Paano Ko Mapagtitiisan ang Aking Kapansanan?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapagtitiisan ang Aking Kapansanan?
“NAKALALAKAD pa siya,” sabi ng ina ng isang batang babae na tatawagin nating Maggie. “Subalit walang koordinasyon ang ibang bahagi ng kaniyang katawan, at ang kaniyang pagsasalita ay malabo.” Si Maggie ay may multiple sclerosis at isa sa angaw-angaw na mga kabataan sa daigdig na pinahihirapan ng isang kapansanan sa katawan.
Marahil isa ka rin sa kanila. At ikaw man ay ipinanganak na may kapansanan o nagkaroon ka nito bunga ng isang karamdamam o aksidente, a hindi ka dapat maghinuha na hindi ka na maaaring magkaroon ng isang maligaya, aktibong buhay. Taglay ang matiyagang pagsisikap sa bahagi mo, makagagawa ka ng positibong mga hakbang upang mabisang mapagtiisan ang iyong kalagayan.
Ang Patibong ng Mapagnasang Saloobin
Mangyari pa, likas lamang sa tao na hindi tanggapin ang isang hindi kanais-nais na katotohanan kundi mapagnasang umasa na ang kapansanan ay basta mawala. Si apostol Pablo ay tila pinahirapan ng ilang uri ng karamdaman na nakaapekto sa kaniyang paningin. (Ihambing ang Galacia 6:11.) Tinutukoy ang kaniyang unang pagdalaw sa mga Kristiyano sa Galacia, sinabi ni Pablo: “Dahil sa aking sakit sa laman ay ipinangaral ko sa inyo ang mabuting balita nang pasimula. At yaong sa inyo’y isang pagsubok sa aking laman, ay hindi ninyo inalipusta ni itinakwil man.” (Galacia 4:13, 14) Inaakala ng ilang iskolar na ang karamdaman ni Pablo ay nagpangyari sa kaniyang mga mata na magnaknak o sa ilang paraan ay gawing nakasusuka ang kaniyang hitsura. Hindi kataka-taka, kung gayon, na si Pablo ay “tatlong ulit na namanhik sa Panginoon” na ilayo ang karamdaman. Subalit hindi ito lumayo. (2 Corinto 12:8, 9) Gayunman, sa kabila ng kaniyang kapansanan siya ay nagtamasa ng isang namumukod-tanging karera bilang isang misyonero, iskolar, at manunulat.
Magagawa mo ring tanggapin ang pagkapermanente ng iyong kapansanan. Sa aklat na Living With the Disabled, ang awtor na si Jan Coombs ay sumulat: “Upang makabagay ang pasyente sa kaniyang kapansanan dapat niya munang tanggapin na siya ay may kapansanan. Dapat niyang malaman na ang kaniyang limitasyon ay maaaring magtakda at makasagabal sa kaniya subalit hindi ito nag-aalis sa kaniyang halaga bilang isang tao.” Kung walang matuwid na pag-asang gumaling, ang hindi pagtanggap sa katotohanan ng iyong kalagayan ay maglulugmok lamang sa iyo sa pagsisi-sa-sarili, kalungkutan, at kabiguan. Sa kabilang panig, “nasa mapagpakumbaba ang karunungan,” sabi ng Bibliya sa Kawikaan 11:2, at nalalaman at tinatanggap ng isang taong mapagpakumbaba ang kaniyang mga limitasyon. Hindi ito nangangahulugan ng pagiging isang ermitanyo o masiyahan na lamang sa mapanglaw, malungkot na pag-iral. Bagkus, ang kapakumbabaan ay nagsasangkot ng matapat na pagtatasa ng iyong kalagayan at paglalagay ng makatotohanang mga tunguhin.
Kumilos Nang May Kaalaman
Kailangan mo rin ng tumpak na kaalaman tungkol sa kalikasan ng iyong kapansanan. “Bawat matalinong tao ay gumagawang may kaalaman,” sabi ng Kawikaan 13:16. (Ihambing ang Kawikaan 10:14.) Ito ay maaaring mangahulugan ng pagbabasa ng ilang medikal na literatura o pagtatanong ng espesipikong mga tanong sa iyong doktor at iba pang propesyonal sa kalusugan na gumagamot sa iyo. Ang pagtuturo sa iyong sarili sa bagay na ito ay maaaring magpaginhawa sa iyo ng anumang maling idea na maaaring humadlang sa iyo sa pag-abot sa iyong potensiyal.
