Bakit ang Gayong Pananabik sa Bagong Sanlibutan?
Bakit ang Gayong Pananabik sa Bagong Sanlibutan?
Ang Katapusan ng Sanlibutan—Gaano Kalapit?
ANO ang kahulugan ng katapusan ng sanlibutang ito? Pagkapuksa ng lupa sa pamamagitan ng apoy, gaya ng turo ng ilang relihiyon? Hindi; paano mangyayari iyon, gayong ang Awit 104:5 ay nagsasabi: “Ito ay hindi makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman?”
Ang sagot ay isiniwalat kung tayo’y babalik ng maraming siglo sa isang sanlibutan na nauna rito. Ito ay sumamâ at naghimagsik laban sa Diyos, anupat “ang sanlibutan noon ay napahamak nang apawan ng tubig.” Subalit nang ang sanlibutang iyon, na binubuo ng kapuwa mga langit at ng lupa, ay pinuksa ng Baha noong kaarawan ni Noe, ang literal na mga langit at lupa ay hindi lumipas. Ni ang katapusan man ng sanlibutang ito ay mangangahulugan ng maapoy na pagkapuksa para sa mabituing langit at sa planetang Lupa.—2 Pedro 3:5, 6; Genesis 6:1-8.
Kung minsan ginagamit ng Bibliya ang mga katagang “mga langit” at “lupa” sa makasagisag na paraan. Ang “mga langit” ay maaaring gamitin upang tumukoy kay Satanas, ang diyos ng sanlibutang ito; sa mga pinuno ng daigdig na nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa; at sa balakyot na espiritung mga hukbo sa makalangit na mga dako—pawang nagsasagawa ng makademonyong impluwensiya sa sangkatauhan. (2 Corinto 4:4; Efeso 6:12) Ang “lupa” ay madalas na ginagamit upang tumukoy sa mga tao sa lupa. (Genesis 11:1; 1 Hari 2:1, 2; 1 Cronica 16:31; Awit 96:1) Ang makasagisag na mga langit at lupa na ito ng kasalukuyang balakyot na sanlibutan ang siyang sinasabi ng 2 Pedro 3:7 na pupuksain sa pamamagitan ng “apoy.”—Galacia 1:4.
Pagkatapos si Pedro ay nagbibigay ng nakagagalak na balita na ang matandang sanlibutang iyon ay papalitan ng isang bagong sanlibutan: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Isang Bagong Sanlibutang Walang Luha o Kamatayan
Ang pahayag ni Pedro na ang katuwiran ay tatahan sa bagong sanlibutang iyon ay isang magandang balita, subalit ang idinaragdag ni Juan tungkol dito ay gumagawa rito na lubhang kalugud-lugod! Tungkol dito ay sinasabi niya sa Apocalipsis 21:3, 4: “Kasabay na narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasa-kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.’ ”
Sa halip na puksain ang lupa sa pamamagitan ng apoy, layon ni Jehova na ito ay tahanan magpakailanman: “Ganito ang sabi ni Jehova, na Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanan.”—Isaias 45:18.
Ang katuwiran ay tatahan doon sapagkat walang di-matuwid na mga tao ang masusumpungan doon: “Sapagkat ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”—Kawikaan 2:21, 22.
Sa ilalim ng pagkasi ang salmistang si David ay nagpapatunay rin dito: “Sapagkat sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na. Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Pinatutunayan ito ni Jesus mismo, sinasabi sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” Bilang kanilang pamahalaan, ang mga maaamong ito ay pagpapalain ng matuwid na bagong mga langit na idinadalangin nila: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 5:3; 6:10.
Ang katangi-tanging kapayapaan na tatamasahin ng mga maninirahan sa bagong sanlibutang iyon ay paaabutin din maging sa mga hayop: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. . . . Sila’y hindi mananakit o lilikha ng ano mang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupuno nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:6-9.
Gaano Kalapit?
Kung pawawalang-saysay mo ang lahat ng ito na parang isang hindi makakamit na pag-asa, napakaganda anupat hindi kapani-paniwala, humintong muli at magbulaybulay. Karagdagan sa mga bahagi ng kabuuang tanda ng pagkanaririto ni Kristo Jesus, may kronolohiya ng Bibliya na tumuturo sa 1914 bilang ang pasimula ng kaniyang pagkanaririto. Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang petsang 1914 bilang isang mahalagang taon sa pag-unlad ng pamamahala ng Kaharian ni Jehova sa lupa, ginagawa iyon sa magasing Watch Tower ng Hulyo 1879. Napansin ng maraming mananalaysay at mga tagamasid ng mga pangyayari sa daigdig na ang taóng 1914 ay nagpasok ng isang lubhang kakaiba at mahalagang yugto sa kasaysayan ng tao, gaya ng ipinahihiwatig ng kalakip na kahon.
