Inihahayag ng mga Biktima ng mga Paring “Pedophile” ang Nangyayari
Inihahayag ng mga Biktima ng mga Paring “Pedophile” ang Nangyayari
“NITONG nakalipas na dekada, mga 400 paring Romano Katoliko ang isinumbong sa mga awtoridad ng simbahan o ng bayan dahil sa seksuwal na pag-abuso sa mga bata,” sang-ayon sa U.S.News & World Report. Kamakailan, isang pambansang pagtitipon ng mga nakaligtas sa gayong pag-abuso ay ginanap malapit sa Chicago, Illinois. Marami ang hayagang nagsabi kung paano sila biniktima ng mga paring pedophile.
Subalit binabanggit ng NCR (National Catholic Reporter) na ang mga tagapagsalita ay paulit-ulit na nagpahayag ng ibang paksa sa buong komperensiya: “Ang unang pag-abuso ay seksuwal; ang ikalawa at higit na masakit, ay sikolohikal.” Ang ikalawang pag-abuso ay nangyayari kapag hindi pinakikinggan ng simbahan ang mga biktima ng pag-abuso, hindi seryosong isinasaalang-alang ang kanilang mga akusasyon, at kumikilos lamang upang pangalagaan ang nagkasalang mga pari. “Makatarungan o hindi makatarungan,” ulat ng NCR, “inilarawan nila ang klerong Katoliko na kabilang sa isang hindi malusog at nailigaw na pangkat na mas mahilig ingatan ang pribilehiyo at kapangyarihan kaysa mga pangangailangan ng karaniwang tao.” Ang ilang tagapagsalita ay gumawa ng nagbabanta ng masama na mga paghahambing sa Repormasyon, na lubusang humati sa simbahan noong ika-16 na siglo.
Sang-ayon kay Richard Sipe, isang dating pari na naging saykoterapist at dalubhasa tungkol sa seksuwal na pag-abuso ng klerong Katoliko, isinisiwalat ng lahat ng pagkakaila ng institusyong ito na ito ay “isang malalim, malubha at nalalaman na personal na pagkasangkot sa problema.” Sabi pa niya: “Nalalaman ng simbahan at matagal na nitong alam ang maraming kaso tungkol sa seksuwal na gawain ng mga pari nito. Sadyang hindi pinapansin, hinahayaan, pinagtatakpan at basta nagsisinungaling ito tungkol sa malawak na seksuwal na gawain ng mga pari nito.”
Hindi kataka-taka, kung gayon, idinidemanda ng maraming nakaligtas sa pag-abuso ang simbahan. Sinisipi ng NCR ang isang abugado na nagpapakadalubhasa sa gayong mga kaso na nagsasabi na may mga kaso ng paring-pedophile sa bawat 188 diyosesis ng simbahan sa Estados Unidos. Sabi niya na ang mga areglo sa labas ng hukuman ay kasintaas ng $300,000 sa bawat kaso. Ang U.S.News & World Report ay nagsasabi na ang mga kasong iyon ay nagkahalaga na sa simbahan ng $400,000,000, isang bilang na maaaring tumaas pa tungo sa $1 bilyon sa taóng 2000. At iniulat ng Canadian Press kamakailan na mga 2,000 nakaligtas sa seksuwal na pag-abuso sa mga bata sa 22 ampunan at mental na mga institusyon na pinangangasiwaan ng simbahan sa Quebec ay nagdedemanda sa anim na relihiyosong orden ng $1.4 bilyon sa mga pinsala.
Gayunman, kawili-wili ang nabanggit na abugado sa E.U., na kumakatawan sa 150 biktima ng mga paring pedophile sa 23 estado, ay nagsasabi na kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng kliyente na sabik magtungo sa hukuman. Sinubok munang hanapin ng bawat isa ang katarungan “sa loob ng pastoral na konteksto ng simbahan.” Ang NCR ay naghinuha: “Sa wari, ang mga nakaligtas sa pag-abuso ay nagtungo sa mga hukuman hindi bilang unang dulugan, kundi bilang ang huling pagkilos kung lahat ng iba pa ay bigo.”