Karera ng Bisikleta—Ang Mabubuti at Masasamang Panahon Nito
Karera ng Bisikleta—Ang Mabubuti at Masasamang Panahon Nito
NAGPUPUNYAGI, humihingal, nagpepedal, gayunma’y hindi talaga nakadarama ng pagod, tiyak ko na ito ay sulit. Pagkatapos ng 25-kilometrong pag-akyat, sa taluktok ng Great Saint Bernard Pass, sa pagitan ng Switzerland at Italya, ako ang nangunguna. Ang coach ko ay sumenyas sa akin mula sa kotse niya na ako ay ilang minutong nangunguna sa iba pa. Nakikini-kinita ko na ang aking sarili na nagwawagi ng distansiyang iyon at ang pagsusuot pa nga ng yellow jersey bilang lider.
Sa harap ng mga motorsiklo at mga kotse, mabilis akong nagpatakbo pababa sa kabilang panig nang walang-ingat. Kalahatian pababa, napakabilis kong tinakbo ang isa sa mga kurbadang daan. Ang gulong sa hulihan ng aking bisikleta ay dumulas patabi, at ako’y tumilapon sa daan. Masakit na tinapos ko ang distansiya, ngunit hindi ko na matatanggap ang yellow jersey at ang kaluwalhatian. Hindi ako nanalo sa 1966 Tour de l’Avenir.
Kung Paano Sumidhi ang Pagkahumaling Ko
Ako’y ipinanganak sa Brittany noong katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa kanlurang bahagi ng Pransiya ang pagbibisikleta ay napakapopular, at ang rehiyon ay nakagawa ng maraming kampeon. Bilang isang bata ay dati akong nanonood ng lokal na mga karera at hindi ko kailanman kinaligtaang panoorin ang Tour de France sa telebisyon. Sa pagkakita sa mga siklista na nagpapagal sa makapigil-hiningang mga daan sa bundok at pagbubulid sa pinakamatatarik na dalisdis, inaakala kong sila ay parang mga diyos.
Sa gulang na 17, nagpasiya akong subukin ito. Sa tulong ng isang dealer ng bisikleta, bumili ako ng aking kauna-unahang segunda manong bisikletang pangkarera. Punô ang programa ko: nagsasanay tuwing Linggo ng umaga at bago at pagkatapos ng trabaho sa loob ng sanlinggo. Pagkalipas lamang ng dalawang buwan, ang dibdib ko ay kumakabog, ako’y ipinuwesto sa simula ng aking unang karera. Nanalo sana ako kung ang grupo ng mga siklista ay hindi nakahabol sa akin 10 metro na lamang bago ang finish line! Sa iba pang karera ng taóng iyon, ako ay kabilang sa unang 15 na nakatapos sa lahat halos ng mga karerang sinalihan ko.
Ang aking panahon ng karera noong 1962 ay sandali lamang. Pagkatapos ng tatlong buwan ng paligsahan at ilang tagumpay, ako’y ipinatawag para sa 18 buwan na paglilingkod sa militar sa Algeria. Pagbalik ko sa Pransiya, ginugol ko ang 1965 sa pagsasanay na muli sa pagbibisikleta. Subalit nang sumunod na panahon ng karera, talagang desidido akong maranasan ang kagalakan na minsan pang tumanggap ng pumpon ng bulaklak na ibinibigay sa nanalo.
Mula noong Marso 1966 patuloy, ito ay sunud-sunod na tagumpay. Tuwing ako’y mananalo ng una o ikalawang gantimpala sa karera, ako ay nagtatamo ng mga punto na sa dakong huli ay magpapasulong sa akin sa isang mas mataas na kategorya, kung saan ang paligsahan ay mas mahirap. Gayunman, nang panahong iyon, ako’y nagtatrabaho na kasama ng tatay ko na nagbubuli at nagliliha ng mga sahig na kahoy. Ang trabaho ay nakapapagod at hinadlangan ako sa pag-uukol ng maraming panahon sa pagbibisikleta gaya ng gusto ko. Kaya nang marating ko ang bilang ng punto na kinakailangan upang manatili sa aking kategorya, binigyang-kasiyahan ko ang aking sarili sa pamamagitan ng bonus na pera na kinita ko noong panahon ng natitirang mga karera, subalit hinahayaan ko ang aking sarili na matalo ako ng iba upang huwag akong mapunta sa isang kategorya.
