Mga Anak—Bentaha o Disbentaha?
Mga Anak—Bentaha o Disbentaha?
ANG bagay tungkol sa pagpaplano ng pamilya ay malapit na nauugnay sa kung ano ang karaniwang tinatawag na pagputok ng populasyon. Sa buong kasaysayan ng tao, ang pagdami ng populasyon ay lubhang mabagal; ang dami ng namamatay ay halos katulad ng dami ng isinisilang. Sa wakas, noong mga taóng 1830, ang populasyon ng daigdig ay umabot ng isang bilyon katao.
Pagkatapos ay dumating ang mga pagsulong sa medisina at siyensiya na nagbunga ng mas kaunting mga kamatayan dahil sa sakit, lalo na ang mga sakit ng bata. Noong mga 1930, ang populasyon ng daigdig ay naging dalawang bilyon katao. Noong 1960, isang bilyon pa ang naparagdag. Noong 1975, isa pang bilyon. Noong 1987, ang populasyon ng daigdig ay umabot ng limang bilyon.
Kung titingnan ang kalagayan sa ibang paraan, ang bilang ng mga tao sa planeta ay kasalukuyang dumarami ng halos 170 katao sa bawat minuto. Iyan ay katumbas ng mga 250,000 katao sa isang araw, sapat para sa isang malaki-laking lunsod. Ito’y nangangahulugan din, na taun-taon ang populasyon ay dumarami ng mahigit na 90 milyon katao, ang katumbas ng tatlong Canada o isa pang Mexico. Mahigit na 90 porsiyento ng paglagong ito ay nangyayari sa nagpapaunlad na mga bansa, kung saan nakatira na ang 75 porsiyento ng populasyon ng daigdig.
Nababahalang mga Pamahalaan
Subalit bakit gustong takdaan ng mga pamahalaan ang pagdami ng populasyon sa pamamagitan ng pagpaplano ng pamilya? Sinasagot ni Dr. Babs Sagoe, Opisyal ng National Program for the UN Population Fund ng Nigeria, ang tanong na ito ng isang payak na ilustrasyon na, babala niya, ay waring pinasisimple nang husto ang isang masalimuot at kontrobersiyal na kalagayan. Sabi niya:
‘Ipagpalagay nang isang magsasaka ay nagmamay-ari ng apat na ektaryang lupa. Kung mayroon siyang sampung anak at hahatiin niya nang pantay-pantay sa kanila, ang bawat anak ay magkakaroon ng halos kalahating ektarya. Kung ang bawat isa sa mga anak na ito ay may sampung anak at hahatiin din nang gayon ang lupa, ang bawat isa sa kanilang mga anak ay magkakaroon lamang ng 0.04 na ektarya. Maliwanag, ang mga batang ito ay hindi magiging kasingyaman ng kanilang lolo, na may apat na ektarya ng lupa.’
Itinatampok ng ilustrasyong ito ang kaugnayan sa pagitan ng dumaraming tao at ng lupa na hindi lumalaki na may limitadong yaman. Habang dumarami ang populasyon, maraming nagpapaunlad na mga bansa ang nakikipagpunyagi upang makaya ang kasalukuyang bilang ng populasyon. Isaalang-alang ang ilan sa mga problema.
Yaman. Habang dumarami ang tao, may higit na pangangailangan sa kagubatan, pang-ibabaw na lupa, lupang sasakahin, at malinis na tubig. Ang
resulta? Ang magasing Populi ay nalulungkot: “Ang nagpapaunlad na mga bansa . . . ay kadalasang napipilitang gamitin nang labis ang likas na yaman kung saan nakasalalay ang kanilang pag-unlad sa hinaharap.”Imprastraktura. Habang lumalago ang populasyon, nasusumpungan ng mga pamahalaan na pahirap nang pahirap na maglaan ng sapat na pabahay, mga paaralan, mga pasilidad sa sanitasyon, mga kalsada, at mga paglilingkod pangkalusugan. Pinahihirapan ng dobleng pasan ng malalaking utang at umuunting yaman, ang nagpapaunlad na mga bansa ay hirap na hirap na mapangalagaan ang mga pangangailangan ng kasalukuyang populasyon, huwag nang sabihin pa ang mas malaking populasyon.
