Kapaki-pakinabang na Buhay Bagaman Nabubukod
Kapaki-pakinabang na Buhay Bagaman Nabubukod
AKO’Y isinilang noong Enero 1927, sa Málaga, Espanya, ang ikaanim sa pitong anak sa isang mahirap na pamilyang Katoliko. Mula noong 1936 hanggang 1939, niwasak ng Gera Sibil sa Espanya ang aming bansa, at iniwasan namin ang mga bomba at nabuhay kami sa rasyong pagkain. Gayunman, ako’y isang masayahing bata na mahilig umawit at kasa-kasama ng mga tao.
Gayunman, isang bagay ang nakatakot sa akin—ang masunog sa impiyerno. Upang maibsan ang takot na iyan, ako’y tumira sa isang kumbento sa gulang na 12. Doon, sa loob halos ng tatlong taon, nilinis ko ang marmol na hagdan, nanalangin, at muling naglinis, subalit nadarama ko pa rin na may kulang sa aking buhay. Noong 1941, masaya ako’t nakaalis ako sa kumbento.
Pagkalipas ng ilang taon nakaibigan ko ang isang mang-aawit na nag-akalang magkakapera ako sa aking tinig, at hinimok niya akong kumuha ng mga leksiyon sa pag-awit at sa pagtugtog ng piyano. Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, ako’y nagtungo sa Morocco, kung saan ako’y nagsimulang magtanghal sa mga nightclub sa Casablanca at Tangier. Iyon ay isang nakatutuwang buhay para sa isang tin-edyer. Subalit pagkatapos ng bawat pagtatanghal, ako’y nagtutungo sa simbahan upang magsumamo kay Birheng Maria na patawarin ako, umaasang matatakasan ko ang isang maapoy na impiyerno.
Pagkatapos magtrabaho sa mga nightclub sa loob ng siyam na taon, nakilala ko ang isang Amerikanong nagngangalang Jack Abernathy. Noong panahong iyon siya ay nagtatrabaho sa Morocco para sa isang Amerikanong kompanya ng konstruksiyon. Kami’y nagpakasal noong taóng iyon, at ako’y huminto sa pagtatanghal. Hindi nagtagal lumipat kami sa Seville, Espanya, kung saan kami ay tumira hanggang noong 1960. Pagkatapos ay lumipat kami sa Lodi, California, E.U.A.—isang paglipat na humantong sa isa pang pagbabago sa aking buhay.
Pagkatuto Tungkol kay Jehova
Noong 1961 dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming tahanan at nag-iwan ng mga magasing Bantayan at Gumising! Nang maglaon inalok nila akoAwit 83:18) Anong laking ginhawa rin na malaman na walang nag-aapoy na impiyerno kundi sa halip tayo ay may pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraiso sa lupa!—Awit 37:9-11, 29; Apocalipsis 21:3, 4.
ng isang pag-aaral sa Bibliya, at tinanggap ko ang alok. Kaya, natuto ako tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova, na siya nating maibiging makalangit na Ama. (Ang aking kapatid na si Paquita, na nakatira malapit sa amin, ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya. Dati, ako’y naninigarilyo at mahilig ako sa parti. At ako’y magagalitin! Subalit ako’y gumawa ng mga pagbabago, at noong Oktubre 17, 1962, kami ni Paquita ay nabautismuhan sa Sacramento, California, sa gayo’y sinasagisagan ang aming pag-aalay na maglingkod kay Jehova.
Patungo sa Thailand na Daraan sa Espanya
Hindi nagtagal pagkaraan niyan, ang kompanya ng konstruksiyon na pinagtatrabahuan ng asawa ko ay inilipat siya sa Thailand, at ako’y sumama sa kaniya. Patungo roon, ako’y dumalaw sa Espanya at naibahagi ko ang aking mga paniniwala sa iba pang miyembro ng pamilya. Ang aking hipag na si Pura ay tumugon at naging isang Saksi.
Noong mga panahong iyon ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal sa Espanya. Gayunman, kami ay dumalo sa isang lihim na pulong sa isang maliit na silid, na may isang mesa at walang silya. Lahat kaming 20 ay nakatayo. Anong laking kaibhan sa aming mga pulong sa California! Sa pagkakita sa aking mga kababayan na isinasapanganib ang kanilang kalayaan upang magtipon ay kumumbinsi sa akin sa kahalagahan ng mga pulong Kristiyano, isang napapanahong aral bago ako dumating sa Bangkok, Thailand.
