Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Naglalahong mga Kayamanan
Sa nakalipas na 12 taon, naiwala ng Russia ang mahigit na 90 porsiyento ng mga kayamanang pansining nito, gaya ng mga pinta at imahen, ayon sa mapanuring ulat sa Moscow News. Noong 1990, kinumpiska ng mga pinuno sa adwana ang isang malaking halaga ng katutubong sining, gintong mga barya, at relihiyosong mga gamit. Gayunman, iyan ay isang bahagi lamang—marahil mula 2 hanggang 5 porsiyento—ng lahat ng naipuslit na mga kalakal. Sinasabi ng Moscow News na halos 40 pangkat ng mga nagpupuslit, na malawakang inorganisa sa Alemanya at Italya, ay kasalukuyang aktibo sa Russia. Taglay nila ang nilinis at binagong pinakamahahalagang bagay at pagkatapos ay ipinadadala ang mga ito upang ipagbili sa mayayamang bansa.
Pinatawad sa Wakas
Ipinagkaloob ni Papa Juan Paulo II kay Galileo ang “banal na pagpapatawad.” Hanggang sa ngayon, minalas ng Iglesya Katolika ang bantog na pisiko bilang isa na “pinuna ng Banal na Inkisisyon” noong 1633 dahil sa paggiit na ang lupa ay umiinog sa palibot ng araw. Sa ngayon, 360 taon ang nakalipas, sinikap na lutasin ng papa ang usapin minsan at magpakailanman na may taimtim na talumpati sa harap ng Papal Academy of Sciences. Subalit ayon sa Italyanong pahayagan na Corriere della Sera, maging sa okasyong ito ay hindi nagpigil ang papa mula sa muling pagtiyak na si Galileo ay mali sa isang punto sa paano man. Waring tinanggihan ng pisiko ang isang “mungkahi” na iharap niya ang kaniyang mga hinuha bilang mga haka-haka hanggang sa magkaroon ng “di-mapabubulaanang katibayan.”
Buhay sa Pinakamababang Antas
Ang mga Mushar ng India ay “laging nananatiling nasa pinakamababang antas” ng lipunan, ang sabi kamakailan ng India Today. Ang pamayanan ng mga untouchable, gaya ng pagtukoy sa kanilang uri (caste), ay may bilang na halos tatlong milyon, pangunahin nang naninirahan sa estado ng Bihar. Karamihan, ayon sa isang 60-anyos na Mushar, “ay hindi nakaaalam kung ano ang isang kumpletong pagkain.” Malinaw na inilarawan ng India Today ang isang pangkat ng mga batang Mushar na, naghahanap ng pagkain sa nayon, ay nagpapausok sa isang kulupon ng mga daga upang palabasin ito mula sa kanilang mga lungga, pinagbababambo ang mga ito, inihaw, at kinain ang mga ito. Sa lokal na salita, sinasabi ng magasin, ang “Mushar” ay nangangahulugang “manghuhuli ng daga.”
Satanismo sa mga Tin-edyer
Ang Satanismo ay nagiging popular sa mga paaralan sa Johannesburg, Timog Aprika. Ayon sa pahayagang The Star, sinasabi ng isang sikologo na ginamot niya ang maraming estudyante na naapektuhan ng Satanismo. Tinukoy ng mga pasyente ang pangkat ng mga mangkukulam na tagalalawigan na gumamit ng mga droga at gumawa ng pagtatalik at walang-taros na sadomasochism. Kabaligtaran ng kasabihan, aniya, “ang mga batang ito ay waring ganap na kagalang-galang.” Sinabi ng isang pinuno ng pulisya sa The Star na alam ng pulisya ang tungkol sa satanikong mga pangkat sa buong bansa. Hindi ipinagbabawal ang Satanismo, subalit sinusubaybayan ng pulisya ang mga krimen na may kaugnayan sa satanikong mga ritwal. Inaresto nila kamakailan ang isang tin-edyer na babae at ang kaniyang nobyo dahil sa pagpaslang sa isang 38-anyos na babae. Sila kapuwa ay nasasangkot sa Satanismo, at sinabi nila sa pulisya na kanilang nagawa ang pagpaslang sa ilalim ng impluwensiya ng demonyo.
Mga Bagyong Sanhi ng “Greenhouse”
Maraming siyentipiko ang nababahala na ang kamakailang sunud-sunod na malalakas na bagyo ay maaaring kaugnay ng greenhouse effect, ang pag-init ng atmospera dahil sa polusyon ng tao. Ayon sa magasing Newsweek, ang katamtamang temperatura na mataas lamang nang kaunti ang digri ay maaaring magpatindi sa gayong mga bagyo at magpalawak ng sukat ng karagatan na nagpapangyari sa mga ito. Sinabi ng magasin na ang Bagyong Andrew noong 1992, na sumukat ng 5 sa 5-punto sukatan ng lakas ng bagyo, ay bagyo na maaaring maganap ng minsan sa loob ng sandaang taon sapagkat ganiyan kabihira ang gayong mga sakuna. Subalit ang Bagyong Hugo noong 1989 ay sumukat ng 4, at ang Gilbert ng 1988 ay sumukat din ng 5. Sa gayon, binubuod ng Newsweek ang pagkabahala ng maraming siyentipiko: “Masdan ang Andrew; maaaring maging ganiyan ang greenhouse na daigdig.”
