Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Bahagi 1
Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
“INYONG malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ang madalas-sipiing mga salitang ito ng karunungan ay binigkas ng isang tao na itinuturing ng angaw-angaw bilang ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. a Bagaman tinutukoy ng tagapagsalita ang relihiyosong katotohanan, sa ilang bagay ang katotohanan sa anumang larangan ng gawain ay maaaring magpalaya sa mga tao.
Halimbawa, ang siyentipikong katotohanan ay nagpalaya sa mga tao sa maraming maling idea, gaya ng idea na ang lupa ay patag, na ang lupa ang sentro ng sansinukob, na ang init ay isang likido na tinatawag na caloric, na ang maruming hangin ang dahilan ng mga sakit, at na ang atomo ang pinakamaliit na bahagi ng isang bagay. Ang praktikal na pagkakapit ng siyentipikong mga katotohanan sa industriya, gayundin sa larangan ng komunikasyon at transportasyon, ay nagpalaya sa mga tao mula sa di kinakailangang nakababagot na gawain at, sa isang antas, mula sa mga limitasyon ng panahon at distansiya. Ang siyentipikong mga katotohanan na ikinapit sa mga gamot na panlaban sa sakit at pangangalaga sa kalusugan ay nakatulong sa mga tao na mapalaya mula sa maagang kamatayan o sa pagkatakot sa sakit.
Siyensiya—Ano ba Ito?
Sang-ayon sa The World Book Encyclopedia, “ang siyensiya ay sumasaklaw sa malawak na larangan ng kaalaman ng tao may kinalaman sa mga katotohanang sinusuhayan ng mga simulain (mga tuntunin).” Maliwanag kung gayon, may iba’t ibang uri ng siyensiya. Ang aklat na The Scientist ay nagsasabi: “Sa teoriya, halos anumang uri ng kaalaman ay maaaring gawing siyentipiko, yamang sa pagpapakahulugan ang isang sangay ng kaalaman ay nagiging siyensiya kapag ito ay itinaguyod sa paggamit ng siyentipikong pamamaraan.”
Ginagawa nitong mahirap na bigyan-kahulugan, nang eksakto, kung saan nagsisimula ang siyensiya at kung saan nagwawakas ang isa. Sa katunayan, ayon sa The World Book Encyclopedia, “sa ilang kaso, ang mga siyensiya ay maaaring lubhang nagkakasanib-sanib anupat nagkaroon ng tinatawag na interdisciplinary na mga larangan na pinagsasama ang dalawa o higit pang mga siyensiya.” Gayunpaman, karamihan ng mga akdang reperensiya ay bumabanggit ng apat na pangunahing pangkat: siyensiya pisikal, siyensiya biyolohikal, siyensiyang panlipunan, at ang siyensiya ng matematika at lohika.
Isang siyensiya ang matematika? Oo, kung walang pinag-isang pamaraan ng pagbilang, ilang paraan ng pagtiyak kung gaano kalaki, gaano kaliit, gaano karami, gaano kakaunti, gaano kalayo, gaano kalapit, gaano kainit, at gaano kalamig, imposibleng magkaroon ng mabungang siyentipikong pagsusuri. Sa kadahilanang iyan, ang matematika ay tinawag na ang “Reyna at Alipin ng mga Siyensiya.”
Kung tungkol sa mga siyensiya pisikal, kasali rito ang kemistri, pisika, at astronomiya. Ang pangunahing mga siyensiyang biyolohikal ay botani at soolohiya, samantalang kabilang naman sa mga siyensiyang panlipunan ay ang antropolohiya, sosyolohiya, ekonomiya, siyensiya pulitika, at sikolohiya. (Tingnan ang kahon sa pahina 8.)
Kailangang gawin ang pagkakaiba sa pagitan ng dalisay na siyensiya at ikinapit na siyensiya. Ang nauna ay may kinalaman sa siyentipikong mga katotohanan at sa mga simulain mismo; ang huling banggit, sa kanilang praktikal na pagkakapit. Sa ngayon ang ikinapit na siyensiya ay tinatawag ding teknolohiya.
