Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Di-nakamamatay na mga Sandata
Sinusuri ng gobyerno ng E.U. ang posibilidad ng paghaharap ng di-nakamamatay na mga sandata na gagamitin sa digmaan, ayon sa The Wall Street Journal. Magagawa ng makabagong teknolohiya na gamitin ng mga sundalo sa hinaharap ang elektromagnetikong mga pulse generator upang sirain ang radar, mga telepono, mga computer, at iba pang mahalagang kagamitan ng kaaway nang hindi pumapatay ng mga tao. Sinisikap ding gumawa ng mga laboratoryo ng “ ‘mga combustion inhibitor’ na nagpapahinto sa mga makina ng tumatakbong mga sasakyan, gayundin ng mga kemikal na nagiging kristal at sumisira sa ilang uri ng mga gulong,” sabi ng Journal. Gayunman, ang ilan sa mga sandatang ito ay nagbabanta ng malubhang panganib sa buhay ng tao. Sinabi pa ng Journal na “ang malalakas na laser na dinisenyo upang wasakin ang mga optiko ng tangke ng kaaway ay maaari ring sumabog sa mga mata mismo ng sundalo. Ang nabibitbit na mga sandatang microwave na sinusubukan sa parang ng U.S. Special Forces ay maaaring walang-ingay na putulin ang mga pakikipagtalastasan ng kaaway subalit maaari ring lutuin ang panloob na mga sangkap.”
Pagtutuli at AIDS
Ang kaugalian ng pagtutuli sa lalaki ay waring nagiging isang bentaha sa paghadlang ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik, gaya ng AIDS, sabi ng magasing Pranses na La Revue Française du Laboratoire. Binabanggit ng magasin ang tatlong magkakahiwalay na mga pag-aaral sa paggamot na nagpapakita na ang pagtutuli sa lalaki (ang pag-aalis ng balat) ay isang salik sa pagpigil sa pagkalat ng AIDS. Ipinakikita ng pananaliksik sa mga unggoy sa laboratoryo na ang mga himaymay ng balat ng lalaki ay nagtataglay ng mas mataas na bilang ng mga selula na madaling mahawahan ng virus ng AIDS kaysa ibang mga himaymay. Isa pa, isiniwalat ng isang pag-aaral sa Canada na isinagawa sa 140 iba’t ibang rehiyon sa Aprika ang mas mataas na bilang ng AIDS sa gitna ng mga pangkat na hindi gumagawa ng pagtutuli kaysa mga gumagawa niyon. Nasumpungan ng isa pang pagsusuri ang mas kakaunting mga kaso ng pagkahawa sa mga heteroseksuwal na Amerikano na natuli.
Hindi Nag-aral na mga Bata
Libu-libong bata sa Bolivia ang hindi tumatanggap ng tamang edukasyon. Ayon sa pahayagang Presencia sa Bolivia, isiniwalat ng 1992 sensus na may 2,268,605 batang nasa edad upang mag-aral sa Bolivia. Gayunman, ang mga ulat ng Ministri ng Edukasyon ay nagpapakita na sa loob ng panahon ding iyon, tanging 1,668,791 bata ang tinanggap sa mga paaralan ng bansa. Ito’y nangangahulugan na 600,000 bata ang hindi tumanggap ng tamang edukasyon. Isinusog pa ng Presencia na sa mga nakapagpatala sa mga paaralan, 102,652 mag-aaral ang tumigil sa taóng iyon.
“Ang Panahon ng Kapanglawan”?
Ikaw ba’y ipinanganak pagkaraan ng 1955? Kung gayon ikaw ay malamang na tatlong beses na higit na makaranas ng malalang panlulumo sa ilang yugto ng iyong buhay kaysa iyong mga nuno. Ito ang hinuha sa isang internasyonal na pagsusuri na nagsasangkot ng 39,000 katao sa siyam na mga bansa. Nag-uulat sa pagsusuri, ipinakikita ng International Herald Tribune na ang mga salik na sanhi ng panlulumo sa ating kapanahunan ay maaaring sumaklaw sa mga kaigtingan ng industriyalisasyon, pagkalantad sa nakalalasong mga materyal, pagkawala ng paniniwala sa Diyos o sa kabilang buhay, at, para sa ilang babae, di-maabot na mga mithiin ng kagandahan ng kababaihan. Sinasabi ng Tribune na maaaring masaksihan ng sangkatauhan “ang pagbubukang-liwayway ng Panahon ng Kapanglawan.”
