Talaga bang Makapipinsala sa Akin ang Musika?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Talaga bang Makapipinsala sa Akin ang Musika?
SI Tom ay isang karaniwang 14-anyos—isang matalinong estudyante na mahilig gumawa ng pabor sa kaniyang kapuwa. Subalit pagkatapos bumili ng isang mamahaling stereo, siya’y nagsimulang makinig sa musikang heavy-metal.
Si Tom ay nagkulong na sa kaniyang kuwarto. Gunita ng kaniyang ama: “Sasabihin ko, ‘Hindi ka maaaring magkulong na lang sa iyong kuwarto sa lahat ng panahon at makinig sa iyong stereo.’” Subalit si Tom ay patuloy na nakinig. Pagkatapos, isang araw noong taglamig, sinaksak niya ang kaniyang ina sa kamatayan at siya’y nagpakamatay. “Sabihin ninyo sa mga magulang na bantayan nila kung anong uri ng musika ang pinakikinggan ng kanilang mga anak,” babala ng nagdadalamhating ama ni Tom. Mga ilang araw bago ang mga pagpatay, paulit-ulit na inawit ni Tom ang tungkol sa “dugo at pagpatay sa iyong ina.”
Isang labis na kalagayan? Tiyak iyan. At bagaman walang alinlangan na ang ibang salik ay gumanap ng bahagi sa kalunus-lunos na pangyayaring ito, pinatutunayan nito ang isang bagay na waring minamaliit ng maraming kabataan: Maaari kang impluwensiyahan ng musika! Maaaring hindi ka mahilig sa musikang heavy-metal, ni malamang na ikaw ay marahas na dumaluhong. Gayunman, maaari kang maapektuhan ng musika sa mga paraang maaaring hindi mo sukat akalain.
Ang Lakas ng Musika
Ang musika ay may lakas. Oo, maaari nitong pangyarihin ang iba’t ibang damdamin ng tao—mula sa kalungkutan at damdaming nakahahambal hanggang sa pag-ibig at kagalakan. Maaaring patahimikin ng musika ang isa sa kahinahunan at pukawin ang isa sa galit. Maaari nitong pukawin ang debosyon at itaguyod ang pagkaunsiyami. Hindi kataka-taka, kung gayon, na mula noong sinaunang panahon, ang musika ay naging isang malakas na kasangkapan ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4.
Upang ilarawan: Mga ilang panahon pagkatapos na ang mga Israelita ay iligtas buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, iniwan nila ang pagsamba kay Jehova sa pagsamba sa gintong guya. Ano ang kasama sa kanilang kahiya-hiyang paggawi? Walang taros at napakasamang musika! (Exodo 32:1-6, 17, 18) At nang mapagmalaking ipag-utos ni Haring Nabucodonosor sa kaniyang mga sakop na sambahin ang isang paganong imahen, paano niya pinukaw ang makabayan at relihiyosong alab ng kaniyang bayan? Sa pamamagitan ng paggamit ng pumupukaw-damdaming musika!—Daniel 3:1-7.
Kaya nga, dapat nating asahan na gagamitin ni Satanas ang musika upang iligaw ang mga tao ngayon. Siya “ang pinuno ng kapangyarihan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:2) Karamihan ng musika ngayon ay nagpapabanaag ng espiritu ni Satanas na paghihimagsik. At hindi kataka-taka, yamang karamihan nito ay isinulat niyaong sinasabi ng Bibliya ay ‘lumalakad sa kawalang-kawawaan ng kanilang mga isip, at nasa kadiliman sila ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos.’ Oo, batay sa kanilang mga istilo ng pamumuhay, maraming tanyag na mga mang-aawit, musikero, at mga kompositor ay “walang bahagya mang wagas na asal.”—Efeso 4:17-19.
Kaya ang pakikinig sa kanilang musika ay maaaring pagmulan ng ilang tunay na panganib para sa mga kabataang Kristiyano. Hindi naman ibig sabihin a Ang hindi kanais-nais na musika ay masusumpungan sa gitna ng klasikal na mga komposisyon at mga opera rin. At bagaman ang ilang musika noong una ay nagpapahiwatig o nagmumungkahi pa nga ng imoralidad, karamihan ng musika ngayon ay nagtataguyod ng kasamaan taglay ang walang katulad na kabastusan.
