Wakas ng Karahasan sa Pamilya
Wakas ng Karahasan sa Pamilya
“Ang paghadlang sa karahasan sa tahanan at ang pagbawas sa karahasan sa pamilya ay nagsasangkot ng malaking pagbabago sa kayarian kapuwa ng lipunan at ng pamilya.”—Behind Closed Doors.
ANG unang pagpatay sa kasaysayan ng tao ay nagsangkot ng magkapatid na lalaki. (Genesis 4:8) Sa buong mga milenyo magbuhat noon, ang tao ay sinalot ng lahat ng uri ng karahasan sa pamilya. Maraming lunas ang iminungkahi, subalit maraming may balakid.
Halimbawa, ang pagpapanibagong-buhay ay nakararating lamang sa mga nagkasala na kinikilala ang kanilang problema. Ang isang pagaling na mang-aabuso sa asawang babae ay nanangis: “Para sa bawat isa sa amin [na pinaninibagong-buhay], may tatlong lalaki roon na nagsasabi, ‘Kailangang supilin mo ang matandang hukluban.’ ” Kaya kailangang harapin ng mang-aabuso ang kaniya mismong kalagayan. Bakit ba siya naging isang mang-aabuso? Sa paghingi ng tulong upang iwasto ang kaniya mismong mga pagkakamali, maaaring mapagtagumpayan niya ang problema.
Subalit ang mga programang panlipunan ay may kakaunting tauhan. Kaya, tinatayang sa 90 porsiyento ng mga kasong pagpatay-sa-anak sa Estados Unidos, ang mapanganib na mga kalagayan sa pamilya ay naiulat na bago ang pagpatay. Kaya nga, may hangganan lamang ang magagawa ng mga programang panlipunan at ng mga organisasyon ng pulisya. May isang bagay na lubhang kinakailangan.
“Ang Bagong Pagkatao”
“Ang kinakailangan ay ang muling pagtatayo ng mga ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya,” sabi ng isang pangkat ng mananaliksik. Ang karahasan sa pamilya ay hindi lamang isang pisikal na pag-abuso; ito ay pangunahin nang isang problema ng isipan. Ito ay nagsisimula sa kung paano minamalas ng mga miyembro ng pamilya—asawa, anak, magulang, kapatid—ang isa’t isa. Ang muling pagtatayo ng mga ugnayang ito ay nangangahulugan ng pagsusuot ng tinatawag ng Bibliya na “bagong pagkatao.”—Efeso 4:22-24; Colosas 3:8-10.
Ating suriin ang ilang simulain sa Bibliya na nauugnay-sa-pamilya na tutulong sa atin na isuot ang bagong tulad-Kristong personalidad na lilikha ng mas mabuting kaugnayan sa mga miyembro ng pamilya.—Tingnan ang Mateo 11:28-30.
Pangmalas sa mga bata: Higit pa ang nasasangkot sa pagiging isang magulang kaysa pag-aanak lamang. Gayunman, nakalulungkot nga na marami sa ngayon ay minamalas ang kanilang mga anak bilang isang pasanin at samakatuwid ay kulang ng pangako sa kanilang papel bilang mga magulang. Ito ang potensiyal na mga mang-aabuso.
Tinatawag ng Bibliya ang mga anak na “isang mana buhat kay Jehova” at “isang gantimpala.” (Awit 127:3) Ang mga magulang ang may pananagutan sa Maylikha sa pangangalaga sa manang iyan. Kailangang magkaroon ng bagong pagkatao ang mga magulang na minamalas ang mga bata bilang isang pabigat. a
Makatotohanang mga inaasahan sa mga anak: Isinisiwalat ng isang pag-aaral na inaasahan ng maraming abusadong ina na malaman ng mga sanggol ang tama sa mali sa panahong ang bata ay isang taóng gulang. Sangkatlo ng abusadong mga inang sinurbey ay espesipikong tinukoy ang anim na buwan.