Trabaho. Ang publikasyon ng UN Population Fund na Population and the Environment: The Challenges Ahead ay bumabanggit na sa maraming nagpapaunlad na bansa, 40 porsiyento ng mga manggagawa ay wala nang trabaho. Sa lahat ng nagpapaunlad na mga bansa, mahigit na kalahating bilyon katao ang alin sa walang trabaho o mababa ang kita, isang bilang na halos katumbas ng lahat ng manggagawa sa industriyalisadong mga bansa.
Upang maiwasan ang paglala ng bilang na ito, ang nagpapaunlad na mga bansa ay dapat lumikha ng mahigit na 30 milyong bagong mga trabaho sa bawat taon. Ang mga taong mangangailangan ng mga trabahong ito ay nabubuhay ngayon—sila ang mga bata ngayon. Inaakala ng mga dalubhasa na ang lansakang kawalan ng trabaho ay hahantong sa labanang sibil, paglubha ng karukhaan, at higit pang pagwasak sa likas na mga yaman.
Hindi kataka-taka na parami nang paraming nagpapaunlad na mga bansa ang nagsisikap na itaguyod ang pagpaplano ng pamilya. Nagkokomento tungkol sa kung ano ang naghihintay sa hinaharap, isang editoryal sa Britanong babasahing pangmedisina ang Lancet ay nagsabi: “Ang panggigipit tungkol sa pagdami [ng tao], na pangunahing nangyayari sa mas mahihirap na bansa sa daigdig, ay lalo pang nakadaragdag sa gawain na kanilang nakakaharap. . . . Gugugulin ng angaw-angaw ang kanilang buhay na walang edukasyon, walang trabaho, walang maayos na tirahan at walang nakukuhang paglilingkod sa panimulang kalusugan, tulong ng pamahalaan at mga paglilingkod pangkalinisan, at ang di mapigil na pagdami ng populasyon ang mahalagang salik na siyang sanhi ng nabanggit na mga problema.”
Nababahalang mga Sambahayan
Ang pagtatakda ng mga tunguhin at pagtatatag ng mga programa sa pagpaplano ng pamilya sa pambansang antas ay isang bagay; ibang bagay naman ang pagkumbinsi sa publiko. Sa maraming lipunan malakas pa rin ang tradisyunal na pangmalas na pabor sa malalaking pamilya. Halimbawa, isang ina na taga-Nigeria ang tumugon sa paghimok ng kaniyang pamahalaan na bawasan ang dami ng ipinanganganak sa pagsasabing: “Ako ang bunso sa 26 na anak ng aking ama. Lahat ng nakatatandang kapatid ko, kabilang ang mga lalaki at babae, ay mayroon sa pagitan ng walo at 12 anak. Kaya, ako ba ang kailangang magkaroon ng kaunting anak?”
Gayumpaman, ang gayong pangmalas ay hindi kasingkaraniwan na gaya ng dati, kahit na sa Nigeria, kung saan ang karaniwang babae ay may anim na anak. Palibhasa’y nakakaharap ang tumataas na halaga, angaw-angaw na mga tao ay hirap na hirap pakanin at damtan ang kani-kanilang pamilya. Natutuhan ng marami sa pamamagitan ng karanasan ang katotohanan ng kasabihang Yoruba: “Ọmọ bẹẹrẹ, òṣì bẹẹrẹ” (ang maraming anak, maraming kahirapan).
Nauunawaan ng maraming mag-asawa ang mga pakinabang ng pagpaplano ng pamilya, gayunma’y hindi nila ginagawa ito. Ang resulta? Ang The State of the World’s Children 1992, na lathala ng United Nations Children’s Fund, ay nagsabi na humigit-kumulang 1 sa 3 pagbubuntis sa nagpapaunlad na mga bansa sa isang taon ay hindi lamang wala sa plano kundi inaayawan.
Ang Pagpaplano ng Pamilya ay Nagliligtas ng Buhay
Bukod sa mga suliranin sa kabuhayan, isang malaking dahilan na dapat isaalang-alang sa pagpaplano ng pamilya ay ang kalusugan ng ina at ng kaniyang mga anak. “Ang pagbubuntis ay isang sugal at ang panganganak ay isang buhay-at-kamatayan na pakikipagbaka,” sabi ng isang kawikaan sa Kanlurang Aprika. Taun-taon sa nagpapaunlad na daigdig, kalahating milyong babae ang namamatay sa panahon ng pagbubuntis o sa panganganak, isang milyong bata ang naiiwang walang ina, at karagdagang limang milyon hanggang pitong milyong babae ang nagiging baldado o lumpo dahil sa pinsala sa kalusugan na nauugnay sa panganganak.
