Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahilingan ni Joshua

Ang Kahilingan ni Joshua

Ang Kahilingan ni Joshua

NOONG Marso 6, 1992, napag-alaman ng pamilyang Wood na ang kanilang pinakabatang miyembro, ang pitong-taóng-gulang na si Joshua, ay may malubhang uri ng leukemia, isang nagbabanta-buhay na sakit. Ang kuya ni Joshua, edad 16, at ang kaniyang ate, edad 19, ay buong-panahong mga ministro (payunir) ng mga Saksi ni Jehova, na gaya ng kaniyang ama. Ang isa pang kapatid na lalaki ni Joshua ay sampung taon.

Upang gamutin ang sakit ni Joshua, agad na sinimulan ang matinding chemotherapy. Ang isang masamang epekto ay ang pagkawala ng gana, kaya lagi nang isang pakikipagpunyagi na pakanin si Joshua. Noong Hulyo ang buong pamilya ay nagpasiyang sama-samang dumalo sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Lafayette, Louisiana, E.U.A., na hindi kalayuan sa kanilang tahanan sa Winnfield. Samantalang naroroon, ang kalagayan ni Joshua ay lumala, at noong Sabado ng umaga siya ay dinala sa isang emergency room ng ospital. Pagkatapos ng kombensiyon siya ay dinala ng kaniyang mga magulang sa ospital sa New Orleans, kung saan regular siyang nagpapagamot.

Samantalang ang pamilya ay nasa New Orleans, sinabi ng isang social worker sa nanay ni Joshua, si April, ang tungkol sa isang programa na tumutupad sa mga kahilingan ng mga batang may malalang karamdaman. Isang aplikasyon para sa programa ang iniwan kay April, at sinagutan nila ito, siya at ang kaniyang asawa, si Paul. Nang si Joshua ay dalhin muli sa New Orleans noong katapusan ng Agosto para sa kaniyang regular na buwanang check-up, si Jim, isang lalaking kumakatawan sa programa, ay dumating upang makipag-usap kay Joshua tungkol sa kaniyang kahilingan.

“Gusto kong pumunta sa New York,” sabi ni Joshua.

Yamang kadalasang gusto ng mga batang magpunta sa ilang uri ng parkeng libangan, nagtataka si Jim kung bakit gusto ni Joshua na magpunta sa New York. “Gusto kong makita ang Samahang Watchtower,” sagot ni Joshua.

“Ano iyon?” tanong ni Jim.

“Alam mo, doon nila ginagawa ang mga magasin, Bibliya, aklat, at mga pulyeto.”

Ipinaliwanag pa ni April kay Jim ang tungkol sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova at ang gawaing paglalathala na ginagawa roon. “Ang aking kapatid na lalaki ay dumadalaw roon ngayon,” sabi ni Joshua, “at gusto kong pumunta roon na kasama ng aking buong pamilya.”

Pagkatapos malaman na may anim na miyembro sa pamilya, tinanong ni Jim kung baka gusto ni Joshua na magtungo sa halip sa Disney World sa Florida. Tiyak ni Joshua na ang gusto niyang puntahan ay ang New York. Ipinaliwanag ni Jim na hindi niya alam kung ang kahilingan niya ay maaaring matupad ngunit aalamin niya ito. Tinanong ni Jim si Joshua kung ano ang pangalawa niyang kagustuhan.

“Isang IBM na computer,” sagot ni Joshua.

“Bakit IBM?” nais malaman ni Jim.

Sinabi ni Joshua na upang makuha niya ang Bibliya sa diskette mula sa Samahang Watch Tower. (Batid ni Joshua na ang diskette ng Bibliya ay para sa katugmang IBM na mga computer.) Pagkatapos ay nagtanong na muli si Jim: “Tiyak bang ayaw mong magpunta sa Disney World?”

“Tiyak ko po,” sabi ni Joshua.

Pagkaraan ng ilang araw, si Jim ay bumalik upang sabihin kay Joshua na ang kaniyang kahilingang magpunta sa New York na kasama ng kaniyang pamilya ay ipinagkaloob. “Si Josh ang uri ng bata na nananatiling mahinahon tungkol sa mga bagay na nakatutuwa sa karamihan ng mga tao,” sabi ng kaniyang ina, “ngunit ako’y talagang tuwang-tuwa!”

