Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaasahan Mo ba ang Iyong Budhi na Pumatnubay sa Iyo?

Maaasahan Mo ba ang Iyong Budhi na Pumatnubay sa Iyo?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Maaasahan Mo ba ang Iyong Budhi na Pumatnubay sa Iyo?

HABANG ikaw ay naglalakad sa isang abalang lansangan, nadaanan mo ang isang babaing elegante ang pananamit na walang kamalay-malay na nahulog ang isang bungkos ng pera. Nang ikaw ay yumuko upang damputin ito, nakita mo na siya ay mabilis na sumakay sa isang limousine. Ano ang gagawin mo? Tawagin siya o mabilis na ibulsa ang mga pera?

Ang sagot ay depende sa iyong budhi. Ano ang sasabihin nito sa iyo na gawin mo? Higit na mahalaga, maaasahan mo ba ang iyong budhi na ligtas na pumatnubay sa iyo?

Kung Ano Ito

Ang budhi ay inilarawan bilang isang likas na pagkadama ng kung ano ang tama o mali, matuwid o hindi matuwid, moral at imoral. Ipinaliliwanag ng Bibliya ang pagkilos ng budhi sa Roma 2:14, 15: “Sapagkat kung ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan sa katutubo ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ang siyang kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagtatanghal ng bagay na ang kautusan ay nasusulat sa kanilang mga puso, samantalang pinatototohanan ito ng kanilang budhi at, sa kanilang sariling mga pag-iisip, sila ay sinusumbatan na may kasalanan o kaya’y pinawawalang-kasalanan pa nga.” Kaya, ang iyong budhi ay dinisenyo upang masuri natin ang mga kalagayan, gumawa ng tamang mga pagpili, at hatulan ang iyong sarili ayon sa mga pagpiling ginawa mo. Subalit maaasahan mo ba ito?

Depende. Sa paano man, may sapat na katibayan upang patunayan na maaaring akayin ng nagkakamaling budhi ang isa sa maling paggawi. Ang bagay na pinahihintulutan ng budhi ang isang paggawi ay hindi garantiya na pinalalampas ng Diyos ang paggawing iyon. Halimbawa, bago siya naging isang Kristiyano, si Saulo ng Tarsus ay nanguna sa pag-usig sa mga Kristiyano. Sinang-ayunan at nakibahagi pa nga siya sa pakikipagsabwatan sa pagpatay sa Kristiyanong martir na si Esteban. Sa lahat ng ito, hindi siya hinatulan ng kaniyang budhi.​—Gawa 7:58, 59; Galacia 1:13, 14; 1 Timoteo 1:12-16.

Sa Alemanyang Nazi noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, sinabi ng maraming sundalong SS na sinusunod lamang nila ang mga utos nang kanilang pahirapan at patayin ang angaw-angaw sa mga piitang kampo ni Hitler. Pinayagan sila ng kanilang mga budhi na gawin iyon. Subalit ang paghatol ng daigdig​—at higit na mahalaga ang paghatol ng Diyos—​ay hindi pinalampas ang kanilang mga gawa. Matuwid lamang, sila ay hinatulan.

Bakit Hindi Ito Kumikilos Nang Wasto?

Bakit ang isang bagay na nilalang ng Diyos ay hindi kumikilos nang wasto? Ang Bibliya ay nagpapaliwanag. Dahil sa pagkahulog ng tao sa kasalanan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan, ang kasalanan ay sinasabing “nagpupuno bilang hari,” pinipilit ang mga tao na sundin ang mga naisin nito. (Roma 5:12; 6:12) Ang budhi ng tao, na dating sakdal, ay naging pilipit; ang puwersa ng kasalanan ay nakikipagpaligsahan dito ngayon. (Roma 7:18-20) Ito ang naglalagay ng alitan na pamilyar sa atin: “Kaya nga, nasumpungan ko ang isang batas na: kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin. . . . Nakikita ko ang ibang batas sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa batas ng aking isip at dinadala akong bihag sa ilalim ng batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.”​—Roma 7:21-23.

