Bakit Kailangan Kong Pagtiisan ang Isang Kapansanan?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangan Kong Pagtiisan ang Isang Kapansanan?
“AKO ay limang taóng gulang,” gunita ni Becky. “Iniangkas ako ng isang kaibigan sa kaniyang bisikleta nang isang kotse ang lumiko sa kanto at bumangga sa amin.” Ang resulta? “Ako ay nabalian ng isang paa at maraming pinsala sa ulo. Hindi inaasahan ng mga doktor na ako ay mabubuhay.” Gayunman, si Becky ay nabuhay at ngayon siya ay isang masayahing 16-anyos. Gayunpaman, ang aksidente ay nag-iwan ng mga resulta nito. “Iniwan ako nitong napakahina,” aniya.
Isang kabataang lalaki na nagngangalang Craig ay may kapansanan din, bunga ng isang sakit na kilala bilang CP (cerebral palsy). “Apektado ng CP ang aking mga kalamnan at sistema nerbiyosa,” sabi ni Craig. “Ang aking mga kalamnan ay hindi tumutugon nang wasto sa mga mensahe na ipinadadala rito ng aking utak. Kaya, nahihirapan akong lumakad, magsalita, at manimbang. Maaari kong gawin ang lahat ng bagay na ito ngunit hindi nga lang maayos.”
Ikaw ba ay may ilang uri ng kapansanan sa katawan? Ipinakikita ng estadistika na sa taóng 2000, ang bilang ng mga kabataang may mga kapansanan ay aabot ng halos 59 na milyon sa buong daigdig. (World Health, Enero/Pebrero 1985) Gayunman, ang bagay na napakarami ang may katulad na problema na gaya ng sa iyo ay nagbibigay ng kaunting kaaliwan kung kailan gusto mong tumakbo, tumalon, at maglaro na gaya ng iba pang kabataan subalit hindi mo magawa ito.
Ang mga Problema ng May Kapansanan
Ang mga kapansanan sa katawan ay hindi bago. Noong panahon ng Bibliya kailangang pakitunguhan ng ilan ang pagkalumpo (2 Samuel 4:4; 9:13), pagkabulag (Marcos 8:22), at mga pagkasalanta (Mateo 12:10). Ang mga may kapansanang iyon ay kadalasang nahihirapan sa pagsasagawa ng pinakamahalagang mga gawain sa buhay.—Ihambing ang Deuteronomio 28:29; Kawikaan 26:7.
Maaaring ikaw ay may kahawig na pakikipagbaka sa mga limitasyon na inilalagay nito sa iyo. Ang pagbibihis, pagkain, pagpasok sa paaralan ay maaaring humiling ng malaking pagsisikap—at maraming tulong mula sa iba. “Hindi ko maikilos ang aking kanang katawan,” sabi ni Becky. “Kaya kailangan kong matutong sumulat sa aking kaliwang kamay. Mahirap din ang paglakad. Lubhang normal na akong maglakad ngayon, ngunit kung minsan ako’y lumalakad nang papilay.” O isaalang-alang ang mga problemang nakahaharap ng isang kabataang lalaki na pinahihirapan ng pagkaunano. Sabi niya, na may ugaling mapagpatawa: “Ang pag-abot sa mga suwits sa dingding ay nakayayamot din . . . Ang mga bahay ay tiyak na idinisenyo para sa mga taong matataas.”—How It Feels to Live With a Physical Disability, ni Jill Krementz.
