Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masama bang Mangarap Nang Gising?

Masama bang Mangarap Nang Gising?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Masama bang Mangarap Nang Gising?

Ang kahuli-hulihang bagay na natatandaan mo ay ang tinig ng iyong guro na bubulung-bulong tungkol sa mga equation sa algebra, subalit wala ka na sa silid-aralan; ang iyong isip ay napadpad na sa dalampasigang pinasyalan ng inyong pamilya noong nakaraang tag-araw. Nadarama mo ang mainit na buhangin at ang mainit na araw. Naririnig mo ang tunog ng alon na sumasalpok sa tabing-dagat, ang ingay ng naglalarong mga bata, ang tunog . . . ng bumubungisngis na mga kaklase? Oo, ang iyong magandang paggugunamgunam ay naglaho at sa lugar nito ay nakatayo ang isang yamot na guro, nakapamaywang, na humihiling ng sagot sa tanong na hindi mo narinig.

PANGANGARAP nang gising​—napakapangkaraniwan nito sa lahat ng uri ng tao, bata’t matanda, anupat tinawag ito ng isang kilalang mananaliksik na “isa sa mahahalagang bahagi ng buhay ng tao.” Ang ilan ay naniniwala na hanggang sangkatlo ng oras na tayo’y gising ay ginugugol sa iba’t ibang anyo ng pangangarap nang gising. Hindi matiyak ng mga siyentipiko kung paano at bakit nagkakaroon ng mabilis lumipas na mga pag-iisip, ni sumasang-ayon man sila sa kung ano nga ba ang pangangarap nang gising. Binibigyan-kahulugan ng isang diksiyunaryo ang pangangarap nang gising bilang “isang magandang pangitain . . . na gawa ng imahinasyon o guniguni.” Gayunman, malawakang binibigyan-kahulugan ito ng maraming mananaliksik upang isama ang halos anumang uri ng guniguni samantalang gising o hindi kusang kaisipan​—ito man ay kaayaaya o hindi kaayaaya. Sa artikulong ito, gagamitin namin ang termino sa pinakamalawak na diwa nito, kasali hindi lamang ang hindi kusang mga paglipad ng guniguni kundi ang mas kusang mga guniguni.

Kung gayon, hindi lahat ng pangangarap nang gising ay pambihira, makulay na mga paglipad ng guniguni. Marami ay basta kaayaayang pagliliwaliw sa nakalipas. Sa isang artikulo sa magasing Parents, binanggit ni Dr. James Comer ang kaniya mismong karanasan na mga pangarap nang gising​—gaya kapag nagmamaneho pauwi ng bahay pagkatapos ng isang mahirap na araw sa opisina, ang kaniyang mga alaala ay maaaring bumalik sa paggunita ng kaniyang panalong shot sa isang laro ng basketball bilang isang tin-edyer. “Maaaring ito ay hindi isang mahalagang bagay na dapat pag-isipan, ngunit nakatutulong pa rin ito na bumuti ang pakiramdam ko,” sabi niya. Gayunman ginagamit ng iba ang pangangarap nang gising upang tulungang balangkasin ang kanilang kinabukasan. “Madalas akong mangarap nang gising tungkol sa pagiging isang kilalang internasyonal na musikero,” gunita ng isang lalaki na, oo, naging isang popular na musikero at kompositor ng jazz.

Gayunman, karamihan ng mga pangarap ay tila nakatuon sa ordinaryong pang-araw-araw na mga pangyayari​—paaralan, sosyal na mga pagtitipon, takdang-aralin. Kung minsan sadyang ginuguniguni ng mga tao ang gayong kaisipan upang wakasan ang pagkabagot sa isang walang kakuwenta-kuwentang lektyur sa paaralan o ang nakapapagod na gawain sa bahay. Ang ibang pangarap ay kusang dumarating. Ang isang salita, tunog, o isang larawan ay biglang nagpapagunita sa kanila ng ilan sa kasalukuyang pagkabahala, ilang nakalipas na katuwaan, o ilang maningning na tagumpay sa hinaharap, at ang kanilang isip ay nagsisimulang gumala. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sapagkat ang panaginip ay dumarating sa karamihan ng gawain.” (Eclesiastes 5:3) Oo, ang isa na abalang-abala sa personal na mga pagkabalisa at mga ambisyon ay maaaring matangay ng materyalistikong mga pangarap.

Gayunpaman, bagaman ang mapangarap na mga pag-iisip sa araw ay maaaring maging kasiya-siya, maaari rin itong makasagabal sa iyong pagtutuon ng isip sa mga pulong Kristiyano, sa paaralan, o sa trabaho. Ang ilang guniguni ay maaari pa ngang maging di-angkop​—o nakapipinsala. Kaya ang pangangarap ba nang gising ay isang ugali na kailangan mong ihinto?

