Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?

Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?

Napakaraming gawain sa paaralan” ay binanggit na isa sa pinakakaraniwang sanhi ng kaigtingan sa gitna ng mga kabataan

“Kung ikaw ay hindi gaanong organisado, maraming panahon kang nasasayang sa pagpapasiya kung ano ang susunod mong gagawin”

‘WALA kaming sapat na panahon!’ Gayon ang reklamo ng isang grupo ng mga estudyante sa high school. Ang sanhi ng problemang ito? Ang mga pangangailangan sa paaralan at araling-bahay. “Nagsisimula ako sa paaralan sa ika-8:00 n.u. at natatapos sa ika-5:30,” sabi ng kabataang si Véronique. “Pagdating ko ng bahay, alas 6:30 na. Ang hirap. Akala ng mga magulang na ang pag-aaral ay isang kahanga-hangang buhay. Hindi nila nauunawaan na ang pag-aaral ay nakapapagod at maigting, at saka pagdating namin ng bahay, nariyan ang araling-bahay.” Susog pa ng disisiete-anyos na si Sandrine: “Gumugugol ako ng mula dalawa hanggang tatlong oras isang gabi sa aking araling-bahay, at mga dulo ng sanlinggo.”

Sina Véronique at Sandrine ay nakatira sa Pransiya, kung saan ang mga estudyante ay may isa sa pinakamahabang araw ng pag-aaral sa Europa. Ang mga estudyante sa maraming ibang bansa ay nakadarama rin ng kaigtingan, kabiguan, at natatabunan ng lahat ng mga pangangailangan sa kanilang panahon. “Napakaraming gawain sa paaralan” ay binanggit na isa sa pinakakaraniwang sanhi ng kaigtingan sa gitna ng mga kabataan.

Yamang mas mahirap ngayon kaysa kailanman na makasumpong ng trabaho sa maraming bahagi ng daigdig, nakikita ng maraming kabataan na mahalaga sa kanilang kinabukasan sa daigdig ng pagtatrabaho ang pagkakaroon ng isang mabuting edukasyon. Gaya ng pagkakasabi rito ni Violaine, isang estudyante sa high school: “Ang mga pagkakataon upang makakuha ng isang desenteng trabaho ay napakahirap anupat natatalos ng mga kabataan ngayon na isang bagay lamang ang dapat gawin​—MAG-ARAL!”

Walang Sapat na Panahon?

Gayunpaman, batid niyaong mahuhusay sa klase na ito’y nangangailangan ng maraming panahon at lakas. At kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano, mayroon ka pang karagdagang pangangailangan sa iyong panahon: pagdalo sa mga pulong Kristiyano, pag-aaral ng Bibliya, at pagbahagi ng iyong pananampalataya sa iba. (Juan 17:3; Roma 10:10; Hebreo 10:24, 25) Sinasabi pa ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa” at magkatuwaan. (Eclesiastes 3:1, 4; 11:9) Tulad ng karamihan sa mga kabataan, malamang na nais mo ng kahit paano’y kaunting panahon para sa paglilibang at pagpapahingalay. Subalit ang gawain sa paaralan ay maaaring mag-iwan sa iyo ng kaunting panahon upang gawin ang mga bagay na kailangan mong gawin​—gaano pa nga ng panahon upang gawin ang mga bagay na nais mong gawin.

Gayunman, kadalasan ang problema ay hindi lamang ang kakulangan ng panahon. Isiniwalat ng isang pag-aaral kamakailan na ang dalawang pangunahing dahilan kung bakit may akademikong mga problema ang mga estudyante sa high school ay ang kanilang “hindi mabuting paggamit ng panahon” at “kawalan ng kaayusan.” Gaya ng natuklasan ng isang kabataang nagngangalang Olivier, ang hindi mabuting personal na kaayusan ay maaaring makaapekto nang higit sa iyong mga marka. Sabi niya: “Kung ikaw ay hindi gaanong organisado, maraming panahon kang nasasayang sa pagpapasiya kung ano ang susunod mong gagawin.” Kaya nga, paano mo magagawang organisado ang iyong sarili?

