Isang Pagsusuri sa mga Salamin sa Mata
Isang Pagsusuri sa mga Salamin sa Mata
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
BINABASA mo ba ito sa tulong ng mga salamin sa mata? Buweno, ikaw ay hindi nag-iisa. Mga 60 porsiyento ng populasyon sa Britaniya, halimbawa, ay gumagamit ngayon ng salamin sa mata.
Ang paggamit ng salamin sa gayon ay naging pangkaraniwan anupat kung magkokomento tungkol dito ang iyong mga kaibigan, malamang na ito ay dahil sa binago mo ang istilo ng frame o nagpasiya kang huwag isuot ito. Karamihan sa atin ay nasasanay sa ating mga salamin sa mata anupat ginagamit at inaalis natin ito nang hindi pinag-iisipan ang tungkol dito—maliban na lamang kung ito ay bumababa sa ating ilong o ang mga lente ay natatakpan ng singaw.
Gayunman, karamihan ng mga gumagamit ng salamin sa mata ay malamang na piliin ang 20/20 paningin kaysa sunod sa modang mga frame. Ang mga salamin sa mata ay maaaring maging sagabal. Gayunpaman, ang mga taong may mahihinang paningin ay natutulungan nang higit kaysa noon.
Unang mga Tulong sa Paningin
Upang makitang mas mainam ang mga laro ng gladiator, sinasabing ang Romanong emperador na si Nero ay nagpagawa ng isang lente na yari sa esmeralda—isang mamahalin at hindi mahusay na paraan ng pagpapabuti ng humihinang paningin. Noong unang panahon ang mga lente ay ginagawa rin mula sa salaming kristal, quartz, ametista, berilyo, at topacio. Gayunman, halos noong taóng 1268, inilarawan ng mongheng Ingles na si Roger Bacon kung paanong ang isang bahagi ng isang bilog na salamin ay maaaring gamitin bilang isang tulong sa pagbabasa. Halos kasabay nito, nagsimulang lumitaw ang unang mga salamin sa mata—mga frame na may di-pulidong mga lenteng nakalagay rito.
Sino ang unang nag-imbento nito—ang mga Italyano o ang mga Intsik? Ito ay pinagtatalunan, yamang ang aparato ay waring halos sabay na lumitaw sa dalawang bansa. Sa kabilang dako, isang libingan sa Florence, Italya, ang may nakasulat na ganito sa lapida: “Dito nakahimlay si Salvino d’Armato ng Armati ng Florence. Ang nag-imbento ng salamin sa mata. Patawarin nawa siya ng Diyos sa kaniyang mga kasalanan.” Walang nakatitiyak kung kailan siya namatay—1285, 1317, o 1340. Sa kabilang dako naman, nagunita ng dakilang manggagalugad
na Italyanong si Marco Polo ang pagkakita ng maraming tao sa Tsina na gumagamit ng mga salamin sa mata nang siya ay unang dumating doon noong dakong huli ng ika-13 siglo. Oo, sinasabi ng alamat na ang mga salamin sa mata ay maagang ginamit sa Tsina mula pa noong 500 C.E.Sa paano man, noong ika-16 na siglo, ang kalakalan patungkol sa mata ay lumalakas sa Venice, gayundin sa Nuremberg at sa iba pang sentro sa Europa. Ang mga salamin sa mata ay naging ang pinakahahangad na palamuti, ipinagbili sa maraming lungsod ng mga naglalako sa lansangan. Subalit sa aba, ang mga nagtitinda ay hindi nagbibigay ng pagsubok sa paningin sa kanilang mga paninda. Kaya maaaring mapabuti ng bumibili ang kaniyang hitsura ngunit hindi ang kaniyang paningin!
Mga Salamin sa Mata sa Ngayon
Ang mga salamin sa mata ay patuloy na bumuti. Ang mga ito ay ikinakabit sa tainga sa pamamagitan ng mga laso o sa ilong sa pamamagitan ng isang spring clip. Maaga noong ika-18 siglo, may nagpasimula sa idea na pagsuporta sa mga salamin sa mata sa pamamagitan ng matitigas na suporta na isinasabit sa likod ng tainga. Ito pa rin ang pinakapopular na paraan.
Malaki rin ang isinulong sa paggawa ng mga lente. Sa wakas ay pinalitan ng mataas-gradong salamin sa mata ang nanganganinag na mga kristal. Ang mga eksperimento ni Sir Isaac Newton noong ika-17 siglo sa mga prisma ay humantong sa pagkaunawa sa repraksiyon ng liwanag. Sa gayon ay magagawa nang may siyentipikong kawastuan ang tamang mga lente.
Noong 1784, naimbento ng Amerikanong estadistang si Benjamin Franklin ang isang mahusay na lunas sa problema niya sa kaniyang salamin sa mata. Ang kaniyang salamin sa pagbasa ay nakasasagabal sa kaniyang paningin sa malayo, at yaong salamin niya para sa malayong tingin ay hindi angkop na gamitin niya sa pagbasa. Kaya sa halip na palaging pagpalitin ang dalawang magkaibang pares ng mga salamin sa mata, nangatuwiran siya, bakit hindi pagsamahin ang dalawang uri ng lente sa isang pares ng salamin sa mata? Sa gayon ay naimbento ang mga doble bista. Gayunman, sandaang taon pa bago nagkaroon ng mahusay na paraan ng paggawa nito.
Iba’t ibang anyo ng salamin sa mata ay makukuha rin upang matugunan ang pantanging mga pangangailangan. Ang laminated o pinatibay na mga lente ay maaaring ilagay sa mga salaming pangkaligtasan upang ingatan ang mata ng mga manggagawa mula sa lumilipad na maliliit na butil. Ang ilang lente ay photosensitive: Kapag nalantad sa matinding liwanag ng araw, ito ay dumidilim, at kapag nasa lilim o nasa loob ng bahay, ito ay muling lumiliwanag. Gayunman ang ibang lente ay plastik, lubhang binabawasan ang bigat ng mga salamin sa mata at pinangyayaring maalwang gamitin ito ng mga taong may makakapal na lente.