Banta sa Mahogany
Sangkapat na milyon ng mga Indian ng Brazil sa kagubatan ng Amazon ay nanganganib na mawalan ng kanilang tradisyunal na mga tahanan. Ayon sa pinuno ng gobyerno sa paglilingkod sa Indian, ang “pinakamalaking banta” ay nagmumula sa kalakalan ng mahogany. Ang labag sa batas na pagputol ng mga punong mahogany na ito ay nagbunga ng pagtatayo ng halos 3,000 kilometro ng ipinagbabawal na mga daan sa kahabaan sa timog ng Estado ng Pará, ulat ng The Guardian ng London. Sa tuwing isang puno ng mahogany ang pinuputol, ang mga punong kasindami ng 20 iba pang uri ay napipinsala. Habang kanilang kinakalbo ang kagubatan, ang masasakim na mangangalakal ay nagbubukas ng daan para sa mga dayuhan at mga minero ng ginto, gayundin sa libu-libong lágarian. Palibhasa’y may pang-32 taon na suplay na lamang ang natitira sa kasalukuyang bilang, ang mahogany, tulad ng Indian, ay kasalukuyang napapaharap sa walang-katiyakang kinabukasan.
Pagluluwas ng Nakalalasong mga Basura
Dahil sa mataas na halaga ng pagproseso ng basura, “ang mayayamang bansa ay nagluluwas ng kanilang nakalalasong mga basura sa mahihirap na bansa,” sabi ni Sebastião Pinheiro ng Brazilian Institute of Environment and Renewable Natural Resources. Gaya ng naiulat sa magasing Veja, ipinakita ng isang pagsusuri na “halos isang milyong tonelada ng mapanganib na mga basura ang iniluluwas taun-taon sa Third World na mga bansa.” Ano ang ginagawa sa inangkat na nakalalasong mga basura? Ang mga ito ay maaaring sunugin bilang gatong sa bagong mga planta ng kuryente. “Ipinagtatanggol ng nagpapaunlad na mga bansa ang pagmamatuwid na kailangang lumikha ng mga trabaho ano man ang mangyari,” sabi ng tagapayo sa isang ahensiyang pangkapaligiran sa Brazil. Gayunman, bumabangon ang mga katanungan sa buong daigdig. Nagtatanong ang Financial
Times ng London: “Ang mga pagpapasiya ba tungkol sa kinaroroonan ng mga pabrika ay dapat itakda ng mga pagtaya kung saan ang halaga ng buhay ng tao ay di-gaanong mahalaga?” May kabalintunaang isinusog ng Veja: “Ang sagot ay waring oo.”Kulang sa Bitamina-A
Taun-taon, umaabot hanggang kalahating milyon ng mga batang hindi pa nag-aaral ang nabubulag dahil hindi man lamang sila nakakakain ng sapat na pagkain na nagtataglay ng bitamina A. Dalawang-katlo ng mga batang ito ang namamatay sa loob ng ilang buwan pagkatapos na mabulag. Ayon sa World Health Organization, pangunahin na itong nangyayari sa mga bahagi ng Aprika, Asia, at Latin Amerika kung saan ang mga tao ay kakaunti ang nakakaing dilaw na mga prutas, dilaw na gulay, maberdeng gulay, madahong gulay, at iba pang pagkain na nagtataglay ng bitamina A. Sa buong mundo, 40 milyong bata ang kulang sa bitamina-A, at sa mga ito, 13 milyon ang may ilang pinsala sa mata. Ang kakulangan sa bitamina A ay maaari ring makahadlang sa pisikal na paglaki, palalain ang mga impeksiyon, at paramihin ang malamang mangyaring kamatayan ng sanggol at mga bata.
Kinakalawang ang Di-aktibong Utak
Ang mahahaba bang yugto ng pagiging di-aktibo ay kapaki-pakinabang para sa utak? Tiyak na hindi, ani Propesor Bernd Fischer sa Medical Trade Fair sa Düsseldorf, Alemanya. Ipinakikita ng kaniyang mga natuklasan na “ang mga eksperimento ay nagpakita na ang kakayahang mag-isip ng isang tao ay kapansin-pansing bumaba pagkatapos ng ilang oras lamang ng ganap na kawalan ng pangganyak sa utak,” gaya ng iniulat ng Der Steigerwald-Bote. Pinayuhan ng propesor na pag-isipang muli niyaong ang huwarang bakasyon ay isa na walang ginagawa. “Tulad ng di-sinanay na kalamnan,” komento ng pahayagan, “pagkatapos ng mahabang bakasyon na walang ginagawa, sa ilalim ng ilang kalagayan ang utak ay nangangailangan ng tatlong linggo upang matamo ang dating antas ng paggana nito.” Sinasabi na ang mga isports, laro, at kawili-wiling babasahin ay makahahadlang upang huwag kalawangin ang utak sa panahon ng bakasyon.
