Dapat ba Akong Lumipat sa Isang Mas Maunlad na Bansa?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Lumipat sa Isang Mas Maunlad na Bansa?
NILISAN ni Tara ang kaniyang sariling bayang Trinidad, nilisan ni Sheila ang Jamaica, at nilisan ni Erick ang Suriname. Ang lahat ng tatlong kabataang ito ay lumipat sa mas maunlad na bansa. Bakit?
“Kaming mga kabataan sa Trinidad,” ani Tara, “ay labis na naimpluwensiyahan ng aming nakikita sa mga magasin at sa TV. Nakalulungkot nga, ito’y nagbibigay sa amin ng kahali-halinang larawan ng Estados Unidos at ng iba pang mauunlad na bansa.”
Gayundin ang salaysay ni Sheila: “Natatandaan ko pa nang ako’y sabihan ng magagandang pagkakataon para sa trabaho at ng libreng pag-aaral.” Gayunman, kaniyang isinusog: “Hindi ko alam kung bakit, subalit ang mga nanggaling na sa mga bansang ito ay hindi kailanman bumanggit tungkol sa di-kaayaayang mga aspekto. Marahil nahihiya silang aminin na ang mga kalagayan ay hindi kasimbuti na gaya ng kanilang inaasahan.”
Gayunpaman, ang mga tao ay patuloy na lumilipat sa ibang lugar. Ipinakita ng isang ulat sa Los Angeles Times na simula noong 1980 hanggang 1990, ang bilang ng mga taong lumipat sa ibang mga bansa ay dumoble at inaasahang dodoble pa sa taóng 2000. Bawat taon mahigit na 700,000 katao ang lumilipat sa Estados Unidos. Ang Australia, Canada, Côte d’Ivoire, at Saudi Arabia ay tumatanggap bawat isa ng mahigit na 50,000 mandarayuhan bawat taon, marami sa kanila ang naghahanap ng mas masaganang buhay.
Kung ikaw ay nakatira sa isang mahirap o nagpapaunlad na bansa, maaaring nag-iisip ka rin kung ang iyong kinabukasan ay magiging mas maaliwalas sa isang mas nakaririwasang bansa. Ito ay isang seryosong pagpapasiya. Paano ka may katalinuhang makapagpapasiya?
Huwag Magmadali sa Iyong Pagpapasiya
Si Erick, mula sa Suriname, ay naniniwala na hindi ka dapat magmadali kundi dapat munang magtipon hangga’t maaari ng maraming impormasyon na makukuha mo. “Maging sa Suriname,” aniya, “karamihan ng mga pamilya ay may mga kamag-anak na nasa mayayamang bansa, at dapat kang makakuha ng pinakabagong impormasyon at alamin ang katotohanan tungkol sa mga kalagayan ng pandaigdig na ekonomiya.”
Bago ka magpasiya, tandaan: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawang mga plano.” (Kawikaan 15:22) Kaya ipakipag-usap nang tapatan ang iyong mga pasiya sa iyong mga magulang, matatandang Kristiyano, at sa iba na may karanasan na at nagmamalasakit sa iyo.
Huwag Paniwalaan ang Lahat ng Iyong Naririnig
Pagka nakaririnig ka ng magagandang balita tungkol sa maunlad na mga bansa sa malayo, hindi naman masamang medyo mag-alinlangan. “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita,” sabi ng pantas na kawikaan, “ngunit ang matalino ay nagpapakaingatKawikaan 14:15.
sa kaniyang paglakad.”—Si Sheila, na nakatira sa Jamaica, ay nagsabi: “Iginiit ng aking guro sa Ingles na ang paglipat sa Estados Unidos ang siyang pinakamagaling na bagay na magagawa ko. Ang ilang adulto ay nagsabi sa akin na kung ako’y pupunta sa Canada, sa Estados Unidos, o sa Inglatera, ako’y mapapabuti anumang larangan ang piliin ko. Sa maikli, napakatanga ko naman kung palalampasin ko ang pagkakataong ito.”
