Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Pinakamabuting Panahon” na Ibinabahagi Nang Limitado

“Pinakamabuting Panahon” na Ibinabahagi Nang Limitado

“Pinakamabuting Panahon” na Ibinabahagi Nang Limitado

IILANG magulang ang gumugugol ng sapat na panahon para sa kanilang mga anak sa ngayon. Ang marami ay nagsosolo at nakikipagpunyagi upang paglaanan ang kanilang mga anak nang walang tulong ng asawa. At dahil sa humihirap na kalagayan ng kabuhayan, nasusumpungan ng mas maraming mag-asawang mga magulang na kapuwa ang ama at ina ay kailangang magtrabaho sa labas ng bahay upang makaraos sa pinansiyal ang pamilya. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang idea ng pinakamabuting panahon ay nanagana.

Gaya ng karaniwang nauunawaan, ang pinakamabuting panahon ay nagsasangkot ng pag-iiskedyul ng ilang panahon upang gugulin na kasama ng isang anak, kadalasan taglay ang isang espesipikong gawain sa isip​—isang pantanging iskursiyon, halimbawa, gaya ng pamamasyal sa zoo. Maliwanag, ang idea ay may merito. Kailangan ng mga bata ang anumang pantanging pansin na makukuha nila. Gayunman, ang popular na idea ng pinakamabuting panahon ay may ilang balakid na higit at higit na nagiging maliwanag sa mga dalubhasa sa pangangalaga ng bata.

Maliwanag, tinanggap ng maraming abala, mahilig-sa-karera na mga magulang ang nakalilinlang na idea na ang paggugol ng isang binalangkas, bahagyang nakaiskedyul na panahon na kasama ng bata ay mangangalaga sa lahat ng pangangailangan ng bata para sa pansin ng magulang. Kaya, sinisipi ng Daily News ng New York si Dr. Lee Salk, isang propesor sa Cornell University Medical School sa Estados Unidos, na nagsasabi: “Ang idea ng pinakamabuting panahon ay kalokohan.” Paliwanag niya: “Ang kataga ay umiral dahil sa pagkadama ng pagkakasala ng magulang. Pinapayagan ng mga tao ang kanilang sarili na gumugol ng kaunting panahon na kasama ng kanilang mga anak.”

Subalit hindi ba ang pinakamabuting panahon, taglay ang di-nababahaging pansin ng magulang na nakatutok sa bata, ay kabayaran para sa kawalan ng panahon? Hindi, sa isang payak na dahilan​—pinakamabisang natuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa. Ang hindi kanais-nais na panig ng katotohanang ito ay matibay na inilalarawan ng isang pag-aaral kamakailan tungkol sa mga kabataan sa mataong mga lungsod. Yaong may mga miyembro ng pamilya sa loob ng piitan samantalang lumalaki ang bata ay dalawang ulit na malamang mabilanggo mismo. Sa kahawig na paraan, ang mga batang nagsisilaki sa ilalim ng pangangalaga ng mga sugapa sa alak o sa droga ay halos dalawang ulit na malamang maging sugapa sa nakamamatay na mga bisyong ito.

Ang mabuting halimbawa ng mga magulang ay maaaring gayundin kalakas. Ang problema ng pagbibigay ng isang mabuting halimbawa ay nangangailangan ng panahon, mahabang panahon, hindi lamang kaunting pinakamabuting panahon. Gaya ng pagkakasabi rito ng Daily News ng New York: “Ang problema sa idea ng pinakamabuting panahon ay na ang susing mga sandali sa pagitan ng isang magulang at anak​—ang mga usapan at mga pasiya na nagkikintal ng katiwasayan, mga pamantayan at pagpapahalaga-sa-sarili—​ay kusa.” Walang sinuman ang makapag-iiskedyul ng isang kusang sandali. Ang isang magulang ay maaaring magtabi ng 15 minuto ng pinakamabuting panahon upang gugulin na kasama ng isang anak, subalit sino ang makapagsasabi na ang magulang at ang anak ay magkakaroon ng mabuting ugnayan sa panahong iyan? At paano matututo ang anak sa pamamagitan ng halimbawa kung ang mga iyon ang tanging mga minuto sa isang araw na ginugugol na kasama ng isang magulang?