Ang isa pang pangyayari na ibinigay ni Jesus ayMateo 24:21, 22: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na yaon, walang laman ang maliligtas; ngunit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na yaon.”
masusumpungan saIpinahiwatig din ni Jesus na ang kabuuang tanda na ito ay makukumpleto sa yugto ng buhay ng salinlahi na nakakita ritong magsimula noong 1914. Sa Mateo 24:32-34, sinabi niya: “Ngayon sa puno ng igos nga ay pag-aralan ninyo bilang ilustrasyon ang puntong ito: Pagka nananariwa na ang mga sanga at sumusupling ang mga dahon, nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa ano mang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.”
Ang makita ang matandang sanlibutang ito—pati na ang lahat ng mga digmaan, taggutom, sakit, at kamatayan nito—na wawakasan ay magiging isang dahilan para magsaya. Ang makitang ito’y pinapalitan ng bagong sanlibutan ng katuwiran ng Diyos na Jehova—niwawakasan ang dalamhati, luha, sakit, at kamatayan—ang magiging dahilan ng walang katapusang pagdiriwang at kagalakan at walang hanggang papuri sa Diyos na Jehova, ang Dakilang Maylikha at Pansansinukob na Soberano.
Dahil sa mga pag-asang ito sa hinaharap, hindi kataka-taka na marami ang may gayong pananabik sa bagong sanlibutan ng katuwiran ni Jehova na dumating na sana at palitan na ang matandang sanlibutang ito na punô ng kalungkutan, krimen, sakit, at kamatayan! Hindi kataka-taka na ang kanilang pananabik ay gayon na lamang kasidhi anupat sila ay mahilig na magtakda ng maagang mga petsa para sa pagdating ng bagong sanlibutan! Gayunman, sa ngayon may nabubukod na mga bahagi ng tanda ng pagdating nito na tumutukso sa atin na magpahayag ng maling mga alarma. Makikita natin sa ngayon ang kumpletong kabuuang tanda na nangyayari upang magbigay ng matibay na pundasyon para sa ating pananabik sa katapusan ng balakyot na sanlibutan at ang paghalili rito ng bagong sanlibutan ni Jehova.
[Kahon sa pahina 11]
1914—Isang Napakalaking Pagbabago sa Kasaysayan
KAHIT na pagkatapos ng isang ikalawang digmaang pandaigdig, tinutukoy ng marami ang 1914 bilang ang napakalaking pagbabago sa makabagong kasaysayan:
“Ang taóng 1914 nga sa halip na yaong sa Hiroshima ang nagtatanda sa napakalaking pagbabago sa ating panahon.”—René Albrecht-Carrié, The Scientific Monthly, Hulyo 1951.
“Magmula noong 1914, ang lahat ng palasuri sa takbo ng daigdig ay lubhang nabagabag dahil sa wari’y nakatadhana at patiuna-nang-ipinasiyang pagmamartsa tungo sa higit pang kapahamakan. Maraming seryosong tao ang nag-akala na wala nang magagawa pa upang iwasan ang pagsugod tungo sa kapahamakan.”—Bertrand Russell, The New York Times Magazine, Setyembre 27, 1953.
“Ang makabagong panahon . . . ay nagsimula noong 1914, at walang nakaaalam kung kailan o paano ito magwawakas. . . . Maaari itong magwakas sa lansakang pagkalipol.”—The Seattle Times, Enero 1, 1959.
“Ang buong daigdig ay talagang sumabog noong Digmaang Pandaigdig I at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natin alam kung bakit. . . . Ang guniguning huwarang daigdig ay natatanaw na. May kapayapaan at kasaganaan. Pagkatapos ang lahat ay sumabog. Tayo’y nasa isang kalagayan ng pansamantalang pagkahinto sa lahat ng gawain mula noon.”—Dr. Walker Percy, American Medical News, Nobyembre 21, 1977.
“Noong 1914 ang daigdig ay nawalan ng pagkakaugnay-ugnay na hindi na nito muling natamo mula noon. . . . Ito’y naging isang panahon ng pambihirang kaguluhan at karahasan, kapuwa sa ibayo ng pambansang mga hangganan at sa loob nito.”—The Economist, London, Agosto 4, 1979.
“Ang lahat ng bagay ay bubuti nang bubuti. Ito ang daigdig na aking sinilangan. . . . Walang anu-ano, sa di-inaasahan, isang umaga noong 1914 ang lahat ay biglang nagwakas.”—Britanong estadistang si Harold Macmillan, The New York Times, Nobyembre 23, 1980.
[Larawan sa pahina 10]
Katangi-tanging kapayapaan para sa lahat sa ipinangakong bagong sanlibutan