“Kapag nalaman kong nangangaral ka, iiwan kita,” sabi sa akin ni Jack noong araw na dumating kami sa Bangkok. Kinabukasan ay umalis siya upang pangasiwaan ang isang trabaho sa konstruksiyon sa isang rural na dako, kaya ako ay naiwang mag-isa sa magulong Bangkok kasama ng isang katulong sa bahay na hindi ko makausap. Ginawa kong abala ang aking sarili sa pamamagitan ng paulit-ulit na pag-aaral ng aking literatura sa Bibliya.
Isang araw noong Setyembre 1963, pag-uwi ko ng bahay, napansin ko ang naiibang pares ng sapatos sa baitang sa labas ng pinto. Isang babae na may kulot na blond na buhok ang naghihintay sa akin. “Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong ko.
“Kinakatawan ko ang Samahang Watch Tower,” sabi niya.
Ako’y napalundag sa tuwa, niyayapos at hinahalikan siya. Si Eva Hiebert ay isang misyonera mula sa Canada. Mula noong araw na iyon, regular na dumadalaw si Eva, gumagawa ng dalawa o tatlong sakay ng bus upang marating ako. Takot akong sumakay ng mga bus kung saan ang mga tao ay siksikan na parang sardinas, subalit walang ibang paraan upang ako ay magbiyahe. Sabi ni Eva: “Kailanma’y hindi mo mapaglilingkuran si Jehova kung hindi ka sasakay sa mga bus na iyon.” Kaya ininsayo namin kung paano sasakay ng mga bus upang magtungo sa mga pulong.
Ako’y bantulot sa pangangaral, yamang hindi ko alam ang wika. Hahawak ako sa kamay ni Eva, sa kaniyang basket, at sa kaniyang damit. “Hindi mo maaaring paglingkuran si Jehova sa ganitong paraan,” aniya.
“Subalit hindi ako marunong magsalita ng kanilang wika,” daing ko.
Binigyan ako ni Eva ng sampung magasin at saka umalis, iniwan ako sa gitna ng palengke. Nahihiya, nilapitan ko ang isang babaing Intsik, ipinakita ko sa kaniya ang mga magasin, at tinanggap niya!
“Eva, naipasakamay ko ang lahat ng sampung magasin,” sabi ko na tuwang-tuwa. Aniya, “Ibig ni Jehova ang mga taong gaya mo. Magpatuloy ka lang.” Ako’y nagpatuloy, pinag-aaralan ang mga pagbati sa Thai at, kasuwato ng lokal na kaugalian, ay nauupo sa sahig. Natutuhan ko ring magtungo sa iba’t ibang lugar. At ang reaksiyon ng aking asawa? Isang araw, nang si Jack, na huminahon na sa aking mga paniniwala, ay nagkaroon ng mga bisita, sinabi niya sa kanila: “Magpasyal kayo na kasama ni Pepita. Alam na niya ang pasikut-sikot dito dahil sa nangangaral siya.”
Tungo sa Australia
Ang maibigin ngunit matatag na pagsasanay ni Eva ay naghanda sa akin upang manatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova noong panahon ng susunod na atas sa trabaho ng aking asawa, sa hilagang-kanluran ng Australia. Kami’y dumating noong kalagitnaan ng 1965, at ako’y tumira sa isang pamayanan para sa mga manggagawa sa gitna ng disyerto kung saan ang kompanya ni Jack ay naglalagay ng riles ng tren. Ang pagkain ay ipinadadala sa pamamagitan ng eruplano, at ang lagay ng panahon ay mainit—mahigit 43 digris Celsius. May 21 pamilyang taga-Hilagang Amerika sa kampo, kaya sinimulan kong lapitan sila taglay ang mensahe ng Kaharian. Nang maglaon, habang ang gawain sa
riles ng tren ay sumusulong, kami’y lalo pang pumapasok sa disyerto, kung saan mas matindi ang pagkakabukod.Maaga rito ako ay sumulat sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia, at ganoon na lamang ang tuwa ko nang tumanggap ako ng isang sulat na nagsasabi: “Mainit na pag-ibig at pagbati . . . Ang aming mga gunita at mga panalangin ay sasaiyo sa darating na mga buwan”! Noong mga taon na ako’y naglalakbay na kasama ng aking asawa sa kaniyang mga atas na trabaho sa mga liblib na dako ng daigdig, ako’y napatibay ng mga sulat na iyon buhat sa organisasyon ni Jehova. Ang pagbasa sa mga ito ay nakatulong sa akin sa mga panahon ng kalungkutan at pinasigla ako nito na lumabas sa gawaing pangangaral bagaman ako ay madalas na nabubukod sa iba pang mga Saksi.