Pagkakawanggawa Para Kanino?
Ano ang nangyayari sa lahat ng salapi na natitipon ng mga kawanggawa bawat taon? Karamihan nito ay napupunta sa mga tao na nangangasiwa sa mga ito. Ayon sa surbey, sa mahigit sa sangkatlo ng 100 pinakamalalaking kawanggawa sa Estados Unidos, ang punong mga tagapangasiwa ay nagkamal ng mahigit na $200,000 bawat isa sa mga kita at mga pakinabang noong nakaraang taon. Gayon ang ulat ng International Herald Tribune. Tatlo sa mga tagapangasiwang ito ay tumanggap ng mahigit na $500,000. Ang surbey ay napasigla ng pagkapaalis ng pangulo ng isang kawanggawa, na inakusahan ng maling pangangasiwa sa pinansiyal at ng labis na paggasta. Siya ay kumikita ng $390,000 bawat taon. Ang sumunod sa kaniya ay kumikita “lamang” ng $195,000.
Hanggang sa Tayo’y Paghiwalayin ng Diborsiyo
Noong 1991 mahigit na 130,000 pag-aasawa ang nagwakas sa mga korte ng diborsiyo sa Alemanya, ulat ng pahayagang Allgemeine Zeitung. Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay naging pangkaraniwan anupat lumaganap ang mga kard ng pakikiramay, na naglalaman ng mga sawikaing gaya ng “Maligayang bati sa iyong diborsiyo” o
“Maligayang bati sa una sa pinakamaliligayang araw ng iyong buhay.” Mga 10 porsiyento ng mga mag-asawa na nag-aasawa sa Alemanya ang naghahanda na ngayon nang patiuna para sa diborsiyo bago pa ikasal. Sila’y gumagawa ng mga kontrata na bumabanggit kung ano ang tatanggapin ng sinuman sa mag-asawa—bahay, kasangkapan—sa oras ng diborsiyo. Bakit napakaraming diborsiyo? Nagkokomento ang Allgemeine Zeitung: “Mga ilang taon lamang ang nakalipas pagkatapos na makasal, 80 porsiyento ng kababaihan ang nagrereklamo na ang kanilang mga asawang lalaki ay nagpapakita ng kaunting interes sa kanila. . . . Tiniyak ng isang pagsusuri na nagsasangkot ng 5,000 mag-asawa na sila’y karaniwang nag-uusap sa isa’t isa ng siyam na minuto lamang sa isang araw pagkatapos ng anim na taon ng pagsasama.”Nagbayad ang mga Magulang Dahil sa Kawalan ng Disiplina
Isang korte sa Tokyo, Hapón, ay nagpasiya kamakailan na ang mga magulang ng tatlong tin-edyer na mga miyembro ng isang gang ng motorsiklo ay dapat tumulong na magbayad dahil sa krimen ng kanilang mga anak. Binugbog at paulit-ulit na sinipa ng mga batang lalaki ang isang lalaki sa tiyan pagkatapos na siya’y nagreklamo sa ingay ng kanilang mga motorsiklo. Namatay ang lalaki makalipas ang isang buwan. “Ang krimen ay karugtong ng uri ng mga buhay na tinatahak ng apat na kabataang lalaki, paulit-ulit na hindi pumapasok sa paaralan, umiinom, naninigarilyo at nagmomotorsiklo,” sinipi ng Mainichi Daily News na gaya ng sabi ng hukom. “Bagaman lubusang nababatid ang uri ng mga buhay na tinatahak ng kanilang mga anak, hindi dinisiplina ng mga magulang ng mga miyembro ng gang ang mga ito,” aniya at nag-utos sa mga magulang na magbayad ng kabuuang ¥83,000,000 (halos $700,000, U.S.) bilang kabayaran sa pamilya ng namatay na lalaki.
