Hindi Nakapipinsalang Katuwaan o Lason sa Isipan?
Hindi Nakapipinsalang Katuwaan o Lason sa Isipan?
Sa isang aktuwal na napapanood na konsiyertong rock, inilagay ng isa sa mga tagapagtanghal ang isang babae sa loob ng isang kahon at sinimulang sibakin ang kahon sa pamamagitan ng isang palakol. Huwad na dugo ang tumilamsik sa bibig ng tagapagtanghal, na ibinuga niya sa mga nanonood.
Noong 1984 isang 19-anyos na lalaki ang nagbaril sa sarili. Sinasabi ng kaniyang mga magulang na ang kaniyang pagpapakamatay ay udyok ng mga liriko ng isang awiting rock na tinatawag na “Suicide Solution.”
Inilathala ng isang magasing pantin-edyer ang mga ulat ng lisyang paggawi sa sekso na isinagawa ng isang banda sa loob ng kanilang silid bihisan gayundin sa loob ng studio noong panahon ng pagrerekord ng musika. Isang plaka at tape ng musikang rock ay naglalaman ng mahalay na larawan ng mga ari ng lalaki at babae.
KARAHASAN, pagpapakamatay, at sadistang sekso—ito ay ilan lamang sa hindi kanais-nais na mga paksa na itinatampok sa mga rock rekord, sa mga video, at sa aktuwal na napapanood na konsiyerto. Kapag ang mga usapin tungkol sa nakasasamang mga programa ay ibinabangon at nagtutungo pa nga sa hukuman, sinisikap ipaliwanag ng mga mang-aawit at mga kompanya na nagsasaplaka o nagrerekord ang hindi kanais-nais na mga tampok na ito. Halimbawa, isang mahalay na iginuhit na larawan ay ipinalalagay sa ngayon na pagsuporta sa isang ulat tungkol sa “kabulukan ng isipan sa Lipunang Amerikano at kung paano ito sa wakas ay sumisira sa atin.” Sa katulad na paraan, sa ilang musika, ang mga salita na maliwanag na mga metapora para sa sangkap ng sekso ng lalaki (gaya ng baril o patalim) ay sinasabi ngayon na literal.
Ang mga mang-aawit at mga kompanyang nagsasaplaka o nagrerekord ay maaaring makaiwas sa mga parusa ng hukuman, subalit talaga bang nadadaya ang mga tao? Ikaw ba ay nadadaya? Maikakaila mo ba na ang karahasan, sekso, at ang okulto ay mahahalagang sangkap sa matitinding musikang rock na mabenta sa ngayon?
Heavy Metal at Rap
Sa nilakad-lakad ng mga taon, nagkaroon ng maraming uri ng rock. Ang dalawang istilo, ang heavy metal at rap, ay kamakailan sumailalim ng pagpuna dahil sa nakasisindak na kahalayan.
Ang heavy metal ay karaniwang masigla, totoong maingay na elektronikong musika na may bumabayong kumpas. Sang-ayon sa magasing Time, “ang mga musikero ng musikang heavy metal ay tumutugtog na kasuwato ng malalayong pantasya ng karamihang puti, kabataan at lalaking mga tagapakinig sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanilang
mga sarili bilang bigong mga tagalabas na tumalikod sa isang bulok na sibilisasyon.” Ang karamihan ng musikang heavy metal ay idinisenyo upang sumindak. Ang ilan sa mga liriko nito ay hindi mailimbag sa kalaswaan. Isang babasahing pangmedisina sa Texas ay nagsabi na marami sa mga kapahayagan sa heavy metal ay lumuluwalhati sa “hindi pangkaraniwang mga saloobin may kinalaman sa sekso, karahasan, poot, at okulto.”Ang karahasan na nauugnay sa heavy metal ay isa pang alalahanin. Halimbawa, nang isang pagtatanghal ay kailangang ihinto sapagkat ang mang-aawit ay nagkasakit, ang mga manonood ay nagkagulo at sinunog pa nga ang arena. Sa isa pang konsiyerto tatlong kabataan ang namatay nang matapakan ng libu-libong tagahanga na dumaluhong tungo sa entablado, itinutumba ang mga tao sa harapan at saka tinatapakan ang mga ito.
