Talaga Bang Makapipinsala sa Iyo ang Musika?
Talaga Bang Makapipinsala sa Iyo ang Musika?
ISIP-ISIPIN ito: Isang kakilala sa trabaho ang nag-anyaya sa iyo sa isang hapunan sa kaniyang tahanan. Tinanggap mo ito. Habang lumilipas ang gabi, nalalaman mo ang maraming nakagugulat na mga bagay tungkol sa iyong maypabisita. Siya ay sadista, nagpapakita ng hilig na magpakamatay, gumagamit ng bulgar na pananalita, at nagtataguyod ng pagsamba sa Diyablo. Ngayon, gugustuhin mo bang gumugol ng isa pang gabi na kasama niya? “Hindi!” sagot mo.
Isa pa, kumusta kung inirekord ng kakilalang ito ang kaniyang baluktot na mga paniwala at saloobin nang gabing iyon at ibinigay sa iyo ang tape? Ilalantad mo ba ang iyong sarili sa paulit-ulit na pagpapatugtog nito? Malamang na hindi.
Gayunman, ang totoo ay na angaw-angaw sa ngayon ang naglalantad ng kanilang mga sarili sa ganitong paraan. Bunga nito, sinusunod ng marami na nakikinig sa ganitong musika ang pag-iisip at gawi na hinihimok nito.
Anong musika ang tinutukoy namin? Ang nakasasamang impluwensiya ay maaaring masumpungan sa halos anumang istilo ng musika. Ang naiibigan man ng isa ay ang klasikal, jazz, o iba pang uri ng musika, kailangang maging maingat at mapamili.
Gayunman, may ilang anyo ng musika kung saan ang lubhang hindi kanais-nais na mga paksa ay detalyadong itinatampok. Ito’y naghaharap ng isang natatanging hamon. Inilalarawan ng U.S.News & World Report ang pangunahing tema ng musikang heavy metal bilang “nihilismo [pagtatatuwa sa mga pulitikal o relihiyosong kapangyarihan] ng mga tin-edyer, kumpleto na may saganang dosis ng marahas na sekso at paminsan-minsang kaisipan ng pagpapatiwakal.” Binabanggit ni Dr. David Elkind ang ilang pangkat ng rock na “gumagawi nang napakasama kung tungkol sa mahalay na pananalita at paggawi anupat sinisiraan nila ang buong industriya ng musikang rock.” Sa ilang dako ang ilang plaka o tape na mga album ay nilagyan pa nga ng babala tungkol sa malaswang nilalaman nito.
Labis-labis lamang ba ang reaksiyon ng mga tao sa musika na hindi nila gusto, o mayroon nga bang tunay na dahilan upang mabahala? Ating maingat na suriin ang ilang musikang rock na ngayo’y nakararating sa malaking bahagi ng publiko sa pamamagitan ng mga plaka o tape, mga videong musika sa telebisyon, at aktuwal na napapanood na mga konsiyerto. Suriin kung paano apektado nito ang mga tao. Saka ninyo hatulan kung baga ang paglilibang na ito ay hindi nakapipinsala o lason sa isipan. Isa ba itong bagay na dapat makasama o malantad ka at ang iyong pamilya?