Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumuluksong mga Musikero sa Daigdig ng mga Insekto

Lumuluksong mga Musikero sa Daigdig ng mga Insekto

Lumuluksong mga Musikero sa Daigdig ng mga Insekto

INAAMIN namin ang pagiging napakatakaw na mga nilikha. At oo, ang aming gana ay maaaring makagalit sa mga magsasaka na itinuturing kami na mga peste sa pagsira ng kanilang mga ani. Gayunpaman, kaming mga tipaklong ay may kawili-wiling mga katangian​—kung paano kami lumulukso, kung paano kami lumilipad, kung paano kami umaakyat, at kung paano kami gumagawa ng “musika.”

Halimbawa, alam mo ba na mayroon kaming limang mata? Sa halip na paggamit ng doble-bista gaya ng ginagawa ng maraming tao, mayroon kaming tatlong maliliit na mata sa harap ng aming ulo para sa malapitang pagtingin. Ang dalawa pa naming mata ay malaki at nasa gawing likuran ng ulo, hinahayaang makita namin kung ano ang nangyayari sa paligid namin. Iyan ang dahilan kung bakit nakalalayo kami sa iyo. Hindi mo ba gugustuhin na magkaroon ng mga matang may gayong kakayahan?

Gaano kagaling ang aming di pangkaraniwang kakayahan sa paglukso? Kami ay makalulukso nang sampung ulit ng aming taas at lalapag mga punto nuwebe metro ang layo. Upang matularan iyan ng tao, kailangang malukso niya ang taas ng anim-na-palapag na gusali. Ang aming sekreto ay ang aming napakalakas na mga kalamnan sa hulihang paa. Binibigyan kami nito ng lakas na sumipa upang magawa ang gayong kahanga-hangang gawa.

Kahit na pagkatapos ng aming panimulang lukso sa iyong landas, magagawa pa naming mas mahirap na mahabol mo kami sa paggamit ng dalawang pares ng pakpak na taglay naming lahat. Ang matigas na mga pakpak sa itaas ay kumikilos na gaya ng pagkilos ng mga pakpak ng eruplano, samantalang ang mas mahinang mga pakpak sa ilalim ay ginagamit bilang isang paraan ng ekstrang pagtulak. Kaya, sa pagsasama ng aming mga kasanayan ng paglukso at paglipad, karaniwan nang makalilipad kami nang malayo upang pahinain ang iyong loob na habulin kami.

Nahihirapan ka bang umakyat sa isang magrasang poste? Kami ay hindi. Sa katunayan, maaari kaming tumakbong paakyat sa isang madulas na dahon ng damo nang hindi nadudulas dahil sa pagkakadisenyo ng Maylikha sa aming anim na paa. Ang maliliit na sapin sa bawat paa ay may mumunting balahibo na naglalabas ng isang madikit na likido, tumutulong sa amin na manghawakang mahigpit sa mga bagay-bagay. Isa pa, ang bawat paa ay nasasangkapan ng dalawang malakas, animo’y pakong kalawit na humahadlang sa amin na dumausdos sa matatarik na dalisdis. Oo, bago pa naisip ng mga tao ang pag-akyat sa bundok, kami ay lubusang nasasangkapang umakyat.

Ang mga lalaki sa aming uri ay mga musikero. Ang mga babaing tipaklong ay hangang-hanga at itinuturing ang mga ito na lubhang matalino. Oo, nakaririnig kami at tumutugon sa iba’t ibang tunog. Ang aming mga tainga ay nasa magkabilang panig ng thorax. Kaya, kapag nasa kondisyon, marahang hinihila ng lalaki ang isang maligasgas na paa sa likuran sa ibabaw ng nakaangat na mga ugat ng isang pakpak kung paanong hinihila ng isang biyolinista ang kaniyang panghilis sa ibabaw ng mga kuwerdas ng kaniyang biyolin. Anong inam na magpahingalay sa isang mainit na araw ng tag-araw upang mahiga sa isang madamong parang at pakinggan ang simponia mula sa isang libong tipaklong at kuliglig. Ah, ang huni ng tag-araw!