Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Muling Lumitaw ang Nakahahawang Sakit
“Ang panganib na dala ng nakahahawang mga sakit ay hindi pa nawawala. Ito ay lumulubha,” sabi ni Robert Shope ng Yale University tungkol sa report na inilabas ng U.S. National Academy of Sciences. “Kung hindi tayo gagawang muli ng masikap na mga paghahanda upang sugpuin ang mga bagay, maaaring makaharap natin ang bagong mga krisis na katulad ng malaganap na HIV o ang malaganap na trangkaso noong 1918-1919.” Apat na sakit na ang “waring lumitaw nang hindi inaasahan, na nagdulot ng labis na kahirapan at kamatayan,” susog pa ni Joshua Lederberg, kasamang tagapamanihala ni Shope sa komite na naghanda ng report. Ang mga sakit ay ang TB na hindi tumutugon sa paggamot ng mga antibiotic, AIDS, Lyme disease, at isang nakamamatay na bagong anyo ng streptococcal infection. Bagaman maraming gamot at mga antibiotic ang nagawa sa nakalipas na tatlong dekada, nilalabanan ng mga mikrobyo ang mga ito sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, maaaring palitan ng baktirya ang henetikong materyal, pati na ang mga gene para labanan ang antibiotic. Dahil dito, ang mga ospital, mga sentrong day-care, mga tirahan para sa mga walang tahanan ay naging paramihang sentro para sa nakahahawang mga sakit na lumalaban sa gamot. Ang dumaming internasyonal na paglalakbay ay nagkalat sa “mga mikrobyong lumalaban sa gamot” sa buong globo. Ganito ang sabi ni Barry Bloom ng Albert Einstein College of Medicine sa New York: “Tungkol sa nakahahawang sakit, walang dakong liblib at walang taong hindi pinagbabantaan ng katulad na nakahahawang sakit.”
Marahas na Krimen ng Canada
“Iniisip mo bang ang Canada ay isang mapayapang dako? Mag-isip na muli,” sabi ng The Toronto Star. “Ang Canada ang nakahanay na pangalawa sa pinakamataas sa dami ng marahas na krimen sa kanluraning daigdig,” kasunod ng Estados Unidos. Ipinakikita ng isang internasyonal na pagsusuri na ang dami ng krimen sa Canada ay maaaring mula sa dalawa hanggang tatlong ulit na mas mataas kaysa Kanluraning Europa, na, tatlong ulit naman na mas marami kaysa Hapón. Nakita nitong nakalipas na mga dekada na dumoble o tatlong ulit pa nga ang idinami ng krimen sa Canada, na ang mga lungsod ng Vancouver, Edmonton, at Ottawa ang may pinakamataas na bilang ng krimen. Sumunod ang London, Ontario, sinusundan ng Toronto at Montreal. Ayon sa kriminologo sa University of Ottawa na si Irvin Waller, ang marahas na krimen ay maaaring lumubha malibang gumawa nang higit pa upang alisin ang mga sanhi ng problema, gaya ng karalitaan, pabahay, kapabayaan, kawalan ng trabaho, pag-abuso sa mga nakasusugapang bagay na gaya ng alkohol at droga.
Mga Simponia na Pampastol
Ang mga nag-aalaga ng baka sa Hapón ay naghahanap ng isang mas mabisa at mas mahusay at hindi kumukunsumo ng panahon na paraan upang tipunin ang mga baka na nagkalat sa mga burol, kung saan mahirap makita ang mga ito. Kaya sila’y nagsagawa ng isang eksperimento upang makita kung ang mga baka ay maaaring pagsama-samahin ng musika. Sa loob ng 13 araw ay pinatugtog nila ang Hapones na himig ng Haru no Ogawa (Batis sa Tagsibol) sa 16 na baka sa loob ng tatlong minuto sa isang panahon, dalawa hanggang apat na beses sa isang araw. Karaka-raka pagkatapos nito, sila ay binibigyan ng kanilang paboritong pagkain. Pagkatapos ng pahinga sa taglamig kung kailan ang mga baka ay nanganganak, sampu sa mga bakang “sinanay” ay inilalabas upang manginain ng damo na kasama ng kanilang siyam na guya. Ang himig ding iyon ay muling pinatugtog. “Sa loob ng dalawang minuto,” ulat ng Asahi Evening News, “ang buong kawan ay dumating, dinadalang sama-sama ng musikang hindi nila narinig sa loob ng halos apat na buwan.”
