Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Bagong Katesismong Katoliko
Ipinahayag ng Vaticano na pagkatapos ng anim na taon ng paghahanda, di magtatagal ilalabas nito ang isang bagong pandaigdig na katesismo. Ito lamang ang ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng Iglesya Katolika na nagawa ang isang katesismo. Ang unang pandaigdig na katesismo ay ginawa noong 1566, pagkatapos ng Konsilyo ng Trent, at naging bahagi ng pagsisikap ng iglesya na hadlangan ang mga ginawa ng Repormasyon. Ang pahayagang Pranses na Le Monde ay nagsasabi na inilalarawan ng bagong katesismo ang “isang pagbibigay-loob sa sinaunang pangkatin ng iglesya, na nagkakampanya simula pa nang Vatican II para sa pantanging katesismo na nagpapamalas ng mas matanda, mas tradisyunal na mga pamantayan.” Sa pagbibigay ng kaniyang opisyal na pagsang-ayon sa teksto, sinabi ni Papa Juan Paulo II na ang bagong katesismo ay “maglalaan ng tiyak na pagtukoy sa paghahanda ng pambansa at diyosesanong katesismo.”
Isang Pagpapala ang Pinalawig na Haba ng Buhay?
Bagaman napalawig nang bahagya ng siyensiya ng panggagamot ang katamtamang haba ng buhay ng tao sa nakalipas na mga taon, inaamin ni Dr. Hiroshi Nakajima, panlahatang patnugot ng WHO (World Health Organization), na “ang kalusugan at uri ng buhay ng populasyon ng daigdig ay hindi bumubuti.” Sa isang panayam ng pahayagang Le Figaro ng Paris, sinabi ni Dr. Nakajima: “Sang-ayon sa aming impormasyon, ang bilang ng mga may sakit o baldado, lalo na sa matatanda na, ay maaaring tumaas pa nga.” Sa buong daigdig, ang katamtamang haba ng buhay sa ngayon ay 65 taon. Sa industriyalisadong mga bansa ito ay 76 taon, samantalang sa nagpapaunlad na mga bansa ito ay nasa katamtamang 62 taon, at ito’y 50 taon lamang sa hindi gaanong maunlad na rehiyon sa lupa. Sa susunod na limang taon, umaasa ang WHO na madaragdagan ng apat na buwan ang haba ng buhay. Subalit sinabi ni Dr. Nakajima: “Maliwanag na ang paglawig sa haba ng buhay ay hindi nangangahulugan ng buhay na walang pagkainutil o talamak na sakit.”
Upang Iligtas ang Colosseum
“Habang nakatayo ang Colosseum, mananatili ring nakatayo ang Roma,” ganiyan ang kasabihan ng sinaunang Latin. Gayunman, ang pagtagas ng tubig-ulan, pagkaagnas dahil sa polusyon sa atmospera, at mga pagyanig sanhi ng trapiko sa lunsod ay nagsapanganib sa bantog na monumento. Mga piraso ay nahuhulog mula rito araw-araw, at kailangang patibayin ang maraming lugar. Upang mailigtas ang ampiteatro sa higit pang pagkabulok, isang kasunduan ang naabot sa pagitan ng Ministri ng Pamanang Pangkultura ng Italya at ng isang bangko sa Roma. Kalakip sa unang yugto ng proyekto ay ang waterproofing at pagsasauli ng mga arko at pag-aayos muli ng sahig na kahoy ng arena, kung saan minsang naglaban ang mga gladiator. Tinutukoy ang isinaplanong pamumuhunan ng 40 bilyong lira ($32 milyon, U.S.), tinatawag ng pahayagang La Repubblica ang kasunduan na “ang pinakamalaking pagsasanib sa pagitan ng pampubliko at pribadong mga sektor na kailanma’y isinagawa sa Italya upang maingatan ang isang gawang sining.”
‘Walang Pari—Walang Iglesya’
Ang klerong Katoliko sa Pransiya ay napapaharap sa malubhang suliranin—ang pagtanda. Palibhasa’y napakakaunting bagong mga pari upang punan ang mga bakanteng opisyo na iniwan ng pagkawala ng higit na matatanda nang klerigo dahil sa kamatayan o pagreretiro, ang bilang ng mga pari sa Pransiya ay patuloy na umuunti. Iniuulat ng pahayagang Ouest-France na sa Brittany, isang sinaunang balwarteng Katoliko sa kanluran ng Pransiya, ang bilang ng mga pari ay bumaba tungo sa 2,207. Tanging 180 pari ang wala pang 50 taóng gulang, 900 sa kanila ang nasa pagitan ng 50 at 70 anyos, at higit sa kalahati ang mahigit sa 70 taóng gulang. Sa paghula na ang kausuhan ay maaaring mangahulugan ng krisis para sa iglesya, ang arsobispo ng Rennes, si Jacques Jullien, ay nanangis: “Ang kakulangan ng mga pari ang numero unong suliranin natin. . . . Kung walang pari ay walang iglesya.”