Mabilis na Pagsulong
Dahil sa aking mga panalo, tatlong koponan ang nag-alok sa akin ng mga kontrata sa karera ng bisikleta. Tumanggi
ako upang huwag kong iwan ang aking ama. Gayunman, hinikayat ng pinakamapilit na coach ang aking ama na pagkalooban ako ng isang linggong bakasyon upang lumahok sa paligsahan sa isang mahirap na karera sa tagaytay ng bundok ng Pyrenees sa kahabaan ng Pranses-Kastilang hangganan. Ako’y pumangalawa, kaya kami’y nagpatuloy sa Espanya, kung saan ako’y nanalo sa Tour of Catalonia para sa mga amatyur. Pagkaraan ng ilang araw, ako’y lumahok sa paligsahan ng Tour of the Balearic Islands, nagwagi ako sa unang distansiya, at nagsuot ng jersey ng lider, upang maiwala lamang ito sa huling araw ng maikling distansiya dahil umalis ang aking koponan.Pagkatapos ay dumating ang Route de France sa rehiyon ng Nice. Ako’y nanguna sa maraming distansiya at napanalunan ko ang tropeo para sa pinakamagaling na hill specialist. Dahil sa mabubuting resultang iyon, ako’y napiling isa sa nangungunang sampung siklista at naanyayahang katawanin ang Pransiya sa Tour de l’Avenir, isang amatyur na bersiyon ng Tour de France.
Sa loob ng dalawang buwan na iyon, ang tanging balita na natanggap ng aking pamilya ay galing sa mga pahina ng isports ng mga pahayagan. Naiisip ang tatay ko at ang bagay na ako’y binigyan niya lamang ng isang linggong bakasyon, tinanggihan ko ang alok at ako’y umuwi ng bahay. Subalit kinumbinsi ng aking coach at ng isang peryudistang sumusulat tungkol sa isports ang tatay ko na ako ay isa sa pag-asa ng Pransiya na mananalo sa karera ng bisikleta kaya pinayagan niya akong umalis. Akala ko ako’y nananaginip! Mga ilang buwan lamang bago nito, ako ay isang amatyur sa ikatlo o ikaapat na kategorya, at narito ako ngayon ay napili para sa pinakamahalagang amatyur na karera ng bisikleta sa daigdig! Gaya ng nabanggit ko sa simula, isang pagbagsak ang sumira ng mga tsansa ko sa Tour na iyon ng 1966.
Noong 1967, ako’y nanalo ng humigit-kumulang sampung paligsahan sa karera ng bisikleta, lumahok ako sa paligsahan sa Paris-Nice, at pumang-apat ako sa Tour du Morbihan, sa
Brittany. Noong 1968, sa gulang na 24, pinirmahan ko ang aking unang propesyonal na kontrata, kasama sa koponan ng siklistang Olandes na si Jan Janssen. Lumahok kami sa paligsahan sa Tour de France, at si Jan ang nanalo nang taóng iyon. Samantala, pagkatapos ng isang time trial sa Rennes, Brittany, nakilala ko si Danielle, na pumaroon upang saksihan ang kaniyang kauna-unahang karera ng bisikleta. Hindi ito ang kaniyang huling karera ng bisikleta, sapagkat kami’y nagpakasal nang sumunod na taon.Gustung-gusto ko ang mga araw na iyon—ang pagtutulungan ng koponan, ang buhay ng lagalag, ang makita ang bagong mga bayan at tanawin araw-araw! Hindi ako kumita ng maraming pera, ngunit hindi mahalaga iyan sapagkat ang kasiyahan ng karera ay lubhang kasiya-siya. Mahusay ang nagawa ko sa iba’t ibang panimulang paligsahan at inaasahan kong mapanalunan ang isa sa malalaking karera. Gayunman, natalos ko na isang napakalaking agwat ang naghihiwalay sa amatyur at propesyonal na mga siklista.
