Mga Inspektor Pangkalinisan sa Himpapawid
Mga Inspektor Pangkalinisan sa Himpapawid
Kung tatanungin kung anong ibon ang ayaw nilang makatagpo, marami ang magsasabi na ang buwitre.
Iilang ibon lamang ang lubhang sinisiraan na gaya ng buwitre. Ito ang isinumpang ibon na ang nakatatakot na anino ay aali-aligid sa ibabaw ng patay at ng namamatay. Ang paglitaw nito ay sinasabing naghuhudyat ng madugong pagpatay, lagim, at kawalan ng pag-asa. Subalit ganiyan ang paglalarawan sa mga buwitre sa kathang-isip na literatura.
Kung tungkol sa mga katotohanan: Maraming tao ang nabighani sa magandang paglipad ng buwitre at ang magiliw na pangangalaga nito sa mga inakay nito. Naunawaan din nila ang mahalagang papel na ginagampanan nito sa ekolohiya. Sa mga taong iyon ang buwitre ay kapuwa napakaganda at kailangang-kailangan.
Totoo, ang mga buwitre ay may ilang di-kanais-nais na mga katangian, bukod sa kanilang masagwang mga ugali sa pagkain. Tiyak na hindi sila mananalo sa anumang timpalak sa kagandahan, at ang kanilang mga sigaw ay iba’t ibang inilarawan bilang mga tili, kakak, ungol, kokak, at mga sutsot. Gayunman, sila ay may ilang kaibig-ibig na mga katangian.
Ang buwitre ay isang ibon na seryosong ginagampanan ang pagkamagulang. Taun-taon “isang inakay lamang” ang tumatanggap ng di nababahaging pansin ng kapuwa mga magulang hanggang sa mapakain na nito ang kaniyang sarili. Ang inakay na buwitre na walang kayang humahapon sa loob ng ilang buwan sa isang di mapapasok na ungos ng bato ay tiyak na nangangailangan ng mahabaging pangangalaga ng kapuwa mga magulang. Sa katunayan, ang isang inakay na condor sa Andes ay kailangang pakanin sa loob ng anim na buwan bago ito maaaring umalis ng pugad, na sa panahong iyon ang “inakay” ay halos ganap na ang paglaki.
At ang mga buwitre ay may kagalingan na kapaki-pakinabang. Bagaman ang sangkatauhan ay nakikinabang sa maraming ibon sa iba’t ibang kaparaanan, ang mga buwitre ay gumagawa ng isang natatanging paglilingkod. Sila ang mga inspektor pangkalinisan sa himpapawid.
Inspeksiyong Pangkalinisan
Ang paglilinis ng mga patay na hayop ay hindi itinuturing ng maraming tao na isang paboritong gawain sa araw-araw, subalit ito ay isang mahalagang gawain. Ang wastong sanitasyon ay nangangailangan ng agad na pag-aalis ng mga bangkay, na maaaring pagmulan ng mapanganib na nakahahawang sakit kapuwa sa mga tao at sa mga hayop.
Dito karapat-dapat sa pagkilala ang mga buwitre. Kahit na ang karne na nahawaan ng anthrax o botulin ay nilalamon nang hindi naaano, hanggang sa walang matira kundi mga buto.
Ang ilang buwitre ay nagdadalubhasa pa nga sa pagkain ng mga buto. Ang buwitreng lammergeier ng Eurasia at Aprika ay naghuhulog ng mga buto mula sa kaitaasan tungo sa mabatong lupa. Kapag nabasag ang buto, kinakain ng lammergeier ang utak sa buto at ang maliliit na piraso ng buto.
Mabuti na lang, di-gaya ng mga katulad nitong tao, ang mga inspektor pangkalinisan na ito ay hindi kailanman nagwewelga. Kung ang gawain ng buwitre ay hindi gagawin, magiging pamilyar na tanawin ang nagkalat na mga bangkay na punô ng sakit sa tropikal na kapatagan.
Ngunit sundan natin ang isang pangkat ng mga buwitre sa isang karaniwang araw ng trabaho.
Patrolya sa Himpapawid
Pagsikat ng araw, sila ay nagtutungo sa himpapawid, bawat isa ay sumasaklaw sa isang tiyak na dako. Sa maghapon ang ating pangkat ng mga buwitre ay walang tigil na pumapatrolya sa himpapawid sa paghahanap ng mga patay na hayop. Kapag isang bangkay ng hayop ang mamataan sa wakas ng isa sa mga buwitre, siya ay sumasalimbay. Ito ay nakatatawag-pansin sa iba pang buwitre, na magmamadali rin tungo sa patay na hayop. Sa loob ng ilang minuto, dose-dosenang buwitre ang nagdaratingan sa eksena.
Bago kumain, ang mga buwitre ay bantulot na luluksu-lukso sa paligid ng patay na hayop. Sa kabila ng kanilang reputasyon, sila ay lubhang mahiyaing mga nilikha. Sa wakas, isa sa kanila ang magsisimulang gutay-gutayin ang patay na hayop, at ito ang hudyat para sa buong pangkat na simulan ang pagkain. Maraming bangayan at sutsutan, tulakan at hilahan, na para bang isang labu-labo sa larong rugby football. Ang pinakagutom, na siyang pinakamaingay, ay karaniwang unang pinakakain. Kung ito ay isang malaking patay na hayop, magkakaroon ng sapat na pagkain para sa lahat.
Sa loob lamang ng ilang minuto, tapos na ang pagkain, at buto lamang ang matitira, ang kawan ng mga buwitre ay lilipad sa himpapawid upang ipagpatuloy ang paghahanap. Ang buhay ng buwitre ay hindi madali. Maaaring kumuha ng dalawa o tatlong araw bago sila muli makakain.