Mapanganib sa Iyong Kalusugan ng Isip?

Noon, ang pangangarap nang gising ay hinahamak ng mga manggagawa sa kalusugang-pangkaisipan, doktor, at mga guro. Kaya isang binata ang sinabihan ng isang psychotherapist: “Kailangang tulungan ka naming ihinto ang iyong pangangarap nang gising.” Sang-ayon sa mananaliksik na si Dr. Eric Klinger, ang payong iyon ay karaniwan nang salig sa mga teoriya ng tinatawag na ama ng psychoanalysis, si Sigmund Freud, na itinuturing ang pangangarap nang gising na pambata at neurotiko. Kaya nga ganito ang sabi ng isang aklat-aralin sa sikolohiya: “Ang pangangarap nang gising ay kadalasang bunga ng kabiguan o kawalan ng interes sa kasalukuyang kapaligiran ng isa, at tiyak na ito’y isang pagtakas mula sa katotohanan.” Isang salinlahi ng mga guro at mga manggagawa sa kalusugang-pangkaisipan ay tinuruan na ang lahat ng pangangarap nang gising ay dapat sugpuin. Sinasabing ang labis na pangangarap nang gising ay maaari pa ngang magbunga ng schizophrenia.

Gayunman, ang mga teoriya ni Freud ay nagbigay-daan sa malawak na pananaliksik. Sa kaniyang aklat na Daydreaming, binabanggit ni Dr. Eric Klinger na kabilang sa ibang bagay, sinasabi ng mga nagsiyasat na:

Ang pangangarap nang gising ay isang karaniwan at normal na gawain.

Sa katamtaman, ang mga taong madalas na nangangarap nang gising ay maayos ang kaisipan kaysa roon sa hindi nangangarap nang gising.

Ang pangangarap nang gising ay hindi humahantong sa pagguniguni.

Ang pangangarap nang gising ay hindi humahantong sa schizophrenia. Ang mga may schizophrenia ay hindi mahilig mangarap nang gising kaysa kaninuman.

Mabungang Paggamit ng Iyong Imahinasyon

Hindi kataka-taka, kung gayon, hindi hinahatulan ng Bibliya ang mabuting paggamit ng imahinasyon o guniguni. Oo, ang kakayahan ng ating isip na maglarawan sa isipan at magguniguni ay katibayan na tayo ay, sa mga salita ng salmista, “kagila-gilalas na ginawa.” (Awit 139:14) Kung mabungang gagamitin, ang kakayahang ito ay maaaring maging isang mahalagang bagay sa atin. Ang mga Kristiyano ay sinabihang “ipako ang [kanilang] mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita.” (2 Corinto 4:18) Maaaring kasangkot dito ang paglalarawan sa isipan ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. Ang mga paglalarawan ng Bibliya tungkol sa pangglobong Paraisong ito ay gumaganyak sa ating imahinasyon tungkol sa bagay na ito!​—Isaias 35:5-7; 65:21-25; Apocalipsis 21:3, 4.

Ang iyong imahinasyon ay maaari ring mapatunayang kapaki-pakinabang kung ikaw ay may mahirap na atas na gagawin. Halimbawa, ang mga kabataang Saksi ni Jehova ay kadalasang inaatasang magbigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Bukod sa pagsasanay nang malakas, subuking ensayuhin ang iyong pahayag sa isipan. Ilarawan ang reaksiyon ng tagapakinig sa iyong impormasyon at pagbigkas. Ito ay maaaring tumulong sa iyo na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa iyong presentasyon at magbigay sa iyo ng higit na pagtitiwala.

Maaari mo ring ensayuhin sa isipan ang pangangasiwa sa mahihirap na mga kalagayan. Marahil ay natatanto mo na isang kapuwa Kristiyano ay may laban sa iyo, at nais mong ipakipag-usap ang problema. (Mateo 5:23, 24) Sa halip na lapitan ang taong iyon nang walang paghahanda, maaari mong ilarawan sa isipan ang eksena, ensayuhin ang iba’t ibang paglapit sa problema. Ito’y magiging kasuwato ng simulain sa Bibliya: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot.”​—Kawikaan 15:28.

