Kung Saan Nagtatagpo ang Tao at ang Pagong
Kung Saan Nagtatagpo ang Tao at ang Pagong
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
ANG pinakamabuting panahon upang makita ang isang mailap na pawikan ay kapag ito ay nangingitlog sa kaniyang bagong gawang pugad sa buhangin. Kaya nais mo bang sumama sa akin samantalang dinadalaw namin ang Mon Repos—isa’t kalahating-kilometrong haba na aplaya sa baybayin ng Queensland, ang sunshine state ng Australia? Huwag kang mabalisa na ikaw ay pahihirapan ng nakapapasong subtropikal na araw, sapagkat ang ating pagdalaw ay sa gabi. Ang pinakamabuting panahon para sa gayong kahali-halinang ekskursiyon ay sa pagitan ng alas otso ng gabi at hatinggabi.
Mas mabuting magtungo roon na kasama ng isang sanáy na giya at isang maliit na grupo, sapagkat may ilang bagay na dapat at hindi dapat gawin kung gusto nating makita at mahipo ang isang malaking inang pagong. Habang naglalakad kami sa kahabaan ng aplaya sa ibabaw ng tanda ng laki ng tubig, hiniling ng giya na patayin namin ang aming mga plaslayt sapagkat ang mga pagong ay takot sa liwanag. At kami ay nagulat sa kung gaano kalinaw na nakita namin ang metrong-lawak na mga bakas ng pagong sa buhangin kahit na walang ilaw.
Pagkatapos, kami ay binigyan ng aming giya ng ilang kawili-wiling impormasyon tungkol sa mga pagong sa dagat sa dakong iyon. May anim na iba’t ibang uri ng pagong sa kagaratan ng Australia, subalit apat lamang nito ang masusumpungan dito sa Mon Repos, na siyang pangunahing dakong itlugan sa kahabaan ng baybayin ng Bundaberg. Ayon sa paglaganap, ang apat na uring ito ay: mga pagong na loggerhead (Caretta caretta), mga pagong na flatback (Natator depressa), berdeng pagong (Chelonia mydas), at mga pagong na leatherback (Dermochelys coriacea).
Ang Aming Unang Pagsipat
Nagkaroon ng malaking katuwaan nang makita namin ang isang malaking pagong. Siya ay isa sa unang uri na aming itinala—isang loggerhead. Tahimik kaming nanood habang ito ay patuloy na gumagapang mula sa alon tungo sa buhangin sa bandang itaas ng tanda ng laki ng tubig. Nang kami sa wakas ay lumapit, nakita namin na siya ay humukay ng isang hugis-platitong hukay sa pamamagitan ng paghukay sa buhangin at sa pananim na palayo sa kaniya. Hinahadlangan nito ang pagtubo ng damo sa pugad at ang pagsilo sa mga napisang pagong kapag ang mga ito ay lumitaw sa loob ng 7 hanggang 12 linggo. Natapos din niya ang hugis-peras na pugad sa pamamagitan ng sali-salising paghukay at pagpilantik ng buhangin sa pamamagitan ng kaniyang mga aleta o palikpik sa likod—hukay sa kanan, pilantik sa kaliwa; hukay sa kaliwa, pilantik sa kanan. Lahat ng ito ay kumukuha ng halos 45 minuto.
Hanggang sa ngayon, siya ay maaaring madaling mabulabog at magbalik sa tubig, subalit minsang magsimula siyang mangitlog, kami ay pinayagang hipuin siya. Siya ay iniilawan ng ranger, at maaari kaming kumuha ng litrato kung gusto namin. Ang pagong ay patuloy sa paghuhulog ng kaniyang mga itlog sa pugad sa loob ng 10 hanggang 20 minuto, kasama ng isang malinaw, tulad-uhog na likidong nag-iingat sa mga itlog mula sa halamang-singaw at mga insekto samantalang nagpipisa ng itlog. Ang mga pagong na loggerhead ay nangingitlog ng katamtamang 120 itlog na sinlaki ng bola ng Ping-Pong sa bawat pugad—14 na araw ang pagitan ilang beses sa bawat panahon—na may dalawa hanggang apat na taon sa pagitan ng mga panahon.
Nang aktuwal na hipuin namin ang pagong, nagtaka kami kung gaano kalambot ang balat nito—isang dahilan kung bakit ang balat ng pagong ay kanais-nais at nagsasapanganib sa pag-iral ng mga pagong. Ang bahay nito, o balat, ay binubuo ng mga pohas at maihahambing sa gulugod at mga tadyang. Ngayon ay sinisimulan niyang tabunan ang kaniyang mga itlog. Ngunit yamang nailagay niya ito malapit sa dakong inaabot ng paglaki ng tubig, ang mga ito ay dapat na ilipat upang ito ay mabuhay. Ito ay gagawin ng dalawang miyembro ng pangkat na gumagawa ng pananaliksik sa mga pagong na sumama sa aming grupo.