Paningin at Pagtutulungan
Ang mga buwitre ay kahanga-hangang nasasangkapan para sa pagbabantay sa himpapawid. Ang kanilang malalaki’t malalakas na pakpak ay sakdal na idinisenyo para sa pagsalimbay at paglipad na pataas, hinahayaan silang lumipad ng mga ilang oras nang hindi halos ipinapayagpag ang pakpak. Sanay na sanay sila sa pagsamantala sa mga thermal, o tumataas na mainit na daloy ng hangin, na tumutulong sa kanila na manatiling nasa itaas nang walang pagod. Inilarawan ni Dean Amadon, kilalang ornitologong Amerikano, ang mga ito bilang isa sa “pinakamahusay na kapahayagan ng paglipad ng kalikasan.”
Isang tanong na nakaintriga sa mga ornitologo sa loob ng maraming taon ay, Paano napakabilis na nakikita ng mga buwitre ang mga patay na hayop?
Ang sagot ay isang kombinasyon ng matalas na paningin at pagtutulungan. Tinatayang ang isang buwitreng aali-aligid sa taas na halos 750 metro ay maaaring mamataan ang isang bagay sa lupa na wala pang labintatlong centimetro ang haba. Subalit kahit na taglay ang gayong matalas na paningin, ang nag-iisang buwitre ay mahihirapang makasumpong ng pagkain.
Kaya nga, mahalaga ang pagtutulungan. Napansin na ang mga buwitre ay naghihiwa-hiwalay upang patrolyahan ang iba’t ibang dako. Kung isang buwitre ang bumababa patungo sa isang patay na hayop, ang kaniyang pagkakakilanlang salimbay ay hudyat sa kalapit na mga buwitre na may napipintong pagkain, at sila ay agad na lumilipad sa direksiyong iyon. Ang pagbabago ng kanilang landasin ay namamataan din ng mas malalayong ibon, na nagmamadali rin sa dakong iyon. Ang panghimpapawid na sistemang ito ng telegrapo ay kataka-takang napakahusay, anupat sa isang nagmamasid wari bang ang lahat ng mga ibon ay dumarating halos nang sabay-sabay.
Nakalulungkot naman, ang gayong kahusayan at hindi maikakailang kapakinabangan ay hindi nakasapat upang igarantiya ang proteksiyon at kaligtasan ng mga buwitre.
Ang Pagbabalik ng Condor
Sa kabila ng pagiging kabilang sa pinakamalaki at pinakamaringal sa mga ibong maninila, ang mga buwitre ay nanganganib na malipol sa maraming bahagi ng daigdig. Ang kanilang tradisyunal na pagkain ay naglaho sa mga kapatagan, at ang mga patay na hayop na natatagpuan nila ay nalason. Ginagawa ring mahirap ng kanilang mabagal na pagpaparami na makabawi ang kanilang lubhang umunting populasyon.
Gayumpaman, may ilang matagumpay na mga resulta sa kabila ng masamang mga kalagayan. Isang programa para sa artipisyal na pagpaparami ng mga condor sa California ay waring matagumpay, at inaasahang mas maraming ibon ang di-magtatagal ay babalik sa ilang. Dahil sa mga pagsisikap ng Pranses na mga dalubhasa sa pangangalaga ng mga buhay-ilang, ang buwitreng griffon ay muling nakita sa Massif Central, Pransiya, pagkaraan ng pagkawala nito sa loob ng maraming taon.
Sa gayon, ang ibon na dati-rati’y lubhang kinaiinisan ng mga tao ay naging isang sagisag ng pagsisikap ng tao na iligtas ang mga uring iyon na isinapanganib ng tao. Walang alinlangan, ang maringal na paglipad ng condor sa hanay ng mga bundok ng Hilaga at Timog Amerika ay isang tanawing napakaganda upang hayaang maglaho.
Samantala, sa Aprika at sa Asia, mababang-loob na ginagawa pa rin ng mga buwitre ang kanilang di pinahahalagahang gawain, mga inspektor pangkalinisan sa himpapawid.
[Kahon sa pahina 12]
Rekord ng mga Buwitre
ANG mga buwitre ay itinuturing na kabilang sa pinakabihira at pinakamalaking ibon sa daigdig. At hawak din nila ang rekord ng taas ng paglipad sa gitna ng mga ibon.
Ang condor ng California ay isa sa pinakananganganib malipol na uri sa daigdig. Upang iligtas ang buwitre na ito sa pagkalipol, walang tigil na ginawa ang lahat ng pagsisikap sa pamamagitan ng programa ng pagpaparami sa gitna ng dalawang dosenang ibon na nabihag. Noong 1986 tatlong condor lamang sa California ang masusumpungan sa iláng na kanilang likas na tirahan.
Ang condor sa Andes, kasama ang tagak marabou ng Aprika, ang may pinakamalapad na sukat ng pakpak sa lahat ng ibon sa lupa, mahigit na tatlong metro. Ito rin ang pinakamabigat na ibong maninila, kung minsan ay tumitimbang ng mahigit 14 na kilo.
Ang mga buwitre ay mataas ding lumipad. Noong 1973 isang buwitre sa Aprika (Gyps rueppellii) ay bumangga sa isang eruplano na lumilipad sa Côte d’Ivoire, Kanlurang Aprika, sa taas na 11,300 metro.
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Larawan: Sa kagandahang-loob ng Madrid Zoo, Madrid, Espanya