Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Sentro ng Voodoo sa mga Sementeryong Bayan
Ang sangguniang-bayan at ang alkalde ng São Paulo, Brazil, ay sumang-ayon kamakailan sa malayang paggamit ng lugar sa mga sementeryo ng munisipyo upang magsilbing “mga sentro ng voodoo,” ayon sa Jornal da Tarde. Ang mga kalaban ay nagsampa ng mga protesta laban sa mga sentrong ito, nagsasabi na gagamitin ng mga sektang Afro-Brazilian ang mga sementeryo upang magsagawa ng nakapangingilabot na mga paghahain ng hayop. Kasali sa mga hayop na inabuso, pinagpuputol, o pinatay ay ang mga tuta na inilibing na buháy sa loob ng malalaking hayop at mga pusa at aso na dinukit ang mga mata. Sinabi ng isang opisyal ng gobyerno na ang mga sekta ay hindi kusang pumunta sa Brazil kundi na ang mga aliping nagsagawa ng ganitong mga ritwal ay sapilitang dinala mula sa Aprika. Dahil dito, aniya, dapat na igalang ang mga sekta ng voodoo.
Nagpapatuloy ang Patayan
Ayon sa JAMA (Journal of the American Medical Association), tinataya na noong Digmaang Pandaigdig I, wala pang 19 na porsiyento ng mga taong nasawi sa digmaan ay mga sibilyan. Noong Digmaang Pandaigdig II, halos 50 porsiyento ng mga nasawi sa digmaan ay mga sibilyan. Mula noon, mga 150 digmaan ang ipinagbaka sa buong mundo. “Tinataya,” sabi ng JAMA, “na mahigit na 80 porsiyento ng 20 milyong nasawi at 60 milyong sugatan ay mga sibilyan, karamihan sa kanila ay mga bata. Sa nakaraang dekada lamang, tinatayang 1.5 milyong bata ang nasawi at mahigit na 4 na milyong bata ang nabalda ng digmaan.”
Sakit at Kamatayan
Sa buong daigdig, mga 50 milyon katao ang namamatay bawat taon. Sa mga kamatayang ito, 46.5 milyon ang tuwirang may kaugnayan sa sakit, ayon sa WHO (World Health Organization). Ang nakahahawa at mga sakit dahil sa parasito ay pumapatay ng 17.5 milyon katao taun-taon. Ang sakit sa puso ay pumapatay ng halos 12 milyon. Ang kanser ay pumapatay ng mahigit na limang milyon. Si Hiroshi Nakajima, panlahatang patnugot ng WHO, ay nagsabi: “Ang kalunus-lunos na bagay ay na di-kukulanging 20 milyong kamatayan bawat taon ang maiiwasan sana ng pinagbuting sistemang pangkalusugan, makukuhang kinakailangang mga gamot at bakuna, mas mabuting istilo ng pamumuhay at edukasyon.”
Mga Pusa at mga Ibon
Tinataya ng mga mananaliksik na sa Wisconsin, E.U.A., lamang, ang mga pusa ay maaaring makapatay ng mahigit na 19 na milyong ibon sa isang taon. Ipinakikita ng isang pagsusuri sa Britaniya na 5 milyong pusa ay pumapatay ng halos 20 milyong ibon taun-taon. Sa Australia, ang mga pinuno sa bayan sa Sherbrooke Shire ay nag-utos sa mga residente na ikulong sa gabi ang mga alagang hayop, magmumulta ng $100 ang mga lalabag, sa pagsisikap na masugpo ang pagpatay sa pambihirang mga ibon. Sa Estados Unidos, mga 35,000 pusa ang ipinanganganak araw-araw. Subalit gaya ng ulat ng magasing National Wildlife, “nasumpungan ng pagsusuri sa Wisconsin na nais ng 94 na porsiyento ng mga may-ari ng pusa ang magkaroon ng mga ibong umaawit sa kanilang propyedad at 83 porsiyento ang may nais ng mga game bird, subalit tanging 42 porsiyento lamang ang may nais na bawasan ang bilang ng mga pusa sa kapakinabangan ng mga pambihirang uring ito ng mga ibon.”