Pagkatuto sa Paraang “Trial and Error”
Ang relihiyon at siyensiya ay kapuwa mga halimbawa ng pagnanais ng tao na malaman ang katotohanan. Subalit may isang malaking pagkakaiba sa pagitan ng kung paano hinahanap ang relihiyosong katotohanan mula sa isang pinagmumulan at ang siyentipikong katotohanan mula sa ibang pinagmumulan. Ang isang mananaliksik para sa relihiyosong katotohanan ay malamang na babaling sa Banal na Bibliya, Koran, Talmud, Vedas, o sa Tripitaka, depende sa kung siya ay isang Kristiyano, Muslim, Judio, Hindu, o Budista. Masusumpungan niya roon ang itinuturing ng kaniyang relihiyon na isang kapahayagan ng relihiyosong katotohanan, malamang na mula sa isang banal na pinagmulan at samakatuwid ay minamalas bilang isang pangwakas na awtoridad.
Gayunman, ang mananaliksik para sa siyentipikong katotohanan ay walang gayong pangwakas na awtoridad na babalingan—alinman sa isang aklat o isang indibiduwal. Ang siyentipikong katotohanan ay hindi isinisiwalat; ito’y tinutuklas. Kaya nangangailangan ito ng isang sistema ng trial and error, at kadalasan ay nasusumpungan ng mananaliksik para sa siyentipikong katotohanan ang kaniyang sarili sa walang-saysay na pagsisikap. Subalit sa pamamagitan ng sistematikong pagsunod sa apat na hakbang, itinataguyod niya ang isang mabungang paghahanap. (Tingnan ang kahon na “Paghanap sa Katotohanan sa Paraang Siyentipiko.”) Gayunpaman, ang siyentipikong mga tagumpay ay ipinagdiriwang sa mga guho ng siyentipikong mga pagkatalo samantalang ang dating tinatanggap na mga palagay ay tinatanggihan upang bigyan-daan ang bagong mga palagay na itinuturing na mas tama.
Sa kabila ng tamaan-at-sala na pamaraang ito, sa loob ng mga dantaon ang mga siyentipiko ay nakapagtipon ng kahanga-hangang dami ng siyentipikong kaalaman. Bagaman madalas magkamali, naitutuwid nila ang maraming di-wastong konklusyon bago makagawa ng malubhang pinsala. Sa katunayan, habang ang maling kaalaman ay nananatili sa loob ng dalisay na siyensiya, ang panganib ng malubhang pinsala ay kaunti. Subalit kapag sinikap na baguhin ang malubhang depekto sa dalisay na siyensiya tungo sa ikinapit na siyensiya, ang mga resulta ay maaaring maging kapaha-pahamak.
Kunin halimbawa, ang siyentipikong kaalaman na nagpangyari sa paggawa ng mga pamatay-insekto. Ang mga ito ay lubhang pinahahalagahan hanggang isiwalat ng higit pang pananaliksik na ang ilan dito ay nag-iiwan ng labí na nakapipinsala sa kalusugan ng tao. Sa ilang pamayanan malapit sa dagat Aral, makikita sa Uzbekistan at Kazakhstan, naitatag ang kaugnayan ng malaganap na paggamit ng
gayong mga pamatay-insekto sa dami ng kanser sa lalamunan na pitong ulit sa pambansang katamtamang bilang.Dahil sa ginhawang iniaalok nito, ang mga aerosol na isprey ay naging lubhang popular—hanggang sa ipakita ng siyentipikong pagsusuri na ang mga ito ay nakatulong sa pagsira sa ozone layer na pananggalang ng lupa, sa katunayan, mas mabilis kaysa dating inaakala. Kaya nga, ang paghahanap para sa siyentipikong katotohanan ay isang nagpapatuloy na proseso. Ang siyentipikong “mga katotohanan” ngayon ay maaaring mali bukas, at posibleng mapanganib pa nga, na mga idea kahapon.