Masamang Hangin
“Ang polusyon sa hangin ay matinding nagbabanta ng malubhang mga suliranin sa kalusugan sa ilang pinakamalalaking lungsod sa daigdig, at ngayon ay halos isang di-matatakasang bahagi ng buhay sa lungsod saanman.” Gayon ang pagkasabi ng kamakailang ulat na inilathala ng World Health Organization at ng United Nations Environment Program. Ang ulat, salig sa isang makasiyentipikong pag-aaral sa 20 lungsod, ay nagpapakita na ang trapiko ng sasakyan ang pangunahing dahilan ng polusyon sa hangin. Binabanggit din nito na ang bilang ng mga sasakyan sa buong mundo, halos 630 milyon sa kasalukuyan, ay malamang na madoble sa susunod na 20 o 30 taon. Ang polusyon sa hangin ay masamang nakaaapekto sa mga sistema ng paghinga at pagdaloy ng dugo, na umaakay sa pagdami ng sakit, kapansanan, at kamatayan.
Mga Misyonero sa Aprika
Ayon sa American Journal of Tropical Medical Hygiene, ang kasalukuyang pangunahing mga dahilan ng kamatayan ng Amerikanong mga misyonero sa Aprika ay ang mga aksidente sa sasakyan, nakamamatay na sakit, at atherosclerosis. Kabilang sa nakahahawang mga sakit, ang pangunahing pumapatay ay ang viral hepatitis, sinusundan ng mga sakit na gaya ng malaria, rabis, tipus, lagnat Lassa, at mga impeksiyong sanhi ng virus. Gayunman, ipinakita ng isang surbey na sumasaklaw sa mga taóng mula 1945 hanggang 1985 na ang bilang ng kamatayan ng Amerikanong mga misyonero sa sub-Sahara sa Aprika ay halos kalahati lamang kung ihahambing sa kanilang kapuwa Amerikano sa Estados Unidos. Ito’y totoo bagaman sa Aprika ay makalawang ulit na malamang mangyari ang kamatayan dahil sa aksidente at apat na ulit ang panganib na mapatay.
Hugasan Mo ang Iyong mga Kamay!
Bagaman maraming nagawa ang teknikal na mga pagsulong ng makabagong siyensiya ng paggamot upang sugpuin ang sakit, sinasabi ng mga siyentipiko na ang paghuhugas ng mga kamay ng sabon at tubig ay isa pa rin sa pinakamabisang paraan upang mahadlangan ang paglaganap ng maraming nakahahawang mga sakit. Ang pahayagang Pranses na Le Figaro ay nag-uulat na sa isang pagsusuri kamakailan ng pangkalinisang mga kinaugalian sa Pransiya, Alemanya, ang Netherlands, at Switzerland, ang mga mananaliksik ay nagkunwaring mga tagakumpuni o tagapaglinis sa pampublikong mga palikuran ng mga otel, restawran, opisina, paaralan, at mga pabrika. Kanilang natuklasan na 1 sa 4 katao ay hindi naghuhugas ng kanilang mga kamay pagkatapos gumamit ng palikuran at na ang ikaapat sa mga naghuhugas ay hindi nagsasabon. Sinasabi ng mga siyentipiko na sa buong mundo ang mga kamay ng tao ang waring nananatiling isa sa pinakakaraniwang dahilan ng pagkalat ng sakit.
Relihiyon sa Finland
Sa Finland, 9 sa 10 ng ilan sa limang milyong mamamayan nito ay kabilang sa Lutheran State Church, sabi ng The European. Ang malaking bahagdang ito ng mga Lutheranong taga-Finland ay nagbabayad sa pagitan ng 1.5 at 2.5 porsiyento ng kanilang mga sahod sa mga buwis sa simbahan, subalit ang simbahan ay nagsasabi ng mahigpit na kakulangan ng salapi na makahahadlang sa pag-ordina ng sandaang bagong mga pari at mapipilitan itong isara ang ilang simbahan sa taóng ito. Nakapag-aalinlangan kung ang mahigit na apat na milyong Lutherano sa Finland ay tutulong sa pagsagip sa simbahan. Sinasabi ng The European na “walang masidhing pagnanasa ang karamihan sa mga taga-Finland na mas aktibong makibahagi sa mga gawain ng Simbahan kaysa pagdalo sa pana-panahong mga seremonya ng Simbahan kung Pasko at Easter.” Isinusog pa ng pahayagan na para sa “karamihan ng mga taga-Finland ang pagbabayad ng buwis ay ang saklaw ng kanilang pakikipag-ugnayan sa organisadong relihiyon.”