Hindi lahat ng mga babae sa nagpapaunlad na mga bansa ay nanganganib sa katulad na antas. Gaya ng ipinakikita ng kalakip na kahon, yaong lubhang nanganganib ay ang mga babaing nanganganak ng napakaraming anak nang napakabata, napakadalas, o napakatanda na. Tinataya ng mga babasahin ng UN na maaaring iwasan ng pagpaplano ng pamilya ang mula sangkapat hanggang sangkatlo ng mga kamatayang ito ng mga babae sa panahon ng pagbubuntis o panganganak at maaaring iwasan ang angaw-angaw na pagkainutil.
Subalit hindi ba ang pagliligtas ng angaw-angaw na mga buhay ay nagsisilbi lamang upang sumulong ang pagdami ng populasyon? Nakapagtataka, maraming dalubhasa ang nagsasabi ng hindi. “Maaaring isipin,” sabi ng 1991 Human Development Report, “na, kung mas maraming bata ang mabubuhay, lulubha ang mga problema sa populasyon. Ganap na kabaligtaran. Ang pertilidad ay waring bumababa kapag ang mga magulang ay nakatitiyak na ang kanilang mga anak ay mabubuhay.”
Gayumpaman, angaw-angaw na babae, lalo na sa mahihirap na lipunan, ay patuloy na nanganganak nang madalas. Bakit? Sapagkat inaasahan ito sa kanila ng kanilang lipunan, sapagkat ang pagkakaroon ng maraming anak ay nakadaragdag din sa probabilidad na ang ilan ay mabubuhay, at sapagkat marahil ay hindi nila alam ang tungkol o wala silang makuhang mga paglilingkod sa pagpaplano ng pamilya.
Gayunman, maraming babae na may malalaking pamilya ang gusto iyon. Itinuturing nila ang bawat anak na isang pagpapala mula sa Diyos.
[Kahon sa pahina 6]
Lubhang Mapanganib na Pagbubuntis sa Nagpapaunlad na Daigdig
Napakabata: Ang panganib ng kamatayan sa panahon ng pagbubuntis at panganganak sa gitna ng mga babaing mula 15 hanggang 19 anyos ay hanggang tatlong ulit na mas mataas kaysa mga babaing mula 20 hanggang 24 anyos. Ang mga sanggol na isinisilang sa mga babaing tin-edyer ay mas malamang na mamatay, maisilang nang napakaaga, o napakapayat sa pagsilang.
Sunod-sunod: Ang haba ng panahon sa pagitan ng mga pagsilang ay lubhang nakaaapekto sa kaligtasan ng bata. Ang batang isinisilang na wala pang dalawang taon kasunod ng naunang bata ay 66 na porsiyentong mas malamang na mamatay sa pagkasanggol. Kung mabuhay ang mga batang ito, ang kanilang paglaki ay malamang na masugpo at ang kanilang intelektuwal na paglaki ay malamang na mapinsala. Halos 1 sa 5 kamatayan ng sanggol ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng wastong pagpupuwang ng pag-aanak. Ang puwang na tatlo o higit pang mga taon sa pagitan ng mga pag-aanak ang hindi gaanong mapanganib.
Napakarami: Ang pagkakaroon ng higit pa sa apat na anak ay nagdaragdag ng panganib sa pagbubuntis at panganganak, lalo na kung ang pagitan sa pag-aanak sa naunang mga anak ay hindi mahigit sa dalawang taon. Pagkatapos ng apat na pagbubuntis, ang mga ina ay malamang na magkaroon ng anemia at mas malamang na duguin, at ang kanilang mga anak ay mas nanganganib na isilang na mga inutil.
Matanda Na: Ang mga babaing mahigit nang 35 anyos ay limang ulit na mas malamang mamatay sa panahon ng pagbubuntis o panganganak kaysa mga babaing mula 20 hanggang 24 anyos. Ang mga batang ipinanganganak sa mas matatandang babae ay malamang na mamatay rin.
Mga pinagmulan: World Health Organization, UN Children’s Fund, at ang UN Population Fund.