Buhay May-asawa—Ginagawa Itong Mas Maligaya
Buhay May-asawa—Ginagawa Itong Mas Maligaya
Ano ang maaaring gumawa sa pag-aasawa na matagumpay?
Kaninong patnubay ang maaaring umakay sa kaligayahan sa pag-aasawa?
Paano malulutas ang mga problema sa komunikasyon?
NAIMPLUWENSIYAHAN ng mga aklat na binasa nila tungkol sa kalayaan ng mga babae, si Yasuhiro at ang kaniyang nobya, si Kayoko, ay nagsimulang magsama, inaakala nilang mabubuwag nila ang kanilang relasyon sa anumang panahon. Tanging nang magdalang-tao si Kayoko na ginawa nilang legal ang kanilang pag-aasawa. Gayunman, si Yasuhiro ay patuloy na nagkaroon ng mga alinlangan tungkol sa kaayusang pampamilya. Nang dumating ang mga problema sa pananalapi at ang pagkadama na sila ay hindi magkasundo, wala nang makahahadlang pa sa kanila mula sa pagdidiborsiyo.
Mga ilang panahon pagkatapos ng kanilang diborsiyo, at lingid sa kaalaman ng bawat isa, kapuwa si Yasuhiro at si Kayoko ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, nalaman ng bawat isa ang tungkol dito at nakita ang mga pagbabagong ginawa sa buhay ng isa sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Sila ay nagpasiyang magpakasal na muli. Ngayon, dahil sa kanilang maka-Diyos na pangmalas sa pag-aasawa, handa silang gumawa ng mga sakripisyo upang lutasin ang kanilang mga problema.
Ano ang gumawa sa kanilang ikalawang pag-aasawa na matagumpay? Ito’y ang kanilang paggalang sa Tagapasimuno ng pag-aasawa. (Genesis 2:18-24) Ang patnubay na ibinibigay ng pinakamakaranasang tagapayo sa pag-aasawa, ang Diyos na Jehova, ang susi na nagbubukas sa pinto sa kaligayahan sa pag-aasawa.
Ang Susi sa Kaligayahan sa Pag-aasawa
Ang mga problema sa pag-aasawa ay maaaring malutas at ang mga pag-aasawa ay maililigtas kung ikakapit kapuwa ng asawang lalaki at babae ang sinabi ni Jesu-Kristo: “ ‘Iibigin mo si Jehova mong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang pangalawa, na katulad nito, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Mateo 22:37-39) Narito ang susi sa kaligayahan sa pag-aasawa. Dapat ibigin ng kapuwa asawang lalaki at babae si Jehova bago ibigin ang kanilang sarili o ang isa’t isa. Ang kaugnayang ito ay maihahambing sa isang tali na may tatlong ikid. “Kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nag-iisa, ang dalawa ay makalalaban sa kaniya. At ang panaling tatlong ikid ay hindi mapapatid na madali.”—Eclesiastes 4:12.
Yamang ang pag-ibig sa Diyos ay nangangahulugan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, dapat unahin ng asawang lalaki at babae sa kanilang buhay ang kaniyang mga kautusan at simulain tungkol sa paggawi ng tao. Sa paggawa ng gayon sila ay gumagawa ng isang panaling tatlong ikid na doon ang pinakamatibay na sinulid ay ang kanilang pag-ibig kay Jehova. At “ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat,” sabi ng 1 Juan 5:3.
Ito ay humahantong sa pagmalas sa pag-aasawa bilang isang permanenteng kaayusan. (Malakias 2:16) Taglay ang gayong pundasyon sa kanilang pag-aasawa, ang mag-asawa ay mapakikilos na lutasin ang kanilang mga problema sa pag-aasawa sa halip na talikuran ang mga problema sa pamamagitan ng pagdidiborsiyo.
Pagpapakita ng Pag-ibig sa Iyong Pinakamalapit na Kapuwa
Upang magkaroon ng isang permanenteng buklod sa iyong kabiyak, kailangang palakihin mo angFilipos 2:2-4.
