Diborsiyo—Kung Saan Nagtatagpo ang Silangan at ang Kanluran
Diborsiyo—Kung Saan Nagtatagpo ang Silangan at ang Kanluran
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
“HAYAAN mong magretiro rin ako sa aking trabaho.” Ang mga salitang ito ay nakagulat sa isang ehekutibong magreretiro mula sa isang malaking kompanyang Hapones. Nais ng kaniyang asawang babae na magretiro sa pagiging kabiyak at maybahay niya. Ang kanilang bansa ay dumaranas ng biglang pagdami sa bilang ng mga diborsiyo nito, na nakagugulat, na nakaaapekto sa mga nasa kalagitnaang-gulang at mas matanda. Sa gitna niyaong mga nasa kanilang edad na mga 50 at 60, ang bilang ng mga diborsiyo ay dumami ng tatlong ulit sa loob ng 20 taon. Ang pagtalikod sa kanilang pag-aasawa ay waring naging ang kanilang huling pagkakataon upang humanap ng mas maligayang buhay.
Sa kabilang panig naman, ang mas nakababatang mga mag-asawa na nabigo ang pangarap sa isa’t isa noong panahon ng kanilang mga pulot-gata ay nagpasiyang magkaroon ng isang Narita rikon (diborsiyong Narita). Ang Narita ay ang internasyonal na paliparan ng Tokyo, at ang kataga ay tumutukoy sa mga bagong kasal na nagpapaalam sa isa’t isa at sa kanilang pag-aasawa pagbalik nila sa Narita. Sa katunayan, 1 sa 4 o 5 mag-asawa ang naghahangad ng diborsiyo sa Hapón. Minamalas nila ang diborsiyo bilang ang pinto sa isang mas maligayang buhay.
Kahit na sa Hong Kong, kung saan malakas pa rin ang dating mga pamantayang Intsik, ang dami ng diborsiyo ay mahigit pa sa doble ang idinami sa loob ng anim na taon sa pagitan ng 1981 at 1987. Sa Singapore, ang diborsiyo sa gitna ng mga Muslim at di-Muslim ay dumami ng halos 70 porsiyento sa pagitan ng 1980 at 1988.
Totoo, ang mga pangmalas ng kababaihan sa Silangan ay malaon nang sinupil. Halimbawa, noong unang mga panahon sa Hapón, maaaring diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa pamamagitan lamang ng “tatlo at kalahating linya” na sulat. Ang gagawin lamang niya ay isulat sa tatlo-at-kalahating linya ang isang pangungusap na nagpapatunay sa diborsiyo at iabot ang piraso ng papel sa kaniyang asawa. Sa kabilang panig naman, hindi madali para sa kaniyang asawang babae na kumuha ng diborsiyo maliban na lamang na manganlong sa isang templo na nag-aalok ng kanlungan sa mga babaing lumalayas sa mapang-aping mga asawa. Palibhasa’y walang kayamanan upang tustusan ang kanilang sarili, kailangang tiisin ng mga asawang babae ang mga pag-aasawang walang pag-ibig at kahit na ang kani-kanilang asawa ay may kinakasamang iba.
Sa ngayon, maraming asawang lalaki na abalang-abala sa kaniyang trabaho ang talagang pinababayaan ang kaniyang pamilya. Wala siyang nakikitang masama na ituring na pinakamahalagang bagay ang kaniyang kompanya. Taglay ang gayong debosyon sa trabaho, nakaliligtaan niya ang pangangailangan ng kaniyang asawa na kausapin at pakinggan at itinuturing siya bilang isang hindi bayarang katulong na nagluluto, naglilinis, at naglalaba para sa kaniya.
Gayunman, binabago ng pagdagsa ng Kanluraning mga idea ang pangmalas ng mga babae sa Silangan tungkol sa pag-aasawa at buhay may-asawa. “Ang ‘pagpapalaya’ sa mga babae,” sabi ng Asia Magazine, “ay pangunahing malaking salik na siyang dahilan ng dumaraming diborsiyo sa Asia.” Si Anthony Yeo, patnugot ng Counselling and Care Center ng Singapore, ay nagsabi: “Higit at higit na iginigiit ng mga babae ang kanilang mga karapatan at naging mas palaisip sa kanilang dangal. Hindi na nila tahimik na tinitiis ang isang masamang kalagayan. Ang mga babae sa ngayon ay may higit na karapatan ng pagpili at hindi gaanong mapagparaya sa pagkukulang at pagmamalabis. At ang diborsiyo ay isang tunay na mapagpipilian para sa mga hindi makasumpong ng kaligayahan sa pag-aasawa, lalo na kung ang kahihiyan na nauugnay sa diborsiyo ay nabawasan na at hindi na gaya ng dati mga 25 taon ang nakalipas.”
Ang Kanluraning mga bansa ay dumanas din ng malaking pagbabago sa nakalipas na dalawampu’t limang taon. Tinawag ni Samuel H. Preston ang pagbabago na “ang lindol na yumanig sa sambahayang Amerikano sa nakalipas na 20 taon.” Noong 1985 halos sangkapat ng lahat ng tahanan na may mga anak na wala pang 18 ay mga sambahayan na may isa lamang magulang, karamihan ay dahil sa diborsiyo. Hinuhulaan nito na 60 porsiyento ng mga batang ipinanganak noong 1984 ay maaaring mamuhay sa isang tahanan ng nagsosolong-magulang bago sumapit sa gulang na 18.
Palibhasa’y humihina ang institusyon ng pag-aasawa, ang diborsiyo nga ba ang pinto sa isang mas maligayang buhay? Upang sagutin ito atin munang suriin kung bakit minamalas ng mga tao ang diborsiyo bilang lunas sa lahat ng kanilang mga problema sa pamilya.
[Kahon sa pahina 4]
Isang Bunga ng “Live-In na Diborsiyo”
SA LIKURAN ng bilang ng aktuwal na mga diborsiyo ay nakakubli ang “tahimik” na mga diborsiyo. Sa Hapón, kung saan maraming babae ay umaasa pa rin sa kani-kanilang asawa sa kabuhayan at sakop ng nananatiling tradisyon ng pagdomina ng lalaki, ang mga mag-asawa ay maaaring atubiling namumuhay sa ilalim ng iisang bubong sa isang kondisyong tinatawag na “live-in na diborsiyo.” Sa ilalim ng gayong kalagayan, ang mga asawang babae ay nahihilig na ibuhos ang lahat nilang lakas sa pag-aalaga ng bata. Ang mga nanay na ito ay kadalasang sobra ang pangangalaga, ginagawang mahirap para sa mga bata sa dakong huli na tumayo sa kanilang sariling paa.
Bunga nito, kapag ang maka-inang mga anak na lalaking iyon ay lumaki at mag-asawa, marami sa kanila ang pinahihirapan ng “no-touch syndrome” (isang saloobin na ayaw ng mapagmahal na haplos). Hindi kailanman hinahaplos ng mga ito ang kani-kanilang asawang babae, kahit na pagkatapos ng ilang taon ng buhay may-asawa. Hinahanap-hanap nila ang pagpapalayaw ng kanilang mga ina at kadalasang nag-aasawa dahil sila’y inutusan ng kanilang mga ina na mag-asawa. Ayon sa Asahi Evening News, si Dr. Yasushi Narabayashi, na nagdadalubhasa sa pagpapayo sa pag-aasawa, ay nagsasabi na ang problema ay dumarami sa loob ng isang dekada at na sampu-sampung libo ng mga kalalakihan ang natatakot humingi ng payo dahil sa sila’y nahihiyang humingi ng payo.