Pinakaiingat-ingatang Medikal na Sekreto
Isa sa pinakaiingat-ingatang sekreto ng samahang pangmedisina sa Denmark ay isiniwalat ni Propesor Margareta Mikkelsen, isang konsultant. Isiniwalat niya na ang medikal na kawani na sumusuri sa mga pasyente dahil sa namanang mga karamdaman ay regular na nakatutuklas na ang lalaking tinatawag na ama ng isang bata ay hindi maaaring maging ang natural na ama dahil sa hindi pagkakatugma ng chromosome. Sang-ayon sa pahayagang Süddeutsche Zeitung, sa pagitan ng 5 at 8 porsiyento ng mga ama sa Denmark ay hindi biyolohikal na ama ng kanilang mga anak. Ito’y nangangahulugan na hindi kukulangin sa 3,000 ng 60,000 mga ipinanganganak sa isang taon ay ipinalalagay na bunga ng kataksilan. Gayunman, ang mga lalaki ay hindi sinasabihan ng tuklas upang huwag masira ang pamilya.
“Trahedya sa Loob ng Trahedya”
Isiniwalat ng isang seminar kamakailan na inorganisa sa Roma ng World Health Organization at ng International Center of Research and Relief ang “mahabang listahan ng kapangitan, pag-aaksaya, at hindi kapani-paniwalang mga pagkakamali kung saan ang internasyonal na mga organisasyon sa pagtulong ay laging may sala,” sabi ng Economia, isang suplemento sa pahayagang Corriere della Sera. Kabilang sa listahan ang binawasan-kalori na mga kending ipinadala sa ginigiyagis-gutom na Ethiopia; mga toldang pantag-araw ay ipinadala pagkatapos ng isang lindol sa Anatolia, Turkey, kung saan ang termometro ay nagtala ng -12° Celsius; mga medisinang hindi na mabisa dahil sa lipas na sa petsa; at mga bakuna na nangangailangang
ilagay sa palamigan na ipinadala sa mga dakong walang kuryente. Ang mga suplay ng relief ay kadalasang nananatiling nakatinggal sa mga bodega o hindi nakararating sa mga nangangailangan nito. Bakit nagpapatuloy ang malubhang mga pagkakamaling ito? Sabi ng Economia: “Ang internasyonal na tulong ay kailangang gumawa ng nakikita, hangga’t maaari, kagila-gilalas na mga resulta. . . . Hinihiling ito ng opinyon ng madla, kaya hindi mahalaga kung, halos sa tuwina’y, ito’y pag-aaksaya lamang ng pera.” Tinatawag ito ng mga eksperto na “isang trahedya sa loob ng trahedya.”Pumapatay na Lumot
Ang dumaraming polusyon ng mga pinagmumulan ng tubig ang may pananagutan sa pagdami ng nakalalasong lumot na nagbabanta sa mga isda sa buong daigdig, sabi ng mga siyentipiko. Ayon sa isang ulat sa International Herald Tribune, ang mga dinoflagellate, isang uri ng lumot, ay gumagawa ng isang lason na pumapatay sa mga isda. Ikinakabit pa nga nila ang kanilang sarili sa laman ng isda sa pamamagitan ng isang tangkay, na sa pamamagitan nito sila ay naglalabas ng mga katas buhat sa panunaw upang tunawin ang laman bago ito sipsipin. Sa maramihang pagpatay na ito ng mga isda, nabilang ng mga mananaliksik ang hanggang 175,000 dinoflagellate sa isang kutsarita ng tubig. Ang 1,500 dinoflagellate lamang sa isang kutsarita ay sapat na upang patayin ang mga isda sa mga akuwaryum. Ang mga dinoflagellate ay kadalasang pinakakawalan sa bagong mga lugar sa pamamagitan ng pagtatapon ng tubig tulakbahala mula sa mga bapor.
Dumarami ang Diborsiyo ng Klero
“Isa sa bawat tatlong pag-aasawa sa Alemanya ay nagwawakas sa diborsiyo,” sabi ng The German Tribune. At kasuwato nito, “parami nang paraming pag-aasawa ng mga ministrong Protestante ay nabibigo.” Si Hans-Martin Heusel, kinatawan sa presidente ng Iglesya Protestante sa Hesse at Nassau, ay umaamin na “ang bilang ng diborsiyo sa gitna kapuwa ng mga ministrong lalaki at babae ay kasintaas ngayon ng diborsiyo ng mga mamamayan sa pangkalahatan.” Bagaman itinuturo ng simbahan na ang buklod ng pag-aasawa ay dapat na hindi napapatid, sabi ng Tribune, “ang katotohanan, kahit sa gitna mismo ng mga ministro, ay isang bagay na lubhang kakaiba. Sa akin lamang, ang nakikita ng Kristiyano at ang mga turo ng Simbahan ay lubhang magkaiba hinggil sa diborsiyo na kinasasangkutan ng mga pastor.” Taglay ang ilang eksepsiyon, “ang isang diborsiyadong pastor ay maaaring manatili bilang isang pastor sa kaniyang dating puwesto o sa ibang dako.”
