napansin ng nagdaraang Kristiyanong mga kapatid na babae ang aking tatsulok na lila. Anong laking kagalakan na makipagpalitan ng patagong pagbati o isang mainit na ngiti! Agad na kumalat ang balita na ako ang anak ni Lola
Rehwald. Oo, ang aking ina ay kabilang sa mga babaing nasa loob ng kampo, kasama ng aking kapatid na si Helene at ng aking hipag, asawa ng aking yumaong kapatid na si Hans!Nagagawa ng ating Kristiyanong mga kapatid na babae na paglaanan ako ng damit na panloob at paminsan-minsan ay isang pirasong tinapay. Minsa’y namaneobra nila ang mga bagay anupat lihim kong nakausap ang aking mahal na ina. Kung natuklasan ang aming pagtatagpo, malaking problema sana para sa amin. Anong pagkasaya-sayang muling pagsasama! Pagkalipas ng ilang buwan, mga ilang panahon bago napalaya ang kampo, ang aking ina ay namatay. Siya ay nanatiling tapat hanggang kamatayan.
Napalaya sa Wakas!
Noong Abril 1945 ang mga Ruso at ang mga Amerikano ay lumalapit sa Ravensbrück. Ako’y pinagkatiwalaan ng isang traktora at treyler upang tulungang ilikas ang kampo. Pagkatapos ng isang mapanganib na biyahe, ang namamahalang opisyal ng SS ay nagsabi sa amin na ang mga Amerikano ay malapit na at na malaya kaming gawin ang ibig namin.
Sa wakas ay nakarating kami sa Schwerin, estado ng Mecklenburg, kung saan nakilala namin ang maraming Saksi na nakulong sa kampo ng Sachsenhausen, kabilang na rito ang aking kuya na si Paul. Nakaligtas siya sa mga martsa ng kamatayan mula sa Sachsenhausen, gayundin sa iba pang pagpapahirap. Pagkaraan ng ilang araw kami ay sumakay ng tren patungo sa Berlin at nakita namin ang isang pamilya ng mga Saksi na may kabaitang kumupkop sa amin.
Malaki ang nagawa ng pamilyang ito sa pagtulong sa mga kapatid na lalaki at babae na napalaya mula sa mga kampo at mga piitan. Noong 1946, napangasawa ko si Elli, ang anak na babae ng pamilyang iyon. Sa wakas, gumawa ng mga kaayusan upang ako’y mabautismuhan, isang bagay na hindi posible sa loob ng mga kampong piitan.
Anong laking katuwaan sa nakalipas na mga taon sa mga kombensiyon na makatagpo ang mga kapatid na nakasama ko sa mga kampong piitan! Ang ilan ay isinapanganib ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang mga kapatid, at ang mga ito ay totoong mahal sa akin. Ang anim na miyembro ng aming pamilya na naaresto—ang aking ina, ang aking kapatid na si Helene, at ako, pati na ang aking mga kapatid na lalaki, sina Paul, Hans, at Ernst—ay gumugol ng kabuuang 43 taon sa bilangguan. At ang kapatid kong si Lisbeth ay nag-ingat din ng kaniyang katapatan sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1945.
Umaasa sa Lakas ni Jehova
Pagkatapos mag-asawa, kami ni Elli ay nagkapribilehiyo na maglingkod sa loob ng maraming taon sa Bethel sa Magdeburg at sa gawaing pagpapayunir hanggang sa palakihin namin ang aming dalawang anak na lalaki. Kami’y labis na nagpapasalamat na ang isa sa kanila, si Hans-Joachim, ay naglilingkod bilang isang matanda at ang kaniyang asawa ay isang payunir. Nakalulungkot nga, ang isa pa naming anak na lalaki ay hindi nanatili sa landasing Kristiyano na itinuro namin sa kaniya.
Mahigit na 45 taon ang lumipas mula noong mga karanasan ko sa kampong piitan. Subalit kahit na ngayon, hindi pa tinapos ng Diyos ng lahat ng di-nararapat na awa ang aking pagsasanay. (1 Pedro 5:10) Madalas na naipagugunita sa akin ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 10:12: “Kaya ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.”
Ngayon, sa gulang na 81, ako’y nagpapasalamat na ako’y nakababahagi pa rin sa gawaing pagpapatotoo at naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. At ako’y nagpapasalamat na ako’y nakatulong sa maraming tao na sumapit sa punto ng pag-aalay at bautismo. Ito man ay itinuturing kong isang kapahayagan ng di-nararapat na awa ni Jehova.—Gaya ng inilahad ni Josef Rehwald.
[Larawan sa pahina 20]
Si Josef Rehwald noong 1945
[Larawan sa pahina 21]
Ang pamilya Rehwald, mga 1914. Si Nanay at ang munting si Josef sa kaniyang kandungan
[Larawan sa pahina 23]
Sina Josef at Elli Rehwald sa kombensiyon sa Berlin noong 1991, kasama ang anak na si Hans-Jaochim at ang kaniyang asawa, si Ursula