Nakatulong ba sa kaniya ang paglipat niya sa Estados Unidos? “Sa maraming bagay talagang bumuti ang aking buhay, subalit ang aking mga kaibigan na nanatili sa Jamaica ay bumuti rin ang buhay. Karaniwan nang hinahalinhan mo ang isang problema ng ibang problema. Ang lugar na iyong kinatitirhan ay hindi naman agad makagagawa ng malaking pagbabago.”
Si Tara, na lumipat sa Estados Unidos mula sa Trinidad, ay sumasang-ayon: “Ipinakikita ng mga tao ang mauunlad na bansa bilang mga lupain ng oportunidad—upang mag-aral, magtrabaho, kumita ng malaking salapi, at mamuhay sa ilalim ng mas mabuting mga kalagayan. Subalit nababatid ngayon ng maraming lumisan na ang mga kalagayan ay lalong lumalala saanman. Ang ilan ay umuwi na.”
Pagsasaalang-alang ng mga Bentaha at Disbentaha
Upang makagawa ng timbang na pasiya, isaalang-alang ang higit pa kaysa optimistikong mga ulat ng saganang kayamanan sa ibang mga bansa. Timbangin ang mga bentaha at disbentaha na maaaring masangkot sa paglipat—ekonomiya, sosyal, moral, at espirituwal.
Halimbawa, maaaring pabagsak nga ang ekonomiya sa inyong lugar. Subalit wala na bang makukuhang trabaho na malapit sa inyong lugar? “Sa aming bansa,” ani Tara, “napakaraming walang trabaho, lalo na para sa mga walang mataas na pinag-aralan.” Kaya siya ay lumipat; ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay nanatili sa bansang iyon. “Ang aking dalawang nakababatang kapatid na lalaki ay kumuha ng kurso sa paggawa ng mga muwebles at upholstery. Ngayon sila’y namamasukan sa mga pabrika at maraming tanggap na mga paggawa mula sa mga taong naibigan ang kanilang gawa. Marahil mas mabuti ang kalagayan nila sa aming lugar kaysa akin dito sa ‘lupain ng oportunidad.’ ”
Kung ikaw nga’y lilipat, malamang na mararanasan mo ang ilang pagkasindak sa kultura, marahil maging ng ganap na panghihimasok sa mga simulaing moral na iyong labis na pinahahalagahan. Sulit ba ang paglipat sa gayong panganib? Gayundin, ang materyalismo ay palasak sa mayayamang bansa. Paano iyon makaaapekto sa iyong espirituwalidad?
Pagkatuto Mula sa Pagkakamali ni Esau
Pagdating sa pagtitimbang ng mga bentaha at disbentaha, si Esau noong panahon ng Bibliya ay may malubhang suliranin. Paulit-ulit niyang hindi isinaalang-alang ang mahahalagang salik—ang kaniyang espirituwalidad at ang kaniyang pamilya. Bilang resulta, ang ilan sa kaniyang mabibigat na pagpapasiya ay humantong sa mga kasakunaan.
Ang Bibliya ay nagbababala laban sa “sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na banal, tulad ni Esau, na sa isang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” (Hebreo 12:16) Ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay ay banal. Binigyan ng pagkakataon ng Diyos ang pamilya ni Esau na maging ninuno ng Mesiyas, ang susi sa kaligtasan ng buong sangkatauhan. (Genesis 22:18) Subalit “niwalang-halaga ni Esau ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay.” Handa niyang ipinagbili iyon para sa isang pagkaing lintehas! (Genesis 25:30-34) Ang pinakabanal mong pag-aari ay ang iyong kaugnayan sa iyong Maylikha. Huwag ipagpalit ito, pabayaan ito, o isapanganib ito para sa anumang materyal na pakinabang.—Marcos 12:30.
Nang maglaon, nang si Esau ay lumipat mula sa kaniyang lupang-tinubuan tungo sa ibang lupain, siya’y nakapag-asawa ng dalawang babaing Hiteo. Ang mga pag-aasawang ito ay maaaring tila praktikal sa ilang kadahilanan, subalit sa espirituwal ang mga ito’y nagdulot lamang ng mga suliranin sapagkat ang mga babaing ito’y hindi sumamba sa Diyos ng mga magulang ni Esau, sina Isaac at Rebeca. Ang mga asawang babaing ito ang “naging dahilan ng pamimighati ng espiritu” ng kaniyang mga magulang.—Genesis 26:34, 35.
