Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapaki-pakinabang na Sasakyan sa Himpapawid

Kapaki-pakinabang na Sasakyan sa Himpapawid

Kapaki-pakinabang na Sasakyan sa Himpapawid

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika

“KAMI ay lumilipad ng halos dalawang oras. Walang anu-ano ay humina ang revs ng makina​—ang unang tanda ng sira sa makina. a Agad kong pinataas ang helikopter, ginagamit ang natitirang pag-ikot upang tumaas hangga’t maaari bago huminto ang makina. Habang tumataas kami sa taas na magagawa ng helikopter, ang pinaka-bahay ng clutch ay nagkapira-piraso, nagkalat ang mga piraso nito sa himpapawid.

“Agad-agad kong pinababa ang helikopter, pinananatili ang bilis na halos 90 kilometro sa bawat oras. Siniyasat ko na ang lupa, at kami ngayon ay patungo na sa isang maliit na hawan na dakong lalapagan sa di kalayuan.

“Itinagilid ko nang bahagya paitaas na 15 metro ang ilong ng helikopter sa ibabaw ng lupa upang pabagalin ang helikopter, at saka kami lumapag, humihinto mga 1.5 metro mula sa gilid ng isang donga [tuyong bambang ng ilog].”

Lahat ng ito ay kumuha lamang ng halos isang minuto. Totoo, may mga helikopter na bumagsak sa huling yugto ng isang emergency na paglapag, subalit gaya ng makikita sa tunay na karanasang ito, may pag-asa pa kung humina ang makina. Matagumpay na natapos ng pilotong ito ang pagsalimbay na kinasasangkutan ng autorotation​—maraming beses na ginagawa sa panahon ng pagsasanay para sa gayong kagipitan.

Gayunman, ligtas at maraming gamit na gaya ng helikopter, marami ang hindi pa nakasakay sa isang helikopter. Marahil ikaw man ay nag-aatubiling sumakay sa isang helikopter. Gayunman, maaaring maging interesado kang matuto tungkol sa pambihirang lumilipad na mga sasakyang ito.

Saan Ito Nagsimula?

Noong 1483, si Leonardo da Vinci ang unang nagdisenyo ng isang sasakyang lilipad nang pataas, ginagamit ang isang airscrew sa pagtaas. Subalit, sayang, sinasabi ng mga inhinyerong aeronautika na ang aparatong iginuhit niya ay hindi maaaring lumipad! Gayunpaman, ang paglipad nang pataas ay patuloy na nakabighani sa mga imbentor. Kamakailan lamang ito ay matagumpay na nagawa.

Noong 1923 matagumpay na napalipad ng Kastilang si Juan de la Cierva, sa gulang na 27, ang kaniyang autogiro sa Getafe, Espanya. Ang sistemang dinisenyo niya ay malaki ang nagawa upang pasulungin ang teoriya ng helikopter. Nang maglaon, ang disenyador na ipinanganak-sa-Russia, si Igor Sikorsky, mula noong 1939 hanggang 1941, ay gumawa ng malalaking pagsulong patungkol sa mga helikopter gaya ng nalalaman natin ngayon. Ngunit ano ba ang sekreto ng pagpapalipad sa sasakyan sa himpapawid?

Paano Ito Lumilipad?

