Sinunog ang Bahay ng Pagsamba
Sinunog ang Bahay ng Pagsamba
NOONG Linggo ng hapon, Oktubre 4, 1992, isang hibang na lalaki ang biglang dumating sa isang maliit, nasa ikalawang palapag na Kingdom Hall sa Wŏnju, Republika ng Korea, na punô ng mahigit 90 mananamba. Siya’y ilang ulit na sumigaw: “Ilabas ninyo ang asawa ko!” Pagkarinig sa kaniya, ang kaniyang asawa ay dali-daling umalis na nagdaan sa pintuan sa likuran.
Ibinuhos ng lalaki ang isang sisidlan ng gasolina sa karpet sa harap ng pangunahing labasan sa harap. Pagkatapos, sa kabila ng mga pagsamo ng mga naroroon, sinindihan niya ang karpet. Ang gasolina ay literal na sumabog, naghahagis ng apoy at maitim na usok sa kisame, sa bandang entablado, at pagkatapos sa likuran sa buong bulwagan. Sa loob lamang ng ilang segundo, nakulong ang karamihan ng mga naroroon. Ang mga apoy at usok ay lumabas sa lahat ng bintana.
Marami ang tumakas sa pintuan sa likuran o sa mga bintana sa isang makitid na pasamano. Mula roon sila ay nagtungo sa bubong ng isang katabing gusali at saka bumaba sa lupa. Ang iba ay basta tumalon mula sa ikalawang palapag. Pagkatapos tumakas, mapanghamak na sinipa ng arsonista ang nasaktan na tumalon sa lupa.
Ang naglalakbay na tagapangasiwa, na nagbibigay ng pantanging pahayag pangmadla, ay sumigaw: “Dali kayo, iligtas ninyo ang mga bata.” Ang mga nakaligtas ay naniniwala na siya at ang kaniyang asawa ay maaari sanang nakaligtas kung hindi nila sinikap na tulungan ang iba. Kabilang sila sa 15 na namatay; lahat-lahat, 26 na iba pa ang nasugatan. Isa pang lalaki, na nang maglao’y namatay sa ospital, ay isinapanganib ang kaniyang buhay sa pagtulong sa mga may edad na makalabas.
Yaong mga namatay ay naroon sa harap ng bulwagan. Ang naglalakbay na tagapangasiwa at ang kaniyang asawa ay nadaig ng makapal na usok at hindi nakahinga. Ang mga namatay ay mula sa siyam na pamilya; ang tatlo ay mga bata, ang edad ay 3, 4, at 14. Halos kahima-himala na hindi higit pa ang namatay o nasugatan, kung isasaalang-alang na ang silid ay kulong at hinadlangan ng apoy ang pagtakas sa pangunahing pasukan.
Pitong trak ng bombero at 30 bombero ang agad na dumating sa eksena, subalit ang bilis ng apoy ay kumitil na ng mga buhay. Ang apoy ay napatay sa loob ng isang oras. Gayunman, dahil sa tindi ng apoy, ang pagkilala sa mga patay ay napakahirap, kumuha ng mahigit dalawang oras.
Nang maglaon nadakip ng pulisya ng Wŏnju ang lalaking nagsunog at pinaratangan siya ng pagpatay at panununog. Samantalang nasa pangangalaga ng pulisya, nabigo siya sa tangka niyang pagpapatiwakal.
Nagtiis ng Brutal na Pagtrato
Nang ang asawa ng arsonista ay maging interesado sa mga turo ng Bibliya, naging ugali na ng lalaki na bantaan siya. Noong kalagitnaan ng Setyembre, mga dalawang linggo bago dumalaw ang naglalakbay na tagapangasiwa sa Kongregasyon ng Wŏnju ng mga Saksi ni Jehova, binugbog ng arsonista ang kaniyang asawa hanggang sa ito ay mawalan ng malay. Pagkatapos, nang ang babae ay magkamalay, binuhusan siya ng lalaki ng tiner at sinindihan siya. Subalit nang magsimula ang apoy, natanto ng lalaki ang kaniyang ginawa at agad-agad na pinatay ang apoy.
Noong kalunus-lunos na Linggo, hiniling ng lalaki na ang kaniyang asawa ay huwag magtungo sa Kingdom Hall. Kahit na ang lalaki ay galit na galit, ang babae ay hindi natakot. Inaakala niyang dapat muna niyang sundin ang Diyos sa bagay na ito ng pagsamba sa halip na ang sinumang tao, pati na ang kaniyang asawa. (Gawa 5:29; Hebreo 10:24, 25) Kaya siya ay dumalo sa pulong.
