Nais Mo bang Istimahin ang Iyong mga Kaibigan?
Nais Mo Bang Istimahin ang Iyong mga Kaibigan?
MAAGA pa ang gabi, at isang sosyal na pagtitipon ang nagaganap. Lahat ng naroroon ay nasisiyahan nang ipatalastas na dalawang binata ang maglalaan ng ilang libangan, na binubuo ng musika at isang maikling palabas.
Ang dalawa ay maraming ulit nang matagumpay na nagtanghal kaya inaasahan nila ang isang masiglang pagtugon. Subalit sa kanilang pagkapahiya, ang tugon sa pagtatanghal ay hindi mabuting mga titig, katahimikan, at sa wakas, mahinang palakpak. Nabigo ang kanilang palabas! Ano ang nangyari?
Kung mayroon kang talino at nais mong ibahagi ito sa iyong mga kaibigan, nag-aatubili ka ba sa takot na mangyari rin sa iyo ang gayon? Ano ang susi upang ang mga tao ay tunay na malibang? O marahil ay hindi mo kailanman naisaalang-alang na magtanghal subalit hiniling mo ang iba na gawin iyon sa mga pagtitipon sa iyong bahay. Kung ito ang kalagayan, paano mo matitiyak na ang iyong mga bisita ay masisiyahan sa pagtatanghal?
Ang mga mungkahi na kasunod nito ay nagawa mula sa pangmalas ng musikal na paglilibang sa bahay. Gayunman, masusumpungan mo na ang karamihan ng mga simulain ay kapit sa iba pang uri ng paglilibang, gaya ng pagtatanghal ng maiikling palabas, pagpapakita ng slide, paglalahad ng mga kuwento at mga karanasan.
Paglikha ng Kapaligiran
Ipagpalagay nang ikaw ay nagbabalak ng isang pagtitipon, na kinabibilangan ng isang musikal na pagtatanghal. Ikaw (o ang mga magtatanghal) ay hindi kailangang managana sa musikal na pamamaraan upang maging isang pinagmumulan ng libangan. Sa katunayan, ang ilang may kasanayang mga musikero ay hindi mahusay na mga mang-aaliw. Ito’y dahilan sa ang pag-iistima ay nagsasangkot ng pagkaalam kung paano tutulungan ang mga tao na maglibang. Ito’y nagsisimula sa paglikha ng kapaligiran na nakatutulong sa pagkakaroon ng kasiyahan. Halimbawa, ilang bisita ang aanyayahan mo?
Malamang na magkaroon ka ng higit na tagumpay sa maliit na grupo ng tao kaysa maraming bisita. Ang mas maliit na grupo ay nagbibigay sa bawat tao ng pagkakataon na magsalita at masiyahan sa pakikisama ng iba. Sa katulad na paraan, upang makatulong sa paglikha ng kapaligiran ng kasiyahan, isaalang-alang ang paghahanda ng pagkain, isang hapunan o meryenda lamang. Kung meryenda lamang ang ihahanda mo, ipaalam mo ito sa iyong mga bisita upang huwag silang umasa ng higit pa.
Mahalaga na malaman kung kailan gagawin ang inyong musikal na pagtatanghal. Marami ang nasisiyahan sa natural na paraan at sa kaunti o walang pangangasiwa anupat maibubuhos nila ang isip sa pagkain at pag-uusap. Kung totoo ito sa mga bisita mo, bigyan mo sila ng panahon bago biglang ipakilala ang isinaplanong programa sa kanila. Ito ang nakaligtaang gawin ng dalawang binata na nabanggit sa simula. Kung naghintay lamang sila hanggang sa ang iba pang gawain ay unti-unting natapos, maaaring nasumpungan nila ang kanilang tagapanood na higit na tumutugon.
Kung ang plano mo ay isang sing-along, masusumpungan mong kapaki-pakinabang na paglapitin ang lahat, gaya sa palibot ng apoy o nakaupo sa sahig. Ang mga tao ay umaawit na mas mahusay kung tama ang kondisyon at kalagayan. Ang paglikha ng tamang kapaligiran ay malaki ang magagawa upang matiyak na ang mga bisita ay masisiyahan sa inyong pagtatanghal. Ilalagay rin sila nito sa tamang kaisipan na tanggapin ang inyong musikal na pagtatanghal.