Pinaguguho ng Implasyon ang Moral
Anong epekto mayroon sa tao ang mataas na implasyon sa loob ng matagal na panahon? Bilang sagot ng magasing Veja sa katanungang ito, ang ekonomistang si Eduardo Giannetti da Fonseca ng University of São Paulo ay tumugon: “Nakaaapekto ang implasyon sa pamantayang moral ng lipunan. Ang isang bansa kung saan hindi alam ng mga tao kung magkano ang halaga ng salaping nasa kanila sa susunod na buwan ay nagwawakas na ikinokompromiso ang pinakasaligang pamantayan ng etika ng mga ugnayang pantao. Ang pagtitiwala, katotohanan, kaagapan, katapatan, at integridad ay minamaliit dahil sa kakulangan ng katatagang pangkabuhayan.” Upang maingatan ang kanilang mga sarili laban sa mataas na halaga ng pamumuhay, maaaring akalain kapuwa ng pamahalaan at ng karaniwang tao na makatuwiran lamang ang ginamit na paraan kung nakamit ang minimithing bunga. Wika ni Fonseca: “Dahil sa implasyon ang tao ay natuto ng pagsasamantala, agad na makuha ang balang maibigan, at katiwalian.”
Ang Hitsurang Steroid
Ang paggamit ng mga manlalaro ng mga anabolic steroid na umaasang mapasulong ang kanilang atletikong pagtatanghal ay matagal nang alam. Gayumpaman, sa nakalipas na mga taon ang pag-abuso sa steroid ay lumaganap sa mga di manlalaro para sa pampagandang mga layunin. Nasumpungan ng isang pagsusuri na iniulat ng World Health Organization na sa gitna ng mga magtatapos sa high school sa Estados Unidos, 6.6 na porsiyento ng kalalakihan ay umiinom ng steroid. Sa grupong ito 26 na porsiyento ang nagsabi na ang dahilan ng kanilang pag-inom ng mga steroid ay upang mapaganda ang kanilang
hitsura. Kasali sa masasamang epekto ng anabolic steroid ay ang pagtaas ng kolesterol, pamamanas, higit na panganib ng sakit sa puso, paglaki ng glandulang prostate, mga tumor sa atay, atropiya sa ari ng lalaki, at pagkainutil. Ipinapalagay rin na pinasisigla ng mga steroid ang agresibo, palaaway na paggawi.Saloobin sa AIDS
“Hindi maunawaan ng maraming taga-Timog Aprika ang kaselangan ng [AIDS] o tumatangging maniwala na umiiral nga ang sakit,” ulat ng Saturday Star ng Johannesburg, Timog Aprika. “Ang malakas na halo ng pagtatangi ng lahi, karukhaan at kawalang-alam ay nagpapabilis sa paglaganap ng walang-lunas na sakit.” Inaakala ng ilan na ang idea ng AIDS ay isang Kanluraning pakana lamang upang pahinain ang Aprika o na ang sakit ay isa lamang imbento ng mga puti upang pigilin ang pagdami ng isinisilang na mga itim sa Aprika. Ang isa pang salik na nakaaapekto sa saloobin ng mga tao hinggil sa AIDS ay ang karahasan na nagiging bahagi ng araw-araw na pamumuhay ng marami. Isang lalaki sa isang lugar na may alitan na taga-Timog Aprika ay nagsabi sa isang pangkat ng mga tagapayo sa AIDS: “Sinasabi mo na gagawin akong malubha ng AIDS sa loob ng 10 taon. Subalit 25 katao na ang namatay rito . . . noong nakaraang dulo ng sanlinggo [dahil sa karahasan sa pulitika]. Talaga bang mas pasasamain ng AIDS ang buhay kaysa nangyayari nang kasamaan?” Maliban na magbago ang mga punto de vista, tinataya na ang sakit ay biglang darami sa Timog Aprika sa susunod na 10 hanggang 15 taon.
Ang Puwersa ng Buwan
Matagal nang alam na ang buwan ang nagpapangyari sa pagkati at pag-agos ng tubig sa karagatan ng lupa. Gayunman, ang magasing Pranses na Terre Sauvage ay nag-uulat na tinitiyak ngayon ng mga siyentipiko mula sa CNRS (French National Center of Scientific Research) na may katulad na epekto rin ang buwan sa ibabaw ng lupa. Sa pamamagitan ng isang instrumentong pansubok na inilagay sa isang lawa ng alat sa kulong na yungib na 1,000 metro sa ilalim ng lupa, natuklasan ng mga mananaliksik ang pagtaas at pagbaba ng laman ng yungib tuwing 12 oras. Ang pagkilos na ito, na sanhi ng sandaling paglawak at pag-urong ng pader ng yungib, ay umaayon sa pag-ikot ng buwan sa palibot ng lupa at nagpapatunay na ang buwan nga ang pinagmumulan ng tinatawag ng Terre Sauvage na “nakagugulat na natatagong paghinga.”