Pagkatapos sunugin ang Kingdom Hall, sinikap na gipitin ng abugado ng lalaki ang babae na pumirma sa isang kasulatan na nagsasabing ang kaniyang asawang lalaki ay naudyukang gawin ang kasuklam-suklam
na gawang ito sapagkat ayaw niyang talikdan ang panatikong relihiyon at sapagkat siya ay hindi naging mabuting asawa sa kaniya. Gayunman, hindi niya pinirmahan ang kasulatan. Tumanggi siyang ikompromiso ang katotohanan sa pagsasabing ang kakila-kilabot na trahedya ay dahilan sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya.Noong dulo ng sanlinggo pagkatapos ng trahedya, sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova, ang babae ay nagpatuloy sa kaniyang pasiya na magpabautismo bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay na maglingkod sa Diyos na Jehova, ang Soberano ng sansinukob.—Awit 83:18.
Tulong Mula sa Maraming Dako
Karaka-raka nang mabalitaan ang tungkol sa trahedya ng tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Ansung, mga 100 kilometro mula sa Wŏnju, ang tulong ay ipinadala para sa mga nasugatan at para sa kanilang mga pamilya, gayundin para sa mga miyembro ng pamilya ng namatay. Hindi lamang pera ang inilaan kundi ang matatandang Kristiyano mula sa sangay ay ipinadala upang alamin kung ano pang tulong ang kakailanganin.
Gumawa ng mga kaayusan upang ang kongregasyon ay lumipat sa isa pang Kingdom Hall sa Wŏnju, at ang iba pang paglalaan ay ipinadala sa mga nangangailangan. Di-nagtagal ang mga panustos ay nagdatingan mula sa kapuwa mga Kristiyano sa buong Republika ng Korea. Sa katunayan, maraming tao ang dumating mula sa ibang lungsod at nag-alok ng kanilang tulong pagkatapos ng malaking sakuna. Karaniwan na ang isang donasyon na $1,200 mula sa isang kongregasyon ng 75 Saksi, at isa pang kongregasyon ng 87 katao ay nag-abuloy ng $2,200.
Ginawa ng matatandang Kristiyano sa kongregasyon kung saan nangyari ang trahedya ang lahat ng kanilang magagawa upang tulungan ang iba, subalit sila ay kabilang doon sa mga dumanas ng malaking kawalan. Ang dalawang anak ng punong tagapangasiwa ay kabilang sa mga namatay, isa pang matandang Kristiyano ang namatayan ng kaniyang anak na lalaki, at ang mukha ng isa pang matanda ay lubhang nasunog. Sa kabila ng nawala sa mga Kristiyanong ito, sila at ang kongregasyon sa kabuuan ay nanatiling mahinahon at nanatiling matatag sa pananampalataya.
Mga ilang araw pagkatapos ng trahedya, pinangasiwaan ng isang kinatawan ng tanggapang sangay ang libing ng pangkat. Maraming Saksi mula sa buong bansa ang dumalo, sa gayo’y ipinakikita ang kanilang pag-ibig at malasakit para sa kanilang mga kaibigan. Mga kapahayagan ng pakikiramay ay tinanggap pa nga mula sa maraming tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ang hepe ng Intelligence Division sa kagawaran ng lokal na pulisya ay dumalo sa libing at humanga sa paggawi ng mga Saksi. Napansin niya kung gaano katahimik at kahinahon sila at kung gaano kabait nilang pinakitunguhan ang iba na dumanas ng kawalan sa sunog. Ang patnugot ng Kawanihan ng Lipunan at Industriya ay naroon din sa libing. Nang maglaon, nang sabihan tungkol sa maibiging mga abuloy na tinanggap sa buong bansa, sinabi niya na kung walang pananampalataya ito ay hindi magagawa. Ang kinatawan ng alkalde ng Wŏnju ay nagpakita rin ng tunay na interes. Sinabi niya na siya ay personal na humanga sa kahinahunan, pag-ibig sa isa’t isa, at kakayahang pang-organisasyon ng mga Saksi.
Ang trahedyang ito ay nagpapatotoo pa na tayo ay nabubuhay “sa mga huling araw [na may] mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Dapat asahan na ang kakila-kilabot na mga bagay na gaya nito ay mangyayari. Subalit ang mga Saksi ni Jehova sa Wŏnju ay hindi nasisiraan ng loob. Sila ay determinadong ipagpatuloy ang kanilang pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova, at magpatuloy sa paggawa ng kaniyang kalooban.—Iniulat ng kabalitaan ng Gumising! sa Republika ng Korea.
[Mga larawan sa pahina 26]
Sa kanan: Ang Kingdom Hall, at (ibaba) ang nasunog na entablado kung saan marami ang namatay
Ibaba: Si Suh, Sun-ok, na namatayan ng dalawang anak sa sunog, ay inaaliw ng kapuwa Saksi, at si Shim, Hyo-shin, isang matandang Kristiyano na ang dalawang anak ay nasugatan