Ang Pinakamalaking Gawang-Taong Hukay sa Daigdig
Ang Pinakamalaking Gawang-Taong Hukay sa Daigdig
ISANG kaibigan ang nagsabi sa akin: “Kung pupunta ka sa Salt Lake City, tiyakin mong dumalaw sa minahan ng tanso sa Kennecott sa Bingham Canyon. Magugulat ka sa makikita mo.” Kami ng maybahay ko ay nagkaroon ng pagkakataong iyon noong Agosto 1992. Natuklasan namin na ang aming kaibigan ay hindi nagsasalita nang labis.
Kami’y banayad na nagbiyahe sakay ng kotse mga 42 kilometro timog-kanluran ng Salt Lake City, sa matindi, tuyong init ng Utah. Habang papalapit kami sa kalapit na tagaytay ng bundok sa Oquirrh, agad naming nakita ang aming patutunguhan—ang pagkalaki-laking mapa ng mapusyaw na dilaw sa abot-tanaw, na kitang-kita sa mas madilim na kulay ng nakapaligid na kabundukan. Ito ay malalaking hukay at bai-baitang na lupa na minahan ng tanso sa Kennecott. Subalit kahit na ang tanawing iyon ay hindi naghanda sa amin sa kung ano ang aming makikita.
Sinimulan namin ang paliku-likong daan paakyat sa isang matarik na gilid ng bundok. Habang daan, nadaanan namin ang napakalalaking trak na panghakot, sinlaki ng isang maliit na bahay, ang pinakamalaki nito ay makakakarga ng hanggang 240 tonelada ng bato sa bawat biyahe. Napakalaki nito anupat ang kanilang 3.7-metrong-diyametro na mga gulong ay mataas pa sa pinakamataas na tao. Sa wakas ay narating namin ang dako kung saan maaaring magmasid ang mga tao. At naroon ito—ang pinakamalaking gawang-taong hukay na kailanma’y nakita namin!
Habang tinitingnan namin ang gilid hanggang sa ilalim ng hukay, ang malalaking trak na iyon ay parang maliliit na laruan. Tinitingnan namin ang isang paghukay na mahigit punto otso kilometro ang lalim at may diyametro na apat na kilometro. Ang ilalim ng hukay ay mahigit na 1,500 metro sa ibabaw ng antas ng dagat, at ang itaas na mga gilid ng hukay ay umaabot ng 2,400 metro. Napakalalim nito anupat ang pinakamataas na gusali sa daigdig, ang Sears Tower sa Chicago, na 440 metro ang taas, ay kalahati lamang ng lalim ng minahan. Binabalak ng kompaniya na bumaba pa ng 260 metro, na tinataya nilang magbibigay sa kanila ng trabaho na hindi kukulangin hanggang sa taóng 2020.
Ang minahan ay parang isang dambuhalang ampiteatro, na may 15 metrong matataas na bai-baitang na lupa, tinatawag na mga bangko, pababa patungo sa kalaliman. Sinabi sa amin na ang minahang ito ng tanso ay makikita mula sa isang sasakyang pangkalawakan. Gayunman, lahat ng ito ay nagkaroon ng simpleng simula 130 taon na ang nakalipas, nang ang taas ng bundok ay mahigit na 2,400 metro.
Nilibak sa Pagmimina
Ang pagmimina ay nagsimula noong 1863, nang mamuhunan dito si Tenyente Patrick Connor mula sa Fort Douglas. Gayunman, ito ay isang maliit na minahan at hindi kapaki-pakinabang. Ang katulad na minahan ng Bingham Canyon ay unang nagsimula noong 1906 nang ang Utah Copper Company ni Daniel Jackling at isang karibal na kompanya ay nagsimulang makakuha ng inang-bato na naglalaman lamang ng 2 porsiyentong tanso. Isang opisyal na brosyur ay nagsasabi na “sila ay nilibak ng mga
minero nang panahong iyon na nag-aakalang hindi sila kailanman tutubo sa pagmimina ng gayong mababang-uring inang-bato.” Ano ang masasabi nila ngayon, nang ang persentahe ng tanso sa inang-bato ay 0.6 porsiyento lamang? Aba, “mas maraming tanso ang nagawa ng Bingham Canyon kaysa anumang minahan sa kasaysayan. Limang bilyong tonelada ng bato ang nahukay mula nang simulan ang bukas na hukay.”Ang tanso ay hindi ang tanging produkto—ginto, pilak, at molybdenum (isang metal na ginagamit upang patibayin ang bakal) ay nakukuha rin, kasindami ng 14,000,000 gramo ng ginto at mahigit na 110,000,000 gramo ng pilak bilang mga kakambal na produkto sa isang taon! Hindi kataka-taka na ang minahang ito ay tinawag na ang pinakamayamang hukay sa lupa.
