Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Bahagi 5
Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Mabisang “Magic” sa Ika-20 Siglo
KUNG ano sa wari ay imposibleng “magic” noong ika-19 na siglo ay naging katotohanan noong ika-20 siglo. Sa loob ng isang salinlahi, ang mga tao ay umasenso mula sa pagmamaneho ng kanilang sariling Model T Ford tungo sa katuwaan ng panonood sa mga taong lumalakad sa buwan sa may kulay na TV. Hindi itinuturing na di-pangkaraniwan, ang “mga himalang” gawa ng siyensiya ngayon ay ipinalalagay na normal.
“Ang siyentipikong mga tagumpay noong maagang ika-20 siglo,” banggit ng The New Encyclopædia Britannica, “ay napakarami upang uriin.” Gayunman, ito’y tumutukoy sa “isang karaniwang huwaran ng pagsulong,” sinasabing “sa bawat mahalagang larangan, ang pagsulong ay batay sa matagumpay na gawang paglalarawan ng ika-19 na siglo.” Binibigyan-diin nito ang bagay na ang siyensiya ay isang nagpapatuloy na paghahanap sa katotohanan.
Hinalinhan ng mga Pangkat
Ang siyentipikong mga samahan, mga pangkat ng siyentipiko na nagtatagpo upang magpalitan ng mga idea at impormasyon, ay itinatag sa Europa sing-aga ng ika-17 siglo. Upang ipaalam ang pinakahuling mga tuklas, ang mga samahang ito ay nagsimula pa ngang maglathala ng kanilang sariling mga babasahin. Ito’y humantong sa malawakang pagpapalitan ng impormasyon na nagtipon ng saligan kung saan higit pang makagagawa ng siyentipikong pagsulong.
Noong ika-19 na siglo, ang mga unibersidad ay lubhang napasangkot sa siyentipikong pananaliksik, at nitong kasunod na mga taon ang kanilang mga laboratoryo ay gumawa ng mahahalagang tuklas. a Sa pasimula ng ika-20 siglo, ang mga kompanya ng negosyo ay nagtayo rin ng mga laboratoryo sa pananaliksik, na nang maglao’y nakagawa ng bagong mga medisina, sintetikong mga materyales (kasali na ang mga plastik), at iba pang produkto. Mula rito ang madla ay nakinabang, at ang mga kompanyang nananaliksik ay kumita ng milyun-milyong dolyar sa pakinabang.
Ang pagtatayo ng mga laboratoryong ito at mga pangkat ng pananaliksik ay nagpahiwatig ng isang kausuhan tungo sa organisadong pananaliksik kung ihahambing sa indibiduwal na pagsisikap. Ang ilang siyentipiko ay nagtatanong kung ito nga ang pinakamabuting paraan. Noong 1939, si John D. Bernal, taga-Ireland na pisiko at kristalograpo ng X-ray, ay nagtanong: “Ang siyensiya ba ay dapat na sumulong sa pamamagitan ng ala-suwerteng pagtutugma ng gawa ng matatalinong indibiduwal, bawat isa’y sinusunod ang kaniyang sariling pang-unawa, o sa pamamagitan ng mga pangkat o mga samahan ng mga manggagawa na nagtutulungan sa isa’t isa at pinagsasama ang kanilang gawa ayon sa ilang patiunang pinag-isipan bagaman naibabagay na plano?”
Dahil sa ang pananaliksik ay masalimuot at magastos, tinutulan ni Bernal ang paggawa sa mga pangkat, sinasabing ang problema ay kung paano lamang wastong ioorganisa ang gawain. Inihula niya: “Pararamihin ng pangkatang paggawa ang paraan ng siyentipikong pananaliksik.” Sa ngayon, pagkaraan ng mahigit na kalahating siglo, maliwanag na si Bernal ay tama. Ang kausuhan ay nagpatuloy, pinabibilis ang paraan ng paggawa sa siyentipikong “magic” ng ika-20 siglo.
“Anong Ginawa ng Diyos!”