Paglalagay ng Tag sa mga Pagong
Ang pagong namin ay lalagyan ng tag sa isa sa kaniyang aleta sa harap upang tumulong sa pananaliksik
tungkol sa mga pagong sa dagat. Hindi ito madaling trabaho dahil sa lahat ng buhangin na ipinipilantik niya sa lahat ng dako. Ang mga tag ay yari sa hindi naaagnas na haluang metal ng titanium. Sa likod ng tag ay isang direksiyon, at ito ay mahalaga sa proyekto ng pananaliksik anupat ang lahat ng pagong na nakikita ng tao ay dapat iulat sa pamamagitan ng numero. Tanging kapag namatay ang pagong aalisin ang tag at ibabalik, kasama ang mga detalye tungkol sa kinaroroonan ng pagong. Sa harap ng tag ay ang numerong pagkakakilanlan sa pagong. Ang aming pagong ay T54239, subalit ipinasiya naming tawagin siyang Tabitha.Sapagkat si Tabitha ay hindi pa nalagyan ng tag, malamang na kailanman ay hindi pa siya nangitlog noon at samakatuwid ay maaaring magbigay ng ilang mahalagang impormasyon upang tulungang ipatupad ang pangangalaga sa mga pagong at sa kanilang mga itlog sa Timog Pasipiko. Ngayon, upang makuha ang impormasyong ito, pinanood namin ang maliit na operasyon sa pagong dito mismo sa aplaya! Ang pamamaraan ay tinatawag na laparoscopy at karaniwang ginagamit sa mga tao. Si Tabitha ay marahang itinaob at inilagay sa isang teheras sa kartilya. Naaawa kami sa kaniya at nasumpungan namin na ang paghimas sa kaniyang lalamunan ay waring nakapagpapahinahon sa kaniya. Ang nakikita namin ay hindi mga luha, kundi ito ay solusyon ng asin na inilalabas niya upang hugasan ang buhangin sa kaniyang mga mata at itapon ang labis na asin na bunga ng kaniyang pag-inom ng tubig-dagat. Wala itong kaugnayan sa kirot. Ang kaniyang balat sa itaas ng kaniyang ibabang aleta ay kinukuskos; pagkatapos isang tubo ang ipinapasok sa isang maliit na hiwa, at hinihipan ng kaunting hangin sa loob. Sa pamamagitan ng pagtingin sa kaniyang mga obaryo, natutuklasan ng mga mananaliksik na ito ang kaniyang panahon ng pagpaparami, at siya ay marami pang nahihinog na itlog. Lahat ng impormasyong ito ay iniuulat; pagkatapos ang hangin ay inilalabas sa isang balbula sa loob ng tubo, at ang hiwa ay tinatahi.
Pagkatapos maibalik sa buhangin, si Tabitha ay likas na nagtutungo sa tubig. Ang mga alon ay sumalpok sa kaniya at tinangay ang naginhawahang si Tabitha sa laot.
Paglilipat ng mga Itlog
Pagbalik namin, nakita namin na ang mga itlog ay naalis na sa pugad. Pagkalipas ng apat na oras ang itlog ay kumakapit sa loob ng balat (shell) at nag-aanyo ng mga daluyan ng dugo. Kung ito ay pipihitin pagkaraan nito, ito ay mapapahamak. Sa paramihang dako, karaniwang dalawang oras ang ipinahihintulot para sa proseso ng paglilipat, at ang tagumpay sa paglilipat ng mga itlog ay napakataas. Ang layunin nito ay upang pangalagaan ang pugad at mga itlog mula sa tubig at pagkaagnas ng buhangin. Ang temperatura ng buhangin ang tumitiyak sa sekso ng mga napisang itlog. Karamihan ng mga isla ay may mas malamig na buhangin at gumagawa ng karamihan ay mga lalaking pagong, samantalang ang mas mainit na mga buhangin sa Mon Repos ay gumagawa ng karamihan ay mga babaing pagong.
Ang mga napisang pagong ay lumalabas mula Enero hanggang Marso. Kakahigin nila ang kanilang bubong na buhangin, dahil dito’y babagsak ang buhangin sa ilalim ng pugad at itataas sila nang bahagya. Kung ang temperatura ng buhangin ay hindi napakainit, ipagpapatuloy nila ang kanilang paglalakbay sa labas ng pugad at magkukumamot patungo sa dagat. Subalit ang kanilang paglalakbay ay nagsisimula pa lamang. Ipinalalagay na kukuha ng 50 taon upang marating ang pagkamaygulang sa pagpaparami. Maliit na porsiyento lamang ang nakaaabot niyan.
Ang Tao ay Dapat Matutong Mangalaga
Nakalulungkot nga, ang pagkawalang-ingat at kapabayaan ng tao ay malaki ang nagagawa upang bawasan ang anim na kilalang uri ng pawikan. Ang mga supot na plastik na itinapon sa dagat ay kadalasang napagkakamalang mga dikya at nakakain ng mga pagong. Bumabara ito sa kanilang mga panunaw at pinangyayaring ang mga ito ay mamatay sa gutom. Ang iba pang basura ay maaaring sumakal sa mga pagong. Kahit na ang mga propeler ng bapor ay maaaring magharap ng panganib kung hindi maingat ang nagpapaandar ng bapor. Idagdag pa rito ang mga natapong langis at nakalalasong mga basura na maaaring lumipol sa lahat ng naninirahan sa baybayin sa panahon ng pagpaparami. At sapagkat ang isang pagong ay kailangang lumitaw sa ibabaw ng tubig tuwing 15 minuto para sa hangin, ang isang pagong ay maaaring malunod dahil sa sumalabid na mga lambat sa pangingisda.
Mientras mas maraming tao ang nakababatid sa mga panganib na ito at natututong pangalagaan nang higit ang kapaligiran, higit pang mga pagkakataon ay tiyak na darating para sa pagtatagpo ng tao at ng pagong—nagkakabisa at binibighani ang sangkatauhan sa isa pang kababalaghan ng kahanga-hangang siklo ng paglalang sa pagpaparami.
[Mga larawan sa pahina 26]
Itaas na kaliwa paikot sa kanan: maliit na operasyon, pagbalik sa dagat, mga itlog na inililipat, aleta na nilalagyan ng tag