Ang panahon upang magtanghal para sa iyong mga bisita ay dumating na. Paano mo matagumpay na malilibang ang iyong mga tagapanood?
Pagbighani sa Tagapanood
Karamihan ng mga tao ay nasisiyahang manood ng isang mahusay na pagtatanghal. Aba, sa loob ng isang taon lamang, 8,142,000 tiket sa mga palabas ng Broadway ang naibenta, na kumita ng 253.4 milyong dolyar! Ngunit kung ang iyong pagtatanghal ay isang libangan kung saan ikaw ay walang tinatanggap na bayad, nakakaharap mo ang hamon na makuha ang interes ng tagapanood na hindi naman naghahangad ng libangan na inilalaan mo. Ang lunas? Pagsamahin ang sapat na talino at mahusay na kaugnayan sa iyong tagapanood. Narito ang ilang mungkahi:
Gamitin ang natutuhang-mainam na materyal. Ganito ang babala ng instruktor sa gitara na si Frederick Noad: “Mahalaga na saulado ang musikal na piyesa anupat matutugtog mo ito samantalang ikaw ay nag-iisip ng ibang bagay.” Kaya matalinong itabi ang bagong natutuhang mga piyesa para sa hinaharap. Ganito ang sabi ni G. Noad: “Mas mabuting tumugtog ng isang simpleng piyesa nang may kahusayan kaysa tugtugin ang isang kahanga-hangang piyesa nang hindi mahusay.”
Isangkot ang iyong tagapanood. Idiniin ng isang musikero na may mga taon ng propesyonal na karanasan ang kahalagahan ng pagsali sa mga tagapakinig, binabanggit na kaniyang ipinamamahagi sa kaniyang tagapanood ang mga liriko na nasa papel at inaanyayahan silang sumabay sa pag-awit. Ang paggawa sa tagapanood na bahagi ng iyong pagtatanghal ay makatutulong upang mapanatili ang kanilang masiglang pagsuporta.
Gawing tunguhin ang pagkasari-sari. Karaniwan na sa ilan na tugtugin ang lahat ng bagay nang mahiyain at mahina. Gayunman, si Frederick Noad ay nagmumungkahi: “Laging subuking gumawa ng ilang iba’t ibang malakas at mahinang tunog sa bawat piyesa; halimbawa, kapag ang isang linya ay inuulit kadalasan nang mabisang tugtugin ang unang pasada nang malakas at ang pag-ulit dito na mahina lamang, na para bang ito ay halos isang alingawngaw. . . . Ang bahagi ng kasiyahan sa pagtugtog ay masusumpungan sa uring ito ng pagbabagu-bago ng tunog na nagpapakilala sa musika mula sa mga nota lamang.”
Masiyahan. Ang iyong mga bisita ay hindi makapagrerelaks kung ikaw ay mukhang matigas, nininerbiyos, o mahiyain; ni sila man ay malilibang kung ginagaya mo ang ilang kilalang tagapagtanghal.
Mahirap maging relaks kung ang lahat ng mata ay nakapako sa iyo, subalit dapat kang magrelaks at maging ikaw, maging masigla, at masiyahan sa iyong ginagawa. Saka lamang magiging relaks at masisiyahan ang iyong tagapanood sa iyong paglilibang.Gawin itong maikli! Ang tunay na mang-aaliw ay umaawit ng isang awit na kaunti sa ninanais ng mga tagapanood, hindi ng napakaraming awit. Sa isang di-pormal na salas, ang mga tao ay maaaring di mapakali pagkaraan ng 20 o 30 minuto. Kapag natapos ang iyong pagtatanghal, hayaang balikan ng mga bisita ang kusang mga gawain. Ang pagtatanghal ay tapos na, subalit patuloy nilang maaalaala ito dahil sa iniwan mo silang nagnanais ng higit pa.
Pakikitungo sa Nerbiyos
Kahit na ang mga propesyonal ay nakikipaglaban sa takot sa entablado. Gayunman, natututuhan nilang supilin ito at sa paano man ay magtinging palagay. Paano mo magagawa iyon?