Noong Mayo 24, 1844, ang apat-na-salitang pahayag na ito ay matagumpay na naihatid sa pamamagitan ng telegrapo ni Samuel Morse, imbentor ng morse code, sa layong mahigit na 50 kilometro. Ang mga ugat ng ika-19 na siglo ng kasunod na “magic” ng telekomunikasyon ng ika-20 siglo ay naitanim na.
Pagkaraan ng 30 taon, noong 1876, si Alexander Graham Bell ay naghahandang subukin ang isang transmiter kay Thomas Watson, kasama niya, nang matapon ni Bell ang ilang asido. Ang kaniyang sigaw, “Mr. Watson, halika rito. Kailangan kita,” ay higit pa kaysa isang sigaw para humingi ng tulong. Narinig ni Watson, na nasa bukod na silid, ang mensahe, nakilala ito bilang ang unang malinaw na pangungusap na kailanma’y inihatid sa pamamagitan ng telepono, na mabilis na dumating. Ang mga tao ay nagmamadali pa rin sa pagsagot sa tumutunog na mga telepono.
Sa nakalipas na 93 taon, ang siyentipikong kaalaman, kasama ng teknolohikal na kaalaman, ay nagbigay sa mas maraming tao ng isang pamantayan ng pamumuhay na hindi kailanman nakamit. Ang daigdig ay tila ba lumiliit dahil sa mabilis na komunikasyon at transportasyon. “Imposibleng” mga bagay ay naging pangkaraniwan. Sa katunayan, ang mga telepono, telebisyon, kotse, at mga eruplano—at ang anumang iba pang “himala” ng ika-20 siglo—ay naging bahagi na ng ating daigdig anupat waring nakaliligtaan natin na ang sangkatauhan ay wala nito sa malaking bahagi ng kaniyang pag-iral.
Sa pagsisimula ng dantaon, sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ang mga tagumpay ng siyensiya ay waring nangangako ng napakaraming kaalaman at kapangyarihan.” Ngunit ang mga pagsulong sa teknolohiya na nagawa noon ay hindi tinatamasa sa lahat ng dako sa katulad na sukat, ni ang lahat man nito ay maaaring uriin bilang maliwanag na kapaki-pakinabang. “Iilang tao,” sabi pa nito, “ang maaaring makita nang patiuna ang mga problema na maaaring dalhin ng mismong mga tagumpay na ito sa kanilang sosyal at natural na kapaligiran.”
Ano ang Sanhi ng mga Problema?
Walang kamalian ang matagpuan sa siyentipikong mga katotohanan na tutulong sa atin na lalong maunawaan ang sansinukob, ni may teknolohiya man tayo na sa praktikal na paraan ay gagamit sa siyentipikong mga katotohanan para sa pakinabang ng sangkatauhan.
Ang dalawang ito—ang siyensiya at teknolohiya—ay malaon nang nagtatamasa ng kaugnayan. Subalit sang-ayon sa aklat na Science and the Rise of Technology Since 1800, “ang kanilang malapít na kaugnayan, ngayo’y pamilyar, ay hindi lubusang natatag hanggang kamakailan lamang.” Maliwanag kahit na noong unang bahagi ng industriyal na pagbabago, ang ugnayan ay hindi gaanong
malapít. Samantalang ang bagong nakamit na siyentipikong kaalaman ay nakatulong sa paggawa ng bagong mga produkto, gayundin ang karanasan sa kagalingan, kasanayan sa mga gawaing pangkamay, at kadalubhasaan sa mekanikal na mga kagalingan.Gayunman, nang magsimula ang industriyal na pagbabago ang pagtitipon ng siyentipikong kaalaman ay bumilis, sa gayo’y gumagawa ng mas malawak na saligan kung saan maaaring gumawa ang teknolohiya. Punô ng bagong kaalaman, ang teknolohiya ay sumubok na gumawa ng mga paraan upang paginhawahin ang mabibigat na gawain, pagbutihin ang kalusugan, at pagyamanin ang isang mas mabuti, mas maligayang daigdig.