Isang Timbang na Pangmalas sa Gawain sa Paaralan

Una sa lahat, dapat mong ilagay ang iyong gawain sa paaralan sa perspektiba. Sinasabi sa atin ng Bibliya na “tiyakin ang lalong mahalagang mga bagay.” (Filipos 1:10) At kung pag-iisipan mo ito, ano nga ba ang dapat na maging ang pinakamahalagang bagay sa iyong buhay? Hindi ba dapat na ito’y ang iyong espirituwal na mga pananagutan? Kaya naman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:33) Nangangahulugan iyan na dapat unahin ang mga pulong Kristiyano, panalangin, pag-aaral, at ang gawain na pangangaral sa iba.

Nangangahulugan ba ito na ang gawain sa paaralan ay hindi mahalaga? Hindi naman. Subalit bilang isang Kristiyano, ang iyong tunguhin sa pagtataguyod ng isang edukasyon ay hindi dapat upang sangkapan ang iyong sarili para sa ilang sekular na karera. Bagkus, ito’y dapat na ang matuto ng mga kasanayan na magiging kapaki-pakinabang sa iyo sa iyong karera bilang isang ministro ng Diyos. Kasabay nito, inihahanda mo ang iyong sarili upang makakuha ng trabaho at tustusan ang iyong sarili, at marahil ang isang pamilya balang araw. (1 Tesalonica 4:11, 12; 1 Timoteo 5:8) Ang pagkaalam nito ay dapat na tumulong sa iyo na magsikap na gawin ang pinakamagaling na magagawa mo sa paaralan. Kasabay nito, kailangan mong magsikap upang panatilihin ang iyong sarili na malakas sa espirituwal.

Ang “pagsamantala sa panahon” para sa espirituwal na mga pananagutan, mga gawain sa bahay, paglilibang, at gawain sa paaralan, ay maaaring maging isang tunay na hamon, subalit magagawa ito.​—Efeso 5:15, 16.

Ang Halaga ng Paggawa ng Isang Rutina

Ang isang paraan upang samantalahin ang panahon ay maging higit na may kakayahan sa paraan ng iyong pag-aaral. Ang kabanata 18 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas ay nagbibigay ng maraming nakatutulong na mga mungkahi. a Halimbawa, nasubukan mo na bang gumawa ng isang iskedyul o isang set ng rutina para sa iyong gawain sa paaralan?​—Ihambing ang Filipos 3:16.

“Walang alinlangan ang pinakakaraniwang problema sa pag-aaral,” sulat ni Harry Maddox sa kaniyang aklat na How to Study, “ay ang basta hindi pagsisimula sa regular na gawain na pagtutuon ng isip.” Kumusta ka naman? Itinatabi mo ba ang iyong araling-bahay hanggang sa ikaw ay nasa kondisyon na gawin ito​—o kapag ito ay waring mas kombinyente? Ang Eclesiastes 11:4 ay nagbababala: “Ang nagmamalas sa hangin ay hindi maghahasik; at ang tumitingin sa mga alapaap ay hindi aani.”

Ganito pa ang sabi ni Harry Maddox: “Napakadaling aksayahin nang unti-unti ang panahon. Kung hindi ka magtatakda ng isang iskedyul sa iyong sarili malamang na gugugulin mo ang panahon sa panonood ng T.V., pagbabasa ng magasin, . . . o sa paggawa ng anuman sa maraming bagay na handang gawin ng mahihinang estudyante sa halip na sa pag-aaral. Kung mayroon kang iskedyul at nais mong sundin ito, ang iskedyul ay may lahat ng lakas ng isang batas na hindi dapat labagin, at balang araw ang pagsunod dito ay nagiging madali, at sinisimulan mong ituring ito bilang isang likas na bahagi ng iyong buhay.”

Kung pinangangasiwaan mo ang iyong gawain sa paaralan sa isang maayos at disiplinadong paraan, malamang na magkaroon ka ng higit na panahon. Ang mabuting pagpaplano sa bahagi mo ay makatutulong din sa iyo na iwasan ang mga salungatan sa pagitan ng pagtapos sa iyong mga takdang-aralin sa paaralan at pagtugon sa iyong mga pananagutang Kristiyano, gaya ng pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon.

Ayusin ang Iyong Panahon!