Sa isang bagay, maghanda! Si Dale Carnegie, na nagtasa ng libu-libong talumpati sa bawat taon, ay nagsabi: “Tanging ang handang tagapagsalita lamang ang magkakaroon ng pagtitiwala.” Totoo rin ito sa mga tagapagtanghal. Ang patiunang pagsasanay, pati na ang mga ensayo bago ang oras ng pagtatanghal, ay mahalaga. Samantalang nagtatanghal, maging buhos ang isip sa iyong materyal. Isipin at damhin ang lahat ng iyong ginagawa. Ganito ang mungkahi ni Frank Battisti ng New England Conservatory of Music: “Ang isang bagay na dapat gawin ng isang tao ay ituon ang kaniyang isip sa kung ano ang kaniyang ginagawa, at huwag mag-alala tungkol sa kung ano ang iniisip ng iba tungkol dito. Kung magagawa mo ang gayong pagtutuon ng isip hindi ka talaga matatakot.”
Kung ikaw ay magkamali, huwag mong ipaalam ito sa iyong mga tagapakinig sa pagpapalalâ nito. Maaaring ilan lamang ang nakapansin sa pagkakamali, at marahil ay hindi ito pansin ng iba. Titingnan nila ang palatandaan sa iyo—kung patuloy ka sa pagtatanghal na para bang walang anuman ang pagkakamali, gayundin ang magiging pakikitungo nila rito.
Talino na Nagpaparangal sa Maylikha
Kung ikaw ay hinihiling paminsan-minsan ng mga kaibigan na tumugtog para sa kanila, huwag agad tumanggi, marahil inaakala mo na hindi ka magaling. Kung nais nila ng kasakdalan, hindi ba’t pipiliin nila ang inirekord na musika? Isang babae, kilala sa kaniyang mga kaibigan dahil sa kaniyang kasiya-siyang maliliit na pagtitipon sa bahay, ay nagsabi: “Kahanga-hangang talaga kung ang isang bisita ay mahilig sa musika at dumarating pa nga na handang magtanghal at isinasali ang lahat sa pagtatanghal!”
Oo, pinahahalagahan ng marami ang katuwaan at kasayahan na natatangi sa buháy na pagtatanghal sa bahay. Tandaan din, na ang iyong mga kaibigan ay maaaring naghahanap ng kanais-nais na libangan, na pahirap nang pahirap hanapin sa daigdig ng mga propesyonal. Kaya kung ikaw ay pinagkalooban ng kakayahang libangin ang iba, harinawang gamitin mo ito sa karangalan ng ating Dakilang Maylikha, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na kaloob.”—Santiago 1:17.
[Kahon sa pahina 16]
Karagdagang mga Tip
MAGING MARAMING NALALAMAN. Kung makatutugtog ka ng iba’t ibang istilo, kahit na kung ilang piyesa lamang sa bawat kategorya, may bentaha ka na masapatan mo ang mga nagugustuhan at hinihiling ng mga manonood.
Ayusin mo ang iyong materyal sa isang kaakit-akit na ayos. Karaniwang mas mabisang magsimula at magtapos sa pamamagitan ng maiikli at kilalang mga piyesa. Ang mas mahaba o mas mahirap na mga piyesa, kung tutugtugin man, ay pinakamabuting ilagay sa gitna ng iyong pagtatanghal.
Kilalanin ang iyong tagapanood. Bagaman ang pagtitig ay maaaring magpaasiwa sa kanila, maaari mong tingnan at kausapin ang iyong tagapanood sa pagitan ng mga piyesa.
Panatilihing kumikilos ang palabas. Bagaman ang pambungad na pangungusap paminsan-minsan ay nakatutulong sa lahat (pati na sa iyong sarili) na magrelaks, ito ay hindi dapat pasobrahan. Isa pa, iwasan ang mahahabang katahimikan na dala ng labis na pagtono-muli. Malamang na hindi mapansin ng iyong mga tagapakinig ang problema sa bahagyang pagbabago ng tono kaysa mainip sila sa madalas na mga pag-antala.