Gayunman, baka masumpungan mo na ang iyong pinakamasakit na problema ay hindi sa pisikal. Ganito ang paliwanag ng magasing Parents: “Ang mga tin-edyer ay masyadong sensitibo sa mga reaksiyon ng iba, ginagawang totoong mahirap ang buhay para sa mga kabataang may pantanging mga pangangailangan. . . . Sila’y nagtatanong kung ano ang iniisip ng ibang tao tungkol sa kanilang hitsura at kadalasa’y pinag-aalinlanganan
ang mga kapahayagan ng pakikipagkaibigan, binibigyan-kahulugan ang mga pagpapahayag na ito bilang hindi tinatanggap na mga kapahayagan ng awa.” Natural lamang na gusto mong ikaw ay maibigan at tanggapin ng iba. Gayunman, maaaring madama mong ikaw ay malayô. Gaya ng pagkakasabi rito ng kabataang si Michelle: “Sa buong buhay ko ako’y naiiba sa lahat. Ang dahilan ay wala akong kaliwang kamay.”Ang pagiging iba ay maaari ring gumawa sa iyo na paksa ng walang katapusang panunukso. “Ako’y pumasok sa paaralan para sa mga batang may kapansanan hanggang sa ikalimang grado,” gunita ni Craig. “Subalit noong ikalimang grado, ako’y nag-aral na sa isang regular na paaralan. Wala naman akong maraming problema hanggang isang araw ako’y pinagtawanan ng ilang batang lalaki. Ito’y dahil sa paraan ng aking paglakad.” Si Becky ay mayroon ding masasakit na alaala ng malupit na pagtrato ng kaniyang mga kamag-aral. Dahil sa napinsala ng operasyon bago nito ang kaniyang kuwerdas bokales, ang kaniyang boses ay bahagyang garalgal. “Tinatawag ako ng mga bata sa paaralan na boses halimaw,” aniya.
Ang mga adulto ay maaari ring magpakita ng hindi makatarungang opinyon. Ang ilan ay umiiwas na tumitig sa iyo. Ang iba naman ay maaaring umiiwas na makipag-usap sa iyo, ipinatutungkol ang kanilang mga salita sa iyong mga magulang o mga kasama—na para bang ikaw ay hindi nakikita o may deperensiya sa isip. Maaaring ang nakayayamot sa lahat ay ang mga bumabati na laging nagpapahayag ng pagkaawa sa iyo, pinasisidhi ang pakiramdam na para bang ikaw ay nasirang kalakal.
Ang Pangmalas ng Diyos sa Bagay na Ito
Gayunman, ano ang nadarama ng Diyos sa iyo? Ang iyo bang kapansanan ay isang tanda ng kaniyang di-pagsang-ayon? Pansinin ang sinabi ni Jesus nang makatagpo niya ang “isang taong bulag mula sa kaniyang kapanganakan.” Ang kaniyang mga alagad ay nagtanong: “Sino ang nagkasala, ang taong ito o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?” Si Jesus ay sumagot: “Hindi dahil sa ang taong ito ay nagkasala ni ang kaniyang mga magulang.” (Juan 9:1-3) Hindi, ang pagkabulag ay hindi bunga ng ilang espesipikong kasalanan sa bahagi ng taong bulag o ng kaniyang mga magulang. Bagkus, ito ay bunga ng di-kasakdalan na minana nating lahat mula kay Adan. Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Kaya nga, ang mga kapansanan ng katawan ay hindi bunga ng pakikialam o parusa ng Diyos. Ang ilan ay bunga ng kawalang-ingat. Gayunman ang iba ay dahilan sa “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) At may mga kabataan na pisikal na nagdurusa dahil sa pag-abuso o pagpapabaya sa bahagi ng kanilang mga magulang.
Anuman ang dahilan ngLucas 12:7) Siya’y “nagmamalasakit sa iyo” sa isang napakapersonal na paraan at nalulugod siyang gamitin ka sa kaniyang paglilingkuran. (1 Pedro 5:7) Aba, ang isa sa pinakakilalang lingkod ng Diyos sa lahat ng panahon, ang apostol na si Pablo, ay maliwanag na pinahirapan ng isang pisikal na kapansanan—“isang tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) Anong laking kaaliwan na malaman na “ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Nauunawaan niya nang lubos ang iyong potensiyal at nalalaman niya kung ano ang magagawa mo kapag ikaw ay isinauli sa kasakdalan sa kaniyang bagong sanlibutan.—Apocalipsis 21:3, 4.
iyong mga problema, hindi mo dapat isipin na ikaw ay minamalas ng Diyos na may pinsala. Sa kabaligtaran, ikaw ay minamalas niya na mahalaga at importante, lalo na kung ikaw ay may takot sa Diyos. (Pakikitungo sa Iba
Nakalulungkot naman, ang iyong mga kaklase at ang iba pa ay hindi nakikibahagi sa matayog na pangmalas ng Diyos. Oo, ang mga tao kung minsan ay talagang malupit. Kaya, huwag kang magtaka kung ang ilan sa iyong mga kasama ay walang-habag kung tungkol sa iyong karamdaman. Gayunman, karaniwan nang hindi naman sinasadya ng mga tao na saktan ang iyong damdamin o hiyain ka; kung minsan sila ay mausyoso lamang. Asiwa sa iyong karamdaman o marahil ay hindi maramdamin, maaaring magsabi sila ng isang bagay na mangmang o nakasasakit.