Ipinakikita ng Bibliya na ang lahat ay ipinanganak na di-sakdal. (Awit 51:5; Roma 5:12) Hindi nito sinasabi na ang pag-unawa ay nakukuha sa pagsilang. Bagkus, sinasabi nito na “sa pamamagitan ng kagagamit” ang pang-unawa ng isang tao ay “nasanay na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:14) Isa pa, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “mga katangian ng isang sanggol,” ang “kamangmangan” ng kabataan, at ang “kawalang kabuluhan” ng kabinataan. (1 Corinto 13:11; Kawikaan 22:15; Eclesiastes 11:10) Dapat maunawaan ng mga magulang ang mga limitasyong ito, hindi umaasa ng higit kaysa nararapat sa gulang at kakayahan ng bata.
Pagdidisiplina sa mga anak: Sa Bibliya ang salitang Griegong isinaling “disiplina” ay nangangahulugang “turuan.” Kaya, ang tunguhin ng disiplina ay pangunahin nang, hindi upang manakit, kundi upang magsanay. Ang karamihan nito ay maisasagawa nang walang palo, bagaman kung minsan ay maaaring kailangan iyon. (Kawikaan 13:24) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Makinig kayo sa disiplina at kayo’y magpakapantas.” (Kawikaan 8:33) Gayundin, si Pablo ay sumulat na dapat ingatan ng isa ang kaniyang sarili na “nagtitimpi laban sa kasamaan,” sumasaway nang may “pagpapahinuhod.” (2 Timoteo 2:24; 4:2) Hindi kasali rito ang galít na mga bulyaw at labis-labis na dahas kahit na kung kailangang paluin.
Dahil sa mga simulaing ito sa Bibliya, tanungin ang iyong sarili: ‘Ang akin bang disiplina ay nagtuturo, o ito ba ay basta sumusupil sa pamamagitan ng pananakit? Ang akin bang disiplina ay nagkikintal ng matuwid na mga simulain o ng takot lamang? ’
Mga hangganan sa paggawi para sa mga adulto: Isang mang-aabuso ay nagsabi na siya ay basta “nawawalan ng pagpipigil” at binubugbog ang kaniyang asawa. Tinanong ng isang tagapayo ang lalaki kung kaniya bang nasaksak kailanman ang kaniyang asawa. “Hindi ko kailanman magagawa iyan!” sagot ng lalaki. Ang lalaki ay natulungan na maunawaan na siya ay kumikilos sa loob ng mga hangganan, subalit ang problema ay na ang mga ito ay hindi wastong mga hangganan.
Saan nakatakda ang iyong mga hangganan? Ikaw ba ay humihinto bago mauwi ang isang pagtatalo sa isang pang-aabuso? O ikaw ba ay nag-iinit
at nagsisimulang sumigaw, mang-insulto, manalya, maghagis ng mga bagay, o mambugbog?Ang bagong pagkatao ay may mahigpit na hangganan, naitakdang mainam bago pa mangyari ang mental na pag-abuso o pisikal na karahasan. “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig,” sabi ng Efeso 4:29. Ang Efe 4 talatang 31 ay nagsasabi pa: “Lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” Ang salitang Griego para sa “poot” ay nagpapahiwatig ng “kapusukan.” Kawili-wili, ang aklat na Toxic Parents ay bumabanggit na isang karaniwang katangian sa mga mang-aabuso ng bata ay “ang nakatatakot na kawalan na pagpipigil sa kapusukan.” Sinusupil ng bagong pagkatao ang mga kapusukan, kapuwa pisikal at berbal.
Mangyari pa, ang bagong pagkatao ay kumakapit sa asawang babae gayundin sa asawang lalaki. Dapat pagsikapan ng babae na huwag pagalitin ang kaniyang asawa, nagpapahalaga sa mga pagsisikap ng lalaki na pangalagaan ang pamilya, nakikipagtulungan sa kaniya. At hindi nila dapat hilingin sa isa’t isa kung ano ang hindi maibibigay ng bawat isa—kasakdalan. Sa halip, dapat ikapit nilang dalawa ang 1 Pedro 4:8: “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng matimyas na pag-iibigan sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”
Paggalang sa mga matanda na: “Pakundanganan ninyo ang matatanda at igalang sila,” sabi ng Levitico 19:32. (Today’s English Version) Ito ay maaaring maging isang hamon kapag ang isang matanda nang magulang ay maysakit at marahil ay labis na mapaghanap. Ang 1 Timoteo 5:3, 4 ay bumabanggit ng pagbibigay ng “galang” at “gumanti ng kaukulan” sa mga magulang. Maaaring kasama rito ang pinansiyal na mga paglalaan gayundin ng paggalang. Dahil sa lahat ng ginawa sa atin ng ating mga magulang nang tayo’y walang-kayang mga sanggol, dapat nating ibigay sa kanila ang katulad na konsiderasyon kung kinakailangan.
