Taglay ba ng mga Relihiyong Ito ang Kasagutan?
Taglay ba ng mga Relihiyong Ito ang Kasagutan?
SA ISANG moral na pag-aalinlangan tungkol sa suliranin ng aborsiyon, marami ang naghahanap ng patnubay sa kanilang espirituwal na mga lider. Paano tumutugon ang mga ito?
Ang Iglesya Katolika ay naninindigang matatag laban sa aborsiyon, nagtuturo na ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi. Ang ilang pari ay pulitikal na nasasangkot at nananawagan sa papa na itiwalag ang mga pulitikong Katoliko na bumoto pabor sa aborsiyon. Gayunpaman, maraming Katoliko ang pabor sa aborsiyon at humihiling sa pagiging liberal.
Ang Iglesya Presbiteriano (E.U.A.) ay nag-uulat na 46 na porsiyento ng mga pastor “ay hindi naniniwala sa itinuturo ng Bibliya na ang aborsiyon ay mali.” Ang opisyal na paninindigan ng simbahan ay pabor sa aborsiyon.
Ang ika-16 na Panlahat na Sinodo ng United Church of Christ ay nagpasiya na ‘itataguyod [nito] ang karapatan ng mga lalaki at mga babae na magkaroon ng sapat na mga paglilingkod sa pagpaplano ng pamilya at sa ligtas na legal na aborsiyon bilang isang mapagpipilian.’
Binabanggit ng patakaran ng Evangelical Lutheran Church na ang aborsiyon “ay isang landasin ng pagkilos na dapat kunin kapag nabigo na ang lahat ng ibang paraan”; gayunman tumanggi itong tawagin ang aborsiyon na isang “kasalanan” o sabihin na ang “buhay ay nagsisimula sa paglilihi.”
Ang Southern Baptist Convention ay mahigpit na laban sa aborsiyon. Subalit ang American Baptist Church ay nagsasabi: “Tayo’y nababahagi kung tungkol sa wastong patakaran ng simbahan sa estado may kinalaman sa aborsiyon. Kaya nga, kinikilala namin ang kalayaan ng bawat indibiduwal na itaguyod ang patakaran ng madla tungkol sa aborsiyon na nagpapabanaag ng kaniyang mga paniwala.”
Ang Judaismo ay nababahagi, ang pangkat na Orthodoxo ay pangunahin nang naninindigan laban sa aborsiyon, samantalang ang Reform at Konserbatibong mga Judio ay pangunahin nang pabor sa aborsiyon.
Ipinahihintulot ng Islam ang aborsiyon sa anumang kadahilanan sa unang 40 araw ng buhay subalit tanging kung ito ay isang banta sa buhay ng ina pagkatapos. Ang Hadith ay nagsasabi na ang ipinagbubuntis na sanggol ay “40 araw sa anyo ng isang binhi, pagkatapos ito ay isang namuong dugo sa loob ng isang yugto ng panahon, pagkatapos ay isang kapirasong laman sa isang yugto ng panahon, pagkatapos . . . may isinusugo sa kaniya na anghel upang hingahan siya ng hininga ng buhay.”
Ang Shintoismo ay walang opisyal na paninindigan at ipinauubaya ang aborsiyon sa personal na pagpili.
Ang mga Hindu, Budista, at mga Sikh ay nagtuturo ng panlahat na paggalang sa buhay. Subalit sila ay hindi nasasangkot sa pagtatalo tungkol sa isyu ng aborsiyon, yamang sila’y naniniwala sa reinkarnasyon; ipinadadala lamang ng aborsiyon ang di pa isinisilang na sanggol sa ibang buhay.