Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Impluwensiya ng TV sa Daigdig
Gaano nga ba kapopular ang telebisyon sa buong daigdig? Ayon sa International Herald Tribune, may mahigit na isang bilyong TV sa buong daigdig, 50 porsiyento ang kahigitan kaysa nakalipas na limang taon. Sa mga bahay ng mga Hapones, nilaluan pa ng mga TV set sa bilang ang mga inodoro. Halos kalahati lamang sa mga tahanang Mexicano ang may telepono, subalit bawat bahay ay may TV. At maraming Amerikano ang may 25 o 30 channel na mapagpipilian. Ang sabi ng Tribune: “Ang pangkultura, pampulitika at pang-ekonomiyang mga epekto ng pandaigdig na pagbabagong ito dahil sa telebisyon ay napakalaki. . . . Ang ilan ay nababahala na ang lahat ng panonood na iyon ng TV ay gagawin ang iba pa sa daigdig na walang hilig sa pagbabasa, gaya na nangyari sa dalawang salinlahi ng mga Amerikano.”
Hindi Ligtas ang Dugo ng Pamilya
Isiniwalat ng isang pagsusuri ng gobyerno sa mahigit na isang milyon ng mga kaloob na dugo sa limang malalaking dako sa Estados Unidos ang di-katotohanan sa karaniwang paniwala na ang mga kaloob na dugo mula sa mga kaibigan o mga miyembro ng pamilya ay mas ligtas kaysa mula sa mga taong di-kilala. Halimbawa, ipinakita ng isang pagsubok na 2.6 na porsiyento ng mga kaloob na dugo mula sa mga kamag-anak at mga kaibigan ay nahawahan ng hepatitis B, kung ihahambing sa 1.8 porsiyento na nagmula sa di-kilalang mga nagkaloob. Ang mga kaloob mula sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay nasumpungang mas mataas sa pagkahawa ng sipilis, hepatitis C, at isang virus na sanhi ng kanser, HTLV-1. “Hindi mo binabawasan ang iyong panganib sa pamamagitan ng paghiling sa mga kaibigan at mga kamag-anak na magkaloob para sa iyo,” ani Lyle Petersen ng Federal Centers for Disease Control and Prevention.
Inilalagay sa Bingit ang Planeta
Ang kasalukuyang pandaigdig na taunang pagdami ng populasyon ay halos 100 milyon, at tinataya na sa taóng 2050, ang populasyon ng daigdig ay magiging 10 bilyon, sabi ng isang ulat sa British Medical Journal. Nagpalabas ang Royal Society ng London at ang U.S. National Academy of Science ng walang-katulad na pinagsamang pahayag na nagsabi na ang gayong pagdami ay nagsasapanganib sa kapaligiran na may di-mababagong pinsala. Ito ay lalong totoo kung ang nagpapaunlad na mga bansa, kung saan nagaganap ang karamihan ng pag-unlad, ay gagamit ng mga likas na yaman na kasimbilis ng mauunlad nang bansa. Nagmungkahi ang mga akademya ng isang pangunahing gagampanang bahagi para sa siyensiya at teknolohiya subalit nagsabi na hindi kapantasan ang basta umasa sa mga ito “upang lumutas ng mga suliranin na nilikha ng mabilis na pagdami ng populasyon, maaksayang paggamit ng likas na yaman, at mapanganib na mga gawain ng tao.” Kung walang pagbabago, sabi ng pahayag, “maaaring hindi mahadlangan ng siyensiya at ng teknolohiya ang alinman sa di-mababagong pagkasira ng kapaligiran o ang patuloy na karukhaan sa karamihan sa mundo.” “Kung hindi tayo gagawa ng taimtim na pagsisikap upang supilin ang populasyon ang lahat ay mawawalang-saysay,” ani Sir Michael Atiyah, pangulo ng Royal Society ng London.