iyong pag-ibig sa kaniya, ang iyong pinakamalapit na kapuwa. Ang pag-ibig na ito ay dapat na hindi masakim. Pansinin kung paano hinihimok ng Bibliya ang simulaing ito: “Magkaroon kayo ng iisang pag-ibig, yamang nagkakaisa ng kaluluwa, na may iisang kaisipan, na hindi ginagawa ang anuman nang may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi nang may kababaang-loob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo, na tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.”—Totoo, mahirap na gumawa ng anuman nang walang pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili sa masakim na daigdig na ito. Kung ang iyong kabiyak ay hindi nangunguna sa pagpapakita ng pag-ibig, lalo pang mahirap ang pagpapakita ng kawalang-pag-iimbot; subalit sa pagpapakita ng kababaang-loob, itinuturing na ang iyong kabiyak ay nakahihigit sa iyo, masusumpungan mong mas madaling pag-isipan ang mga kapakanan ng iyong kabiyak. Tayo ay pinapayuhan ng Bibliya na magkaroon ng kaisipan na taglay rin ni Kristo Jesus. Siya ay isang makapangyarihang espiritu, subalit siya’y “nag-anyong alipin,” naging tao. Hindi lamang iyan, kundi nang siya ay nasa lupa, siya “ay nagpakababa at nagmasunurin hanggang kamatayan,” sa ikapagpapala kahit ng mga taong hindi tumanggap sa kaniya. (Filipos 2:5-8) Sa pagpapakita ng saloobing ito, nahikayat ni Jesus ang mga puso ng maraming sumasalansang, at sa pagtulad kay Jesus, gayundin ang nagawa ng kaniyang mga tagasunod. (Gawa 6:7; 9:1, 2, 17, 18) Gayundin ang maaaring mangyari sa iyo. Kung mamalasin mo ang iyong kabiyak na nakahihigit sa iyo at sa pagtingin sa sariling kapakanan ng iyong kabiyak, maaaring unti-unti mong mahikayat ang kaniyang puso.
Gayunman, ang pagmalas sa iyong kabiyak na nakahihigit ay hindi nangangahulugan ng pagsasawalang-kibo ng asawang babae sa kalupitan ng asawang lalaki, gaya ng kalagayan sa Silangan. Dapat malasin kapuwa ng asawang lalaki at babae ang bawat isa na nakahihigit sa diwa na ang bawat isa ay handang gumawa ng mga sakripisyo para sa isa. Kapag pinag-uusapan ng mag-asawa ang kanilang mga problema taglay ang kababaang ito ng isip, nagpapakita ng walang-imbot na interes sa isa’t isa, at sinusunod ang payo ng Diyos, sila ay patungo na sa paglutas ng kanilang mga problema. Ating isaalang-alang ngayon ang ilan sa payo ng Diyos.
Hayaang “Huwag Madungisan ang Higaan ng Mag-asawa”
Taglay ni Jehova, na nagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa, ang plano para sa wastong kaugnayan sa pagitan ng isang lalaki at ng kaniyang asawang babae. Nang tanungin kung naaayon ba sa batas na hiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa sa lahat ng kadahilanan, sinabi ni Jesu-Kristo:Mateo 19:3-9.
“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Ipinakita niya na may isa lamang lehitimong saligan para sa diborsiyo at pag-aasawang-muli sa pagsasabi pa: “Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Ang pakikipagtalik sa hindi asawa, kahit na kung isinasagawa sa ngalan ng pag-ibig, ay hindi maibigin, para sa asawa at sa kalaguyo. Isang lalaki sa sentro ng Hapón ay nakikipagtalik sa ilang babae maliban sa kaniyang asawa. Ang kaniyang asawa ay naging mapaghinala at nasiphayo. Nakaharap ng kanilang pag-aasawa ang isang problema. Saka dumating ang araw nang sabihin sa kaniya ng isa sa kaniyang mga mangingibig na ipaaalam niya ang kanilang relasyon sa kaniyang asawang babae at hiniling na siya ay pakasalan ng lalaki. “Ang gayong mga kaugnayan ay hindi nagpapaligaya sa sinuman,” gunita niya na may pagsisisi. Umahon siya mula sa lusak na ito pagkatapos lamang na masaktan ang lahat na kasangkot. Ang pamantayan ng Bibliya tungkol sa bagay na ito ay maliwanag. “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Sa pagsunod sa utos na ito, naiiwasan ng isa ang mga sakit na naililipat ng pagtatalik, alalahanin sa pag-aasawa, at kaigtingan ng inililihim na bawal na pag-iibigan.
Mga Lalaki, Ibigin at Mahalin ang Inyu-Inyong Asawa
Ang simulain ng pagkaulo sa loob ng pamilya ay ibinalangkas na rin ng Diyos. “Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon,” sabi ng Efeso 5:22, 23. Ang pagkakapit ng payong ito ay hindi madali. “Ito ay isang ga-bundok na hamon para sa akin,” sabi ni Shoko, na inaagaw ang karapatan ng kaniyang asawang lalaki na gumawa ng pangwakas na mga pasiya. Inaakalang ang isang lalaki ay dapat na bumili ng isang bahay pagdating niya sa gulang na dakong huli ng 20’s, pinilit niya ang kaniyang mister na bumili ng bahay na nasumpungan na niya. Gayunman, nang malaman niya ang mga simulain sa Bibliya na nasasangkot, nagkaroon siya ng ibang opinyon tungkol sa kaniyang asawa. Kapag minalas sa tamang perspektiba, kung ano sa wari ay walang kibo at hindi lalaking katangian ay sa katunayan pang-unawa, kababaang-loob, at kaamuan.
