Awit ng Ibon—Isa Lamang Magandang Himig?
Awit ng Ibon—Isa Lamang Magandang Himig?
ANG malayong spotlight ay naghagis ng liwanag nito sa mga miyembro ng koro habang sila ay pumupuwesto, nadaramtang maayos para sa pagtatanghal. Sinanay mula sa pagkabata sa tradisyon ng pamilya, ang bawat isa ay umaawit nang walang kahirap-hirap. Ang ilan sa kanila ay lumilitaw pa ngang bihasa sa sining na kumatha karaka-raka, kusang lumilikha ng bago at kakaibang mga himig.
Saan ginaganap ang pagtatanghal? Hindi ito sa alinmang bantog-daigdig na bulwagang pangkonsiyerto. Bagkus, ang telon ng kadiliman ng gabi ay tumataas upang isiwalat ang napakaraming pagtatanghal ng mumunting may balahibong mga kinapal. Maraming uri ng ibong umaawit, sa mga punungkahoy, bakod, at mga kawad ng telepono, ang nagtutugma ng kanilang mga tinig sa isa sa pinakakasiya-siyang mga koro sa daigdig. Ang kanilang mga huni, malalambing na tono, sipol, at tulad-plautang mga tono ay nagbabadya ng isang masayang pagbati sa isang bagong araw.
Ngunit ito ay hindi lamang magagandang himig. May higit pa sa mga awit na ito ng ibon kaysa naririnig lamang. Bakit umaawit ang mga ibon? Ang mga awit ba ay may kahulugan? Paano natututuhan ng mga
ibon ang kanilang mga awit? Sila ba’y natututo kailanman ng bagong mga awit?Ang Natatagong mga Mensahe
Ang pinakamasayang paghaharana ay nangyayari sa umaga at gabi. Malamang na marinig mo ang karamihan ng mga tinig ng lalaki sa koro. Ang kanilang mensahe ay dalawa. Sa iba pang lalaki ito ay isang mahigpit na babala na huwag lalagpas sa mga hangganang teritoryo. Sa mga babae ito ay isang paanyaya mula sa karapat-dapat na mga binata. Ang mga ibong umaawit ay gumagawa ng kanilang sariling mga awit na panrehiyon, kahawig ng iba’t ibang punto sa pagsasalita ng isang wika. Ang pagkakakilanlang diyalekto ng awit sa pag-aasawa ay makaaakit sa mga babae mula lamang sa partikular na lugar ng mang-aawit. Ang pinakamalakas at masalimuot na pag-awit ay maririnig sa panahon ng pagpaparami—isang pagtatanghal upang pahangain ang mga babaing ibon.
Sa kaniyang himig, sinasabi ng mang-aawit ang kaniyang kinaroroonan sa kaibigan at gayundin sa kaaway. Kaya nga, makabubuting iwasan ng makulay na mga ibon at yaong mahilig sa malawak na mga lugar ang maingay na pag-awit na maaaring makatawag ng pansin. Sa kabilang dako, ang mahusay sa pagbabalatkayong mga ibon at yaong nakatira sa masukal na kagubatan ay maaaring umawit nang malakas, hangga’t gusto nila, na walang gaanong panganib na makita.
Kung minsan ang naririnig mo ay maaaring hindi ang tunay na awit ng aming mga kaibigang ibon kundi isa lamang maikling hudyat na pakikipag-alam sa pagitan ng mag-asawa o pagpapanatili sa isang kawan na magkakasama. Maaari rin itong babala na naghuhudyat ng napipintong panganib, o maaaring ito’y isang tawag upang magsama-sama para sa isang pagsalakay, upang dumugin ang isang pusa o iba pang manghihimasok. Sa pamamagitan ng kanilang mga tinig, ipinatatalastas ng mga ibon ang kanilang kalagayan—kung baga sila ay galit, takot, o balisa—gayundin ang kanilang kalagayan sa pag-aasawa.