Kung Bakit Dapat Makawili sa Atin ang Siyensiya
Malaki ang nagawa ng siyensiya at teknolohiya sa paglikha ng kayarian ng ating makabagong daigdig. Si Frederick Seitz, dating pangulo ng U.S. National Academy of Sciences, ay nagsabi: “Ang siyensiya, na pangunahin nang nagsimula bilang isang abentura ng isip, ay nagiging isa sa mahalagang haligi ngayon ng ating paraan ng pamumuhay.” Kaya naman, ang siyentipikong pananaliksik sa ngayon ay naging kasingkahulugan ng pag-unlad. Ang sinumang kinukuwestiyon ang pinakabagong siyentipikong pag-unlad ay nanganganib na mabansagang “laban sa pagsulong.” Sa paano man, kung ano ang itinuturing ng ilan na siyentipikong pagsulong para sa kanila ay siyang naghihiwalay sa sibilisado mula sa hindi sibilisado.
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang Britanong makata ng ika-20 siglo na si W. H. Auden ay nagsabi: “Ang tunay na mga lalaki ng pagkilos sa ating panahon, yaong mga bumabago sa daigdig, ay hindi ang mga pulitiko at mga estadista, kundi ang mga siyentipiko.”
Iilang tao ang magkakaila na ang daigdig ay nangangailangang baguhin. Subalit kaya ba ng siyensiya ang atas na ito? Matuklasan kaya ng siyensiya ang siyentipikong mga katotohanan na kailangan upang masapatan ang natatanging mga hamon na inihaharap ng ika-21 siglo? At maaari bang mabilis na matutuhan ang mga katotohanang ito upang mapalaya ang mga tao mula sa takot sa isang dumarating na pangglobong kapahamakan?
Ang dalawang beses na nagwagi ng gantimpalang Nobel na si Linus Pauling ay nagsabi: “Ang lahat ng nakatira sa daigdig ngayon ay kailangang magkaroon ng ilang kabatiran tungkol sa kalikasan at mga epekto ng siyensiya.” Sa layuning bigyan ang aming mga mambabasa ng ilan sa mahalagang kabatirang ito ay inihaharap namin ang mga seryeng “Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan.” Tiyaking basahin ang Bahagi 2, sa aming susunod na labas.
[Talababa]
a Si Kristo Jesus. Tingnan ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, inilathala noong 1991 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
PAGHANAP SA KATOTOHANAN SA PARAANG SIYENTIPIKO
1. Masdan kung ano ang nangyayari.
2. Batay sa mga obserbasyong iyon, bumuo ng isang teoriya sa kung ano ang maaaring maging totoo.
3. Subukin ang teoriya sa pamamagitan ng higit pang mga obserbasyon at mga eksperimento.
4. Bantayan upang makita kung ang mga hula batay sa teoriya ay nagkakatotoo.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
MGA SIYENSIYANG BINIGYAN-KAHULUGAN
ANTROPOLOHIYA ang pag-aaral sa mga tao mula sa biyolohikal, sosyal, at kultural na pangmalas.
ASTRONOMIYA ang pag-aaral sa mga bituin, planeta, at iba pang likas na mga bagay sa kalawakan.
BIYOLOHIYA ang pag-aaral kung paano kumikilos ang nabubuhay na mga bagay at ang pag-uuri sa mga halaman at mga hayop.
BOTANI, isa sa dalawang pangunahing sangay ng biyolohiya, ay ang pag-aaral sa buhay-halaman.
KEMISTRI ang pag-aaral sa mga katangian at komposisyon ng mga bagay at ang reaksiyon nito sa isa’t isa.
MATEMATIKA ang pag-aaral sa mga bilang, dami, hugis, at mga kaugnayan.
PISIKA ang pag-aaral tungkol sa mga puwersa at mga katangian na gaya ng liwanag, tunog, presyon, at grabidad.
SIKOLOHIYA ang pag-aaral sa isip ng tao at sa mga dahilan ng paggawi ng tao.
SOOLOHIYA, ang ikalawang pangunahing sangay ng biyolohiya, ang pag-aaral sa buhay-hayop.