Kumusta naman ang paggawa ng ibang bagay na nais at kailangan mong gawin, gaya ng mga gawain sa bahay? Dito man, ang pagiging organisado ang susi. Sikaping ikapit ang sumusunod na mga mungkahi:

Mag-ingat ng isang listahan ng mga bagay na gagawin. Ang kasangguni sa pangangasiwa-sa-panahon na si Stephanie Winston ay nagmumungkahi ng pagdadala ng isang pambulsang kuwaderno sa lahat ng panahon. Gamitin ito upang itala ang “bawat idea, takdang-aralin, tawag sa telepono, proyekto, atas, o utos​—malaki o maliit, hindi gaanong mahalaga o mahalaga—​habang ito ay bumabangon.” Sa unang sulyap, ang iyong listahan ay maaaring magtinging napakarami, subalit sa paggamit ng sumusunod na mungkahi, mababawasan mo pa ito.

Unahin sa listahan ang mga bagay na dapat unahin. Ito ay makatutulong sa iyo na ituon ang pansin sa mga bagay na talagang kailangang gawin. Kasabay nito, maaari mong alisin ang mga bagay na makapaghihintay o na hindi mo kailangang gawin.

Maghanda ng isang iskedyul. Oo, baguhin ang iyong listahan tungo sa isang planong gawain​—isang nasusulat na iskedyul. Ang isang maliit na pambulsang kalendaryo, o talaarawan, ay maaaring makatulong sa iyo sa bagay na ito. Malayo sa pagtatakda sa iyong kalayaan, ang isang timbang na iskedyul ay magpapangyari sa iyo na magkaroon ng mas mabuting pagkontrol sa iyong panahon.

Maging makatotohanan. Sa pamamagitan ng trial and error, alamin kung kailan pinakamabuting gawin ang ilang bagay. Halimbawa, maaaring masumpungan mong kapaki-pakinabang na iiskedyul ang iyong mga sesyon sa paggawa ng araling-bahay nang maaga hangga’t maaari sa araw, kapag alisto pa ang iyong isip.

Gayunman, alamin na hindi mo kailangang iplano ang bawat sandali ng iyong buhay. Panatilihing naibabagay ang iyong iskedyul, para sa mga hindi inaasahan at kusang mga bagay. Gumawa ng mga pagbabago kung kinakailangan, subalit sumunod sa iyong iskedyul hangga’t maaari. Pansinin: Karaniwan nang pinakamabuting sobrahan mo ang pagtantiya sa panahon na kakailanganin mo upang gawin ang isang partikular na atas. Sa tuwina’y maaari mong baguhin kung nakatapos ka nang maaga.

Magtakda ng iyong sariling huling araw. Tutulong ito sa iyo na iwasan ang hilig na maghintay hanggang sa huling sandali upang gawin ang isang bagay. Kung may proyekto ka sa paaralan, sikapin mong magtakda ng isang petsa upang tapusin ito na maaga sa petsang kailangan mong isumite ito.

Disiplinahin mo ang iyong sarili na sumunod sa iyong iskedyul. Maaaring nakatutuksong magpunta sa bahay ng isang kaibigan kung kailan kailangan mong manatili sa bahay upang mag-aral para sa pangwakas na mga eksamen. Subalit maghasik nang kaunti pagdating sa iyong mga pag-aaral, at ikaw ay maaaring umani ng mababang mga marka sa dakong huli. (Ihambing ang 2 Corinto 9:6.) Bukod pa riyan, karaniwang mas masisiyahan ka sa iyong paglilibang kung natapos mo na ang iyong gawain. Ang nakatutulong na simulain ay, Mahahalagang bagay muna, saka na ang paglilibang.

Ang pag-iiskedyul at pag-oorganisa ng iyong sarili ay mangangailangan ng panahon, tiyaga, at maraming disiplina-sa-sarili, subalit ang mga Kristiyano ay sinabihang magkaroon ng pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng bagay. (1 Corinto 9:25) Ang pagkatutong sumunod sa isang iskedyul ay isang mabuting ugali sa pagkakapit ng simulaing ito. Ang mga bunga ay maaaring ang kasiyahan sa nagawang bagay, higit na pagsupil sa iyong buhay, at mas maraming panahon na gawin ang mga bagay na nais at kailangan mong gawin.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 15]

Magkaroon ng isang iskedyul sa pag-aaral at sundin ito