Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
AIDS sa Paris
“Sa Paris, 1 sa bawat 3 kamatayan sa kalalakihan sa pagitan ng edad na 25 at 44 ay dahil sa virus ng AIDS,” sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ang pinakahuling mga estadistikang ito ay ipinabatid sa madla kamakailan ng INSERM (French National Institute of Health and Medical Research). Isinisiwalat pa ng ulat na sa pagitan ng 1983 at 1990, dumami ang bilang ng kamatayan sa gitna ng pangkat ding ito dahil sa pagkahawa sa virus ng AIDS ng 50 porsiyento. Si Dr. Jonathan Mann, patnugot ng WHO (World Health Organization), ay humula: “Ang pinakamalubha ay nasa hinaharap pa; saanman ang epidemya ay lumalaganap.” Ayon sa WHO, limang libo katao sa buong daigdig ang nahahawahan bawat araw.
Mga Bata at ang Pagsuso sa Bote
Halos 25 porsiyento ng mga bata sa Hapón ay nakararanas ng mga kahirapan sa pagkain. Ang dahilan marahil ay ang pagsuso sa bote. Sa loob ng mahigit na 20 taon, iniuulat ng Asahi Evening News, ang mga guro sa nursery school ay nakapuna na ang ilang bata ay nahihirapan sa pagkain na mahirap nguyain. Ang ilang bata ay nagkakaproblema sa paglulon nito, iniluluwa ito ng iba, at ang iba naman ay mayroon pa nito sa kanilang mga bibig pagkatapos nilang umidlip sa hapon. Napansin ng mga doktor na ang mga panga ng mga batang ito ay mahihina at maliliit ang kanilang baba. Ang dentistang si Naohiko Inoue at dalubhasa sa pangmadlang kalusugan na si Reiko Sakashita ay nagsasabing natunton ang dahilan sa pagkasanggol at sinisisi ang pagsuso sa bote. Waring pagka ang mga sanggol ay pinasususo sa mga bote, kailangan lamang nilang sumipsip nang hindi ikinikilos ang kanilang mga panga. Gayunman, pagka ang mga sanggol ay pinasususo sa ina, masigla nilang ginagamit ang kanilang mga panga at napatitibay ang mismong mga kalamnan na sa kalaunan ay kakailanganin nila upang nguyain ang pagkain.
Suliranin ng mga Pawikan
Bagaman ang tubig ang siyang tahanan ng mga pawikan, sa tuyong lupa nangingitlog ang mga ito. Pagkatapos magpalibut-libot nang napakalayo sa mga karagatan ng daigdig, ang mga pawikan ay bumabalik sa espesipikong mga dalampasigan upang magparami. Pagkatapos magtalik sa laot, ang babae ay may kakuparan at pagkaasiwang kumikilos paahon sa tubig tungo sa dalampasigan—malamang kung saan siya ipinanganak—at tahimik siyang nangingitlog sa isang lugar na maingat na pinili. Ito’y paulit-ulit na ginagawa sa loob ng ilang araw, hanggang sa ang lahat ng itlog—karaniwang halos isang libo—ay nailabas na at napakaingat na tinabunan. Subalit may lumilitaw na suliranin. Tinatawag ito ng magasing Prisma sa Timog Aprika na “ang sistematikong pagsaid [ng tao] sa mga pugad,” sa kaniyang “di-matumbasang kasakiman at may kapangahasang pagwawalang-bahala sa kapaligiran,” na “malubhang nanghihimasok sa mga paraan ng pagpaparami ng mga pawikan.” Ang ilang uri ngayon ay nalilipol na.