Ang Dakilang mga Kampeon . . . at ang mga Iba Pa
Noong panahon ng karera ng 1969, sumama ako sa koponan ng kilalang siklistang Pranses na si Raymond Poulidor. Lumahok ako sa kinaugalian nang mga karera ng bisikleta na tumatagal ng isang-araw—ang Paris-Roubaix at ang Flèche Wallonne, sa Belgium. Nakipagsabayan ako sa pinakamagagaling na siklista sa mga daan sa bundok, natatapos nang kainaman sa ilang distansiya. Gayunman, higit sa anumang bagay, nasisiyahan ako sa pagwawagi ng lokal na mga karera sa Brittany sa harap ng maraming manonoód na kinagigiliwan ko.
Subalit kabaligtaran ng mga inaasahan ko, tulad ng maraming ibang karera ng bisikleta ako ay hindi pinagkalooban ng pisikal na mga kakayahan ng isang dakilang kampeon. Sa isang mahirap na distansiya ng Tour of Spain, kailangan kong umalis sa karera dahil sa niyebe at ulan. Natanto ko roon na ang dakilang mga kampeon ay may higit pang kakayahan, ang isang natatanging bagay na nagpapangyari sa kanila na matiis kapuwa ang nakapapasong init at ang nagyeyelong lamig. Halimbawa, hindi ako kauri ni Eddy Merckx, ang kampeon ng Belgium na nanguna sa pagbibisikleta noong panahong iyon. Maliwanag na nadaig niya ang lahat ng iba pa sa amin. Sa katunayan, lagi akong nasa hulihan niya noong panahon ng mga karera na sinalihan niya.
Pagkakaisa ng mga Siklista
Ang pagkakaisa ay umiral kahit sa gitna ng naglalabang mga koponan. Personal kong naranasan ito noong isa sa pinakamahirap na distansiya ng 1969 Tour de France. Noong nakaraang gabi, dumating kami sa aming otel na patáng-patâ pagkatapos ng sunud-sunod na mahihirap na distansiya sa bundok. Ang alarmang relo ay tumunog noong alas siyete kinabukasan. Gaya ng dati, saganang almusal ang naghihintay sa amin tatlong oras bago ang karera.
Sa simula, may halos 150 kami, ang lahat ay nagkukuwento ng kaniyang mabubuti at masasamang panahon noong nakalipas na ilang araw, bagaman nag-iingat na huwag sabihin ang estratehiya ng koponan para sa karera sa unahan. Ito ay magiging isang nakapapagod na araw. Ang distansiyang ito ay mula sa Chamonix, sa paanan ng Bundok Blanc, patungong Briançon, 220 kilometro ng mga daang alpino at tatlong pangunahing mga daan na tatawirin.
Mula sa simula, ang bilis ng takbo ay napakabilis. Pag-akyat ko sa 1,984 metrong Madeleine Pass, alam kong ito ay hindi magiging mabuting araw para sa akin. Umuulan noon, at habang kami ay tumataas, ang ulan ay naging niyebe. Sa taluktok, anim sa amin mula sa iba’t ibang koponan ay ilang minuto nang nahuhuli sa mga lider. Naninigas sa lamig, sinimulan namin ang pagbaba, ang aming mga daliri ay naninigas sa lamig anupat hindi namin magamit ang preno sa kamay kaya isinasadsad namin ang isang paa sa lupa upang tumulong sa paghinto. Sa ibaba, isang opisyal ang sumenyas mula sa kotse na ang aming huling pagdating ay tiyak na magpapaalis sa amin mula sa karera. Sirang-sira ang loob ko sa alaala na makita ang aking Tour de France na nagwawakas sa isang lugar na gustung-gusto ko, ang mga bundok.