At kung ikaw ay nagtatanong kung bakit napakahalaga ng tanso, gunigunihin kung ano ang maaaring mangyari kung ang lahat ng tanso ay aalisin sa lahat ng kawad ng kuryente, sa lahat ng mga genereytor, transpormer, at iba pang aparato na nagdadala ng kuryente. Ang listahan ay maaari pang magpatuloy upang ilakip ang mga repridyeretor, eruplano, kotse, at iba pa. Ang tanso ay mahalaga sa mga proseso sa makabagong buhay, kung paanong ito ay mahalaga noong sinaunang panahon. Ang tanso ay binabanggit ng 166 na ulit sa Bibliya.—Genesis 4:22; Exodo 27:1, 2.
Pag-alis ng Tanso—Hindi Madaling Proseso
Ang nakita namin sa pagkalaki-laking hukay na iyon ay pasimula lamang ng proseso na nagbubunga ng mahalagang tanso. Sa minahan nangyayari ang pagbubutas, pagpapasabog, pagkakarga, at paghila. Ang inang-bato ay saka dinadala sa isang tagadurog ng inang-bato roon mismo sa minahan, at inihahatid naman ng isang conveyor system ang dinurog na inang-bato sa isang planta na naghihiwalay at nagpapalutang ng tanso mula sa inang-bato na walong kilometro ang layo. Ang sistema na naghihiwalay sa tanso ay nagdaragdag ng nilalamang tanso ng inang-bato mula 0.6 porsiyento hanggang 28 porsiyento sa pamamagitan ng pag-aalis ng hindi kinakailangang mga materyal.
Susunod ang pagtunaw, na nag-aalis ng mga dumi, gaya ng bakal at asupre, umaani ng tinunaw na tanso na ngayo’y 98 porsiyentong lantay. Ito’y ibinubuhos sa parihabang mga hubog na tinatawag na anodes at saka pinalalamig. Ang huling hakbang ay ang proseso ng paglalantay. Ang brosyur ay nagpapaliwanag: “Ang mga anode ay pinaiilalim sa isang prosesong elektrolitik kung saan ang tanso ay nilalantay sa kalantayan na 99.98%.” Sa prosesong ito na ang ginto at pilak ay nakukuha bilang mga kakambal na produkto. Ang transpormasyong ito ang gumagawa sa tanso tungo sa malalaking cathodes, 150 kilong mga plato ng tanso na pagkatapos ay ipinagbibili sa mga tagagawa ng mga produktong yari sa tumbaga, tanso, at bronse.
Lahat ng ito ay waring simple lamang. Subalit sa katunayan, ang buong proseso ay napakasalimuot at sumasakop ng malaking lugar. Sa paano man, nangangailangan ng isang toneladang inang-bato upang makagawa ng 5 kilo lamang na tanso. Kaya sa susunod na pagkakataon na makita mo ang kawad na tanso o isang kawali o kalderong tanso, tandaan na ito ay maaaring nanggaling sa pinakamalaking gawang-taong hukay na kailanma’y nagawa ng tao.—Isinulat.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Itaas: Ang hukay ay mahigit punto otso kilometro ang lalim at apat na kilometro ang lapad
Kanang itaas: Ang tagatunaw na nagtatampok ng isa sa pinakamataas na tsiminea sa daigdig
Nakapaloob: Isang 330-librang cathode na tanso, may tanda upang ipakita kung paanong ang tanso ay ginagamit sa persentahe
Kanang ibaba: Isang trak na diesel na nagkakarga ng hanggang 240 tonelada na inang-bato
[Credit Line]
Mga larawan (sa itaas at sa pahina 25 itaas): sa kagandahang-loob ng Kennecott Utah Copper
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Ang larawan sa kagandahang-loob ng Kennecott Utah Copper