Karagdagan pa sa minanang kahinaang ito, ang ating mga budhi ay apektado rin ng panlabas na mga pangganyak. Halimbawa, maliwanag na pinilipit o sinugpo ng panggigipit ng mga kasama ang mga budhi ng mga sundalong SS ng Nazi na nabanggit kanina. (Ihambing ang Kawikaan 29:25.) Isa pa, ang pagpapakain sa isip ng mga bagay na hindi mabuti, gaya ng imoralidad at karahasan sa TV at sa mga pelikula at mga aklat, ay may kahawig na epekto. Kung tayo ay regular na nalalantad sa gayong mga bagay, ang mga ito sa wakas ay para bang hindi na napakasama, at ang ating budhi ay manghihina. Sa ibang salita, “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”​—1 Corinto 15:33.

Kung ang isang tao ay sinanay na alamin at igalang ang mga kautusan ng Diyos, maliwanag na ang kaniyang budhi ay higit na maaasahang patnubay kaysa kung hindi niya ito sinanay. Gayunpaman, kahit na ang isang taong may pagkaunawa at matamang pagpapahalaga sa mga paraan ng Diyos ay maaari pa ring makasumpong kung minsan na dahil sa minanang kasalanan at di-kasakdalan, at marahil dahil sa panlabas na mga impluwensiya, ang kaniyang budhi ay hindi maaasahang patnubay.

Ano ang Magagawa Natin?

Maaari bang baguhin ang isang budhi, gawing mas sensitibo sa tamang mga simulain? Maaari. Si Pablo ay nagpayo sa mga Kristiyano na magagawa nila ito “sa pamamagitan ng kagagamit ay nasanay ang kanilang mga pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:11-14) Kalakip sa paggamit at pagsasanay na iyon ang pag-aaral ng Bibliya, pagbibigay ng pantanging pansin sa sakdal na halimbawa na iniwan sa atin ni Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21, 22) Samakatuwid, habang ginagamit natin ang ating pang-unawa sa pagpapasiya, tayo’y higit na ilalayo ng ating budhi sa maling mga kaisipan at kilos at itutulak tayo na gawin kung ano ang marangal at tama.

Magkagayon man, kailanman ay hindi tayo dapat maging matuwid-sa-sarili o sabihin na kung ang isang bagay “ay hindi bumabagabag sa aking budhi,” ayos lang. Ang wasto at ligtas na paggamit ng budhi sa di-sakdal na mga tao ay mailalarawan sa maingat na pagmamaneho ng isang maingat na tsuper. Kapag nais ng isang tsuper na lumipat ng linya, siya ay tumitingin muna sa kaniyang rearview na salamin. Kung nakikita niya ang isang kotse, alam niya na hindi ligtas na lumipat sa ibang linya. Gayunman, kahit na kung wala siyang nakikita, batid ng maingat na tsuper na may tiyak na mga blind spot​—hindi lahat ng bagay ay makikita sa lahat ng panahon sa pagdepende lamang sa salamin. Kaya nga, hindi siya basta tumitingin sa salamin. Lumilingon siya, tinitiyak na ang linya ay walang sasakyan bago siya lumipat. Totoo rin iyan sa budhi. Kung ito’y nagbababala sa iyo, pakinggan mo ito! Subalit kahit na kung ito ay hindi nagbababala sa simula, maging gaya ng matalinong motorista​—suriin pa upang matiyak na wala ngang panganib.

Suriin ang iyong pag-iisip upang alamin kung ito ay kasuwato ng pag-iisip ng Diyos. Gamitin ang kaniyang Salita na pinaka-sounding board upang suriin ang iyong budhi. Ang Kawikaan 3:5, 6 ay may katalinuhang nagsasabi: “Magtiwala ka kay Jehova ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

Kaya matalinong makinig sa iyong budhi. Subalit mas matalinong ihambing ang lahat ng ating ginagawa sa kalooban ng Diyos na isiniwalat sa kaniyang Salita. Saka lamang natin may katiyakang masasabi, “Kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi.”​—Hebreo 13:18; 2 Corinto 1:12.

[Larawan sa pahina 26]

“Conversion of St. Paul”

[Credit Line]

Guhit ni Caravaggio: Scala/Art Resource, N.Y.