Sa musikang rap, kilala rin bilang hip-hop, isang mang-aawit (o mga mang-aawit) ay bumibigkas ng mga ritmo sa saliw ng maindayog na tunog, kadalasa’y inilalaan ng isang pamamaraan sa computer na tinatawag na “sampling.” Karamihan ng musikang rap ay gawa ng mga musikerong itim subalit ipinagbibili sa mga tagapakinig na itim at puti. Ang ilang mensahe ng rap ay positibo, paninindigan laban sa mga bagay na gaya ng pag-abuso sa bata at ng maling paggamit ng mga droga. Gayunpaman, karamihan ng rap ay nakasentro sa paghihimagsik laban sa awtoridad, karahasan, pagkapoot sa mga babae, at pagtatangi ng lahi. Maraming rap ang naglalaman ng lapastangan at malaswang paglalarawan ng seksuwal na gawain.
Ang karahasan ay problema sa ilang konsiyerto ng rap. Sa isang konsiyerto, 300 miyembro ng gang ang sumalakay sa tagapanood, na gumanti sa pamamagitan ng mga silyang metal hanggang sa dumating ang pulis at pinatigil ang konsiyerto. Apatnapu’t lima katao ang nasugatan.
Noong nakaraang taon, ang New York State Sheriffs Association ay nanawagan para sa isang boykoteo ng lahat ng kompanyang pag-aari ng Time Warner, Inc., hanggang sa ihinto ng kompanya ang pagbebenta ng awiting rap na “Cop Killer.” Ang pinuno ng pangkat ng mga sheriff, si Peter Kehoe, ay nagsabi: “Ang rekording na ito ay naglalabas
ng poot at humihimok at lumuluwalhati sa pagpatay ng mga opisyal na pulis. Bilang tuwirang bunga ng awit na ito, ang mga pulis ay papatayin.” Sa wakas, ito’y inalis na sa pamilihan.May mga Epekto ba?
Kapag ang mga musikero ay umaawit tungkol sa kasamaan o ginagawa pa nga ito sa entablado, ano ang epekto nito sa mga tagapakinig at mga manonood? Isaalang-alang ang sumusunod na obserbasyon at mga karanasan.
Si Dr. Carl Taylor, isang kasamang propesor ng katarungang pangkriminal sa Michigan State University, ay nagsasabi na ang mga bituin ng rock ay “nagtataguyod ng isang istilo-ng-buhay. . . . Ang mga miyembro ng banda ay lubhang nakaiimpluwensiya sa mga bata.”
Isang bata na nakaligtas sa isang tangkang pagpapatiwakal ay nagsabi na ang musika ay naghele sa kaniya at sa kaniyang kaibigan (na ang pagpapatiwakal ay natuloy) sa pag-iisip na “ang sagot sa mga problema sa buhay ay ang kamatayan.”
Noong 1988 tatlong tin-edyer ang pumatay ng isang kaibigan dahil lamang sa katuwaan. Sinabi ng isa sa kanila na ang pagkahalina sa kamatayan ay nagsimula sa musikang heavy metal.
Pagkatapos ng isang konsiyerto ng rap, pinagbabasag ng mga tin-edyer ang mga bintana sa mga dakong publiko. Ang komisyonado ng kaligtasang pampubliko ng Pittsburgh, Pennsylvania, ay nagsabi: “Talagang walang pag-aalinlangan sa isipan ko na ang musikang rap ay humihimok ng karahasan.”
Isang pag-aaral sa mga kabataan at sa satanikong mga kulto ay nagsisiwalat na marami sa mga nasasangkot sa pagsamba sa Diyablo ay malakas magsigamit ng droga at nakikinig sa musikang heavy metal, na lumuluwalhati sa paggamit ng droga at humihimok ng seksuwal na imoralidad. Bunga nito, ang mahihinang kabataan ay naaakit sa satanikong mga kulto.
Mangyari pa, kapag ang mga kabataan ay nahikayat sa pag-abuso sa droga, krimen, o pagpapatiwakal, malamang na may higit pang dahilan sa likuran ng gayong paggawi kaysa musika. Ang pagkawasak ng buhay pampamilya at ng lipunan ng tao sa pangkalahatan ay walang alinlangan na gumaganap ng malaking bahagi. Subalit ang musika ay maaaring magsilbing isang pangganyak, isang paraan na humihimok sa mahihinang kabataan na gawin ang mga bagay na hindi man lamang nila naiisip. Ang mga tao bang wala nang pag-asa sa mga suliranin sa buhay ay nangangailangan ng musika na humihimok sa kanila na sumuko sa nakapipinsalang mga hilig?
Ang punto ay na ang masamang musika ay maaaring magsilbing isang lason sa isipan ng mga tagapakinig nito. Tandaan, ang mga mensahe sa mga musikang iyon ay lalo nang malakas sapagkat ito ay galing sa mga bituin, bayani, na talagang sinasamba ng kanilang mga tagahanga.