Ang simulaing ito ay humihiling sa mga asawang lalaki na magkaroon ng kabatiran na sila ay nasa ilalim ng mas mataas na awtoridad ni Kristo Jesus. (1 Corinto 11:3) Palibhasa’y nasa ilalim ng awtoridad ni Kristo, iibigin at mamahalin ng lalaki ang kaniyang asawa na gaya ng pag-ibig ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Efeso 5:28-30) Sa gayon, maalalahaning isasaalang-alang ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang mga damdamin, kagustuhan, at mga limitasyon ng kaniyang asawang babae bago gumawa ng mga pasiya.
“Timplado ng Asin”
Si Hisako ay may problema sa pakikipag-usap sa kaniyang mister. Kailanma’t subukin niyang ipakipag-usap sa kaniya ang isang bagay, iiwasan niya ang diskusyon sa pagsasabing: “Bahala ka.” Gunita ni Hisako: “Inaakala kong ang kakulangan ng pagkagiliw sa bahagi ko ang dahilan ng aming problema. Marahil ay makabubuti kung ako’y nagsalita nang mas mahinahon.” Sa ngayon, napag-uusapan na nilang mag-asawa ang mga bagay-bagay na may ngiti sa kanilang mga mukha. Ang pagbabago ay dumating mula nang ikapit ni Hisako ang sumusunod na payo: “Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin, upang inyong maalaman kung paano dapat ninyong sagutin ang bawat isa.” (Colosas 4:6) Kung paanong ang pagkaing timplado ng asin ay mas masarap, ang mga salitang pinag-isipang mabuti na binibigkas sa magiliw na paraan ay mas madaling tanggapin. (Kawikaan 15:1) Sa katunayan, sa pagiging makonsiderasyon sa iyong pagsasalita, ang hindi pagkakasundo sa pag-aasawa ay kadalasang maiiwasan.
Oo, ang pag-ibig sa Diyos na Jehova at paggalang sa kaniyang mga simulain ay talagang lumulutas ng mga problema. Ang pag-ibig kay Jehova ay nagpapakilos sa iyo na malasin ang iyong pag-aasawa bilang isang permanenteng buklod at tumutulong sa iyo na maging determinadong ingatan ito. Ang Diyos ay nagbigay ng tamang mga tuntunin na tutulong sa iyo na pakitunguhan ang lahat ng hindi pagkakasundo sa pag-aasawa at lutasin ang iyong mga problema, gaano man karami ang mga ito. Hindi, sa karamihan ng mga kaso ang diborsiyo ay hindi ang pinto sa isang mas maligayang buhay, kundi ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ang pinto sa isang mas maligayang buhay. Maaari mong buksan ang pintong iyon sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng iyong pag-ibig kay Jehova. Bakit hindi alamin ang higit pa tungkol sa kaniyang payo mula sa pinakamaaasahang aklat ng patnubay sa pag-aasawa, ang Bibliya?
[Kahon sa pahina 9]
Kapag ang Diborsiyo ay Isang Mapagpipilian
BAGAMAN ang Bibliya ay nagpapahintulot sa diborsiyo at pag-aasawang muli na ang saligan ay dahil sa pakikiapid, hindi kusang niwawakasan ng pangangalunya ang ugnayan sa pagitan ng asawang lalaki at babae. Ang asawang walang kasalanan ay may karapatang pumili kung siya ba ay kukuha ng isang diborsiyo o hindi.—Mateo 19:9.
Nakaharap ni Yasuko ang desisyong ito. Ibinahay na ng kaniyang mister ang kaniyang kerida. Sinisi si Yasuko ng kaniyang biyenang babae at ang sabi: “Kasalanan mo kung bakit ang aking anak ay gumagawi ng ganito.” Si Yasuko ay patuloy na nag-iiyak. Marami ang nagpayo sa kaniya, ngunit walang kumondena sa pangangalunya ng kaniyang asawang lalaki. Pagkatapos, ang nanay niya mismo, na nagsimulang mag-aral ng Bibliya, ay nagsabi sa kaniya: “Sa Bibliya, maliwanag na sinasabing ang pangangalunya ay masama.” (1 Corinto 6:9) Si Yasuko ay lubhang naginhawahan na malaman na mayroon pang isang pamantayan para sa mabuti at masama sa daigdig na ito sa ngayon.