Ang isang pamantayang sasakyang panghimpapawid na nakapirme-ang-pakpak ay tumataas sa himpapawid sa pamamagitan muna ng pagtakbong mabilis sa patakbuhan (runway). Kapag naabot nito ang tamang bilis, ang hangin na dumaraan sa pinaka-pakpak ay gumagawa ng sapat na lakas upang mahigitan ang timbang ng eruplano at iangat ang eruplano sa himpapawid. Gayunman, sa isang helikopter ang pagtaas ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-ikot sa mga rotor blade o elisi, na maihahambing sa mga pakpak. Kaya, ang isang helikopter ay maaaring tumaas nang hindi umaabante. Upang magawa ito, ang mga blade ay kailangang tumama sa hangin sa isang anggulo, na tinatawag na anggulo ng pagsalakay, upang gumawa ng anumang lakas sa pagtaas. At maaaring baguhin ng piloto ang mga anggulo ng pagsalakay, o pitch, ng mga blade sa pamamagitan ng isang kontrol na tinatawag na collective pitch lever. Kapag ang pagtaas na likha ng mga blade ay higit sa timbang ng helikopter, ang ibig sabihin, higit kaysa puwersa ng grabidad, ang helikopter ay tataas. Ang pagbawas sa puwersa ng pagtaas ay magpapangyari sa sasakyan na bumaba.

Ang helikopter ay maaaring paabantihin mula sa posisyon na aali-aligid sa pamamagitan ng pagtagilid sa rotor disc. Ang disc na ito ay ang likhang pang-ibabaw na gawa ng mga blade sa panahon ng pag-ikot nito. Dahil sa ang rotor disc ay nakatagilid sa unahan, ang hangin ay napupuwersa hindi lamang pababa upang itaas ang helikopter kundi bahagya ring paatras upang itulak ito pasulong. (Tingnan ang larawan sa ibaba.) Kaya nga, ang helikopter ay maaaring kumilos sa anumang direksiyon, patagilid, paatras pa nga, sa pamamagitan lamang ng pagtagilid sa rotor disc sa ninanais na direksiyon. Ang kontrol na gumagawa nito ay nasa kanang kamay ng piloto at tinatawag na control column, o cyclic stick.

May isa pang problema na dapat lutasin bago tayo umangat sa lupa​—ang torque reaction na gawa ng pangunahing rotor. Ano ba ang “torque reaction”? Gunigunihin mo ang iyong sarili na hinihigpitan ang isang tornilyo sa itaas ng ulo mo sa pamamagitan ng isang malaking liyabe samantalang nakatayo ka sa roller skates. Habang pinipihit mo ang liyabe sa isang direksiyon, ang katawan mo naman ay waring pumipihit sa kabilang direksiyon. Ito ay kasuwato ng isang siyentipikong batas ng pagkilos na sa bawat kilos ay may isang katumbas at kasalungat na pagkilos. Sa kaso ng helikopter, habang pinaiikot ng makina ang rotor sa isang direksiyon, ang eruplano naman ay waring umiikot sa kabilang direksiyon. Ang malaganap na paraang ginagamit upang matumbasan ito ay isang antitorque rotor, o isang maliit na propeler, na nakalagay sa buntot. Sa pamamagitan ng dalawang pedal sa timon, nadaragdagan o nababawasan ng piloto ang malakas na tulak ng rotor sa buntot at sa gayo’y sinusupil ang mga kilos ng helikopter.

Ang pangwakas na pagsupil na isasaalang-alang ay ang throttle. Ang mga pag-ikot ng makina ay kailangang laging masubaybayan ng piloto kailanma’t ginagamit niya ang mga kontrol, pinangyayari ang mga pagbabago sa throttle. Ang palaging pagsubaybay na ito sa tagabilang ng ikot ang nagbabala sa piloto na inilarawan sa simula tungkol sa posibleng paghinto ng makina kahit na bago lubusang huminto ang makina. Sa modernong gas-turbine na mga helikopter, karamihan ng mga gawaing ito ay nabawasan sa pamamagitan ng pagpapakilala ng isang sistema na namamahala sa bilis ng makina.

Nakatitipid ng Panahon​—At Nagliligtas ng Buhay!