“Naitagong Panlulumo”
Parami nang paraming bilang ng nagreretirong mga nag-oopisinang Hapones ang pinahihirapan ng mga sintoma na mula sakit ng tiyan hanggang paralisis. Habang papalapit na ang pagreretiro, ang mga workaholic na ito ay nawawalan ng impluwensiya sa trabaho at tinatrato na parang buwisit sa bahay ng mga pamilyang kanilang nakaligtaan. “Bagaman sila’y nanlulumo,” ulat ng pahayagang Asahi Shimbun, “sinisikap nilang itago ito sa pamamagitan ng pagkilos na masaya. Di-nagtatagal ang mga sintoma na gaya ng sakit ng tiyan ay nangyayari.” Ang mga pagsusuri ay nagsisiwalat na wala namang diperensiya sa katawan. Ganito ang sabi ni Dr. Tooru Sekiya, na siyang nagbigay ng pangalan sa mga sintomang ito na “naitagong panlulumo bago ang pagreretiro,” tungkol sa karaniwang pasyente: “Pinalalayaw niya ang kaniyang sarili sa pag-iisip na ang tanging paraan upang tanggapin ay ang magkasakit, at ito ay natural na humahantong sa sarisaring sintoma.” Ano ang magagawa? “Humanap ng mga bagay na pahahalagahan maliban sa trabaho, gaya ng isang libangan,” payo ni Dr. Takashi Sumioka, na gumagamot ng maraming gayong pasyente sa Tokyo, at “ugaliing pakamahalin ang inyong pamilya sa lahat ng panahon.”
Ang Mexico at ang Iglesya Katolika
Noong Setyembre 21, 1992, pagkatapos maghiwalay sa loob ng mahigit na 130 taon, ibinalik ng Mexico at Vaticano ang ganap na diplomatikong ugnayan. Ito’y kasunod ng mungkahi ni Presidente Carlos Salinas de Gortari na palitan ang Konstitusyon at ibalik sa relihiyosong mga pangkat ang mga karapatang inalis pagkatapos ng rebolusyon noong 1910. “Karamihan ng mga karapatang iyon ay unang pinawalang-bisa sa pagitan ng 1856 at 1861 nang putulin ng mga mapaghimagsik na mga liberal, na sabik sugpuin ang napakalaking kapangyarihan ng Iglesya Katolika, ang ugnayan ng bansa sa Santa Sede,” sabi ng The New York Times. Gayunman, karamihan ng mga pagbabawal ay malaon nang hindi pinapansin. At, ang Konstitusyon ay nanatiling walang pagbabago yamang maraming Mexicano ang hindi pa rin nagtitiwala sa kapangyarihan ng Iglesya Katolika. Lahat ng mga iglesya ngayon ay may maliwanag na legal na katayuan, may karapatang magsagawa ng relihiyosong edukasyon, at maaaring magmay-ari ng ari-arian.
Pagwawasto sa Temperatura ng Katawan
Sa mahigit na isang dantaon, ang katamtamang temperatura ng tao ay tinatanggap na 37 digris Celsius, ang resulta ng isang pahayagang inilathala ni Carl Wunderlich noong 1868, batay sa mahigit isang milyong sukat ng temperatura ng katawan ng 25,000 adulto. Ito’y lubhang kahanga-hangang gawa, yamang kumukuha ng halos 15 hanggang 20 minuto para sa mga termometro noong panahong iyon upang itala ang mga temperatura, at ang mga ito’y kailangang basahin samantalang nakalagay pa sa kilikili. Gayunman, sinasabi ni Philip A. Mackowiak sa University of Maryland School of Medicine na ang bilang ay dapat baguhin, yamang ipinakikita ng kaniyang mga pag-aaral na ang 37 digris Celsius “ay hindi ang katamtamang temperatura, hindi ang katamtamang temperatura ng anumang yugto ng panahon na pinag-aralan, hindi ang kalagitnaang temperatura, ni ang pinakamadalas maulat na temperatura.” Sa katunayan, 8 porsiyento lamang ito ng 700 itinalang temperatura. Ang katamtamang temperatura ng katawan, sabi niya, ay dapat na 36.8 digris Celsius.