Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Chronic Fatigue Syndrome Kaming pamilya ay napaiyak na may pagpapahalaga nang tanggapin namin ang aming Gumising! tungkol sa CFS. (Agosto 22, 1992) Totoong nagmamalasakit ang organisasyon ni Jehova sa pagsisikap na magbigay ng unawa sa mga hindi dinapuan ng nakatatakot at kakatwang sakit na ito! Salamat din sa ipinahayag na pagpapahalaga para sa mga nagmamalasakit sa amin, na nagdadala ng gayong kabigat na pasanin.
K. C., Australia
Parang ako ang babae na nasa pabalat. Ang mga artikulo ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magtungo sa isang doktor at mabatid na ako’y talagang maysakit. Isinisi ko ang lahat ng ito sa panlulumo. Subalit dahil sa tulong ni Jehova, ang naranasan kong hapis ay naparam na.
M. A., Espanya
Sa wakas, isang magasin tungkol sa CFS! Sinikap kong ipaliwanag sa iba kung ano ang nadarama ko subalit ito’y nagbubunga lamang ng pagkabigo at paminsan-minsang pagkapahiya! Ang mga artikulong ito ay mga halimbawa kung paano nakikitungo ang inyong mga lathalain sa mga pangangailangan ng mga indibiduwal.
F. C., Italya
Hindi pa rin ako makapaniwala na sa wakas ay sinagot na ang aking mga katanungan tungkol sa aking kalusugan. Mayroon akong CFS sa loob ng 14 na taon nang hindi nalalaman kung ano ito. Nagtungo na ako sa maraming doktor na nagsasabing ako’y nanlulumo lamang o may suliranin sa emosyon. Ipinadala ko ang mga kopya ng magasing ito sa 25 sa mga doktor na ito.
J. A. G., Brazil
Ako’y may sapat na kaalaman na tungkol sa CFS. Ang talagang kailangan ko ay ang binanggit ninyo sa parapo sa pahina 14 na nagsabi tungkol sa kung ano ang iniisip ni Jehova. Maraming salamat! Ako’y naiiyak sa tuwing nababasa ko ang parapong iyon, na ngayon ay halos 50 ulit na!
S. D., Estados Unidos
Sa pagitan ng mga pagluha at pangangatal, nagawa ko pa ring basahin ang artikulong ito. Ako’y pinahihirapan ng CFS. Napakatagal na nirekunusi ang aking problema. Subalit ang pisikal na kirot ay waring hindi kasinsakit ng kirot na nadama ko dahil sa hindi ako maintindihan ng aking Kristiyanong mga kapatid. Waring laging batid ni Jehova kung kailan ilalaan sa atin ang impormasyon.
K. J., Estados Unidos
Ang aking anak na babae ay pinahirapan ng CFS sa loob ng ilang taon, kaya ako’y galak na galak na matanggap ang Agosto 22 ng Gumising! Inilahad nito nang napakaliwanag ang mga problema anupat hindi ko maibaba ang magasin hanggang sa matapos. Pagkatapos ay binasa kong muli. Ito’y magiging isa sa mga magasing iingatan ko sa aking pantanging salansan para sa madaling reperensiya. Totoong nabagbag ang damdamin ko ng magasing ito anupat ako’y talagang nagpapasalamat sa inyo.
M. E., Inglatera
Alkoholikong mga Magulang Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Isang Alkoholikong Magulang—Paano ko Makakayanan?” (Agosto 8, 1992) Ang aking ama ay isang pagaling na alkoholiko. Siya’y labis na mapang-abuso, kapuwa sa pisikal at mental. Nagsimula akong uminom sa napakaagang edad anupat ako’y muntik nang maging alkoholiko mismo nang magsimulang makipag-aral ang aking ina sa mga Saksi ni Jehova. Nagagalak akong sabihin na noong Agosto 1991, ako’y nabautismuhan! Ako ngayon ay nag-aaplay na maging isang payunir [buong-panahon] na ebanghelisador. Pinahahalagahan ko kung gaano kamaunawain ang artikulo sa damdamin ng mga kabataan sa kanilang alkoholikong mga magulang. Maaari natin silang mahalin, subalit hindi ibig sabihin nito na wawaling-bahala natin ang kanilang ginagawa.
L. W., Estados Unidos