Maaaring makatulong din na sumubaybay sa medikal na mga pagsulong at mga paggamot na makatutulong sa iyong kalagayan. Halimbawa, ang artipisyal na mga paa o bisig (prostheses) na gumagamit ng bago, magagaang na materyales ay nagawa na mas madaling ikilos at ibaluktot. Oo, ang magasing Time ay nag-uulat sa “biglang pagdami” ng nakatutulong na mga kagamitan para sa mga indibiduwal na may mga kapansanan. Marahil ang mga produktong iyon ay makukuha sa inyong lugar at kaya ng badyet ng iyong pamilya.
Ang mas karaniwang mga aparato, gaya ng mga hearing aid, tungkod, saklay, at mga brace o suhay, ay maaaring lubhang nakatutulong din. Ngayon, ang ilang kabataan ay maaaring nahihiya at naaasiwa na gamitin ang mga pantulong na iyon. Subalit may karunungang sinabi ni Haring Solomon: “Kung ang iyong palakol ay mapurol at hindi mo hinahasa ito, kailangan mong magpagal upang magamit ito.” (Eclesiastes 10:10; Today’s English Version) Maaari mo ring pagurin ang iyong sarili—o pigilan ang iyong sarili sa kasiya-siyang mga gawain—kung hindi mo gagamitin ang mga kagamitan na makatutulong sa iyo. Bakit hahayaan mo ang pagmamataas na lalo pang pahirapin ang iyong buhay? Si Solomon ay naghinuha sa pagsasabing: “Ang paggamit ng karunungan tungo sa tagumpay ay pakikinabangan.”
Oo, kapaki-pakinabang sa iyo na gamitin ang isang bagay na tutulong sa iyong lumakad, makakita, o makarinig nang mas mabuti. Totoo, maaaring mangailangan ng maraming pagsasanay at tiyaga upang maging dalubhasa sa paggamit ng isang saklay, prosthesis, o hearing aid. At ang mga aparatong ito ay maaaring hindi gaanong makapagpabuti sa iyong hitsura. Ngunit isipin ang tungkol sa kalayaang maibibigay nito sa iyo at ang mga pagkakataon na maaaring buksan nito! Isang may kapansanang babaing Aprikanang nagngangalang Jay ay namumuhay na mag-isa, lumalabas minsan lamang sa maliit na looban kung saan siya nakatira sa kaniyang 18 taon. Pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, siya ay nagsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano. Ito’y humiling sa kaniya na “lumakad” ng ilang bloke, hinihila ang kaniyang sarili pasulong sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, kinakaladkad ang kaniyang katawan. Nang malaman ng isang Saksi sa Europa ang problema ni Jay, ipinadala niya kay Jay ang tatlong-gulong na silyang de gulong. Mayroon itong chain drive na maaaring paandarin ni Jay sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay. Kahali-halina? Hindi. Ngunit ang tila asiwang paraan na ito ng transportasyon ay nagpapangyari sa kaniya na dumalo sa mga pulong at makibahagi sa
bahay-bahay na gawaing pangangaral.Ganyakin ang Sarili!
Gayunman, mag-ingat sa pagkakaroon ng negatibong saloobin. Sabi ng pantas na si Haring Solomon: “Ang nagmamasid sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at ang tumitingin sa mga alapaap ay hindi aani.” (Eclesiastes 11:4) Hinahayaan mo bang ang takot o kawalang-katiyakan ang humadlang sa iyo sa paggawa ng mga bagay na nais at kailangan mong gawin? Isaalang-alang si Moises. Nang piliin siya ng Diyos upang palayain ang mga Israelita buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, sinubok ni Moises na umatras sa atas dahil sa pagkakaroon ng kapansanan sa pagsasalita. “Ako ay may labing hindi tuli,” sabi ni Moises, marahil ipinahihiwatig ang ilang pinsala anupat siya’y mahinang magsalita. (Exodo 6:12) Subalit minamaliit ni Moises ang kaniyang sarili. Nang maglaon, napatunayan niya na siya ay nakapagsalita nang matatas—nagpapahayag sa buong bansa ng Israel.—Deuteronomio 1:1.