Kumusta Ka Naman?
Anong musika ang pinakikinggan mo? Marahil ikaw ay maingat na tungkol sa musika na iyong pinipili, at iyan ay kapuri-puri. Sa kabilang panig, kung ikaw ay kabilang sa mga nakikinig sa masama o kahina-hinala pa ngang musika, ikaw ba ay lubhang naapektuhan nito sa ikasasamâ? Kahit na
kung ang iyong ugali ay hindi nagbago, may katapatan mo bang masasabi na ang iyong saloobin ay hindi naapektuhan sa ikasasamâ? Sa paano man, ang paulit-ulit na pagkalantad sa hindi kanais-nais na mga paksa ay maaaring gumawa sa iyo na manhid, aakalain mo na ang mga paksa ay hindi naman masama.Isaalang-alang ang halimbawa ng isang binatilyo na sumubok na isama sa kaniyang buhay bilang isang Kristiyano ang palaging pakikinig sa musikang heavy metal at rap. Hindi naman siya nahikayat sa mga gawang gaya ng pagpatay, pagpapatiwakal, o pagsamba sa Diyablo. Ngunit pansinin kung paano ito nakaapekto sa kaniyang saloobin. Sabi niya: “Ang musikang ito ay lubhang makahayop. Pinahintulutan ako nitong kumilos sa isang mahinahon at kontroladong paraan samantalang napapadala sa pinakamasama at marahas na mga hilig. . . . Namuhay ako sa isang pantasyang daigdig ng pagkapoot. Walang araw ang lumipas na hindi ako seryosong nag-iisip tungkol sa pagpapatiwakal.” Siya ay nagpasiyang gumawa ng lubusang pagbabago sa kaniyang mga pinakikinggan. Nang gawin niya iyon, ang kaniyang saloobin ay lubhang nagbago.
Ang mga tagapagtanggol ng masamang musika ay mangangatuwiran upang bigyang-matuwid ang pangit na panig ng musikang rock. Subalit ano ba ang iyong mga konklusyon? Maipipikit mo ba ang iyong mga mata at tainga sa labis na kasamaan ng paksa nito? Madadaluhan mo ba ang mga konsiyertong gaya niyaong inilarawan kanina nang hindi natatakot sa iyong kaligtasan? At kumusta naman ang tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng gayong musika at ng nakahihiyang gawain ng mga tagapagtanghal at mga tagapakinig nito?
Kung nababahala ka sa iyong kalusugan, malamang na iniiwasan mo ang mga pagkain na maaaring makasama sa iyo kahit na ito ay masarap. Ang hindi kanais-nais na musika, ito man ay rock o ano pa mang istilo, ay isang banta sa iyong kalusugang pangkaisipan. Nanaisin mo bang ilantad ang iyong sarili sa lumalason-kaisipang libangan? Mangyari pa hindi. Kaya, ano ang magagawa mo upang magkaroon ng isang matino, timbang na pangmalas tungkol sa bagay na ito? Pakisuyong isaalang-alang ang mga puntong inihaharap sa susunod na artikulo.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ano ba ang Pagsamba sa Diyablo?
Ang pagsamba sa Diyablo, na udyok ng ilang liriko ng musikang heavy metal, ay nakapipinsalang katuwaan. Ang Texas Medicine/The Journal ay nagpaliwanag na kabilang sa gayong pagsamba ang mga gawain na mula “sa hindi nakapipinsalang mga ritwal hanggang sa pag-inom ng dugo mula sa paghiwa sa kanila mismong katawan at mga handog na hayop.” Ang satanikong mga kulto ay nagpapahayag ng “katapatan sa diyablo. Espesipikong mga ritwal ay ginagamit upang akayin ang kapangyarihan mula kay Satanas tungo sa mga tagasunod. . . . Ang doktrina ng kalayaan ng pagpili at kalooban ay nangangahulugan ng paggawa ng balang maibigan mo nang hindi iniisip ang Diyos, walang pagkadama ng pagkakasala, at walang budhi.” Bunga nito, ang ilan ay nagsasagawa ng kriminal na mga gawain nang hindi nahihiya.
[Larawan sa pahina 5]
Hindi mo lalagyan ng basura ang iyong tiyan. Bakit mo ilalagay ito sa iyong isipan?
[Larawan sa pahina 7]
Dapat ka bang maging komportable sa pagdalo sa gayong pangyayari?