Isports at Kalusugan
Nagbabala ang mga dalubhasa na ang pagpuwersa sa katawan sa di-nakasanayang maigting na pagtatanghal ay makapagdudulot sa iyo ng sakit. Ulat ng The European: “Isiniwalat ng pananaliksik ng mga siyentipiko sa panggagamot na ang pinakamahuhusay na manlalaro ay mas madaling kapitan ng mga viral infection gaya ng sipon, pangangati ng lalamunan at mga singaw kaysa iba.” Kinapanayam ni Klaus Braumann, isang medikal na tagapayo sa koponan ng German Olympic, ang 481 pinakamahuhusay na manlalarong Aleman. Ayon sa pahayagang Süddeutsche Zeitung, nasumpungan niya na sila’y “kalimitang nagdaranas ng singaw sa labi [herpes simplex] na apat na ulit kaysa karaniwang mga tao.” Bagaman tinataya na sa Alemanya halos 10 porsiyento ng populasyon ang nagkakaroon ng mga paltos na ito paminsan-minsan, halos may 50 porsiyentong paglitaw sa pinakamahuhusay na manlalaro. “Ang bawat pagpuwersa sa katawan na lumalampas sa talagang takda ay makapagpapahina sa sistema ng imyunidad,” ani Heinz Liesen, isang dalubhasa sa gamot sa isports.
“Ang Kabalintunaan ng Kasaganaan”
Sa kamakailang miting sa Geneva, Switzerland, ipinahayag ng dalawang ahensiya ng UN na pagsasanibin nila ang kanilang pagsisikap sa “isa sa pinakamalaking pagsalakay na kailanma’y ginawa laban sa pambuong daigdig na malnutrisyon.” Nag-uulat ang pahayagan ng Paris na Le Monde na ang Food and Agriculture Organization at ang World Health Organization ay nagsabi na sila’y gagawa ng hakbang upang daigin ang kanilang tinatawag na “kabalintunaan ng kasaganaan.” Bagaman ang lupa ay nagsisibol ng sapat na pagkain upang sapatan ang nutrisyunal na mga pangangailangan ng buong sangkatauhan, ang panustos ay hindi naipamamahagi sa paraang kasuwato ng mga pangangailangang ito. Sa Aprika, araw-araw na isinasapanganib ng taggutom ang buhay ng 40 milyon katao. Ang 192 milyong bata ay nagdaranas ng malnutrisyon, at 40,000 sa kanila ang namamatay araw-araw.
Di-sinasadyang Pagtuturo
“Pagka ang mga magulang ay naninigarilyo, malamang na sundin ng kanilang mga anak ang kanilang halimbawa,”
sabi ng pahayagan sa Paris na Le Figaro. Isiniwalat ng isang kamakailang pagsusuri na nagsasangkot ng mahigit na 10,000 kabataang Pranses mula sa edad na 11 hanggang 18 taon na halos sangkapat sa kanila ang regular na gumagamit ng tabako—ibig sabihin na sila’y naninigarilyo ng di-kukulanging minsan araw-araw. Isiniwalat ng pagsusuri na sa gitna ng mga kabataang naninigarilyo, mahigit na 50 porsiyento ang may mga amang naninigarilyo. Ipinakita rin nito na halos 72 porsiyento sa mga kabataan na regular na naninigarilyo ang umaasam na kanilang maihinto ito.Di-gaanong Paggalang sa Matatanda
Ang dami ng mga may edad na tao sa Asia ay lubhang lumalago. Sa Hapón inaasahan ng ilan na ang bilang ng mga taong ang edad ay 65 at mas matanda pa ay lalago mula sa kasalukuyang 15.5 milyon hanggang 32 milyon sa susunod na 30 taon. Ayon sa Asiaweek, 1 sa bawat 4 na Hapones ay magkakaedad na sa taóng 2020. “Mahigit sa 9% ng mga taga-Singapore ay sumapit na sa kanilang ika-60 kaarawan. At sa taóng 2000 C.E., halos 1.5 milyong taga-Malaysia ang magiging retirado na,” susog ng Asiaweek. Ang paglagong ito ay sumapit sa panahon nang ang matandang mga kaugalian ng pangangalaga at paggalang sa mga may edad na ay gumuho na. Si Henry Lim, isang tagapagtaguyod ng matatanda nang mamamayan sa Singapore, ay nagsabi: “May kausuhan ng paghina ng paggalang sa mga may edad na.” Isinusog pa niya na ang mga kabataan ay kalimitang “may higit na panahon para sa kanilang asong poodle kaysa kanilang mga magulang.”
Mabuting Negosyo
Sa Argentina, nakabahala sa mga tao ang mga ulat ng mga paghahain ng mga hayop at tao. Ayon sa Clarín, may 5,000 sekta sa Argentina, na marami sa mga ito ay nagsisiyasat sa espiritismo, Satanismo, at iba pang anyo ng okultismo. Ang paggamit ng mga imahen ay kapansin-pansin sa marami sa mga sektang ito. Sa Buenos Aires hindi kataka-taka na makasumpong ng mga tindahan na may mga imahen ni Jesu-Kristo at ng Katolikong “mga santo” sa iisang estante ng mga estatwa ng demonyo. Isang imahen ang kilala bilang “Lucifer, ang Dakilang Kapitan at pinakakakila-kilabot sa lahat ng mga diyos ng kasamaan.” Sinabi ng Clarín na ang mga suplayer ng satanikong mga imaheng ito ay namamahagi rin ng Katolikong mga imahen. Inamin ng isang may-ari ng tindahan na ang pagbebenta ng mga imaheng Katoliko at mga satanikong imahen ay “mabuting negosyo.”
