Ang Pagpaplano ng Pamilya ay Nagiging Isang Pangglobong Problema
Ang Pagpaplano ng Pamilya ay Nagiging Isang Pangglobong Problema
“Ang pagpaplano ng pamilya ay maaaring magdala ng higit na mga pakinabang sa mas maraming tao sa kaunting halaga kaysa anumang ‘teknolohiya’ na makukuha ngayon ng lahi ng tao. . . . Totoo pa rin ito kahit na kung walang problema tungkol sa populasyon.”—The State of the World’s Children 1992.
NOON ang pagkakaroon ng maraming anak ay itinuturing na kanais-nais. Halos apat na libong taon na ang nakalipas, nang lilisanin ni Rebecca ang Mesopotamia upang magpakasal kay Isaac, siya’y pinagpala ng kaniyang ina at ng kaniyang kapatid na lalaki ng mga pananalitang: “Oh ikaw, kapatid namin, maging ina ka nawa ng yuta-yuta.” (Genesis 24:60) Nagbago na ang panahon. Sa ngayon, parami nang paraming babae ang nagsasabi na nais nila ng mas kaunting mga anak.
“Ako ang ikatlo sa pitong mga anak,” sabi ni Bu, isang 22-anyos na taga-Indonesia na ina ng isang anak na babae. “Ang aking ama ay nagtitinda ng matamis na katas ng palma sa Klaten, Gitnang Java, at ang aking mga magulang ay dumanas ng malaking hirap sa pagpapalaki ng gayon karaming anak. . . . Mas madaling magpamilya kung kaunti lamang ang mga anak mo.”
Ang mga damdamin ni Bu ay kahawig niyaong damdamin ng mga magulang sa buong daigdig. Parami nang parami, nais ng mga mag-asawa na iplano kung kailan magkakaroon ng mga anak, ilang anak, kung ilan taon ang pagitan nila, at kung kailan hihinto. Ito ay ipinabanaag sa estadistika ng UN na ipinahihiwatig na ang kusang paggamit ng mga kontraseptibo sa nagpapaunlad na mga bansa ay lubhang tumaas, mula sa 10 porsiyento ng mga mag-asawa noong 1960’s tungo sa 51 porsiyento sa ngayon.
Ang mga pamahalaan din ay lubhang interesado sa pagtataguyod ng pagpaplano ng pamilya. Mahigit sa kalahati ng nagpapaunlad na mga bansa ay nagtataguyod ng mga programa upang bawasan ang pagdami ng populasyon. Tinataya ng UN Population Fund na ang kabuuang gastos ngayon sa mga programa sa pagkontrol ng populasyon ay halos $4,500,000,000 sa isang taon. Upang matugunan ang mga kahilingan sa hinaharap, inaasahan ng mga awtoridad na ang bilang na ito ay dudoble pa sa taóng 2000.
Bakit ang mga bansa at ang mga indibiduwal ay lubhang interesado sa pagkontrol sa dami ng mga ipinanganganak? At ano ang Kristiyanong pangmalas tungkol sa mahalagang bagay na ito? Isasaalang-alang ng susunod na dalawang artikulo ang mga tanong na ito.