Ang Cape Buffalo—Isang Matulunging Hayop
Ang Cape Buffalo—Isang Matulunging Hayop
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
IKAW ay nagmamaneho sa ibayo ng sabana sa Aprika. Ang iyong kotse ay gumigiwang sa tuktok ng burol, at walang anu-ano, mga ilang metro lamang ang layo, isang hanay ng nakatatakot na mga hayop ang lumilitaw. Sila ay malalaking nilikha, bawat isa’y tumatayo ng halos isa’t kalahating metro mula sa lupa hanggang sa balikat at tumitimbang ng halos isang tonelada. Natakot sa iyong paglapit, sila ay walang katinag-tinag sa pagkakatayo, ang kanilang mga ulo ay nakaliyad upang maamoy ang iyong bango, ang kanilang mga mata ay mapanganib na nakatitig sa iyo.
Gayunman, ang iyong mata ay nakatitig sa malalaking sungay, na pababa at palabas sa magkabilang panig. Ang mga sungay na ito ay sumusukat ng hanggang 147 centimetro mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo. Sa ilang hayop, ang gulugod ng mga sungay ay lumalapad at umaabot sa tuktok ng noo, nag-aanyong isang pagkalaki-laking helmet. Nag-iisip ka kung ilang hampas ang makakaya ng iyong sasakyan mula sa gayong animo’y panghampas ng pader.
Dahil sa reputasyon ng mga hayop na ito, mauunawaan naman ang gayong takot. Sa paano man, ito ay mga Cape buffalo, at sila ay kilala sa pagiging lubhang mapanganib, mahilig sumalakay sa bahagyang pang-iinis. Oo, ang Cape buffalo ay sinasabing nakasugat o nakapatay ng higit na tao—at mga leon—kaysa anumang iba pang herbivore (hayop na kumakain ng halaman) sa lupa. Hindi kataka-taka ang pagkakita sa mga ito ay maaaring makatakot sa iyo! Kaya kung isa sa mga nilikhang ito ay sumingasing, maghanda-handa ka na. Subalit sa iyong pagtataka, walang pagsalakay na nangyari. Sa halip, ang buong hanay ng mga baka ay tumalikod at nagyagyag!
Hindi, hindi ka nagtagumpay sa pagtakot sa mga kinapal na ito sa pamamagitan ng iyong titig. Sapagkat, bagaman ito ay hindi isang hayop na maaaring kalaruin, ang Cape buffalo ay nakapagtatakang tahimik na kinapal. Ang pagkain nito ay damo—hindi karne (ng hayop o ng tao). Ang reputasyon nito sa kabangisan ay dahil sa isang alamat at labis-labis na mga kuwentong sinaysay ng mga mangangaso, hindi ng siyentipikong mga pag-aaral. Sa katunayan, ito ay lalayo sa
away sa halip na humanap nito. At malayo sa pagiging isang hindi kanais-nais na hayop, ang Cape buffalo ay isang huwaran ng pakikipagtulungan.Pakikipagtulungan sa Kaligtasan
Ang Cape buffalo ay isang natatanging sosyal na kinapal. Masusumpungan sa lahat halos ng dako sa Aprika sa timog ng Sahara, ito ay kontento sa halos anumang uri ng lupain basta ba ito ay malapit sa tubig. Sa panahon ng tag-ulan kapag ang tubig at pagkain ay sagana, ang Cape buffalo ay naglalakbay sa malalaking kawan. Samantalang sa ilang dako ang katamtamang kawan ay mga 350 baka, ang ilang kawan ay umaabot ng hanggang libu-libo. Sa tag-init, ang mga kawan ay umuunti tungo sa mga pangkat ng mula 2 hanggang 20. Araw-araw—minsan sa umaga at minsan sa gabi—ang kawan ay naglalakbay sa isang kalapit na bukal ng tubig. Ang isang buffalo ay iinom ng kasindami ng tatlumpu hanggang apatnapung litro.
Sa kainitan ng araw, ang palakaibigang hayop na ito na apat ang paa ay gustong magbabad sa tubig at maglublob sa putik. Ang ugaling ito ay hindi lamang nakapagpapalamig at nakarerepresko kundi tumutulong ito upang makaiwas sa nakayayamot na mga parasito. O sila ay maaaring basta mahiga sa lilim na para bang nagbubulaybulay, marahang nginunguya ang damo, palumpong, at mga dahon na kanilang kinain noong gabi.
