Pag-aaral sa Bahay—Ito ba’y Para sa Iyo?
Pag-aaral sa Bahay—Ito ba’y Para sa Iyo?
“ISANG kakatwang bagay na naging isang kilusang pambansa.” Ganiyan inilarawan kamakailan ng magasing Time ang pag-aaral sa bahay sa Estados Unidos—isang kausuhan na itinataguyod ng mga magulang na naniniwala na ang pinakamahusay na edukasyon na maaaring tanggapin ng isang bata ay makukuha niya sa kaniya mismong salas, hindi sa tradisyunal na silid-aralan.
Itinuturing pa rin ng ilan bilang kakatwa o totoong bago at naiiba, ang pag-aaral sa bahay, gayunman, ay itinataguyod ng parami nang paraming tao sa bawat taon. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang bilang ng mga taong nagtataguyod ng pag-aaral sa bahay ay dumami mula sa halos 15,000 noong 1970 tungo sa 500,000 noong 1990. Sinasabi ng mga nagtataguyod ng pag-aaral sa bahay na mahigit na isang milyong pamilya sa Estados Unidos ang ngayo’y pinag-aaral ang kanilang mga anak sa bahay.
Ang mga pangkat na nagtataguyod ng mga nag-aaral sa bahay ay mabilis na naglitawan din sa Australia, Canada, Inglatera, Alemanya, Hapón, at New Zealand, na nagpapahiwatig na ang interes sa pag-aaral sa bahay ay lumalaganap sa buong daigdig.
Bakit napakaraming magulang ang nagpapasiyang turuan ang kanilang mga anak sa bahay? Gaano kabisa ang pag-aaral sa bahay? Ito ba’y isang pagpili na sulit isaalang-alang para sa inyong pamilya?
Sa saligang pagkaunawa nito, ang pag-aaral sa bahay ay hindi kasinradikal na gaya ng akala rito. “Ang tahanan, hindi ang paaralan, ang orihinal na sistemang pang-edukasyon,” sabi nina Raymond at Dorothy Moore sa kanilang aklat na Home-Spun Schools. “Hanggang nitong huling dantaon, karamihan ng mga batang pumasok sa paaralan ay nagsimula sa gulang na dose o mas matanda pa.”
Ang kilalang mga tao, gaya nina George Washington, Abraham Lincoln, Thomas Jefferson, Thomas Edison, at Albert Einstein, ay nag-aral sa bahay. Sa katunayan, ang mga batas tungkol sa sapilitang-pagpasok-sa-paaralan ay hindi ipinakilala sa Estados Unidos kundi noong dakong huli ng ika-19 na siglo. Kaya, ayon sa awtor at magulang na nag-aral sa bahay na si Kerri Bennett Williamson, ang pag-aaral sa bahay ay, hindi lamang isang kausuhan, kundi “isang matandang pamantayang pang-edukasyon.” Oo, ang pag-aaral sa bahay ang pamantayan para sa karamihan ng tao noong panahon ng Bibliya.
Kung Bakit Nila Ginagawa Iyon
Kawili-wili, tinataya ng National Catholic Reporter na mula 50 hanggang 90 porsiyento ng mga magulang sa E.U. na nagtataguyod ng pag-aaral sa bahay ay ginagawa iyon sa relihiyosong mga dahilan. Ang mga magulang na ito ay karaniwang nababahala tungkol sa pangangalaga sa kanilang mga anak mula sa iniisip nilang ateistikong mga impluwensiya sa mga paaralan. “Ang lakas ng kilusang paaralan-sa-bahay ay ang pamayanan ng Christian Fundamentalist, na naniniwalang ang relihiyon ay alin sa inaabuso o niwawalang-bahala sa silid-aralan,” sabi ng magasing Time.