Ngayon si Yasuko ay may mapagpipilian. Bagaman naisip niya na diborsiyuhin ang kaniyang asawa, nakita niya pagkatapos makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova na siya man ay may pagkukulang din. Kaya ipinasiya niyang subukin ang mga simulain ng Bibliya sa paglutas ng kaniyang mga problema. Sinimulan niyang ikapit ang mga ito. (Efeso 5:21-23) “Hindi ito madali,” gunita niya. “Paulit-ulit akong bumabalik sa dati kong gawi. Maraming beses akong nanalangin kay Jehova na umiiyak.” Nang siya ay magbago, unti-unti ring nagbago ang kaniyang asawa. Pagkalipas ng limang taon, niwakasan ng kaniyang mister ang kaniyang relasyon sa kaniyang kerida. Si Yasuko ay naghihinuha: “Ako’y kumbinsido na ang pagsunod sa Salita ng Diyos ay tunay na kapaki-pakinabang.”
[Kahon sa pahina 11]
Seksuwal na Di-pagkakasundo at Diborsiyo
BINABANGGIT ng maraming mag-asawa ang seksuwal na di-pagkakasundo bilang kanilang dahilan para sa diborsiyo. Binabanggit kung saan naroon ang problema, ang aklat na may kinalaman sa nagbabagong kaayusan sa pamilya sa ngayon, na pinamagatang Sekkushuaritii to Kazoku (Seksuwalidad at Pamilya), ay nagsasabi: “Ang kaayusan sa pag-aasawa na isa lamang asawa at ang impormasyon tungkol sa sekso na tigmak sa kahiligan sa sekso sa ngayon ay walang kaugnayan sa isa’t isa. Pinasásamâ ng pagdagsa ng impormasyon tungkol sa sekso ang Pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa at sinisira ang karaniwang pagmamahal. Inakay sa kasamaan hindi lamang ng pangangakal sa sekso kundi ng pornograpikong mga videotape at mga komiks na naglalarawan sa mga katawan ng babae bilang paninda ang mga pandamdam at puso ng tao. Kaya, ang mga asawang babae ay pinahihirapan [ng kanilang mga asawa] sa pamamagitan ng puwersahang pakikipagtalik sa kanila, at ang mga asawang lalaki na tinatanggihan ay nagiging inutil.”
Pinasásamâ ng imoral na mga publikasyon, video, at mga programa sa TV ang sekso. Hindi nito itinuturo kung ano ang pinagmumulan ng tunay na kasiyahan sa pag-aasawa. Sinisira rin nito ang pagtitiwala na dapat paunlarin ng asawang lalaki at babae upang magkaroon ng isang matagumpay na pag-aasawa. Ang Psychology Today ay nagsasabi: “Ang pagtitiwala ay nagpapangyari sa iyo na ipagkatiwala mo ang iyong kaloob-loobang damdamin at mga pangamba sa iyong kabiyak, nalalaman na ang mga ito ay maingat na pangangasiwaan. Bagaman ang mga damdamin ng pag-ibig o seksuwal na pagkapukaw ay maaaring sumidhi o tumamlay sa paglipas ng panahon, ang pagtitiwala ay hindi nagbabago.”
Ang matagumpay na buhay may-asawa ay hindi nakasalig sa sekso. Ganito ang sabi ng isang asawang babae na dumanas ng mahihirap na problema sa pag-aasawa: “Ang nakapagpatibay-loob sa akin nang lubos ay ang mga salita sa aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya: ‘Karaniwan na, kung ang lahat ng iba pang mga kaugnayan sa pag-aasawa ay mabuti, kung may pag-ibig, paggalang, mabuting pakikipagtalastasan at pagkakaunawaan, ang sekso ay bihirang maging isang suliranin.’” a
Ang tunay na nagpapalapít na buklod sa pagitan ng mag-asawa ay hindi ang sekso kundi ang pag-ibig. Ang pagtatalik kung walang pag-ibig ay walang saysay, ngunit ang pag-ibig ay maaaring umiral nang walang pagtatalik. Sa pamamagitan ng paglalagay sa sekso sa kaniyang dako, hindi ito ginagawang sentro ng kanilang buhay, matatamasa ng mag-asawa ang kanilang pagsasama at malulutas ang problema ng seksuwal na di-pagkakasundo.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 10]
Ang paggalang sa mga simulain ng Bibliya ay tutulong sa mag-asawa na malayang makipagtalastasan