Bagaman ang aming mga pagsisikap ay tila wala nang pag-asa, pinatibay-loob kami ng pinakamaraming karanasang siklista na huwag huminto. Pinasigla niya kami, inayos niya ang grupo, at iminungkahi na kami ay maghalinhinan sa pagbibisikleta sa harap ng grupo. Kami’y nagpatuloy. Nang dumating kami sa istasyon ng mga panustos ng pagkain, sarado na, at pinagsaluhan namin ang kaunting pagkaing natira.
Nang kami’y nasa nayon sa ibaba muli, ang mainit na panahon ay nagbigay sa amin ng panibagong lakas. Lumipas ang panahon, at nasa harapan namin ang dalawa pang malalaking hadlang ng araw na iyon—ang mga daan sa Telegraph at Galibier,
1,670 metro at 2,645 metro ang taas, ayon sa pagkakasunod. Sa pag-akyat, isang kataka-takang sorpresa ang naghihintay sa amin. Sa isang kurbada sa daan, sa mga manonoód, nakikita namin ang isang maraming-kulay na pulutong. Oo, naabutan namin ang iba pa. Nalampasan namin ang ilan na sumuko na at ang iba na wari bang hindi makakilos. Nakita ko ang isa sa kabataang pag-asa ng Belgium na naglalakad, pagod na pagod na itinutulak ang kaniyang bisikleta. Naabutan ko ang lider ng aking koponan at may kainamang natapos ko ang distansiya.Lahat ng ito ay nagturo sa akin ng isang mahalagang aral na hindi ko nalimutan kailanman: Hanggang hindi pa natatawid ang finish line, ang karera ay hindi pa natatapos o napananaluhan. Isa pa, hinding-hindi ko malilimutan ang espiritu ng pag-alalay sa isa’t isa na umiral, kahit sa gitna ng naglalabang koponan.
Unang Kabatiran sa Bibliya
Noong 1972, una kong narinig ang mensahe ng Bibliya. Isang siklistang nagngangalang Guy, na bago lamang nilisan ang propesyonal na karera, ang dumalaw at nagsalita tungkol sa kaniyang bagong pananampalataya. Sinabi ko sa kaniya na hindi ako interesado at na ang lahat ay naniniwala na ang kaniyang sariling relihiyon ang pinakamabuti. Ipinakita sa akin ni Guy ang ilang talata buhat sa Bibliya at sinagot ang mga pagtutol ko sa pagsasabing yamang sinasabi ng maraming relihiyon na ang kanilang mga paniwala ay galing sa Bibliya, madaling subukin ang kanilang mga paniwala kung ihahambing sa katotohanan ng Salita ng Diyos.
Narinig ko na ang tungkol sa Bibliya, subalit palibhasa’y hindi ako aktibong Katoliko, hindi ko iniisip na ang Bibliya ay may anumang kaugnayan sa aking relihiyon. At, inaakala ko na ang aming pag-uusap ay dumating sa tamang panahon sapagkat ang isa sa mga kamag-anak ng misis ko, isang misyonerong Katoliko, ay dadalaw, at maaari naming pag-usapan ang lahat ng ito na kasama siya.
Pinatotohanan ng kamag-anak ng misis ko na ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos. Gayunman, sinabi niya sa amin na kami ay mag-ingat sapagkat, ayon sa kaniya, ang mga Saksi ni Jehova ay mabubuting tao, subalit inililigaw nila ang iba. Nang makita kong muli si Guy, tinanong ko siya tungkol dito. Ipinaliwanag niya na salungat sa kung ano ang itinuro sa akin sa simbahan, ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao ay wala sa Bibliya. (Ezekiel 18:4) Tinanong din niya kung bakit hindi ginamit ng kamag-anak ng misis ko ang pangalan ng Diyos, na Jehova.—Awit 83:18.