Inalis ng ibang mga magulang ang kanilang mga anak sa mga paaralang bayan upang pangalagaan sila na malantad sa nakapipinsalang imoral na mga
impluwensiya sa maagang gulang. “Dahil sa imoralidad sa mga paaralan ang kalagayan ay hindi masupil,” sabi ng isang lalaking Kristiyano na nagpasiya mga ilang taon na ang nakalipas na sila ng asawa niya ang magtuturo sa kanilang mga anak sa bahay. “Nababahala kami tungkol sa aming mga anak at tungkol sa malungkot na kalagayan sa paaralan.”Kung minsan, pinipili ng mga magulang ang pag-aaral sa bahay sa kadahilanang pang-edukasyon sa halip na pang-ideolohiya. Sawa na sila sa siksikang mga silid-aralan, mababang akademikong mga pamantayan, at mga problemang pangkaligtasan na laganap sa maraming paaralang bayan. Bigô dahil sa kadalasa’y katamtamang mga resulta ng institusyunal na pagtuturo, sila’y naniniwala na higit nilang matutulungan ang kanilang mga anak sa pagbibigay ng isahang pansin na magagawa ng pag-aaral sa bahay.
Ipinaliliwanag kung bakit pinipili ng ilan ang pag-aaral sa bahay, ang aklat na Home Schools: An Alternative ay nagsasabi: “Ang mga magulang [na nagtuturo sa bahay] ay 100% nasasangkot sa kanilang mga anak . . . Maaari nilang italaga ang kanilang atensiyon sa edukasyon ng kanila mismong anak.”
Mabisa ba Ito?
Yaong nagtataguyod ng pag-aaral sa bahay ay nagsasabi na ang mga bata ay mas mabisang natututo sa bahay sapagkat ang mga leksiyon ay iniuugnay sa bawat aspekto ng araw-araw na gawain ng pamilya. “Maraming pamilya ang nagsisimula sa isang aklat-aralin sa matematika, ngunit pagkatapos ay natutuklasan nila na ang mga leksiyon ay maaaring matutuhan sa pamamagitan ng mga karanasan sa araw-araw,” sulat ni Jane A. Avner sa School Library Journal. “Ang pamimili at pagtutugma ng pera mo sa bangko sa iyong personal na mga rekord, halimbawa, ay makatutulong sa kanilang mga estudyante na maunawaan ang pangangasiwa sa pera, samantalang ang mga pagkukumpuni sa bahay ay isang mahusay na aklat-aralin sa pagsukat.”
Gaano kabisa ang pag-aaral sa bahay? Ipinakita ng ilang pag-aaral na ang mga nag-aral sa bahay ay karaniwang nakakuha ng grado na nasa o mataas sa pambansang promedyo sa pamantayang pagsubok sa napag-aralan. Subalit ang mga resultang iyon ay hindi naman nangangahulugan na ang mga nag-aaral sa bahay ay mayroong mas mabuting edukasyon kaysa mga batang nag-aaral sa paaralan.
“Ang kasalukuyang katibayan ay malawak ang
sakop,” sabi ng aklat na The Home School Manual. “Ang pangunahing problema sa lahat ng mga pag-aaral na ito ay na ang mga iskor sa pagsubok ng malaking bahagi ng mga nag-aaral sa bahay ay hindi makuha ng mga mananaliksik.”“Totoong walang katibayang makukuha buhat sa obserbasyon o eksperimento” upang patunayan nang tiyakan na ang pag-aaral sa bahay ay isang akademikong nakahihigit na pamaraang pang-edukasyon, sabi ng The Home School Manual. “Bagaman ang mga nag-aaral sa bahay ay karaniwang magaling sa pag-aaral, ang wastong programa sa pananaliksik ay kailangang magpakita na ang anumang akademikong kaibhan ay hindi dahilan sa ibang salik.”
Marami Pa Rin ang Nag-aalinlangan
Ang pag-aaral sa bahay ay mayroon ding mga kritiko. Maraming opisyal ng paaralan ang nagpahayag ng pagkabahala sa pabagu-bagong uri ng edukasyon na ibinibigay sa mga pagsisikap sa pag-aaral sa bahay. Ganito ang sabi rito ng magasing Time: “Ang mabubuting intensiyon ay hindi kusang nagbubunga ng matatag na edukasyon.”