Ang tanggapang sangay sa Australia ay nagsaayos para sa isang mag-asawang Saksi na dumalaw sa akin sa loob ng isang linggo sa kampo. Sa aming ministeryo ay nakilala namin ang isang interesadong babae na nakatira sa malayo, kaya dalawang beses sa isang linggo ako ay lumalakad sa teritoryo na pinamumugaran ng mga ahas at mga bubuli upang dalawin siya. Habang ako’y naglalakad, ako’y umaawit ng awiting Pangkaharian: “Panig kay Jehova/ Siyang kagalakan/Di ka babayaan/Tanglaw niya’y sundan.” Kami’y nag-aral sa loob ng 11 buwan.
Pagkatapos, pagkaraan ng halos isang taóng paglagi sa Melbourne, kami’y lumipat ng asawa ko sa isang kampo na malapit sa minahang bayan ng Port Hedland, sa hilagang-kanluran din ng Australia. Pagkalipas ng limang araw, may mga bisita. Ipinagbigay-alam ng sangay sa mga Saksi ang tungkol sa aking kinaroroonan. Pag-alis nila, ipinagpatuloy ko ang mga pulong sa ganang sarili ko, idinaraos ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ang Pulong ukol sa Paglilingkod, at ang Pag-aaral sa Bantayan. Pagkatapos umawit ng isang awit at panimulang panalangin, sinasagot ko ang mga tanong at nagtatapos sa pamamagitan ng awit at panalangin. Ang pagbilang sa dumalo ay hindi kailanman isang problema—laging isa. Gayunman, ang lingguhang iskedyul na ito ng pulong ang nagpalakas sa akin sa loob ng maraming taóng iyon na ako’y naglingkod kay Jehova nang nabubukod.
Tungo sa Bougainville
Noong 1969, pagkatapos na kami’y pawisan sa loob ng apat na taon sa Australia, ang asawa ko ay naatasang maglingkod bilang kapatas sa isang proyekto na paggawa ng kalsada sa isang minahan ng tanso sa maalinsangang kabundukan sa isla ng Bougainville. Isang gabi may kumatok sa pinto. Binuksan ito ni Jack. “Ito’y isang Saksi kasama ang kaniyang asawa at apat na anak,” sabi niya. Sila’y nakatira sa kahabaan ng baybayin. Minsan isang linggo dinadalaw ko sila at dumadalo ako sa Pag-aaral ng Bantayan na idinaraos sa paaralan ng pamayanan.
Noong minsan tatlong Saksi mula sa Papua New Guinea ay dumalaw sa akin. May pagmamalaking sinabi ng asawa ko sa kaniyang mga kasamahan: “Saanman magtungo ang asawa ko, ang kaniyang mga kaibigang Saksi ay naghihintay.”
Tungo sa Aprika
Noong 1972 kami ay dumating sa disyerto sa Algeria, Hilagang Aprika, kung saan ang kompanya ni Jack ay nagtatayo ng isang sistema ng patubig. Ito ay isang apat-na-taóng proyekto. Ako’y sumulat sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya tungkol sa gawaing pangangaral, at sila’y sumagot: ‘Maging maingat ka. Ang ating gawain doon ay ipinagbabawal.’ Tinulungan ako ng Samahan na makita ang dalawang di-aktibong mga Saksi, at kami ay nagtatag ng isang grupo sa pag-aaral.