Pinagsasamantalahan ang Kababaihan ng mga Nag-aanunsiyo ng Tabako
“Malayo na ang narating mo, iha.” Sa loob ng mga taon sa Estados Unidos, ang mga babaing naninigarilyo ay inamuki ng gayong mapanghikayat na nag-aanunsiyong sawikain. Ang mga babaing ito ay pinagsamantalahan, ang panangis ni Kathy Harty, pinuno ng programa laban sa paninigarilyo para sa isa sa mga estado sa kahilagaan. Si Harty ay kasamang gumawa ng isang pang-TV at panradyong nag-aanunsiyong kampanya na nagdiriin sa gayong mensahe. Ipinakikita ng isang komersiyal na laban sa paninigarilyo ang isang kaakit-akit na babae na nililigis ang kaniyang sigarilyo sa panot na ulo ng isang ehekutibo sa pag-aanunsiyo. Itinatampok ng isang patalastas sa radyo ang isang babae na nagsasabi sa mga maypagawaan ng sigarilyo: “Salamat dahil sa ginawa ninyong amoy abuhan ng sigarilyo ang aming buhok. Salamat dahil sa pinadumi ninyo ang aming mga ngipin at dinagdagan ang bayarin namin sa pagpapa-dry-clean. Salamat dahil sa 52,000 kaso ng kanser sa baga na kagagawan ninyo sa kababaihan sa bawat taon. Sana’y makabayad kami ng utang na loob sa inyo balang araw.” Ipinaliliwanag ni Harty: “Nais namin na pag-isipang mabuti ito ng [mga babae]: ‘Gusto ko ba talaga ang sigarilyong ito? Gusto ko ba talagang payamanin ang industriya ng tabako at magkasakit?’ ”
Inaasam ng mga Astronomo
Sa isang sampung-taóng programa na pinangasiwaan ng U.S. National Aeronautics and Space Administration, binabalak ng mga astronomo na gumugol ng $100 milyon sa isang pagsisikap na tuklasin ang mga pagsasahimpapawid sa radyo mula sa matatalinong nilalang sa ibang mga planeta. Ayon sa International Herald Tribune, ang kanilang plano ay subaybayan nang sabay-sabay ang milyun-milyong microwave channel sa mga radyo teleskopyo sa Argentina, Australia, India, Russia, Puerto Rico, at sa Estados Unidos. Samantalang ang ilang siyentipiko ay optimistikong humuhula sa maagang tagumpay, tinutukoy naman ng iba na ang 50 pananaliksik na isinagawa simula noong 1960 ay hindi naging mabunga.
Patiunang Iset ang Telebisyon?
“Para sa mga bata, ang di-gaanong panonood ng TV ay mas mabuti, lalo na ang mararahas na palabas sa TV,” sabi ng American Academy of Pediatrics sa isang pagsusuri na inilathala sa The Journal of the American Medical Association. Iniulat ng artikulo na “ang mga sanggol na kasimbata
ng 14 na buwan ay maliwanag na nagmamasid at ginagaya ang mga paggawing nakita sa telebisyon.” Karamihan sa kanilang nakikita ay agresibo at marahas ang uri. Sa isang pagsisikap na mapanauli ang awtoridad ng magulang, ang ulat ay nagmumungkahi ng paggamit ng makabagong teknolohiya ng isang elektronikong time-channel lock sa telebisyon upang ang mga programa, channel, at ang oras ay maaaring iset nang patiuna. Sa ganitong paraan, kahit na wala sa tahanan ang mga magulang, maaari nilang masawata kung ano ang pinanonood ng kanilang mga anak sa telebisyon at kung kailan nila ito pinanonood.Pulut-pukyutan—Isang Tagapagpagaling
Simula pa nang sinaunang panahon, ginagamit na ang pulut-pukyutan dahil sa mga katangian nito ng pagpapagaling. Iniuulat ng La Presse Médicale, isang magasing Pranses, na ang makabagong siyensiya sa paggamot ay nagsisimula ngayon sa pagtuklas muli sa mga kakayahan ng pagpapagaling ng pulut-pukyutan. Sa isang kamakailang pag-aaral, nag-eksperimento ang mga doktor na gumagamit ng purong natural na pulut-pukyutan sa paggamot ng mga pasò at iba’t ibang uri ng mga sugat. Ang pulut-pukyutan ay ipinahid mismo sa mga sugat at binalot ng tuyong malinis na mga benda. Ang pagpapahid at pagpapalit na ito ng benda ay ginagawa tuwing 24 na oras. Ipinakikita ng mga resulta na ang pulut-pukyutan ay kapuna-punang mabisa bilang panlinis at pampagaling. Pinapatay nito ang karamihan ng mga mikrobyo at pinabibilis ang pagtubo ng bagong himaymay. Ang La Presse Médicale ay naghihinuha: “Dahil sa ito’y simple at mura, ang pulut-pukyutan ay dapat na mas makilala pa at idagdag sa talaan ng karaniwang ginagamit na mga produktong antiseptic.”