Karaniwan na para sa mga kabataan na pakasal upang makapasok lamang sa mas mayamang bansa. Iniulat na ang India ay may 4,000 kabiyak sa isang taon na lumilipat sa Estados Unidos, na may tinatayang 10,000 na naghihintay pa upang gumawa ng gayon. Gayunman, ang pag-aasawa ay isang mahalagang kaloob mula sa Diyos. Hindi dapat pababain ang uri nito, ginagamit bilang paraan upang mandayuhan. Isipin din, kung paano ito makasasamâ ng loob kay Jehova at sa iyong tapat na mga miyembro ng pamilya kung ikaw ay ‘makikipamatok sa hindi kapananampalataya.’—2 Corinto 6:14.
Gawin ang Pinakamainam sa Iyong Pasiya
Kung paano mo isinasagawa ang iyong pasiya ay mas mahalaga kaysa pasiya mismo. Alinman sa ikaw ay manatili sa iyong kinaroroonan o magpasiyang lumipat, ang mahalagang bagay ay gawin ang pinakamainam sa iyong pasiya.
Kung ikaw ay mananatili: Huwag batikusin ang mga taong lumipat. Ang kanilang pasiya ay sarili nilang pananagutan. (Roma 14:4; Galacia 6:4, 5) Matutong pahalagahan ang mga kagandahan at mga pakinabang na natatangi sa inyong inang bayan. Paunlarin ang higit na pag-ibig sa mga tao at empatiya sa kanilang mga pagsisikap at mga hamon.
Kung ikaw ay lilipat: Itakda nang may katalinuhan ang iyong mga prayoridad habang ikaw ay natututo ng bagong mga kaugalian at marahil ng isang bagong wika. Huwag magpatali sa trabaho ng higit kaysa kinakailangan upang matamo lamang ang materyal na mga bagay na hindi mo naman kinailangan noon. Kung hindi ikaw ay maaaring maging labis na abala para sa espirituwal na mga bagay.
“Napakahalaga sa daigdig ngayon na magkaroon ng trabaho,” inaamin ni Sheila. “Gayunman, ang pamilya, mga kaibigan, at espirituwal na mga bagay ay mas mahalaga. Pagka ang lahat ay bigo na, sila ang nagpapangyari na tayo’y magpatuloy.” Ang Bibliya ay may kapantasang nagpapayo sa atin laban sa “labis na paggamit [sa sanlibutan]; sapagkat ang tanawin sa sanlibutan ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Pinananatili ng tunay na mga nagtatagumpay ang kanilang mga pagkabahala sa trabaho at salapi sa tamang dako—kasunod lamang ng mga pangangailangan ng pamilya at ng espirituwal na mga gawain.
Maingat na pumili ng bagong mga kaibigan. Ani Erick: “Manatiling nakikipag-ugnayan sa mga kaibigan na nagtataguyod ng nakapagpapatibay na istilo ng pamumuhay.”
Isaisip ang Iyong Tunay na mga Pangangailangan
Ang mga bagay na talagang kailangan natin para sa kaligayahan ay hindi nagbabago. “Saanman tayo naroroon,” sabi ni Sheila, “ang mga kahilingan sa atin ni Jehova ay nananatiling gayon din.” Anu-ano ito? Si Jesus ay tahasang nagsabi ng ganito: “Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan.” “Huwag mabalisa” sa pagkakaroon ng sapat na pagkain o pananamit. Unahin muna ang “kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng bagay ay pawang idaragdag sa iyo.”—Mateo 5:3; 6:31, 33.
Ang pamumuhay ayon sa mga simulaing ito ay makatutulong sa iyo na makasumpong ng mas mabuting buhay saanmang lupain.
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang mayayamang bansa ay waring higit na kaakit-akit kaysa kung ano talaga ito