Subalit ang teknolohiya ay hindi na bubuti pa sa siyentipikong kaalaman na pinagbatayan nito. Kung ang siyentipikong kaalaman ay mali, anumang pagsulong sa teknolohiya na batay rito ay magiging mali rin. Kadalasan, ang masamang mga epekto ay makikita lamang pagkatapos na ito ay makagawa ng di-mumunting pinsala. Halimbawa, sino ang patiunang nakaunawa na ang pagpapakilala ng mga isprey na aerosol na gumagamit ng chlorofluorocarbon o mga hydrocarbon ay balang araw magsasapanganib sa pananggalang na ozone layer ng lupa?
Mayroon pa ring nasasangkot—ang motibo. Isang nakatalagang siyentipiko ay maaaring interesado sa kaalaman na gaya niyaon at maaaring handang gumugol ng mga dekada ng kaniyang buhay sa pananaliksik. Subalit isang negosyante, na maaaring mas interesado sa paghahangad ng mga pakinabang, ay sabik na gamitin kaagad ang kaalamang iyon. At sinong pulitiko ang matiyagang maghihintay ng mga dekada bago gamitin ang teknolohiya na inaakala niyang maaaring magbigay sa kaniya ng pulitikal na kapangyarihan kung gagamitin kaagad?
Kinilala ng pisikong si Albert Einstein ang problema nang kaniyang sabihin: “Ang hindi pa napakakawalang kapangyarihan ng atomo ay bumago sa lahat ng bagay maliban sa ating saloobin kaya tayo’y tinangay tungo sa walang katulad na kapahamakan.” (Amin ang italiko.) Oo, marami sa mga problemang gawa ng ika-20 siglong “magic” ay bumangon hindi lamang dahil sa may pagkakamaling siyentipikong kaalaman kundi dahil din naman sa mabilis at hindi masupil na teknolohiya na inudyukan ng masakim na mga interes.
Bilang halimbawa, natuklasan ng siyensiya na ang tunog at paningin ay maaaring ihatid sa malalayong dako—telebisyon. Nagawa ng teknolohiya ang kinakailangang kaalaman na gawin iyon. Subalit isang maling saloobin sa bahagi ng masakim na komersiyo at mapaghanap na mga mamimili na gamitin ang kapansin-pansing kaalaman at teknolohiya sa paghahatid ng pornograpikong mga larawan at mararahas na tanawin ng pagdanak ng dugo sa mapayapang mga salas.
Sa katulad na paraan, natuklasan ng siyensiya na ang materya ay maaaring gawing enerhiya. Nagawa ng teknolohiya ang kinakailangang kaalaman kung paano ito gagawin. Subalit isang maling saloobin sa bahagi ng nasyonalistikong pulitika ang gumamit sa kaalaman at teknolohiyang ito sa paggawa ng mga bombang nuklear na nakabitin pa rin na gaya ng Tabak ni Damocles sa ulo ng pamayanang pandaigdig.
Pagpapanatili sa Siyensiya sa Kaniyang Dako
Pinatutunayan pa nito ang maling saloobin kung hahayaan ng tao ang mga kagamitang gawa ng teknolohiya na dinisenyo bilang mga alipin na maging mga amo. Ang magasing Time ay nagbabala
sa panganib na ito noong 1983 nang piliin nito, hindi ang karaniwang tao ng taon, kundi ang isang “makina ng taon,” ang computer.Ang Time ay nangatuwiran: “Habang ang mga tao ay umaasa sa computer upang gawin ang mga bagay na ginagawa nila sa loob ng kanilang mga ulo, ano ang nangyayari sa kanilang mga ulo? . . . Kung ang isang diksiyunaryo na iningatan sa memorya ng computer ay madaling maiwawasto ang anumang pagkakamali sa pagbaybay, ano pa ang silbi na mag-aral magbaybay? At kung ang isip ay napalaya sa intelektuwal na rutina, makikipagpaligsahan ba ito sa paghahanap ng mahahalagang idea o may katamarang gugugulin nito ang panahon sa higit pang laro sa video? . . . Talaga bang ginaganyak ng computer ang gawain ng utak o, dahil sa paggawa ng marami sa mga gawain nito, hinahayaan nito ang utak na maging tamad?”