Huwag gumawa ng gayunding pagkakamali sa pamamagitan ng pagmamaliit sa iyong sarili. Itulak at ganyakin ang sarili! Ang kabataang si Becky, halimbawa, ay nahihirapang magsalita dahil sa mga pinsalang natamo niya sa isang aksidente na nangyari noong siya ay limang taon. Subalit hindi siya pinayagan ng kaniyang mga magulang na sumuko. Sa kabaligtaran, ipinatala nila siya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Sa gulang na pito, si Becky ay nagbibigay ng maiikling pahayag sa harap ng mga tagapakinig. Gunita ni Becky: “Ang pagbibigay ng mga pahayag ay nakatulong. Ginanyak ako nito na magpagal sa aking pagsasalita.” Si Becky ay napatibay rin na lubusang makibahagi sa bahay-bahay na gawaing pangangaral. “Kung minsan naiisip ko na tiyak na ayaw ng mga tao na ako’y magsalita; nag-aalala ako sa kung ano ang kanilang iniisip. Ngunit pagkatapos ay sinasabi ko sa aking sarili, ‘Ginagawa ko ito para kay Jehova,’ at hinihiling ko sa kaniya na tulungan niya ako na mapagtagumpayan ito.” Sa ngayon, si Becky ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador.
Si Craig, ngayo’y isang adulto, ay pinahihirapan ng sakit na cerebral palsy. Hindi rin niya hinayaang hadlangan siya ng kaniyang kapansanan sa pagiging isang mahalagang miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Sabi niya: “Ako’y umaasa kay Jehova, at pinahintulutan niya akong magtamasa ng marami sa kaniyang mga pagpapala. Ako’y nakapaglingkod bilang isang auxiliary payunir [ebanghelisador] nang limang beses. Ako’y nagbibigay ng mga lektyur sa Bibliya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at napangangasiwaan ko ang mga kuwenta ng kongregasyon.”
Mayroon ding “panahon sa pagtawa,” at sa ilang pagsasanay, maaari kang masiyahan sa ilang nakatutuwang gawain na tinatamasa ng ibang kabataan. (Eclesiastes 3:4) Sabi ni Becky: “Hindi ako makapaglaro ng isports na gaya ng volleyball sapagkat mabagal ang aking mga ganting-galaw. Subalit ako ay nakatatakbo. At sandaling panahon pagkatapos ng aksidente, pinasigla ako ng aking ina na matutong magbisikleta. Lagi niya akong pinatitibay na sumubok ng bagong mga bagay.”
Huwag Batahin na Mag-isa
Hindi madali na pagtiisan ang isang kapansanan sa katawan. Tinawag ni apostol Pablo ang kaniyang kapansanan na “isang tinik sa laman.” (2 Corinto 12:7) Mabuti naman, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga problema na nag-iisa. Si Sarne, isang kabataang babae na may kapansanan sa balakang, ay nagsasabi: “Nasumpungan ko na ang pagkakaroon ng tamang mga kasamang Kristiyano at ng maibiging alalay buhat sa pamilya at sa mga kaibigan sa loob ng kongregasyon ay napakahalaga sa akin.” Oo, huwag ihiwalay ang iyong sarili. (Kawikaan 18:1) Hangga’t maaari, magkaroon ng “maraming gawain sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Inilalarawan ni Sarne ang pakinabang: “Ang pagiging aktibo sa mga gawaing pang-Kaharian ay tumutulong sa akin na magkaroon ng tamang pangmalas sa aking mga problema.” Sabi ni Becky: “Nakakausap mo ang mga tao na talagang mas masahol pa ang kalagayan sa iyo sapagkat wala silang pag-asa sa hinaharap. Iyan ang nakatulong sa akin na kalimutan ang aking mga problema.”
Higit sa lahat, umasa sa Diyos na Jehova para sa alalay. Nauunawaan niya ang iyong mga pangangailangan at ang iyong mga damdamin at maaari ka pa nga niyang paglaanan ng “kapangyarihang higit sa karaniwan” upang tulungan kang makapagtiis. (2 Corinto 4:7) Marahil balang araw ay magkakaroon ka ng optimistikong pangmalas ng isang kabataang Kristiyano na may kapansanan na nagngangalang Terrence. Sa gulang na siyam, si Terrence ay nawalan ng paningin subalit hindi niya pinayagan na siya ay daigin nito, na ang sabi: “Ang aking pagkabulag ay hindi isang kapansanan; ito ay isa lamang sagabal.”
[Talababa]
a Kung ang kapansanan mo ay kamakailan lamang nangyari, malamang na nakikipagpunyagi ka pa sa mga damdamin ng kapaitan, galit, at kalungkutan. Sa katunayan, normal lamang ito—at mabuti—na dumanas ng isang yugto ng pagdadalamhati kapag ikaw ay dumanas ng malaking kawalan. (Ihambing ang Hukom 11:37; Eclesiastes 7:1-3.) Makatitiyak ka na sa paglipas ng panahon at sa maibiging alalay ng pamilya at mga kaibigan, ang bagyo ng nasaktang mga damdamin ay maiibsan din sa wakas.
[Larawan sa pahina 15]
Alamin ang lahat ng malalaman mo tungkol sa iyong kapansanan