na lahat ng popular na musika ay masama o na ang musikang rock ang tanging musika na kailangang maging maingat ka.Hindi Angkop sa Tainga at Mata
Kunin halimbawa ang musikang heavy-metal—isang partikular na lubhang nakapipinsalang anyo ng hard rock na karaniwang pinatutugtog sa nakabibinging lakas. Ang mga banda na heavy-metal ay karaniwang gumagamit ng mga pangalang gaya ng Poison, Skid Row, Guns N’ Roses, at Slayer. Ang magasing Time ay nagsabi: “Ang mga pangalan lamang ng banda ay nagbabadya na ng mga larawan ng karahasan, pagpapahirap at kamatayan.” Gayundin ang masasabi tungkol sa nakatatakot na mga gawang-sining na nakaadorno sa mga pabalat ng album at na kadalasa’y naglalarawan ng satanikong mga sagisag.
Ngunit kumusta naman ang musika mismo? Ito’y nagtatampok ng mga titulong gaya ng “Flesh and Blood” at “Appetite for Destruction” at may mga liriko na lumuluwalhati sa mga taong sadista, sa panghahalay, at sa pagpatay. Kaya hindi kataka-taka na tinatawag ng aklat sa musikang heavy-metal na Stairway to Hell ang heavy-metal na “isang tagumpay ng kabastusan, bilis, pagkaprangka, marahas na kawalang-damdamin.” Ang musikang heavy-metal ay paulit-ulit ding nauugnay sa pag-abuso sa droga, Satanismo, at pagpapakamatay sa gitna ng mga tagapakinig nito. Gayunman, sang-ayon sa mga report ng media, ang heavy metal ay unti-unting tinatanggap ng karamihan.
Karamihan ng musikang rap (o, hip-hop) ay lumalabis din. b Ganito ang sabi ng magasing Time: “Ang mga makata ng rap . . . ay nananawagan sa kanilang mga liriko para sa maapoy na digmaan laban sa pulisya o asupre ng maliwanag na . . . sekso.” Prangkahan, ang mga liriko ng maraming popular na mga awiting rap ay napakabastos upang sipiin dito. Tinutukoy ang isang awit na iyon, isang babaing tin-edyer ang nagsabi: “Ang unang salita ay lumabas—at ako’y nasindak!”
Gayunman, kahit na ang karamihan ng kasalukuyang musikang rock ay hindi angkop para sa mga pandinig ng isang Kristiyano. Bagaman karamihan ng Top 40 na mga awit ay bihirang bastos na gaya ng rap o heavy metal, marami ang palihim pa rin—o hayagang—nagtataguyod ng seksuwal na imoralidad at ng iba pang hindi maka-Kristiyanong mga gawain. Ang mga musikang video, na totoong napakapopular sa gitna ng mga kabataan, ay nakadaragdag sa bisa ng musika sa pamamagitan ng pagdaragdag ng makapangyarihang nakikitang mga larawan. Sa isang pagsusuri ng mga musikang
video, 57 porsiyento ang nasumpungang naglalaman ng karahasan, at 75 porsiyento ay naglalaman ng mga eksena ng seksuwal na pagtatalik. Ang nakapupukaw-damdamin na damit at mahalay na pagsasayaw ay nasumpungan din na karaniwan sa mga musikang video.Maaari Ka Kayang Pinsalain Nito?
Sa halip na nakapagpapasigla at kaayaaya, marami sa musika na itinataguyod ngayon ay maliwanag na “nauukol sa lupa, makahayop, makademonyo.” (Santiago 3:15) Kataka-taka, gayunman, hindi nakikita ng lahat ng kabataang Kristiyano ang anumang problema sa pakikinig sa gayong mga awit o sa panonood ng mga video. “Huwag kang mag-alala tungkol sa mga liriko sa musikang rap,” paliwanag ng isang kabataang babae. “Tutal hindi mo naman ito maiintindihan!” Sinumang sumubok na unawain ang mga liriko ng rap ay maaaring sumang-ayon na totoo nga ito.
Hindi laging nauunawaan ng mga kabataan ang natatagong mga kahulugan ng popular na mga awit. Sa isang pag-aaral, ang mga tin-edyer ay sinabihan na ilarawan ang nilalaman ng ilang popular na mga awit. Karamihan sa mga kabataan ay basta hindi napansin ang tusong mga paksa ng sekso, karahasan, droga, at Satanismo na laganap sa kanilang musika. Kaya ang The Journal of the American Medical Association ay naghinuha: “Walang katibayan na ang musikang ito ay may anumang [nakapipinsalang] epekto sa paggawi ng mga tin-edyer.”