Gayunpaman, ang ilang tao ay hangang-hanga sa mga nagawa ng siyensiya anupat itinataas nila ang siyensiya sa pagkadiyos. Tinalakay ito ng siyentipikong si Anthony Standen sa kaniyang aklat noong 1950 na Science Is a Sacred Cow. Kahit na kung pahihintulutan natin ang posibleng pagmamalabis, si Standen ay may punto: “Kapag ang isang siyentipikong nakadamit ng puti . . . ay gumagawa ng paghahayag sa madla sa pangkalahatan, siya ay maaaring hindi maunawaan, subalit sa paano man siya ay tiyak na paniniwalaan. . . . Ang mga estadista, industriyalista, ministro ng relihiyon, lider sibiko, pilosopo, ang lahat ay kinukuwestiyon at pinupuna, subalit ang mga siyentipiko—nungka. Ang mga siyentipiko ay matataas na tao na nakatayo sa pinakatuktok ng popular na kabantugan, sapagkat mayroon silang monopolyo sa pormula na ‘Ito’y siyentipikong napatunayan . . . ’ na waring nag-aalis sa lahat ng posibilidad ng pagtutol.”
Dahil sa maling saloobing ito, sinusunggaban ng ilang tao ang waring pagkakasalungatan sa pagitan ng siyensiya at ng Bibliya bilang patotoo ng siyentipikong “karunungan” kung ihahambing sa relihiyosong “pamahiin.” Nakikita pa nga ng ilan sa tinatawag na mga pagkakasalungatang ito ang patotoo tungkol sa hindi pag-iral ng Diyos. Gayunman, sa katotohanan hindi ang Diyos ang hindi umiiral kundi bagkus ang guniguning mga pagkakasalungatan na ginawa ng mga klerigo sa pamamagitan ng maling interpretasyon ng kaniyang Salita. Kaya iniinsulto nila ang banal na Awtor ng Bibliya at kasabay nito ay gumagawa sila ng kapinsalaan sa patuloy na paghahanap ng tao sa siyentipikong katotohanan.
Karagdagan pa, dahil sa hindi pagsasanay sa mga miyembro ng kanilang parokya na magsagawa ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, pinagyayaman ng mga lider na ito ng relihiyon ang kapaligiran ng kasakiman na nagpapangyari sa mga tao na mag-isip lamang tungkol sa kanilang sariling mga naisin para sa personal na kaalwanan at ginhawa. Ito ay kadalasan nang sa kapinsalaan ng iba, hanggang sa punto pa na gamitin sa maling paraan ang siyentipikong kaalaman upang patayin ang mga kapuwa tao.—Galacia 5:19-23.
Ang huwad na relihiyon, di-sakdal na pulitika ng tao, at ang masakim na komersiyo ang humubog sa mga tao sa kung ano ang kinalabasan nila sa ngayon, “mga maibigin sa kanilang sarili, . . . walang utang na loob, . . . walang pagpipigil sa sarili,” maka-ako na nauudyukan ng isang maling saloobin.—2 Timoteo 3:1-3.
Ito ang mga tao at mga organisasyon na lumikha ng mga hamon sa ika-21 siglo na doon ang siyensiya ay tinatawag upang tugunan ang mga ito. Magtagumpay kaya ito? Basahin ang sagot sa huling bahagi ng seryeng ito sa aming susunod na labas.
[Talababa]
a Halimbawa, karamihan ng pananaliksik para sa Proyekto ng Manhattan, ang U.S. crash program na gumawa ng bomba atomika, ay ginawa sa mga laboratoryo sa pananaliksik ng University of Chicago at sa University of California sa Berkeley.
[Blurb sa pahina 20]
Kung ang siyentipikong kaalaman ay mali, anumang pagsulong batay rito ay magiging mali rin
[Blurb sa pahina 22]
Hindi lahat ng mga nagawa ng siyensiya ay kapaki-pakinabang
[Picture Credit Lines sa pahina 19]
Mula sa mga Koleksiyon ng Henry Ford Museum & Greenfield Village
NASA photo