Sinaunang Teknolohiya—Makabagong Kababalaghan
Sinaunang Teknolohiya—Makabagong Kababalaghan
“ANG bayan [ng Turfan], sa isa sa pinakamainit, pinakatigang na dako sa lupa, ay nananatiling isang luntiang oasis, dahil sa teknolohiya na 2,000 taóng gulang,” ulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada.
Ang Turfan ay kilala hindi lamang sa pagiging ang pinakamainit na lunsod sa Tsina kundi isa rin sa pinakamainit at pinakatigang na dako sa lupa. Ang populasyon nito na halos 180,000 ay nakatira sa gawing hilagang dulo ng Turfan Depression, karugtong ng Disyertong Takla Makan. Halos walang pag-ulan, at dahil sa matinding init, ang kaunting ulan na pumapatak ay sumisingaw bago pa man ito umabot sa lupa. Kung mga buwan ng tag-araw, ang temperatura ay karaniwang umaabot ng 54 digris Celsius sa lilim.
Gayunman, ang Turfan ay napaliligiran ng mga punungkahoy at mga palumpong, sumasaklaw ng 3,200 ektarya. Ito’y nagsisilbing proteksiyon sa mga mamamayan laban sa malakas na mga bagyo ng buhangin na regular na umaalimpuyo sa paligid ng bayan. Ang mga bagyo ay nanggagaling sa Disyerto ng Takla Makan at nagdadala ng napakaraming buhangin na maaaring ganap na tabunan ang mga gusali at takpan ang matatabang bukid. Kaya binabantayan ng mga punungkahoy at mga palumpong ang oasis ng lunsod mula sa mapangwasak na mga puwersa ng disyerto.
Sa kabila ng masungit na kapaligirang ito ng maligalig na mga bagyo ng buhangin at nakapapasong temperatura, ang Turfan ay umuunlad bilang isang sentro ng agrikultura. Ang dakong ito ay sagana sa iba’t ibang uri ng eksotikong pagkain, nagbibigay ng mga ani sa disyerto na mga date, ubas, melon, granada, peach, apricot, mansanas, talong, sibuyas, at trigo at iba pang binutil, huwag nang banggitin ang pinakapinong mahabang-hibla na bulak na itinatanim sa Tsina. Kung magugunita, ang Turfan ay kilala sa kalidad at pagkasarisari ng mga ani nito. Sa loob ng libu-libong taon, ito ay naging isang umuunlad na pamayanan sa isang matabang lupa na oasis.
Ano ang 2,000-taóng-gulang na teknolohiya na nagpapanatili ng gayong kamangha-manghang tagumpay sa kabila ng hindi kanais-nais na mga kalagayan? Ang The Globe and Mail ay nagsasabi na utang ng lunsod ang tagumpay nito sa “isang sinaunang sistema ng patubig na isa sa pinakamahusay at nagtatagal na gawa ng inhinyeriya ng tao.” Susog pa ng pahayagan: “Ang sekreto ng pananatili [ng Turfan] ay isang hindi kapani-paniwalang masalimuot na mga balon at mga tunél ng patubig—kilala sa lokal na diyalektong Uighur bilang karez—na nagtitipon sa tubig na nanggagaling sa mga bundok ng Tian Shan na natatakpan ng niyebe ang tuktok, 80 kilometro [50 milya] sa hilagang-kanluran.” Ang tubig ay malamang na sisingaw bago makarating sa mga bambang ng lunsod kung ito’y hindi pinaraan sa ilalim ng lupa sa pamamagitan ng daan-daang tunél na bumubuo sa masalimuot na sistema ng patubig.
Matagal nang panahon bago pa nagawa ng mga Uighur ang kanilang sistema ng patubig, ginamit ng sinaunang mga Persiano ang katulad na sistema ng mga tunél ng patubig. Ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang mga Persiano ay gumawa ng mga bukal ng tubig sa ilalim ng lupa sa pamamagitan ng paghukay ng mga tunél, o kanats, sa mga burol, kadalasa’y ilang daang piye sa ilalim ng ibabaw ng lupa at mga 12 milya (19 kilometro) ang haba.” Oo, ang sinaunang teknolohiyang ito ng patubig ay isang kababalaghan kahit na sa modernong panahon, yamang pinananatili nito ang isang oasis sa isa sa pinakamainit, pinakatigang na dako sa lupa.
Bagaman ginagawa ng luma at bagong teknolohiya ang mga disyerto tungo sa magagandang hardin, sa malapit na hinaharap, sa pamamagitan ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, gagawin ni Jehova ang lahat ng mga disyerto sa lupa na mamulaklak, sa kasiyahan ng sambahayan ng tao. Sabi ng propeta ni Jehova: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang malawak na disyerto ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa. Mamumulaklak nang sagana, at magagalak ng kagalakan at awitan. Ang kaluwalhatian ng Libano ay tataglayin niyaon, ang karilagan ng Carmel at ng Sharon. Kanilang makikita ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.”—Isaias 35:1, 2.