Noong Setyembre 30 ang pamilyang Wood ay lumipad sakay ng eruplano mula sa New Orleans tungo sa New York City. Walang sinuman ang dating nakadalaw sa mga pasilidad ng Watchtower maliban kay Buddy, ang panganay na lalaki, na nagpunta roon mga ilang linggo lamang ang nakalipas. Silang anim ay pinatuloy sa Ramada Inn motel sa Manhattan, New York, at pinaglaanan ng paglilingkod ng limousine patungo sa mga gusali ng shipping, imprentahan, opisina, at tuluyan sa kabila ng East River sa Brooklyn.

Sa loob ng dalawang araw na sila ay naroon, ang pamilya ay tumanggap ng may kasamang giya na paglibot sa mga pasilidad ng punong tanggapan. Isang araw ay nilibot nila ang mga gusali ng tanggapan at ang limang-gusaling pagawaan. Kinabukasan, dinalaw nila ang 90,000-metro-kudradong gusali na kinaroroonan ng shipping, tape duplicating, at iba pang gawain, nilibot din nila ang ilan sa 21 gusaling tuluyan na tinutuluyan ng mahigit na tatlong libong boluntaryo. Noong panahon ng pagtigil ng pamilya, isang pantanging kaayusan ang ginawa upang sila ay masiyahan sa tatlong pagkain na kasama ng mga kawani sa punong tanggapan, na kumain sa isa sa sampung silid kainan.

Noong Oktubre 3 ang pamilya ay umarkila ng isang kotse at naglakbay ng halos sandaa’t animnapung kilometro pahilaga upang dalawin ang Watchtower Farms. Nilibot nila ang malaking gusaling palimbagan doon at nakita rin nila kung saan nanggagaling ang karamihan ng pagkain para sa mga kawani sa punong tanggapan. Noong hapon, dinalaw ng pamilya ang ginagawa pang Watchtower Educational Center, na matatagpuan malapit sa Patterson, New York, mga isang oras na biyahe mula sa Watchtower Farms, at pagkatapos ay bumalik sila sa New York kinagabihan.

Kinabukasan isang limousine ang nagdala sa kanila sa Paliparan ng Kennedy sa New York para sa kanilang pabalik na paglipad sakay ng eruplano patungong New Orleans. Ang kahilingan ni Joshua na makita “kung saan nila ginagawa ang mga magasin, Bibliya, aklat, at mga pulyeto” ay natupad. Ang pamilyang Wood ay taimtim na nagpapasalamat sa kaayusan na tuparin ang kahilingan ng isang batang may malubhang sakit para sa kanilang libre, nakapagpapatibay sa espirituwal na paglalakbay.

Pagkaraan ng ilang linggo, noong kalagitnaan ng Nobyembre, samantalang nasa ospital sa New Orleans para sa kaniyang buwanang pagpapagamot, si Joshua ay inanyayahang maging panauhin ng popular na country-and-western na mang-aawit na si Garth Brooks sa isa sa kaniyang mga pagtatanghal sa Monroe, Louisiana. Pagkatapos, nang si Joshua at ang kaniyang tatay ay anyayahan sa likuran ng entablado ni Mr. Brooks, niregaluhan siya ni Joshua ng isang kopya ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang tanungin ni Joshua si Mr. Brooks tungkol sa kalagayan ng kaniyang anak (siya ay may isang batang anak na babae), naantig ang damdamin niya sa interes ni Joshua.

Tiyak na nakagiginhawa kapag ang isang bata ay nababahala tungkol sa kapakanan ng iba, lalo na kapag ipinababanaag ng kaniyang mga pagpili ang interes sa espirituwal na mga bagay! Kung ikaw ay maaaring pagkalooban ng isang kahilingan, ang pipiliin mo ba ay yaong espirituwal na kapaki-pakinabang sa iyo at sa iba?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang dinalaw ni Joshua at ng kaniyang pamilya

Kanan: Watchtower Educational Center

Ibaba: Mga gusali ng opisina ng Watchtower

Kaliwa: Gusali sa 360 Furman, na kinaroroonan ng Shipping Department

Ibaba: Gusali ng pagawaan

Kaliwa: Watchtower Farms at gusali ng palimbagan