Tulong na Kailanma’y Di-Dumarating
Tanging 7 porsiyento ng internasyonal na ipinagkaloob na tulong upang maibsan ang gutom at karukhaan sa Aprika ang nakararating sa talagang mga benepisyaryo, ang pag-amin ni Ferhat Yunes, pangalawang pangulo ng African Development Bank. Pinalubha pa ang trahedyang ito ng kalunus-lunos na kalagayan ng milyun-milyong batang Aprikano. Iniuulat ng pahayagang Español na El País na sa buong kontinente ng Aprika, may 30 milyong batang kulang sa pagkain at karagdagan pang 40 milyon na nabansot dahil sa di-masustansiyang pagkain. Iminungkahi ng mga kinatawan ng 44 na Aprikanong bansa, na nagtipon sa Dakar, Senegal, ang paghihiwa-hiwalay ng pamamahagi ng tulong at ang pagbawas sa tanggulang gastos na siyang dalawang mahahalagang hakbang tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga batang ito.
Alabok ng Aprika
Ang alabok ng Aprika, na tinangay ng mainit, tuyong hangin mula sa sabana at sa mga palumpong ay nakatutulong sa ibang bahagi ng planeta, sabi ng mga siyentipiko. Bahagyang dahil sa lumawig na tagtuyot sa gawing timog ng Aprika, milyun-milyong tonelada ng pang-ibabaw na lupa sa Aprika ang naging makakapal na kimpal ng alabok noong 1992 lamang, ulat ng International Herald Tribune. Karamihan sa alabok ay lumalagpak sa Karagatang Atlantiko, na nagbibigay ng mga mineral—lalo na ang kailangan-sa-lahat na iron—sa plankton at krill, na siyang pasimula ng kawing ng pagkain. Ang natitirang alabok ay inaanod sa Amerikas. Ipinakikita ng mga pag-aaral sa masukal na kagubatan sa Amazon na ang alabok ng Aprika ay nakatutulong sa pagpapalusog-muli ng kulang-sa-nutriyenteng lupa roon. “Ang alabok ng Aprika na ito na nagpapakain sa Atlantiko at Amerikas ay nagpapakita kung gaano kalaki
at kalawak dumedepende ang ecosystem sa isa’t isa,” ani Dr. Michael Garstrang ng University of Virginia. “Ang mensahe ay na ang ating planeta ay binubuo ng maraming magkakaugnay at nagtutulungang mga sistema na halos hindi man lamang natin nauunawaan. Nagsisimula pa lamang nating nauunawaan nang bahagya ang tungkol sa mga bagay na ito.”Inihinto ang Paglathala ng Relihiyosong mga Magasin
“Dalawa sa pinakamatatandang relihiyosong magasin ng bansa, ang American Baptist at Christian Herald, ay nahinto na ang paglalathala,” ulat ng balita ng Associated Press. “Kapuwa ang 115-taóng-gulang na Christian Herald, na nagpasimula noong 1878 at nakahimpil sa Chappaqua, N.Y., at ang 189-taóng-gulang na American Baptist, na nagpasimula ang unang magasin noong 1803, ay nabanggit na humina ang sirkulasyon.” Ang buwanang American Baptist, na nakabase sa Valley Forge, Pennsylvania, ay mapapalitan ng isang newsletter. Gayunman, isa pang relihiyosong babasahin ng panahong iyon, ang The Watchtower, ay patuloy na lumalaganap. Unang inilathala nang buwanan noong 1879 sa Pittsburgh, Pennsylvania, na may sirkulasyon na 6,000 kopya sa Ingles, ang The Watchtower ay inilalathala sa ngayon nang dalawang beses sa isang buwan sa 112 wika at may sirkulasyon na 16,400,000 kopya bawat labas.