Pagkatapos, isa sa aking mga kapitbahay sa kampo ng trabaho, si Cecilia, ay nagkasakit. Dinalaw ko siya araw-araw sa ospital, dinalhan siya ng sopas, at inayos ang kaniyang kama. Nang siya’y umuwi ng bahay, ako’y gumawa ng maiikling pagbibiyahe upang gawin o bilhin ang ilang bagay para sa kaniya, at ibinahagi ko rin sa kaniya ang pag-asa ng
Kaharian. Iyan ay humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya, at pagkaraan ng walong buwan ang sabi ni Cecilia: “Nais kong magpabautismo.” Subalit saan at sino ang magbabautismo?Kami’y tumanggap ng isang sulat buhat sa tanggapang sangay sa Pransiya na isang Saksi sa pangalang Franco̧is ay darating sa Algeria para sa isang maikling bakasyon. Kung madadala ko siya sa aming nayon sa disyerto at maibabalik siya sa paliparan sa oras, maisasagawa niya ang bautismo. Subalit hindi siya maaaring manatili ng mahigit sa 24 oras.
Pagdating na pagdating ni Franco̧is, isinakay siya ng kotse at dinala sa disyerto. Noong gabing iyon, sa tahanan ni Cecilia, inilabas niya ang isang maliit na piraso ng papel na may nota mula sa bulsa ng kaniyang kamisadentro at nagbigay ng isang mahusay na pahayag. Maaga kinabukasan ng Mayo 18, 1974, binautismuhan niya si Cecilia sa isang banyera at umalis na muli.
Ang digmaan ay sumiklab sa Algeria noong katapusan ng 1975, at kami ni Jack ay kailangang umalis agad. Dinalaw ko ang aking mga kamag-anak sa Espanya. Noong 1976, nag-iimpake na naman ako para sa susunod na atas ni Jack—isang kampo ng trabaho sa isang masukal na kagubatan sa Suriname, Timog Amerika.
Sa Timog Amerika
Ang kampo sa timog-kanluran ng Suriname ay napaliligiran ng luntiang pananim. Maiingay na mga loro at mausisang mga unggoy ang nakatungo mula sa mga punungkahoy sa 15 bagong dating na mga pamilya, karamihan ay kilala ko mula sa dating trabaho. Pagkaraan ng anim na buwan, higit pang mga pamilya ng manggagawa ang dumating, pati na si Cecilia na nabautismuhan sa Algeria—isang kasama sa pangangaral!
Habang lumalapit ang Marso 23, 1978, nag-iisip kami kung paano namin ipagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Walang sasakyan patungo sa kabisera, sa Paramaribo, binalak naming ipagdiwang ang Memoryal sa bahay ko. Pinahintulutan kami ng manedyer ng kampo na gumawa ng mga photocopy ng huling pahina ng Bantayan na nag-aanunsiyo sa Memoryal, at ipinamahagi namin ito sa bahay-bahay sa kampo. Dalawampu’t isa ang dumalo! Si Cecilia ang nagpahayag, at ako ang bumasa ng mga kasulatan. Nang gabing iyon, bagaman nabubukod, nadama namin na kami’y kaisa ng pambuong-daigdig na organisasyon ni Jehova.
Samantala, ang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Suriname ay nagpadala ng tulong—isang may kabataang misyonerong mag-asawa sakay ng isang lumang Land-Rover. Bago sila dumating, nakadarama ako na para bang ako’y walang silbi sa kampong iyon, subalit tiniyak sa akin ng mga misyonero: “Pepita, narito ka dahil sa isang layunin.” Noong panahong iyon hindi ako kumbinsido, subalit hindi nagtagal ay naunawaan ko.
Isang araw noong panahon ng pagdalaw ng mga misyonero, ginalugad namin ang isang bagong bukas
na kalsadang hindi pa naaspalto at tuwang-tuwa kami na makasumpong ng ilang nayong Amerindian halos 50 kilometro mula sa aming kampo. Ang ilang araw ng pangangaral sa palakaibigang mga Indiang Arawak ay nagbunga ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Kaya nang umalis ang mga misyonero, dinalaw namin ni Cecilia ang mga nayong iyon dalawang beses isang linggo.Bumabangon kami ng alas kuwatro ng umaga, at pagdating ng ikapito nasimulan na namin ang aming unang pag-aaral sa Bibliya. Halos ikalima ng hapon, kami ay nasa bahay na muli. Sa loob ng dalawang taon kami ay nagdaraos ng 30 pag-aaral linggu-linggo. Di nagtagal ang mga bata sa nayon ay tinatawag akong Tiya Bibliya! Marami ang sa wakas ay nabautismuhan, at pagkalipas ng mga taon 182 ang dumalo sa isang pansirkitong asamblea sa nayong iyon. Tunay, gaya ng sinabi ng mahal kong mga kaibigang misyonero, kami’y nasa kagubatan para sa isang layunin!
