Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-aaginaldo Tinalakay nang maliwanag ng artikulong “Mas Mabuti Kaysa Pag-aaginaldo” (Disyembre 22, 1992) ang isang pinagtatalunang paksa, subalit sa maingat na paraan. Simula pa sa umpisa, ito’y kalugud-lugod sa bawat mambabasa, relihiyoso man o hindi. Isa pa, walang lubusang paghatol sa lahat ng walang kabuluhang mga bagay may kaugnayan sa Pasko. Ang kasiya-siyang paghaharap na ito ay kapuwa nakasisiyang basahin at ialok sa ating gawaing pangangaral.
T. T., Alemanya
Talagang ipinakita sa akin ng artikulo kung ano ang mas mabuti kaysa mga aginaldo, iyon ay, ang pagmamahal ng aking mga magulang at ang paraan ng kanilang tunay na pagbibigay mula sa puso. Nakakaharap ko rin ang suliranin ng pagpapaliwanag sa aking klase kung bakit kami bilang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagdiriwang ng “St. Nicholas’ Day” at ng Pasko. Sa tulong ng artikulong ito, ako’y makapagbibigay ng isang mabuting pagpapaliwanag.
S. H. S., Alemanya
Mga Celt Ang inyong artikulong “Ang mga Celt—Nadarama Pa Rin ang Kanilang Impluwensiya” (Setyembre 8, 1992) ay lubusang kasiya-siya. Pangkaraniwan na sa ngayon [para sa mga manunulat] na talakayin ang paksa ng sinaunang mga kultura na para bang ang mga tao noon ay may huwarang buhay at na kung tayong lahat ay naging mga saunahin muli, magiging mabuti ang lahat ng bagay. Nakasisiglang mabasa ang artikulo na nagsiwalat ng isang kultura sa gayong kawili-wiling paraan na hindi pinipithaya ang mga ito o pinagtitinging katawa-tawa ang mga ito.
L. Z., Estados Unidos
Sekso ng Bata Salamat sa kahon na pinamagatang “Paano ba Nalalaman ang Sekso ng Bata?” na lumabas sa artikulong “Mga Babae—Iginagalang ba sa Tahanan?” (Hulyo 8, 1992) Tinuruan ninyo ako na huwag sisihin ang aking nakatatandang kapatid na babae dahil sa pagsisilang ng limang anak na babae sa loob ng sampung taon at hindi pagkakaroon ng anak na lalaki. Ayon sa inyong artikulo, kung may sisisihin man, iyon ay ang asawang lalaki.
E. J. O., Nigeria
Bagaman dinadala ng semilya ang nagpapasiyang salik kung ang bata ay magiging lalaki o babae, hindi masisisi ang asawang lalaki ni ang asawang babae. Gaya ng nabanggit ng artikulo, ito’y “isa lamang sapalaran ng pag-aanak” na wala sa asawang lalaki o babae ang makasusupil.—ED.
Mga Crossword Puzzle Maraming salamat sa mga crossword puzzle! Nabasa ko kamakailan ang kabanata tungkol sa panlulumo sa aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Iminungkahi nito na ikaw ay maging abala sa “mga gawain na nagdudulot sa iyo ng kasiyahan,” gaya ng pagsagot sa isang puzzle. Ito’y isang napakahusay na tip sapagkat nasusumpungan ko ang aking sarili na natatawa, nasisiyahan, at nakasusumpong ng bagong impormasyon. Pakisuyong patuloy kayong maglathala ng mga puzzle!
M. R., Estados Unidos
Ang nabanggit na aklat ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York Inc., ang tagapaglathala ng magasing ito.—ED.
Nagkasalang mga Magulang Nang mabasa ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano Kung Dinulutan Kami ng Kahihiyan ng Aking Magulang?” (Oktubre 22, 1992), ako’y napaiyak nang husto. Ang aking ama ay natiwalag sa Kristiyanong kongregasyon dalawang taon na ang nakalipas, at kami ng aking ina ay nakaranas ng napakahirap na kalagayan. Ginawa ko ang gaya ng iminungkahi ng artikulo at nagtapat sa isang maygulang na Kristiyanong matanda, at ako’y nagtamo ng higit na pampalakas-loob at pag-alalay.
A. O., Hapón
Ang aking ama, na dati’y isa sa mga Saksi ni Jehova, ay naging apostata. Sinikap niyang italikod ang iba mula sa katotohanan at nagpapahayag pa nga sa mga simbahan. Tinatawag pa nila siyang “reberendo”! Ako’y hiyang-hiya! Totoong nakatulong sa akin ang artikulong ito.
B. A., Estados Unidos