‘Ako? Gagamit ng Salamin sa Mata?’
Gayunman, marahil ikaw ay isa sa mapapalad na pinagkalooban ng malinaw na paningin. Malamang na hindi sa habang panahon.
‘Sinasabi mo bang maaaring gumamit din ako ng salamin balang araw?’ tanong mo. Oo, malamang na gagamit ka nito, kahit na kung sa ngayon ikaw ay may mahusay na paningin. Bakit? Buweno, sa isang bagay, pagsapit mo sa gulang na 45 anyos—o mas matanda pa—malamang na mapapansin mo ang mga epekto ng presbyopia. Ngayon, huwag kang matakot sa salitang iyan. Ang ibig sabihin nito ay na ang mga lente ng iyong mata ay hindi kasinghusay na gaya noong iyong kabataan sa pagbabago ng pokus mula sa malapit na paningin tungo sa malayong tingin. Ang mga salamin sa mata ay isa lamang kabayaran ng pagtanda.
Nagsasalamin ba ang iyong mga magulang? Inaakala ng marami na ang mga problema sa paningin ay namamana. Kung gayon, malamang na ikaw ay magsalamin din balang araw.
Gayunman, sa kalaunan ang edad, mga gene, at mga nakaugalian ay maaaring magbunga ng nakapipinsalang epekto at pagmulan ng karaniwang mga karamdaman sa mata, gaya ng farsightedness (hyperopia), nearsightedness (myopia), astigmatismo (isang di-sakdal na kurba ng cornea), at pagkabanlag (strabismus). Kung ikaw ay pinahihirapan ng alinman sa nabanggit, makabubuting magpatingin sa isang espesyalista sa mata (gaya ng isang optikó). Pagkatapos ay pipili ka na lamang ng isang pares ng frame na gusto mo.—Tingnan ang kahon.
Pangangalaga sa Iyong Salamin sa Mata
Ang mga salamin sa mata ay maaaring maging mahal, at maaaring umasa ka rito sa pagsasagawa ng iyong pang-araw-araw na rutin. Kaya, pangalagaan ang mga ito. Kapag inalis mo ito, huwag na huwag mong ilalapag ito na ang mga lente ang nakababa. Gayundin, tiyakin na hindi mo ilalagay ito kung saan ito ay mauupuan o matatapakan. Ang mga salamin sa mata ay madaling dumumi, kaya ang mga lente ay dapat linisin araw-araw sa pamamagitan ng isang malambot, tuyong tela, at hugasan ang mga frame sa maligamgam, may sabong tubig sa pana-panahon. Kung may mga anak kang bata na gumagamit ng salamin sa mata, malamang na masusumpungan mo na ang kanilang mga salamin ay kailangang linisin nang mas madalas.
Kumusta naman kung ang iyong salamin ay hindi na pantay at hindi na angkop? Dalhin ito sa iyong optikó upang ayusin sa halip na pangahasan mong gawin ito sa ganang sarili.
Sa pamamagitan ng wastong pangangalaga, makukuha mo ang mabuting paglilingkod mula sa iyong mga salamin sa mata. Oh, ang mga ito ay maaari pa ring maging isang maliit na sagabal paminsan-minsan, subalit pinabubuti nito ang iyong paningin—at marahil pati na ang iyong hitsura. Tiyak na iyan ay sulit sa kaunting sagabal, di ba?
[Kahon sa pahina 22]
Mga Salamin sa Mata at ang Uso
‘Sisirain lang ng salamin ang hitsura ko!’ sabi ng marami nang sila ay sabihang kailangan nilang gumamit ng mga salamin sa mata. Gayunman, mabisang ikinapit ng mga fashion designer ang kanilang talino sa pagdisenyo ng salamin sa mata anupat ang isang pares ng salamin sa mata ay maaaring maging isang magandang palamuti.
Sa isang bagay, sinamantala ng mga gumagawa ng frame ang bagong magaang, matibay na mga plastik, gumagawa ng mapagpipiliang kulay at laki na halos walang katapusan. At, sa paggamit ng high-refractive-index glass, posibleng gawing manipis ang matataas na gradong lente. At kapag pinahiran ng isang antireflection film, ang mga lente ay nagiging halos di-nakikita.
Kung ikaw ay mahilig sa uso, maaari kang pumili ng mga frame ng salamin na parang dagdag na gamit sa iyong kasuutan. Inirerekomenda ng isang brosyur na gawa ng Optical Information Council (Britaniya) na piliin mo ang mga frame na babagay sa hugis ng iyong mukha, pinatitingkad ang magagandang bahagi samantalang ikinukubli ang hindi magagandang bahagi. Halimbawa, gusto mo bang magtinging hawas ang iyong mukha? Kung gayon, sabi ng brosyur, piliin ang mga frame na may kulay sa bridge, pumupusyaw ang kulay sa tabi. Magkalapit ba ang iyong mga mata? Kung gayon piliin mo ang mga frame na may malinaw na bridge at may kulay sa gilid. Subukin ang iba’t ibang istilo, at pag-aralan ang iba’t ibang epekto. Masusumpungan mong nakatutulong na magsama ng isang mabuting kaibigan na maaasahan mong magbibigay ng isang tapat na opinyon.
Kung masumpungan mong lubhang nakaaabala ang mga salamin sa mata, isaalang-alang ang mga contact lens. Ang mga ito ay maaaring maginhawang ginagamit maghapon ng maraming tao.