Nagtaka ako na malaman na ang Diyos ay may pangalan. Nang ipakita namin ang mga talatang ito sa kamag-anak ng misis ko, sinabi niya na hindi dapat unawain ang Bibliya nang literal. Ang aming pakikipag-usap kay Guy ay hindi na nasundan, at si Guy ay nagbalik sa Paris, kung saan siya nagtatrabaho.
Si Guy ay nagbalik sa Brittany pagkalipas ng isang taon at dumalaw sa amin. Sinariwa niyang muli ang aming mga usapan sa pamamagitan ng pagpapakita sa amin na ang Bibliya ay isa ring makahulang aklat. Ito ay nagpasigla sa amin na masusing pag-aralan ito. Ang aming mga usapan ay naging mas palagian. Gayunman, si Guy ay kailangang maging napakatiyaga sa akin, yamang ang buhay ko ay umiikot pa rin sa pagbibisikleta at sa lahat na may kaugnayan dito—mga kaibigan, tagapagtaguyod, at iba pa. Gayundin, palibhasa’y mula sa Brittany, isang rehiyon na lubhang sumusunod sa relihiyosong mga tradisyon, ang aming mga pamilya ay salansang sa aming bagong interes sa Bibliya.
Noong 1974 ang aking karera bilang siklista ay biglang nagwakas dahil sa isang aksidente sa daan. Pinag-isip kami nito tungkol sa kung ano bang talaga ang mahalaga sa aming buhay. Kami ng misis ko ay nagpasiyang umalis sa aming bayan at sa impluwensiya ng aming mga pamilya. Magbuhat noon kami ay nagsimulang dumalo nang palagian sa mga pulong sa Kingdom Hall ng Kongregasyon ng Dinan. Kami kapuwa ay sumulong sa katotohanan, at kami’y nabautismuhan noong 1976.
Mula noon nagkaroon ako ng pagkakataon na magsalita tungkol sa Bibliya sa ilang siklista ng aking salinlahi. At, kapag ako’y nagbabahay-bahay, maraming tao ang nakakikilala sa akin at nasisiyahang ipakipag-usap sa akin ang tungkol sa aking karera sa karera ng bisikleta. Gayunman, ang ilan ay hindi kasinsigla kapag binabanggit ko ang tungkol sa mensahe ng Kaharian.
Sa ngayon, kapag nadarama ko ang pangangailangan para sa isang mabuting ehersisyo, ako’y nagbibisikleta na kasama ng aking pamilya. Sa mga sandaling ito, napahahalagahan ko ang katotohanan ng mga salita ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.—Gaya ng inilahad ni Jean Vidament.
[Kahon/Mapa sa pahina 16, 17]
Ang Tour de France
Ang pinakabantog na karera ng bisikleta sa daigdig, ang Tour de France ay nagsimula noong 1903. Saklaw nito mula 4,000 hanggang 4,800 kilometro at tumatagal ng halos tatlong linggo, ngayo’y natatapos sa Paris. Halos 200 propesyonal na mga kalahok ang nakikibahagi sa karerang ito, na nagdaraan sa buong lalawigan ng Pranses na may ilang sandaling pagpasok sa kalapit na mga bansa. Mga pulutong ng manonoód sa kahabaan ng ruta ang masayang sumisigaw sa mga siklista.
Sa bawat araw ang siklista na may pinakamaikling overall na oras ang nagsusuot ng yellow jersey. Ang overall na lider sa huling araw ang panalo.
Ang ilan sa pinakamaiikling distansiya ay ang mga time trial, kung saan sisikapin ng mga indibiduwal o mga koponan na tapusin ang karera sa pinakamaikling panahon. Sa bahagi na time-trial ng koponan, dapat matapos ng isang itinakdang bilang ng mga siklista na kasama sa iisang koponan ang distansiya bilang isang grupo, nang sabay-sabay.
[Mapa]
Tour de France na karera ng bisikleta
Pransiya
ROUBAIX (simula)
PARIS
[Larawan sa pahina 16]
Noong 1968, sa gulang na 24, si Jean Vidament ay lumahok sa Tour de France
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mike Lichter/International Stock