Gayunman, iba naman ang sinasabi ng Bibliya. Sa isang bagay, sinasabi nito na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Ngayon, gugugol ka ba ng mga oras sa pakikisama o pakikinig sa isa na gumagamit ng lubhang mahalay na pananalita, na humihimok sa iyo na gumamit ng droga, na nagtataguyod ng pagsamba kay Satanas, o na detalyadong naglalarawan ng lisyang sekso? Mangyari pa hindi! Kaya nga bakit ang gayong pananalita ay hindi gaanong nakapipinsala dahil lamang sa ito ay nilapatan ng musika o sinasalita sa isang kumpas? Kapag ang gayong masasamang paksa ay paulit-ulit na pinatutugtog, tiyak na ito’y makaaapekto sa iyo! “Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?” tanong ng Kawikaan 6:27.
Sa kadahilanang ito tayo ay pinapayuhan ng Bibliya na huwag man lamang banggitin ang imoral na mga bagay, ni ulit-ulitin ang mga ito. (Efeso 5:3-5; Filipos 4:8) Ang isa na niwawalang-bahala ang simulaing ito ay tiyak na “aani ng kabulukan.” (Galacia 6:8) “Ikaw ay pinag-iisip ng mga awit,” inamin ng kabataang nagngangalang Jodie. “Kapag dumating ang masasamang pita, pinatitindi ng mga awit ang iyong masasamang pita.” Pagkatapos makinig sa isang awit na rap na detalyadong naglalarawan ng lisyang sekso, ganito ang ipinagtapat ng isang kabataan: “Basta hindi ko ito maalis sa aking isip.”
At kumusta naman ang tungkol sa pakikinig sa mga awiting heavy-metal na nangangaral ng kamatayan, droga, o Satanismo? Isang kabataang Kristiyano ang nagsimulang makinig sa musikang heavy metal at di-nagtagal ay laging sumasagi sa isip niya ang kamatayan. Tanging sa determinadong pagsisikap ng kaniyang mga magulang at ng isang maygulang na kaibigang Kristiyano na nagawa niyang matakasan ang espirituwal at pisikal na kapahamakan.
Kung minsan, ang mga kaisipan ay nagiging pagkilos. (Santiago 1:14, 15) At karamihan ng mga musika ngayon ay maingat na ginawa upang punuin ang iyong isipan ng masasamang kaisipan. Totoo, kung ikaw ay pinalaki ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, malamang na hindi ka gagawa ng pagpatay o seksuwal na imoralidad dahil lamang narinig mo ito sa isang awit. Subalit may ibang mga paraan na ikaw ay maaaring masamang maimpluwensiyahan. Ang ilang kabataang Kristiyano ay nagsimulang magsuot ng kakatwang mga pananamit at mga gupit ng buhok na pinauso ng mga mang-aawit ng rock at rap. Ang pananalita, kilos, at saloobin ng mga kabataang iyon ay malinaw na nagpapakita na sila ay naiimpluwensiyahan ng kanilang naririnig.
“Sinasabi ng mga kabataan na hindi sila apektado ng musika,” sabi ng isang batang lalaki na taga-Timog Aprika. “Subalit binibigyan-daan nito si Satanas sa iyong buhay—upang supilin ito.” Batid niya ito mula sa personal na karanasan, gaya ng paliwanag niya: “Ang musika na pinakinggan ko ay tungkol sa espiritismo, droga, at sekso.” Paano siya nakaalpas mula sa nakapipinsalang mga epekto ng masamang musika?
“Itinapon ko ang lahat ng aking plaka at tape. Isang malaking pagbabago ito na maupo sa isang tahimik na silid. Subalit ginawa ako nitong mas mabuting tao.” Kailangan mo bang gumawa ng kahawig na mga hakbang—hindi naman kinakailangang itapon mo ang lahat ng iyong plaka at tape, kundi sa paano man ay alisin mo ang mga plaka na maliwanag na masasamâ?—Ihambing ang Gawa 19:19.
Nangangahulugan ito, hindi ng pagsumpa sa musika, kundi matutong maging mapamili! Kung paano gagawin iyon ang magiging paksa ng susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang katagang “musikang rock” ay ginagamit dito para sa anumang iba’t ibang istilo ng musika na popular sa mga kabataan.
b Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Anong Masama sa Aking Musika?” sa labas ng Pebrero 8, 1993.
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagpuno ba ng iyong isipan ng mga mensahe ng kamatayan, pagkawasak, at seksuwal na kasamaan ay tutulong sa iyo o makapipinsala sa iyo?