Sa kadahilanang iyan ang mga pandistritong paaralan kung minsan ay hindi nakikipagtulungan, o mapanalungat pa nga, kapag ipinahahayag ng mga magulang ang kanilang mga plano na turuan ang kanila mismong mga anak. Bagaman ang ilang pandistritong paaralan kamakailan ay nagsikap na makipagtulungan sa mga nagsasagawa ng pag-aaral sa bahay, ang ibang awtoridad sa edukasyon ay nanatiling nag-aalinlangan. Kapuwa ang National Association of Elementary School Principals at ang National Education Association (NEA) ay nanindigan laban sa pag-aaral sa bahay, ikinatatakot na ang ilang magulang ay maaaring walang kakayahang maglaan ng sapat na edukasyon sa bahay. Sang-ayon sa opisyal na katayuan ng NEA, “ang mga programa ng pag-aaral sa bahay ay hindi makapaglalaan sa estudyante ng isang malawak na karanasang pang-edukasyon.”
Ang mga tagapagtaguyod ng pag-aaral sa bahay ay nagsasabi na hindi na kailangan ng mga magulang ang mga kredensiyal sa kolehiyo upang maging mahusay na mga guro. “Hindi kailangang malaman ng mga magulang ang lahat ng sagot upang mahimok ang kanilang mga anak na hanapin ang mga sagot sa kanila mismong mga katanungan,” sabi ng aklat na Home Schooling—Answering Questions. Ang mga bata ay maaaring akayin sa angkop na mga pagkukunang materyal. Ang mga magulang at mga anak ay maaaring mag-aral na magkasama. At kung kinakailangan ang masulong na pagsasanay o kadalubhasaan, maaaring umupa ng pribadong mga tagapagturo na part-time na magtuturo.
Sinasabi rin ng mga kritiko na ang mga batang nag-aaral sa bahay ay lubhang nabubukod at napagkakaitan ng normal na pakikisalamuha sa ibang mga bata na kasinggulang nila. Minsan pa, ito ay isang konklusyon na mariing tinututulan ng mga tagapagtaguyod ng pag-aaral sa bahay. “Ang mga batang ito ay hindi sosyal na nabubukod,” sabi ni Brian Ray, patnugot ng National Home Education Research Institute. “Ang mga nag-aaral sa bahay ay karaniwang nagpupunta sa zoo o sa museo ng sining. Sila’y naglalaro sa kanilang lugar na gaya ng ibang mga bata. Ang idea na sila’y ikinukulong sa isang aparador mula alas otso ng umaga hanggang alas diyes ng gabi ay hindi totoo.”
Ito ba’y Para sa Iyo?
Ang pag-aaral sa bahay ay nangangailangan, “hindi lamang ng tibay-loob, kundi ng lakas, pagkamapanlikha, at kahinahunan,” sabi ng Christianity Today. Kaya kung binabalak mo ang pag-aaral sa bahay, makatotohanang isipin ang tungkol sa komitment na nasasangkot. Kakailanganin ang masigasig na pagsisikap at mabuting organisasyon upang makaagapay sa mga gawain sa bahay at sa iba pang pananagutan sa pamilya bukod pa sa paglalaan ng pang-araw-araw na akademikong programa para sa mga bata. “Maaaring ikaw ay pagal na pagal anupat gusto mo nang huminto,” sabi ni Ray. “Ito’y totoong matrabaho.”
Pagkatapos, alamin kung ano ang mga batas tungkol sa pag-aaral sa bahay sa inyong lugar. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang pag-aaral sa bahay ay legal sa lahat ng 50 estado, subalit ang mga antas ng alituntunin ay lubhang nagkakaiba-iba. Sa ilang dako, ang pagtuturo sa iyong anak sa bahay ay nangangahulugan lamang ng pagbibigay-alam sa lokal na superintendente ng paaralan at pagsagot sa isang-pahinang pormularyo. Sa ibang estado, ang isang magulang ay kailangang isang sertipikadong guro upang maging kuwalipikadong magturo sa bahay. Alamin kung ano ang patakaran sa lugar ninyo upang matugunan mo ang lahat ng legal na mga kahilingan.