Ang mga helikopter ay angkop na tinatawag na kapaki-pakinabang na mga sasakyan sa himpapawid. Halimbawa, noong Agosto 1979, isang malakas na bagyo ang nagpahinto sa karera ng mga yate sa English Fastnet. Labinlima katao ang nasawi sa kung ano ang inilarawan bilang “ang pinakamalaking sakuna sa kasaysayan ng pagyayate.” Marami pa sana ang nasawi kung hindi dahil sa tulong ng mga tripulante ng helikopter. Sa isang pagsagip, kailangang bantayan ng piloto ang nakapaligid na mga alon at panatilihin ang kaniyang helikopter na kumikilos na pataas at pababa upang hindi tamaan ng alon. Inilarawan ito ng isang ulat ng balita na parang naglalaro ng “buhay-o-kamatayan na paglukso sa pagitan ng mapanganib na mga alon na 13 metro [40 piye] ang taas.”

Ang pagkalaki-laking mga tangker ng langis na naglalayag sa palibot ng Cape of Good Hope sa gawing timog ng Aprika ay maaaring tumanggap ng bagong mga panustos, mga piyesang panghalili, at magpalit pa nga ng mga tripulante sa pamamagitan ng helikopter, nang hindi na dumadaong. Gayunman ito ay isang napakahirap na maneobra. Pinangyayari ng piloto ang helikopter na umali-aligid sa ibabaw ng kubyerta sa pamamagitan ng pagtulad sa binawasang pasulong na tulin ng tangker. Pagkatapos ay dapat niyang tularan ang pagkilos ng barko sa magkabilang panig upang makalapag nang marahan hangga’t maaari.

Ano ba ang Katulad ng Paglipad Sakay ng Isang Helikopter?

Para sa mga mahilig lumipad, ang madaling pagmamaneobra ng helikopter ay nagdudulot ng katuwaan na hindi matutularan ng iba pang anyo ng eruplano. Isang kahali-halinang karanasan na umali-aligid, marahang umatras o pumagilid o umikot ng 360 digris na mga kalahating metro mula sa lupa. Ang kawalan ng pasulong na pagkilos sa pagtaas ay gumagawa sa pagsakay sa helikopter na mas ligtas, at sa paglipad, ang isa ay agad na nagiging abala sa tanawin sa kabukiran, lalo na kung mabilis na lumilipad na malapit sa lupa.

Gayunman, masusumpungan ng nag-aaral na piloto sa simula na ang helikopter ay mahirap paliparin, yamang ang mga kontrol ay napakasensitibo at ang helikopter ay hindi gaanong matatag na gaya ng eruplanong nakapirme-ang-pakpak. Minsang magamay, nakatutuwang magpalipad ng helikopter at mas madali, marahil, kaysa isang eruplano dahil sa mas simpleng paraan ng pagtaas at paglapag.

Sa ngayon ang helikopter ay isang lubhang maunlad na sasakyan​—isang kapaki-pakinabang na sasakyan sa himpapawid. Tunay, kung ihahambing sa ilang lumilipad na mga nilalang ni Jehova, gaya ng tutubi at ng hummingbird, ito ay maaaring magtinging asiwa. Gayunman, isa pa rin itong kahanga-hangang sasakyan. At ngayon na naragdagan ang iyong kaalaman tungkol sa helikopter, marahil gugustuhin mong sumakay sa isang helikopter!

[Talababa]

a revs = mga pag-ikot

[Larawan sa pahina 12]

Disenyo ni Leonardo da Vinci para sa isang sasakyang lumilipad nang pataas

[Credit Line]

Bibliothèque de l’Institut de France, Paris

[Larawan sa pahina 12]

Airport commuter flight

[Larawan sa pahina 13]

Pagsagip sa dagat ng RAF

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Ministry of Defense, London

[Larawan sa pahina 13]

Madalas na ginagamit ng pulis ang mga helikopter

[Mga dayagram/Mga larawan sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang control column ang kumukontrol sa anggulo ng rotor disc, na siya namang tumitiyak sa direksiyon ng paglipad

Rotor disc

Helikopter na umaali-aligid

Atras na paglipad

Abanteng paglipad

Collective pitch lever

Control column

Mga pedal sa timon