Mga Batik na Pula sa Niyebe—Malibang Ito’y Maagang Tagsibol
Mga Batik na Pula sa Niyebe—Malibang Ito’y Maagang Tagsibol
“MINSANG makita, hinding-hindi malilimutan; ang matingkad na pula ay nakagugulat sa naglalagos na liwanag ng araw na litaw na litaw sa madilim na kapaligiran ng kagubatan.” Gayon ang komento ng Western Forests, isang giyang aklat pangkalikasan ng Audubon Society tungkol sa halamang niyebe, ang Sarcodes sanguinea. Lalo pa nga itong nakagugulat kung makita mo ito ng mas maaga, kapag ito ay sumusulpot sa nagtatagal na mga patse ng niyebe. “Isang pambihirang halaman na mataba, malaman, matingkad na pula, na may mga dahon na nagsasanib sa ibabang tangkay at bumabaluktot sa mga raceme ng mga bulaklak sa itaas,” sabi pa ng Western Forests. Ang abot nito ay natatakdaan sa bulubunduking kagubatan ng mga punong kono sa California at gawing timog ng Oregon.
Ang halamang niyebe ay isa sa mga saprophyte, isang pangkat ng halaman na walang berdeng bagay, walang chlorophyll, at sa gayon ay hindi gumagawa ng photosynthesis. Ang mga saprophyte ay nabubuhay sa mga patay o nabubulok na halaman o hayop. Ang mga kabuté, amag, at ilang halamang-singaw at ilang baktirya ay mga saprophyte, ngunit kasama rin sa pangkat na ito ang ilang namumulaklak na mga halaman. Ang halamang niyebe ay isa rito.
Ang ilang nakatataas na mga halamang saprophyte ay naging lubusang umaasa sa ilang halamang-singaw para sa pagkain, na tinatawag na isang mycorrhizal relationship—isang kapaki-pakinabang na kombinasyon ng isang halamang-singaw (myco) at ng sistema ng mga ugat (rhiza) ng isang nakatataas na halaman. Sa gayong mga kaso ang mga ugat ng saprophyte ay karaniwang walang mga root hair. Ang halamang-singaw ang siyang gumagawa ng pagsipsip sa mga mineral at halumigmig. Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Ang kahalagahan ng mycorrhizae bilang simbayotikong mga samahan ay natuklasan sa pagtatapos ng ika-19 na siglo ng Alemang dalubhasa sa buhay ng halaman na si Albert Bernard Frank bilang isang sangay ng isang pag-aaral ng pagpaparami ng truffle (isang uri ng halamang laman-lupa) para sa pamahalaan ng Prussia.”