Bihasa at Matalinong mga Musikero
Ang mga kakayahang pantinig ng mga ibong umaawit ay tunay na kapansin-pansin. Ang ilan ay maaaring umawit ng tatlo o apat na nota nang sabay. Ang iba ay nakagagawa ng hanggang 80 nota sa bawat segundo. Sa pandinig ng tao, ang mga tunog na ito ay parang isang patuloy na nota, subalit maaaring madistinggi ng mga ibon ang mga ito dahil sa kanilang matalas na pandinig.
Ang mga mananaliksik ay nagtataka kung baga ang mga ibon ay nakaririnig nang wasto at nabibigyan-kahulugan ang musika. Masasabi ba ng mga ibon ang kaibhan sa pagitan ng isang musikal na komposisyon ni Bach at ang “Rite of Spring” ni Stravinsky? Sinanay ng mga imbestigador ang apat na kalapati upang tukain ang isa sa dalawang disk upang kilalanin ang tamang kompositor at tumanggap ng isang gantimpalang pagkain. Di-nagtagal naririnig ng mga kalapati ang anumang bahagi ng 20-minutong piyesa ni Bach at pinipili ang tamang disk. Maliban sa maliliit na eksepsiyon, napipili nila nang tama kahit na ang musika na may kahawig na istilo ng ibang kompositor.
Ang ilang tropikal na mga ibon ay nakakakatha at nakapagtatanghal ng mga duweto. Wari bang ang isang pares ng mag-asawa ay magdaraos ng mga ensayo, mag-eeksperimento hanggang sa makagawa sila ng isang orihinal na komposisyon na binubuo ng mga pariralang inaawit nila nang sali-salisi, o sa paraang sagutan. Sila’y umaawit na may gayon na lamang katumpakan anupat sa isang di-sanay na tainga, para ba itong isang patuloy na awit na inaawit ng isang ibon. Maaaring awitin ng bawat pares ang alinmang bahagi ng parirala o gawin ang buong awit nang nag-iisa kung wala ang kapares nito. Ang pambihirang kakayahang ito ay maliwanag na tumutulong sa mga ibon sa masukal
na mga kagubatan na hanapin at kilalanin ang kanila mismong mga kapareha.Mga Kompositor at Manggagaya
Kung paano natututuhan at naiimbento ng mga ibon ang kanilang mga awit ay isang paksang sinusuri pa, subalit isang bagay ang tiyak: Ang kanilang mga paraan ng pagkatuto ay marami at iba-iba. Narito ang isang halimbawa ng iba’t ibang paraan ng pagkatuto na masusumpungan sa daigdig ng mga ibon.
Ang awit ng lalaking chaffinch ay bahagyang nakalagay na sa kaniyang utak sa panahon ng pagsilang. Kahit na kung palakihin ito na lubusang hiwalay sa iba pang ibon, ang kaniyang awit, bagaman hindi normal, ay magkakaroon pa rin ng gayunding bilang ng mga nota at kasinghaba pa rin ng pamantayang awit ng chaffinch. Gayunman, upang magawa nang tama ang huwaran dapat niyang marinig ang awit ng iba pang lalaking chaffinch bago siya umabot sa sapat na gulang, at dapat niyang marinig ito minsan pa sa susunod na tagsibol. Pagkatapos, tulad ng isang taong propesyonal na mang-aawit, dapat na masanay ng birtusong ibon ang kaniyang awit sa pamamagitan ng ensayo, ensayo, ensayo—sinusubok nang paulit-ulit upang mapantayan ng kaniyang may kabataang tinig ang himig na nasa isip niya.
Ang Oregon junco ay gagawa ng sarili nitong mga awit kung hindi nito naririnig ang katutubong awit. Subalit minsang marinig nito ang maliwanag at simpleng awit ng junco, hihinto ito sa pag-imbento at huhuni na katulad ng iba pa. Sa kabilang dako, ang pagkamapanlikha ng Arizona junco ay nagaganyak sa pagkarinig sa isang adultong junco. Hindi nito gagayahin ang naririnig nito kundi ito’y nauudyukang mag-imbento ng kaniyang sariling walang katulad na awit.