Tungo sa Papua New Guinea
Kami’y umalis sa Suriname noong 1980, at nang sumunod na taon kami ay ipinadala sa Papua New Guinea. Pagkaraan ng anim na kasiya-siyang buwan na kasama ng mga Saksi sa kabisera, sa Port Moresby, dinala ako ng isang helikopter sa aking susunod na tahanan—isang kampo sa mataas na kabundukan kung saan ang kompanya ni Jack ay gumagawa ng isang minahan ng ginto. Walang mga kalsada. Ang mga tao, kagamitan, at pagkain ay dumarating sa pamamagitan ng eruplano. Ito ang pinakabukod na dako na kailanma’y natirhan ko. Minsan pa ako’y nag-isip, Saan kaya ako makasusumpong ng taong kakausapin?
Kilala na ako ng mga tao sa aming kampo, at isa man ay walang nais na makinig. Gayunman, kasabay nito halos, ang kompanya ay nagbukas ng isang groseri. Ang mga babae sa malalayong lugar ay namimili rito. Di-nagtagal ako ay naging isa sa pinakamadalas na parokyano ng tindahan. Naging matagumpay ba ang aking pagtungo sa tindahan?
Isang araw sinimulan ko ang isang pag-uusap sa isang babaing taga-Papua New Guinea. Sinabi niya sa akin na siya ay isang guro. “Oh, ako man ay isang guro,” sabi ko.
“Guro ka rin?” tanong niya.
“Oo, ako’y nagtuturo ng Bibliya.” Agad niyang tinanggap ang alok kong makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Nang maglaon, higit pang mga mamimili sa groseri ang sumang-ayon na makipag-aral din. Ang pamayanang iyon malapit sa minahan ng ginto ay nagbunga ng pitong mga pag-aaral sa Bibliya—isang espirituwal na minahan ng ginto nga!
Pagkaraang kami’y gumugol ng tatlong taon sa islang ito sa Pasipiko, isang bagong trabaho ang nagdala sa amin sa isla ng Grenada sa Caribbean. Subalit pagkalipas ng isang taon at kalahati, ang asawa ko ay kailangang magbalik sa Estados Unidos sa mga kadahilanang pangkalusugan, kaya noong 1986 kami ay tumira sa Boise, Idaho.
Paggawa na Kasama ng Kongregasyon
Pagkatapos mamuhay na bukod sa aking Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae sa lahat ng mga taóng iyon, kailangan ko ngayong matutong gumawa na kasama ng iba. Gayunman, ako’y matiyagang tinulungan ng Kristiyanong matatanda at ng iba pa. Sa ngayon, ako’y nasisiyahang dumalo sa mga pulong at sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa bahaging ito ng daigdig.
Gayunman, kung minsan kapag ako’y nauupo sa isang tahimik na sulok at muling ginugunita ko ang aking sarili na tatakbu-takbo na kasunod ni Eva sa magulong Bangkok o umaawit ng awiting Pangkaharian samantalang naglalakad sa disyertong daan na iyon sa Australia o nangangaral sa mapagpakumbabang mga Amerindian sa masukal na kagubatan ng Suriname, nangingiti ako, at ang aking mga mata ay punô ng luha ng pasasalamat sa pangangalagang tinanggap ko noong maraming panahon na ako’y naglingkod kay Jehova nang nabubukod.—Gaya ng inilahad ni Josefa ‘Pepita’ Abernathy.
[Larawan sa pahina 15]
Umaawit kasama ng aking Kastilang mga estudyante sa Bibliya sa Melbourne
[Mga larawan sa pahina 16]
Natulungan ko ang marami sa Papua New Guinea na makilala si Jehova
Pagtuturo ng Salita ng Diyos sa Suriname
[Larawan sa pahina 17]
Ako ngayon ay naglilingkuran kasama ng isang kongregasyon sa Idaho