Sanhi ng Pagkalula
Karamihan ng tao ay nakaranas ng pagkalula sa anumang yugto ng kanilang mga buhay. Angaw-angaw ang palaging nakararanas nito habang sila ay naglalakbay. Naniniwala ngayon ang mga siyentipiko na kanilang nauunawaan kung ano ang sanhi ng karaniwang pagduwal. Ang problema ay lumilitaw na nasa utak, kung saan ang impormasyong inihatid ng mga mata ay hindi tumutugma sa impormasyong nauunawaan ng tainga. Halimbawa, nararamdaman ng tainga ang kilos ng katawan sa loob ng isang umuugoy na barko samantalang nakikita ng mga mata ang di mabuway na tanawin habang umuugoy ang katawan sa barko. Ang magkasalungat na mga mensaheng tinanggap ng utak ang sanhi ng paglabas ng mga hormone na nauugnay sa kaigtingan at ng pagdami sa bilang ng electrical pulse sa mga kalamnan ng sikmura, at sa sandaling panahon ito’y nagbubunga ng pagduwal at pagsusuka. Kasali sa mga paraan upang maiwasan ang pagkalula ay ang pagkain ng kaunti, sagana sa starch, mababa-sa-taba na pagkain bago maglakbay; pagtingin sa mga kurbada ng paliku-likong daan samantalang nakasakay sa kotse o sa abot-tanaw samantalang nasa barko upang makita ng mga mata kung ano ang mauunawaan ng tainga; binabawasan ang pagkilos ng ulo at katawan; at ginagawang abala ang isip sa ibang bagay.
Nawawalan ng Trabaho ang mga Nasa Kalagitnaang-Gulang
“Kung ikaw ay mahigit nang 40, huwag ka nang mag-isip kailanman na magpalit ng trabaho,” sabi ng The Star, isang pahayagan ng Johannesburg, Timog Aprika. Maraming manggagawa sa Timog Aprika ang tinatanggal sa trabaho bilang resulta ng pagbagsak ng ekonomiya. Ang unang nawawalan ng kanilang trabaho ay kalimitang ang mga may edad nang napapalapit sa edad ng pagreretiro. Sang-ayon sa estadistika mula sa Department of Manpower, 37,500 katao na mahigit sa 50 taóng gulang ay nawawalan ng trabaho bawat buwan sa Timog Aprika. “Ang kalagayan sa Timog Aprika ay hindi naiiba mula sa kausuhan sa ibang bansa kung saan ang mga lalaki at babae na mahigit na 55 ay mabilis na nagiging isang nanganganib na uri sa lugar ng trabaho,” sabi ng The Star. “Sabi ng Organisation for Economic Co-operation and Development na ang pormal na trabaho para sa mga lalaki at mga babaing 55 ang edad at pataas ay nawawala na sa uso. . . . Ang mga eksepsiyon ay ang may edad nang mga lalaki sa Hapón, na 60 porsiyento sa mga ito ay nagtatrabaho.”
Bigong Pagsisikap sa Popularidad
Ang kamakailang pagsisikap ng mga pulitiko ng E.U. na matamo ang pabor sa pamamagitan ng pagdaragdag ng relihiyosong pahiwatig sa kanilang mga kampanya ay kalimitang may katumbalikang epekto. Sa isang pagkakataon, isang tagapakinig ang sumulat sa Daily News ng New York: “Kailangang sangguniin ni Jesse Jackson ang kaniyang Bibliya. Sa kaniyang talumpati sa kombensiyong Demokratiko noong Hulyo 15, binanggit niya sina Maria at Jose bilang mag-asawang walang tahanan at si Maria bilang nagsosolong ina. Sina Maria at Jose ay hindi ‘mag-asawang walang tahanan.’ Sila’y naglakbay patungo sa Bethlehem upang tuparin ang batas, sila’y lumikas patungo sa Ehipto upang maiwasang usigin ni Herodes, subalit sila’y nanirahan sa Nazareth. At si Maria ay hindi ‘nagsosolong ina.’ Sa Mateo, Kab. 1, talatang 18-23, at sa Lucas, Kab. 1, talatang 26-35, tinukoy si Jose bilang asawa ni Maria at si Maria ay asawa ni Jose. Kaya, bagaman ang ‘walang tahanan’ at ‘nagsosolo’ ay popular at mabisang mga pang-uri, ang mga ito’y hindi, sa kasong ito, angkop. Jesse, maging makatotohanan ka at tiyakin mo na totoo ang sinasabi mo.”