Pagkatakot sa mga Pasyente
Ang pagkatakot na mahawa ng mga sakit mula sa kanilang mga pasyente ay maaaring nakaaapekto nang matindi sa paggawi ng mga manggagawang tagapangalaga ng kalusugan, ayon sa The New York Times. Maraming doktor ang takot na mahawa ng AIDS o hepatitis sa pamamagitan ng di-sinasadyang pagturok o paghiwa sa kanilang balat ng mga instrumentong panggamot habang ginagamot ang mga pasyente. Maliwanag ang pagkatakot na ito ay may dahilan. Isiniwalat ng isang imbestigasyong isinagawa sa isang ospital sa New York City na halos 60 porsiyento ng mga doktor na regular na gumagamot sa mga pasyenteng may tuberculosis ay nahawa mismo ng sakit na iyon. At, bawat taon mga 12,000 manggagawang tagapangalaga ng kalusugan ang nahawa ng hepatitis mula sa kanilang mga pasyente. Simula nang mag-umpisa ang epidemya ng AIDS, halos 47 manggagawang tagapangalaga ng kalusugan sa Estados Unidos ang nahawa na ng sakit mula sa kanilang mga pasyente.
Nganga at Kanser
“Magnganganga o hindi . . . iyan ang tanong.” Ang tanong, hinggil sa pagnganganga, ay ibinangon sa Post-Courier, isang pahayagan sa Papua New Guinea. Si Dr. Barrie Milroy, isang dalubhasang siruhano na may karanasan sa paggamot ng mga nagnganganga, ay nagsabi na “waring ang dalawang pangunahing suliranin sa Papua New Guinea ay ang epidemya ng malaria at kanser sa bibig, ang huling banggit ay tuwirang may kaugnayan sa pagnganganga.” Maging ang mga bata ay kabilang sa marami na namihasa sa pagnganganga. ‘Hindi ito katanungan kung magnganganga ba ang isa o hindi, kundi kung kailan, magkakaroon ang isa ng kanser,’ ani Dr. Milroy. Isinusog pa niya na malibang huminto ang mga ito, “walang gaanong tulong sa paggamot para sa kanila.”
Tusong mga Manghuhuwad
“Isang bagay na ilagay nang palihim ang huwad na salapi ng di mapaghinalang tagapagtinda o maging ng teler man sa bangko. Ibang bagay naman na malinlang ang masalimuot na kagamitan sa pangangasiwa ng salapi sa Federal Reserve,” sabi ng The Wall Street Journal. Subalit, may naglalabas ng $100 salaping papel sa pera ng E.U. na gumagawa ng ganiyang panghuhuwad. Tinaguriang “napakahusay,” ang huwad na salapi ay biglang lumitaw sa buong daigdig. Ang mahirap na istilo ng pag-iimprenta na ginagamitan ng nakaangat na tatak, ang papel na nasasalayan ng tela na mayroong nakapanlilinlang na pula at asul na mga hibla, at kakaibang magnetikong tinta ay buong kahusayan na kinopya. Ang mga huwad na salapi ay napakatunay anupat sa halip na sundin ang karaniwang paraan ng paghahabla sa mga bangko dahil sa huwad na mga salapi na kanilang ikinakalat, tinatanggap ng pamahalaan ng E.U. ang pagkalugi. Nangangamba ang ilang pinuno na ang huwad na mga salaping papel ay gawa ng isang grupo ng terorista o isang di palakaibigang pamahalaang banyaga.
Dumarami ang mga Kamatayan Dahil sa Hika
“Ang bilang ng mga taong namamatay dahil sa pag-atake ng hika [sa Alemanya] ay lubhang dumami,” sabi ng pahayagang Süddeutsche Zeitung. Sang-ayon sa organisasyon ng German Respiratory Tract League, noong 1991 mahigit na 5,000 katao ang namatay bunga ng mga sakit na nauugnay sa palahingahan sa bansang iyon. Noong kalagitnaan ng 1970’s, ang kaukulang bilang ay halos 2,000 sa isang taon. Mga 20 milyong mamamayan sa Alemanya ang pinahihirapan ng mga alerdyi, 1 sa 3 ay mula sa mga alerdyi sa palahingahan.