Sugpuin ang labanán ng mga kapatid: Bago nauwi ang poot ni Cain sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Abel, siya ay pinayuhan: “Nakahandusay ang kasalanan sa pintuan. Nais nitong magpuno sa iyo, subalit dapat mong daigin ito.” (Genesis 4:7, TEV) Ang mga damdamin ay maaaring supilin. Matutong maging matiisin sa isa’t isa, “saganang nagbibigay ng palugit sa isa’t isa sapagkat iniibig ninyo ang isa’t isa.”—Efeso 4:2, Phillips.
Matutong Magtapat
Maraming biktima ng karahasan sa pamilya ay hindi sinasabi kaninuman ang tungkol sa karahasan. Subalit si Dr. John Wright ay nagpapayo: “Ang binugbog na mga babae ay dapat na humingi ng emosyonal at pisikal na proteksiyon mula sa isang mapagkakatiwalaang tao na hindi kasangkot.” Totoo rin ito sa kaninumang inabusong miyembro ng pamilya.
Kung minsan ang biktima ay nahihirapang magtapat sa isang indibiduwal. Tutal, ang pagtitiwala sa pinakamalapit na yunit ng lipunan—ang pamilya—ay nagbunga ng kirot. Gayunman, “may kaibigan na mahigit kaysa isang kapatid,” sabi ng Kawikaan 18:24. Ang pagkasumpong ng kaibigang iyon at ang matutong maingat na magtapat ay isang mahalagang hakbang sa pagkuha ng kinakailangang tulong. Mangyari pa, ang mang-aabuso ay kailangan ding humingi ng tulong.
Sa bawat taon daan-daang libo katao ang nagiging mga Saksi ni Jehova. Tinatanggap ng mga ito ang hamon na pagsusuot ng bagong pagkatao. Kabilang sa kanila ang dating mga gumagawa ng karahasan sa pamilya. Upang hadlangan ang anumang hilig na bumalik sa rati, dapat na patuloy nilang hayaang ang Bibliya ay maging “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay.”—2 Timoteo 3:16.
Para sa bagong mga Saksing ito, ang pagsusuot ng bagong pagkatao ay isang nagpapatuloy na proseso, sapagkat ang Colosas 3:10 ay nagsasabi na ito ay “ginagawang bago.” Kaya kailangan ang patuloy na pagsisikap. Mabuti na lamang, ang mga Saksi ni Jehova ay may alalay ng maraming espirituwal na “mga kapatid na lalaki at babae at mga ina at mga anak.”—Marcos 10:29, 30; tingnan din ang Hebreo 10:24, 25.
Isa pa, sa lahat ng mga 70,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, may maibiging mga tagapangasiwa na tulad ng “kublihang dako sa hangin at kanlungan sa bagyo.” Ang kanilang “mga mata at tainga ay bukas sa mga pangangailangan ng mga tao.” (Isaias 32:2, 3, TEV) Kaya ang bagong mga Saksi ni Jehova, gayundin ang mga may higit na karanasan na, ay may kahanga-hangang imbakan ng tulong na makukuha sa loob ng kongregasyong Kristiyano habang sila ay gumagawa at nagsusuot ng bagong pagkatao.
Mahabaging mga Tagapangasiwa
Kapag ang mga tao ay lumalapit sa mga tagapangasiwang Kristiyano sa mga kongregasyon ngColosas 3:12; 1 Tesalonica 5:14.
mga Saksi ni Jehova para sa payo, ang mga tagapangasiwang ito ay sinanay na makinig nang walang kinikilingan sa lahat. Sila ay hinihimok na magpakita sa lahat, lalo na sa mga biktima ng matinding pang-aabuso, ng malaking habag at pag-unawa.—Halimbawa, ang isang binugbog na asawang babae ay maaaring malubhang nasaktan. Sa maraming bansa ngayon, kung ang pambubugbog na iyon ay ginawa sa isa na hindi kapamilya, ang mang-aabuso ay maaaring makulong. Kaya ang biktima ay kinakailangang pakitunguhan na may di-pangkaraniwang kabaitan, gaya ng mga biktima ng lahat ng iba pang uri ng pang-aabuso, gaya ng seksuwal na pag-abuso.