Kapag humampas ang panganib, agad na makikita ang espiritu ng pakikipagtulungan. Isang baka ang huhudyat sa pamamagitan ng isang malakas na pagsingasing. Hindi magtatagal, ang buong kawan ay nagtitipun-tipon para sa depensa nito. Aba, napag-alaman na ang kawan ng buffalo ay nagsama-sama at sinalakay ang isang leon! Ang katutubong ugaling ito na pangalagaan ang isa’t isa ay lubhang di-pangkaraniwan sa gitna ng mga hayop na kumakain ng damo, ang tuntunin ay karaniwang ang bawat hayop ang mangangalaga sa kaniyang sarili kapag lumitaw ang panganib. Bunga nito, ang pilay at bulag na baka ay makaliligtas habang sila ay nananatiling malapit sa kawan.
Ang pagkakaisang ito ay nagpapatuloy kahit na walang napipintong panganib. Halimbawa, kapag may pagbabago ng gawain, sabihin nang mula sa panginginain ng damo tungo sa paghiga, ang buong kawan ay agad na sumusunod sa loob lamang ng ilang minuto. Ang mga siyentipiko ay naniniwala na ang kawan ay sumusunod sa isang nangungunang hayop sa paggawa niyaon, subalit kamakailan lamang sinasabi nila na ang mga
ito ay sumusunod sa kaninumang miyembro na pinakapamilyar sa partikular na dako na kinaroroonan nila. Sa pangkalahatan, ito ay isang nakatatandang babae. Ang mga lalaking adulto ay waring nagsasarili at umaalis sa kawan. Kaya, ang mga kawan ay hindi sinusupil sa pagsunod sa isang dominanteng lider kundi ipinakikita ang kanilang mga sarili na likas na lubhang matulungin.Ang Nag-iisang Toro—Mahilig Mag-isa?
Gayunman, bakit nga humihiwalay ang mga lalaki mula sa mga kawan? Sila ba ay naging hindi palakaibigan? Hindi naman. Ang kanilang pag-iral na nag-iisa ay nangyayari bunga ng kanilang malaking pangangatawan. Napakabigat upang kumilos nang madalas na gaya ng pagkilos ng kawan, mas pinipili nila ang istilo-ng-buhay na palaupo. Ang bawat isa kung gayon ay nagtatakda ng personal na teritoryo—isang dako na may lilim, pananim para sa panginginain sa gabi, at isang kalapit na patubigan. Gayunman, siya ay nananatiling malapit hangga’t maaari sa landas na tinatahak ng kawan sa araw-araw na paglalakad nito para sa tubig. Sa pana-panahon, siya ay manginginain na kasama ng kaniyang dating mga kasama. Kapag ang panustos na tubig ay umuunti sa panahon ng tag-init, ang ilang toro ay magsasama-sama para sa kanilang dalawang-beses-isang-araw na mga paglalakbay tungo sa kanilang pinagkukunan ng tubig.
Kumusta naman kung ang kawan ay napilitang tumawid sa personal na teritoryo ng toro? May malaking away ba na nangyayari? Wala naman. Sasalubungin ng toro ang kawan sa hangganan ng kaniyang “pag-aari” at personal na sasamahan sila sa hangganan ng teritoryo ng kalapit na toro. Ang isang ito naman, ang mangangasiwa at aakay sa kanila sa susunod na teritoryo. Ang prosesong ito ay nauulit hanggang sa ang kawan ay makarating sa patubigan. Kung ang kawan ay pagbabantaan, ang mga toro ang gaganap sa papel ng mga tagapagtanggol para sa mga baka at mga guya. Sila ay kusang magbabantay sa likuran—ang pinakamapanganib na puwesto—at ang kahulihan na tatakbo.
Kaya nga, ang reputasyon ng Cape buffalo bilang isang nakatatakot na hayop ay hindi nararapat. Ngayong nakikilala natin nang higit ang hayop na ito, makikita natin ito, hindi bilang isang walang-isip na agresibong juggernaut, kundi bilang isang mapayapang halimbawa ng pakikipagtulungan na karapat-dapat pag-isipan—marahil ay tularan pa nga.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Ang buffalo ay napag-alamang nagsama-sama at sinalakay ang isang leon
Bagaman iniiwan ng mga toro ang kawan, sila ay patuloy na nagiging palakaibigan