Ano ang magagawa mo? Kung minsan maaari mong iwasan ang nakahihiyang mga kalagayan. Halimbawa, maaari mong sikaping gawing palagay ang iba kung nararamdaman mong sila ay waring maigting o wala silang masabi. Kilalanin na tayong lahat ay may hilig na matakot sa kung ano ang hindi natin nauunawaan. Tulungan ang iba na huwag pansinin ang iyong kahinaan upang makilala nila ang tunay na ikaw. Kapag hinihingi ng kalagayan, maaaring subukin mong sabihin ang gaya nito: “Nagtataka ka ba kung bakit kailangan kong gumamit ng isang silyang de gulong?” Sang-ayon sa magasing Parents, isang guro, na putol ang paa, ay sumasagot sa pagkausyoso ng kaniyang mga estudyante sa pagsasabing: “Natitiyak kong nag-iisip kayo kung ano ang nangyari. Gusto ba ninyong malaman?”
Sa kabila ng iyong pinakamabuting mga pagsisikap, maaari ka pa ring masaktan sa pana-panahon. Sabi ng kabataang si Becky: “Nang ako’y bata-bata pa, talagang nababalisa ako kapag ako’y tinutukso ng iba; ako’y maramdamin sa buong buhay ko. Ngunit sa ngayon ay hindi ko na ito hinahayaang makabalisa sa akin. Kung minsan nakukuha kong tawanan ang kalagayan.” Oo, ang ugaling mapagpatawa ay malaki ang magagawa upang ilihis ang nakasasakit na mga komento. May “panahon ng pagtawa.” (Eclesiastes 3:4) Ganito pa ang ipinayo ni Haring Solomon: “Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita ng tao.” (Eclesiastes 7:21) Kung minsan ang pinakamabuting paraan upang pangasiwaan ang mangmang na usapan ay huwag pansinin ito. “Huwag kang mag-alala sa kung ano ang sinasabi ng mga tao,” sabi ni Becky.
Ang Pag-asa ay Tutulong sa Iyo na Magbata
Oo, ang buong lahi ng tao ay may depekto. “Ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggang ngayon,” sabi ng Bibliya. (Roma 8:22) Ngunit maaari kang magkaroon ng pag-asa sa hinaharap. Kunin halimbawa, ang kabataang babae na tatawagin nating Carol. Siya ay ipinanganak na bingi. Pagkatapos ang isang paa niya ay kailangang putulin dahil sa isang aksidente sa bisikleta. Nais ni Carol na mamatay. Subalit siya’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at natutuhan niya ang tungkol sa dumarating na matuwid na bagong sanlibutan kung saan “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) Oo, siya’y nagkaroon ng pag-asa na balang araw ang kaniyang mga kapansanan ay gagaling—sa makahimalang paraan!—Isaias 35:5, 6.
Ano ang epekto sa disposisyon ni Carol ng pagkaalam tungkol sa Diyos? Ganito ang sabi ng ilang malapit na mga kaibigang Kristiyano tungkol sa kaniya: “Siya ay laging masayahin at hindi kailanman pinag-iisipan ang tungkol sa kaniyang kapansanan.” Gayunman, kawili-wili na sinasabi rin nila: “Hindi talos ng marami sa kaniyang mga kaibigan na siya’y gumagamit ng isang artipisyal na paa at may malubhang pagkabingi.” Bakit? “Siya’y umaasa sa pagbabasa ng labi at mga hearing aid.” Maliwanag, higit pa sa pag-asa lamang sa hinaharap ang ginawa ni Carol. Sinisikap niyang maabot ang kaniyang ganap na potensiyal ngayon. Kung paano mo magagawa ang gayon ang magiging paksa ng aming susunod na artikulo sa seryeng ito.
[Larawan sa pahina 19]
Nasusumpungan ng ilan na nakatutulong na ipaliwanag ang kanilang kalagayan sa mga wari’y nag-uusyoso