Isa pa, ang mga gumagawa ng mga kasalanan laban sa mga kautusan ng Diyos ay kailangang managot. Sa ganitong paraan ang kongregasyon ay napananatiling malinis, at ang ibang walang salang tao ay naiingatan. At napakahalaga, ang daloy ng espiritu ng Diyos ay hindi mahahadlangan.—1 Corinto 5:1-7; Galacia 5:9.
Ang Pangmalas ng Diyos sa Pag-aasawa
Kapag ang mga tao ay nagiging mga Saksi ni Jehova, sila ay sumasang-ayon na susunod sa mga simulain ng Kristiyanong pamumuhay na masusumpungan sa Salita ng Diyos. Natututuhan nila na ang lalaki ay hinirang bilang ulo ng pamilya, upang patnubayan ito sa tunay na pagsamba. (Efeso 5:22) Subalit ang pagkaulo ay hindi kailanman nagbibigay karapatan na maging brutal sa asawa, nilulupig ang kaniyang pagkatao, o niwawalang-bahala ang kaniyang mga kagustuhan.
Sa kabaligtaran, nililinaw ng Salita ng Diyos na ang mga asawang lalaki ay dapat na “patuloy na ibigin ang [kani-kanilang] asawa, kung paano inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon . . . Nararapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kaniyang asawa na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang sinuman na napoot kailanman sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal.” (Efeso 5:25, 28, 29) Oo, maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos na ang mga asawang babae ay dapat na bigyan ng “pakundangan.”—1 Pedro 3:7; tingnan din ang Roma 12:3, 10; Filipos 2:3, 4.
Tiyak na walang Kristiyanong asawang lalaki ang totoong makapangangatuwiran na talagang iniibig niya ang kaniyang asawa o pinakukundanganan niya ang babae kung inaabuso niya ang babae sa berbal o pisikal na paraan. Iyan ay pagpapaimbabaw, sapagkat ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kayong mga lalaki, patuluyang ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagbuhusan ng mapait na galit.” (Colosas 3:19) Sa sandaling panahon, kapag ang mga kahatulan ng Diyos ay sumapit laban sa balakyot na sistemang ito sa Armagedon, daranasin ng mga mapagpaimbabaw ang sasapitin ng mga mananalansang sa pamamahala ng Diyos.—Mateo 24:51.
Iibigin ng isang natatakot-sa-Diyos na asawang lalaki ang kaniyang asawa na gaya ng kaniyang sariling katawan. Bubugbugin ba niya ang kaniyang sariling katawan, susuntukin ang sarili niya sa mukha, o marahas na sasabunutan ang kaniya mismong buhok? Mamaliitin ba niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paghamak at pagtuyâ sa harap ng iba? Sabihin pa, ang isa na gumagawa ng mga bagay na iyon ay maituturing na di-timbang ang pag-iisip.
Kung binubugbog ng isang Kristiyanong lalaki ang kaniyang asawa, ang lahat ng iba niyang mga gawang Kristiyano ay nagiging walang kabuluhan sa paningin ng Diyos. Tandaan, ang “isang nambubugbog” ay hindi kuwalipikado para sa mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano. (1 Timoteo 3:3; 1 Corinto 13:1-3) Mangyari pa, ang sinumang asawang babae na nakikitungo ng gayon sa kaniyang asawa ay lumalabag din sa kautusan ng Diyos.
Isinasama ng Galacia 5:19-21 ang “pagkakapootan, gulo, . . . silakbo ng galit” sa mga gawa na hinahatulan ng Diyos at binabanggit nito na “ang mga namimihasa sa ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya nga, ang pambubugbog ng asawa o mga anak ay hindi kailanman binibigyan-katuwiran. Ito ay karaniwan nang labag sa kautusan ng bansa at tiyak na labag sa kautusan ng Diyos.
Ang Bantayan, isang magasin na lathala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagbigay ng maka-Kasulatang pangmalas tungkol sa bagay na ito, na nagsasabi sa mga nag-aangking Kristiyano subalit nambubugbog: “Sinumang nag-aangking isang Kristiyano na paulit-ulit at hindi nagsisising napadadala sa marahas na silakbo ng galit ay maaaring itiwalag,” eskomulgado.—Mayo 1, 1975, pahina 287; ihambing ang 2 Juan 9, 10.