Yamang ang mga magulang ay may napakakaunting panahong inilalaan, ano ang lunas? Walang payak na mga kasagutan. Walang maaaring bumago sa katotohanan na ang daigdig na ito ay ginawang napakahirap na trabaho ang pagpapalaki ng anak. Ang ilang magulang ay maaaring magbigay ng kaunting pansin sa kanilang karera. Hinihimok ng isang awtor ng isang bagong aklat tungkol sa pangangalaga sa bata ang sinumang magulang na magagawa ang gayon​—na manatili sa bahay na kasama ng mga anak. Subalit para sa maraming magulang, walang gayong mapagpipilian. At kahit na yaong may naibabagay na iskedyul sa trabaho o yaong hindi nagtatrabaho ay nahihirapan pa ring makasumpong ng sapat na panahon na kasama ng kanilang mga anak.

Hinihimok ng ilang dalubhasa ang mga magulang na tingnan ang gawain na ginagawa nila sa bahay, gaya ng paglilinis, pagluluto, pagmamantensiyon, pagmemekaniko, paglalaba at pamamalantsa, at pamimili, upang alamin kung maaari nilang gawin ang ilan sa mga atas na ito na kasama ng kanilang mga anak. Ang paggawang magkasama kahit na sa pang-araw-araw na mga gawain, o basta nagpapahingalay na magkasama, ay maaaring magbigay sa mga magulang ng panahong kailangan nila upang panatilihing bukás ang mga linya ng pakikipagtalastasan at maglaan ng isang positibong halimbawa. Ang mga magulang na Kristiyano ay may iba pang gawain na nanaisin nilang gawin na kasama ng kanilang mga anak. Mga pulong Kristiyano, ang ministeryo, pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, pakikisama sa mga kapuwa mananampalataya​—lahat ng ito ay magbibigay sa mga magulang ng mahalagang panahon na makasama ang kanilang mga anak.

Kawili-wili, gayundin ang sinabi ng Kautusan sa bansang Israel mga 3,000 taon na ang nakalipas. Sa Deuteronomio 6:6, 7, ating mababasa: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasa-iyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Ang buhay ay hindi mas madali noong sinaunang panahon. Isip-isipin ang lahat ng panahong kailangan upang pangalagaan ang mga pangangailangan sa araw-araw​—kung gaano kahirap para sa ama na paglaanan ang kaniyang pamilya, o kung gaano kahirap ang paggawa ng mga atas na gaya ng pagluluto o paglalaba at pamamalantsa! Subalit ginawa ng mga magulang na umiibig kay Jehova ang lahat ng kanilang magagawa na kasama ng kanilang mga anak at sa gayo’y nakasumpong ng maraming sandali sa loob ng isang araw upang itimo ang Kautusan ng Diyos sa kanilang murang puso.

Gayundin ang kailangang gawin ng Kristiyanong mga magulang sa ngayon. Pagdating sa paggugol ng panahon na kasama ng kanilang mga anak, dapat nilang tanggihan ang paggawa lamang ng kung ano sa wari’y kombinyente. Ang matandang kasabihang, “Hindi ang kantidad, kundi ang kalidad,” ay hindi kumakapit sa pagpapalaki ng anak. Lalo na sa panahon na sila’y madaling hubugin, kailangan ng mga anak hindi lamang ang pantanging panahon kundi rin ang panahon na kayo’y “magkasama.”

[Larawan sa pahina 17]

Ang pamilyang abala sa bahay, kasangkot ang mga anak

[Larawan sa pahina 17]

Magkasamang naglilingkod kay Jehova