May nakasakit ba ng iyong damdamin o nakagalit sa iyo? Pansinin ang payo na ibinibigay sa Awit 4:4: “Kayo’y magsipanginig, at huwag mangagkasala. Mangagbulaybulay kayo sa inyong puso, sa higaan, at kayo’y magsitahimik.” Ito’y hindi nangangahulugan ng walang katapusang pag-uulit-ulit ng nakasasakit na mga tagpo sa iyong isipan, ni nangangahulugan man ito ng pag-iisip kung paano berbal na tatalunin ang isa ng masasakit na sagot. Sapagkat, si Jesus ay nagbabala na “ang bawat patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay mananagot,” kung paanong “ang sinumang magsalita sa kaniyang kapatid ng di-nararapat na pananalitang kadustaan ay mananagot.” (Mateo 5:22) Subalit ang pag-eensayo sa isipan ng iyong mga mapagpipilian​—na maaaring kabilang dito ang basta pagpapatawad sa nagkasala—​ay maaaring tumulong sa iyo na lutasin ang mga bagay sa kaniya sa isang mahinahon, makatuwirang paraan.

Ang pangangarap nang gising ay maaari ring gumanap ng isang mahalagang bahagi sa paglutas ng mga problema. Sabi ni Dr. Klinger: “Ang mga guniguni sa ganang sarili ay isang paraan ng pagtuklas sa mapanlikhang mga lunas sa mga problema. Kung minsan ang mga taong nangangarap nang gising ay maaaring makasumpong ng mga lunas na hindi nila naiisip kung sinasadya nilang lutasin ang mga problema.”

May katibayan pa nga na ang pangangarap nang gising ay maaaring tumulong sa iyo na mapasulong ang paraan ng iyong paggawa ng pisikal na mga atas. Halimbawa, isang instruktor sa snow ski ang nagsasabi sa mga nag-aaral na bumuo ng larawan sa isipan ng isang dumarating na ski run, ginugunita ang kanilang mga sarili na ginagawa ang bawat kurbada at matarik na pagbaba sa landasin. Ang mga mananaliksik ay naniniwala na ang paggawa niyon ay aktuwal na nagpapasigla sa bahagi ng utak na kumukontrol sa mga kalamnan, pinasisigla ang utak para sa pagkilos. Mangyari pa, walang hahalili sa tunay na pagsasanay, subalit ang ensayo sa isipan ay maaaring tumulong sa iyo na pagbutihin ang iyong kakayahang maglaro ng isang instrumento sa musika o magmakinilya. “Sa maikli,” sabi ni Dr. James Comer, “ang pangangarap nang gising ay hindi pag-aaksaya ng panahon bagkus isang kinakailangang ginhawa upang tulungan tayong kumilos nang mas mahusay.”

Mga Panganib

Gayunpaman, “sa bawat bagay ay may kapanahunan.” (Eclesiastes 3:1) Bagaman maaaring mainam ang pangangarap nang gising kapag ikaw ay nagpapahingalay sa iyong silid, may mga pagkakataon na ang paggawa niyon ay hindi angkop o mapanganib pa nga. Ikaw ba ay nagmamaneho ng kotse? Kung gayon kailangan mong maging higit na alisto at mapagbantay sa panganib. Kumusta kung ikaw ay kumukuha ng isang pagsubok o nakikinig sa isang lektyur sa Bibliya? Kung gayon ikaw ay nangangailangang magkaroon ng “malinaw na pag-iisip.”​—2 Pedro 3:1.

Binabalaan din tayo ng Bibliya laban sa hindi kinakailangang pagtutuon ng isip sa negatibong mga kaisipan. Natural lamang na mabalisa nang kaunti kapag nakakaharap ang isang mahalagang pagsubok o isang panayam sa trabaho, ngunit wala kang gaanong nagagawa sa paglikha ng nakatatakot na mga larawan sa isipan ng pagkatalo o pagtanggi. (Ihambing ang Eclesiastes 11:4.) “Ang kabalisahan ng puso ng tao ay nagpapahukot,” babala ng Kawikaan 12:25. Pinayuhan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagapakinig: “Kaya’t huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas, sapagkat ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sapat na para sa bawat araw ang kaniyang sariling kasamaan.”​—Mateo 6:34.

Kapuna-puna, ang labis-labis o hindi angkop na pangangarap nang gising ay maaaring magharap ng iba pang panganib. Halimbawa, pinasisigla ng ilang kabataan ang seksuwal na mga guniguni. Nasusumpungan naman ng iba na ang pangangarap nang gising ay nakasasagabal sa kanilang pagtutuon ng isip. Ang aming susunod na artikulo sa seryeng ito ay magbibigay ng ilang mungkahi upang tulungan kang harapin ang mga problemang iyon.

[Mga larawan sa pahina 24]

Ang mga pag-eensayo sa isipan ay maaaring magpabuti sa aktuwal na paggawa ng isa