Ang pinakamatibay na ebidensiya na ang ilang awit ay henetikong nailagay sa utak ay ipinakikita ng “mga brood parasite.” Halimbawa, ang cuckoo ay nangingitlog sa mga pugad ng ibang uri ng ibon, na gumaganap bilang nag-ampong mga magulang. Pagpisa nito, paano nalalaman ng maliit na cuckoo na hindi siya katulad ng kaniyang ama-amahan at na hindi siya dapat umawit na kagaya niya? Tiyak na ang awit ng cuckoo ay naikintal nang husto sa utak nito sa panahon ng pagsilang.
Kaya sa maraming kaso, ang awit ng ibon ay maliwanag na bunga ng henetiko. Kahit na kung hindi kailanman matutuhan ng isang ibon ang sarili nitong katutubong awit, hindi nito basta gagayahin at susundin ang awit ng ibang uri ng ibon. Iminumungkahi ng ilang mananaliksik na isang malabong huwaran ng katutubong awit ay nasa utak at makikilala ng ibon kung ano ang naririnig nito at ginagaya ang tunog na pinakamalapit ang pagkakahawig sa huwaran.
At anong kahanga-hangang utak mayroon sila! Ang siyentipikong si Fernando Nottebohm ay gumawa ng nakagugulat na tuklas na ang mga utak ng mga ibong umaawit ay lateralized, yaon ay, ang pagkakaayos nito ay ayon sa kaliwa at kanang panig, bawat isa ay may kaniyang sariling partikular na gawain. Ibinukod rin niya ang kakayahang matuto-ng-awit sa isang pantanging dako sa utak ng ibon. Sa lumalaking lalaking kanaryo, ang bahaging ito ay aktuwal na lumalaki at lumiliit depende sa pangangailangan nitong matuto ng bagong mga himig para sa dumarating na panahon ng pag-aasawa. Ang mga kanaryo ay nagsisikap na umawit nang maaga sa buhay, subalit kahit na ang mga dalubhasang ito ng awit ay hindi nagkakamit ng propesyonal na katayuan hanggang umabot sa walo o siyam na buwang gulang.
Ang iba pang mga ibong umaawit ay nagdadalubhasa sa paglikha ng iba’t ibang tema, hinihiram ang dati nang awit at pinagbubuti ito o binabago ang ayos ng mga nota o yunit nito. Ang mga ibong manggagayang iyon ay malaon nang tampulan ng aming paghanga, lalo na ang mga ibong iyon na ginagamit ang kanilang mga kakayahan na “magsalita,” o gayahin ang mga tinig ng tao. Kabilang sa manggagayang mga mang-aawit sa daigdig ng mga ibon ang lyrebird ng Australia, ang marsh warbler at ang martines ng Europa, at ang dilaw-dibdib na chat at ang mockingbird ng Hilagang Amerika. Ang huling banggit ay maaaring magkaroon ng dose-dosenang awit sa kaniyang talaan ng mga kasanayan, kabilang pa nga ang pagtulad sa isang palaka o isang kriket. Oo, nakaiintrigang makinig sa masayang medley ng mockingbird na halaw mula sa kilalang mga klasiko sa kaharian ng mga ibon.
Kapag inaawit ng mga kinapal na itong may pakpak ang kanilang magagandang himig, ikaw ay hindi lamang makaririnig kundi ikaw rin ay maaaring makinig nang may pagpapahalaga. Ang pagtatanghal bukas ay magsisimula nang napakaaga. Pakikinggan mo ba ito?
[Kahon sa pahina 19]
Isang Pamilyar na Huni
Napansin ng isang siyentipiko sa Britaniya ang isang pamilyar na huni ng isa sa mga awit ng ilang umaawit na pipit. Inirekord niya ang awit at sinuri ito sa paraang elektroniko. Sa kaniyang pagtataka, kahawig na kahawig ito ng elektronikong tunog ng modernong telepono na gamit sa maraming tahanan sa Britaniya, ipinamamahagi ng Telecom, ang kompanya ng telepono sa Britaniya. Maliwanag, narinig ng mga ibong umaawit ang himig, natutuhan ito, at idinagdag ito sa kanilang talaan ng mga kakayahan. Maaaring patakbuhin ng nanghaharanang mga pipit ang ilang walang kamalay-malay na mga Britano na sagutin ang telepono.
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
Camerique/H. Armstrong Roberts
T. Ulrich/H. Armstrong Roberts