Karahasan sa Paaralan
Ang malawak na surbey ng 169 na paaralan sa Hamburg, Alemanya, ay nagsikap na tuklasin ang mga sanhi ng lumalagong pagsalakay sa mga institusyon ng pagkatuto. Bakit ang mga paaralan ay nag-uulat ng pangingikil, pananakot, pananakit, at mga kapangahasan sa sekso na dumadalas? Ayon sa pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung, tinukoy ng mga mag-aaral na sinurbey ang karahasan sa media, kapabayaan sa tahanan, mga alitan sa banyagang mga mag-aaral, at kaigtingan sa paaralan bilang pangunahing mga dahilan. Ipinakita rin ng surbey ang dami ng panlipunang mga salik na humadlang sa paglutas ng mga suliranin ng karahasan sa paaralan. Halimbawa, nasumpungan na ang mga bata at mga kabataan ay karaniwan nang kulang ng kamalayan sa pagkadama ng pagkakasala o pagkakamali at napakasasakim, di-mapagparaya, at walang pakundangan. At ipinapalagay ng maraming magulang na ang paggamit ng karahasan upang lutasin ang mga di-pagkakaunawaan ay normal lamang at tinuturuan ang kanilang mga anak na gumanti at ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Nailigaw ng Nektar
Ano ang nangyayari pagka binusog ng mga pukyutan ang kanilang sarili ng umasim na nektar? Ang mga ito’y gumagawing tulad ng mga lalaking lasing. Ang ilan ay hindi makauwi sa kanilang bahay, at yaong mga nakauuwi ay karaniwan nang hindi pinapapasok sa bahay-pukyutan dahil sa kanilang kakatwang paggawi. At, kung ang mga ito’y hindi mamatay sa lamig, ang epekto ng kanilang pagkalango (hangover) ay maaaring maging napakatindi anupat binabawasan nito ang haba ng kanilang buhay nang kalahati, ulat ng pahayagang Español na El País. Gayunman, sa kaso ng mga pukyutan, ang pagkalasing ay lubhang di-sinasadya. Gaya ng ipinaliwanag ni Errol Hassan ng University of Queensland, Australia, ang pag-init ng temperatura ay maaaring magpaasim sa nektar na kanilang kinakain at makagawa ng alkohol.
Natatagong Panganib
“Ang mga naninigarilyo ay maaaring maling masabihan na sila’y malulusog bagaman kanilang nakakaharap ang malubhang panganib na makaranas ng atake sa puso,” sabi ng isang artikulo sa The New York Times. Bakit? Sapagkat ang pinsala na likha ng paninigarilyo sa maliliit na ugat ng dugo sa puso (ang mga arteriole) ay hindi lumilitaw sa karaniwang mga pagsusuri sa puso. Kaya pagka ang naninigarilyo ay napasailalim ng pisikal o emosyonal na kaigtingan, ang kanilang mga puso ay nangangailangan ng dugo, anupat higit pa ngang manganib na sila’y magkaroon ng mga atake sa puso. Ipinakita ng isang pagsusuri sa Iowa Heart Institute sa Des Moines na ito’y totoo kahit na hindi naninigarilyo ang máninigarilyo at na ang suliranin ay mas lumalala pagka naninigarilyo. Pagka sumasailalim ng kaigtingan, ang maliliit na ugat ng dugo sa puso ay nagbubukas at nakapagdadala ng dugo sa puso ng apat na ulit ang kahigitan kaysa normal. Subalit sa mga puso ng mga naninigarilyo ang daloy na iyan ay nababawasan ng 30 porsiyento.
Bagong Taktika sa Pangangalap
“Ang mga anunsiyo sa telebisyon na nagpapakita ng mga madre na nagtatabas ng mga damuhan at mga paring naglalaro ng basketbol ay bahagi ng bagong kilusang pangangalap ng Iglesya Katolika upang pasiglahin ang umuunting bilang ng mga klero,” ulat ng pahayagang The West Australian. “Ipinakikita ng 30-segundong patalastas . . . ang may kabataang mga pari at mga madre na nag-uusap-usap tungkol sa kanilang bokasyon samantalang nagtatabas ng mga damuhan, namimili, naglalaro at bumibisita sa mga ospital at sa mga bilangguan.” Ang paring si Brian Lucas, tagapagsalita ng Iglesya Katolika sa Sydney, ay nagsabi na ang mga madre at mga pari ay karaniwang inilalarawan na may tangang mga kandila at nakatayo sa matataas na tore ng simbahan at na ang kampanyang ito ang tutulong sa iba na malasin sila bilang karaniwang mga tao. Ang kampanyang ito sa TV ay ipinalalabas sa Melbourne at gagamitin sa ibang mga estado sa Australia kung inaakalang ito’y isang tagumpay.