Polusyon at Dami ng Nasasawing Sanggol
Iniuugnay ng isang kamakailang pagsusuri sa Brazil ang polusyon sa dami ng nasasawing mga batang limang taóng gulang at mas bata pa na tagasiyudad. Ayon sa pahayagang O Estado de S. Paulo, nasumpungan ni Paulo H. N. Saldiva, isang mananaliksik kasama ng Faculty of Medicine ng São Paulo, na kailanma’t ang hangin ay naglalaman ng mas maraming nitrogen oxide (isang gas na inilalabas sa pamamagitan ng pagsunog ng langis na diesel, gasolina, at alkohol), nagkakaroon ng biglang pagdami sa bilang ng mga kamatayan dahil sa mga komplikasyon sa paghinga. Ang pagtaas ng ikasampung bahagi lamang ng gas na ito sa bawat milyong bahagi ng hangin ay nangangahulugan ng kamatayan ng walo pang mga bata bawat linggo sa São Paulo. Yamang ang mahihirap at kulang sa pagkain na mga bata ang karamihang apektado, sinabi ni Saldiva: “Yaong mga nagdurusa dahil sa polusyon ng mga kotse ay tiyak na yaong mga hindi nasisiyahan sa kaalwanan na idinudulot ng sasakyan.”
Pag-eebanghelyo sa Kalawakan?
Pinag-iisipan pa rin ng Iglesya Katolika ang suliranin ng pag-eebanghelyo sa bagong mga daigdig. Nataya na ng mga astronomo ng Santa Sede na kasali sa paghahanap ng matatalinong anyo ng buhay sa kalawakan ang teolohikong mga pahiwatig ng pagkasumpong sa gayong mga nilalang. “Bautismuhan ang mga extraterrestrial? Bakit hindi?” wika ng Jesuitang si George Coyne, patnugot ng Vaticanong obserbatoryo sa Italya. “Kung isang araw ay magkaroon tayo ng pagkakataon na matagpuan sila, mapipilitan tayong isaalang-alang ang suliranin.” Ganito ito minamalas ni Coyne: “Una sa lahat, kailangang tanungin natin ang extraterrestrial ng maraming tanong, gaya ng: ‘Kayo ba ay nagkaroon ng kahawig na karanasan gaya nina Adan at Eva, iyon ay, ng orihinal na kasalanan?’ Pagkatapos bilang resulta: ‘Kilala rin ba ninyo ang isang Jesus na tumubos sa inyo?’ ” Kung ang sagot ay hindi, kung gayon “ang suliranin tungkol sa kaniyang pag-eebanghelyo ay tiyak na babangon.”
Maluwat, Maligayang mga Pag-aasawa
“Ito’y malaon nang pangangatuwiran: gawin ang lahat ng bagay salig sa Sampung Utos at mabuhay nang maligaya magpakailanman,” reklamo ng sikologong si Gary Schoener sa kamakailang labas ng magasing Newsweek. Ang tudlaan ng kaniyang panlilibak? Ang malaganap na inilathalang impormasyon mula sa mga surbey ng halos 6,000 katao ay nagpapakita na ang mas may edad nang mag-asawa ay higit na maligaya kaysa mga kabataang wala pang asawa na handalapak sa sekso. Ipinakikita ng mga tuklas, na ipinalalagay ni Schoener bilang sinaunang pag-aasawa at makaluma, na bagaman ang kalimitan ng pagtatalik ay bumababa sa paano man dahil sa edad, ang pinakamaliligayang tao na sinurbey ay ang may edad nang mga mag-asawa na nasusumpungan pa ring “kaakit-akit sa pisikal” ang kanilang mga asawa at nasisiyahan pa rin sa pagtatalik nang palagian. Ang iba pang pagsusuri ay nagpakita na yaong mga nagkokontrol ng kanilang timbang at palaging nag-eehersisyo ay malamang na manatiling aktibo sa sekso sa kanilang mga huling taon.
Takdang Panahon ng Rapture Lumampas—Muli
May katiyakang inihula ng The Mission for the Coming Days sa Korea na sa Oktubre 28, 1992, ay magaganap ang “rapture,” na biglang dadalhin sa langit ang tapat na mga miyembro ng iglesya. Iniulat ng Korea Times na nilisan ng libu-libo katao na naniwala sa hulang ito ang kanilang mga trabaho at pamilya at ipinagbili ang kanilang mga ari-arian. Iniulat, isang mananampalatayang nagdadalang-tao ang nagpalaglag sa takot na ang ipinagbubuntis na sanggol ay magpabigat sa kaniyang pag-akyat sa langit. Sumapit ang araw at lumipas na walang nangyari, maliban sa ilang nabigong mga nagsisimba na bumugbog sa mga nangangaral sa kanila, nagpipilit malaman kung bakit hindi dumating ang rapture. Gayunman, ang tagapagtatag ng iglesya ay napiit. Siya’y inaresto dahil sa paglustay ng mga pondo ng simbahan. Sinabi ng Korea Times: “Ang ilan sa kaniyang mga puhunan ay naglakip ng mga bono na nasa panahon nang bayaran sa susunod na Mayo, mga buwan pagkatapos ng kaniyang inihulang araw ng paghuhukom.”