Magagaling na Manlalaro na Walang Mahuhusay na Kalusugan
“Ang labis na pagsasanay at emosyonal na kaigtingan bago ang isang mahalagang kompetisyon ay may pambihirang negatibong epekto sa mga sistemang pang-imyunidad ng mga manlalaro,” ulat ng O Estado de S. Paulo. “Ang bunga ay maaaring kahinaan sa paglaban sa mga impeksiyon lalo na gaya ng mga sintoma ng AIDS.” Isinisiwalat ng pananaliksik nina Dr. Gerd Uhlenbruck at Dr. Heinz Liesen na ang propesyonal na mga manlalaro o labis na sinanay na mga manlalaro ay mayroong mas mataas na bilang ng nakamamatay na mga tumor at mga impeksiyon. Ipinalalagay nilang ito’y dahil sa kaigtingan na likha ng “mahigpit na pagsasanay at mga tuntunin ng kompetisyon.” Sinabi pa ng ulat: “Sa kabilang banda, ang katamtamang pagsasanay ng isports ay nagpapalakas sa organismo at nakatutulong hindi lamang upang maiwasan ang kanser kundi mapahaba rin ang buhay ng isang tao.”
Telesiruhiya sa Hinaharap?
“Ang pasyente ay nasa Roma, ang siruhano ay nagtitistis mula sa Milan,” sabi ng Italyanong pahayagang Il Messaggero sa paglalarawan ng “kauna-unahang eksperimento sa telesiruhiya na gumagamit ng isang robot.” Daan-daang milya ang layo, sa pamamagitan ng isang phone hookup at isang video monitor, binabanggit ng siruhano ang “eksaktong lugar na hihiwain, nagbibigay ng pahintulot, at ang robot ay kumikilos. Ang makinang mga braso nito na nakatangan ng isang panghiwa ay ibinababa at hinihiwa ang katawan ng pasyente.” Sa demonstrasyon na ito ng pagtistis na ginanap sa kongreso ng Rome Surgery ’92, ang pasyente ay isa lamang manikin, yamang hindi pinahihintulutan ng batas sa Italya ang mga makina na siyang mag-opera sa mga tao, subalit sa loob ng anim o pitong taon, ang telesiruhiya, iyon ay, “remote control surgery,” ay maaaring maging totoo. Ayon kay Licinio Angelini, propesor ng panlahatang siruhiya sa La Sapienza University, Roma, sa hinaharap “lahat ng isinasagawang pagkilos sa ngayon ng siruhano na may kahirapan ay ipagkakatiwala na sa mga makina.”
Kawalang-Trabaho at Kalusugan
Ang kawalang-trabaho sa mga kabataan ay isa sa pinakamalubhang suliranin ng Kanluraning daigdig, sabi ni Dr. Anne Hammarström ng Karolinska Institute sa Stockholm, Sweden. Ipinakita ng kaniyang pagsusuri, gaya ng iniulat sa British Medical Journal, na ang mga kabataang lalaking walang trabaho ay nahihilig sa masamang paggawi, gaya ng labis na pag-inom ng alak at pagkasangkot sa krimen. Gayunman, ang mga kabataang babaing walang trabaho ay naaapektuhan naman sa ibang paraan, nagkakaroon ng higit na karamdaman sa pisikal, lakip na ang damdamin ng pagkakasala, nababahala na sila’y pabigat sa kani-kanilang pamilya. Ang kalalakihan ay umaagaw ng kapuna-punang higit na pansin sa madla, yamang ang kanilang reaksiyon sa kawalang-trabaho ay mas nakikita, banggit ni Hammarström. Iminumungkahi niya na “ang mga sektor na nangangalaga sa kalusugan ay dapat na maging higit na alisto sa mga epekto ng kawalang-trabaho sa kababaihan.” Ang Journal ay naghihinuha na “ang tanging ganap na lunas ay isang makabuluhang trabaho.”
‘Isang Paganong Bansa ang Alemanya’
“Ang Pederal na Republika [ng Alemanya] ay naging isang paganong bansa na may labí ng pagka-Kristiyano. Anim na milyon ang nawalan ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang dami ng mga tao na walang kinabibilangang anumang relihiyon ay higit na marami kaysa mga nagsisimba. Tanging 10 porsiyento ang nagsisimba tuwing Linggo.” Iyon ang mga natuklasan ng isang surbey na isinagawa ng magasing Aleman na Der Spiegel. Ang mga kasagutan ay inihambing sa mga ibinigay sa isang katulad na surbey noong 1967. Ang “bagong mga pagano,” gaya ng taguri ng magasin sa mga umalis sa simbahan, “ay lumisan sa mga simbahan na walang hinanakit o galit. Hindi pagngingitngit kundi pagkawalang-bahala ang nag-alis ng kanilang katapatan sa mga iglesya.”