Pagkatapos, isaalang-alang ang halaga. Ang pamimili ng mga materyales sa pagtuturo ay isa sa pinakamalaking hamon sa pag-aaral sa bahay—lalo na kung limitado ang pondo. “Ikaw ay madaling
tudlaan para sa mga tagatustos ng mga gamit sa pag-aaral,” babala ng A Survivor’s Guide to Home Schooling.Bagaman ang ilang tagatustos ay sumisingil ng katamtamang tuition fee, ang ibang programa sa pag-aaral sa bahay ay nagkakahalaga ng mga daan-daang dolyar. Ang mga pamantayang pagsubok, na kahilingan sa ilang estado na dapat kunin ng mga nag-aaral sa bahay, ay maaaring magkahalaga ng hanggang $50 ang isa. Ang bagong mga aklat-aralin, sanayang aklat, at iba pang materyales ay kakailanganin sa taun-taon, kaya ang isang isinaplanong maingat na badyet para sa pag-aaral sa bahay ay mahalaga.
Mangyari pa, hindi lahat ng mga magulang ay handa o kayang gumugol ng panahon, pagsisikap, at salapi na sinasabi ng mga dalubhasa ay kahilingan upang maging matagumpay ang pag-aaral sa bahay. “Ang pag-aaral sa bahay ay hindi para sa lahat,” sabi ng isang 14-anyos na batang babae na nagsimulang mag-aral sa bahay nang siya ay 7 taon. “Nangangailangan ng tamang mga kalagayan, tamang mga saloobin, at tamang mga magulang.” Ang disiplina-sa-sarili—ng magulang at ng bata—ay maaari ring idagdag sa listahan. Ang lalaking sinipi kanina ay nagsabi na upang magtagumpay ang pag-aaral sa bahay, “nangangailangan ng matinding komitment.” Siya’y nagpatuloy: “Ang tunay na hamon ay ang makapaglaan ng panahon sa paggawa nito at tapusin ito.”
Inaamin kahit ng masigasig na mga tagapagtaguyod ng pag-aaral sa bahay na ang pag-aaral sa bahay kung minsan ay ginagawa sa hindi mabisa o iresponsable pa ngang paraan. Oo, taun-taon may ilang pagsisikap sa pag-aaral sa bahay na hindi nagtatagumpay, iniiwan ang mga bata na hindi handa upang harapin ang akademikong mga hamon sa hinaharap.
Isa pa, hindi dapat dayain ng mga magulang ang kanilang mga sarili sa pag-iisip na tanging ang pag-aaral sa bahay ang magsasanggalang sa kanilang mga anak mula sa imoral na mga impluwensiya na nasusumpungan sa mga paaralang bayan. Walang paraan para sa sinuman na lubusang maingatan mula sa pakikitungo sa sanlibutan. Maraming salik bukod sa pormal na pag-aaral ang humuhubog sa pag-iisip ng bata, kasali na ang halimbawa ng mga magulang, mga kasama, libangan, at kapuwa ang personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Kung walang masikap na pagsasanay sa lahat ng dakong ito, walang sistemang pang-edukasyon ang magiging matagumpay sa pagpapalaki ng mga anak na Kristiyano.
Totoo, inakala ng ilang magulang na ang pag-aaral sa bahay ay nakatulong sa espirituwal na pagsulong ng kanilang mga anak. Subalit hindi dapat kaligtaan na maraming kabataang Kristiyano na pumapasok sa mga paaralang bayan ang gumagawa rin ng mahusay na espirituwal na pagsulong. Sa maraming kaso, ang mga magulang ay nagkaroon ng mabubuting resulta sa pakikipagtulungan sa kanilang lokal na pandistritong paaralan upang tiyakin na ang kanilang mga anak ay nakakukuha ng mahusay na edukasyon.
Ang mga magulang, na sa wakas ay siyang may pananagutan sa wastong edukasyon at pagsasanay ng kanila mismong mga anak, ay kailangang magpasiya para sa kanilang mga sarili kung anong uri ng pag-aaral ang inaakala nilang totoong kapaki-pakinabang sa kanilang pamilya. Kaya timbanging maingat ang mga salik bago magpasiya kung handa ka nang harapin ang hamon ng pagtuturo sa iyong mga anak sa bahay.
[Blurb sa pahina 12]
“Ang mga anak ay dapat na nasa oras ng iskedyul na para bang sila ay nasa paaralan.”
C .F. L., magulang na nagturo sa anak na babae sa bahay
[Mga larawan sa pahina 10]
Ikaw lamang ang makapagpapasiya kung alin ang pinakamabuti para sa iyong anak—pag-aaral sa paaralang bayan o pag-aaral sa bahay