Kung Ano ang Ipinahihintulot ng Kautusan ng Diyos
Sa wakas ay hahatulan ng Diyos ang mga lumalabag sa kaniyang mga kautusan. Subalit samantala, ano ang ipinahihintulot ng kaniyang Salita para sa mga asawang Kristiyano na binugbog kung ang nambubugbog ay hindi nagbabago at patuloy sa kaniyang pambubugbog? Ang walang salang mga biktima ba ay obligadong patuloy na isapanganib ang kanilang pisikal, mental, at espirituwal na kalusugan, marahil pati pa nga ang kanilang buhay?
Binabanggit ng Ang Bantayan, na nagkokomento tungkol sa karahasan sa tahanan, kung ano ang ipinahihintulot ng Salita ng Diyos. Sabi nito: “Ang apostol Pablo ay nagpapayo: ‘Ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa; datapuwat kung siya’y aktuwal na humiwalay, siya’y manatiling walang asawa o kaya’y makipagkasundo uli sa kaniyang asawa; at huwag hihiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa.’ ” Sabi pa ng artikulo: “Kung sakaling ang pang-aabuso ay maging matindi, o ang buhay mismo ay nanganganib, maaaring piliin ng sumasampalatayang kabiyak na ‘humiwalay.’ Subalit sikaping ‘magkasundong muli’ sa takdang panahon. (1 Corinto 7:10-16) Gayunman, ang ‘paghiwalay’ sa ganang sarili ay hindi nagbibigay ng maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo at pag-aasawang-muli; subalit, ang legal na diborsiyo o legal na paghihiwalay ay maaaring magbigay ng kaunting proteksiyon mula sa higit pang pag-abuso.”—Setyembre 15, 1983, pahina 20-2; tingnan din ang labas ng Nobyembre 1, 1988, pahina 22-3.
Kung ano ang pipiliing gawin ng biktima sa ilalim ng mga kalagayang ito ay dapat na maging isang personal na pasiya. “Bawat isa ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Walang iba ang makagagawa ng gayong pasiya para sa kaniya. At walang dapat gumipit sa kaniya na bumalik sa isang abusadong asawang lalaki kung ang kaniyang kalusugan, buhay, at espirituwalidad ay nanganganib. Dapat na iyan ay sarili niyang pagpili, mula sa kaniyang sariling malayang kalooban, hindi dahil sa ipinasusunod ng iba ang kanilang kagustuhan sa kaniya.—Tingnan ang Filemon 14.
Wakas ng Karahasan sa Pamilya
Natutuhan ng mga Saksi ni Jehova na ang karahasan sa pamilya ay karaniwan sa kung ano ang inihula ng Bibliya para sa mga huling araw na ito, kung saan ang marami ay magiging “abusado,” “walang katutubong pag-ibig,” at “mababangis.” (2 Timoteo 3:2, 3, The New English Bible) Ang Diyos ay nangangako na kasunod ng mga huling araw na ito, kaniyang dadalhin ang isang mapayapang bagong sanlibutan kung saan ang mga tao “ay aktuwal na maninirahan sa katiwasayan, at walang tatakot sa kanila.”—Ezekiel 34:28.
Sa kahanga-hangang bagong sanlibutang iyon, ang karahasan sa pamilya ay magiging isang lipas na bagay magpakailanman. “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Hinihimok ka namin na alamin mo ang higit tungkol sa mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap. Oo, maaari mong anihin ang mga pakinabang kahit na sa ngayon sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kapaligiran ng inyong pamilya.
[Talababa]
a Maraming mabuting payo tungkol sa mabisang pagkamagulang ay kalakip sa aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., mga kabanata 7 hanggang 9, “Ang Pagkakaroon ng mga Anak—Isang Pananagutan at Isang Pagpapala,” “Ang Inyong Bahagi Bilang mga Magulang,” at “Pagsasanay ng mga Anak Mula sa Pagkasanggol.”
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang mga simulain ng Bibliya ay tumutulong upang malutas ang mga away sa pamilya
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga biktima ay kailangang magtapat sa isang may kakayahang kaibigan